Alam niyo ba na napaka-exciting ang unang 24 oras ng buhay ng iyong sanggol? Bukod sa makikilala at mahawakan mo na ang iyong bagong panganak na sanggol, maraming mga bagay ang nangyayari “behind the scenes” na hindi madalas nakikita ng mga magulang.
Ating alamin kung ano ang nangyayari sa unang 24 ng mga bagong panganak na sanggol.
Unang 24 oras ng mga bagong panganak na sanggol
Sa unang 5 minuto ng iyong sanggol
Pagkapanganak ng iyong sanggol ay nililinis ng doktor ang kaniyang ilong at bibig upang matanggal ang amniotic fluid at mucus dito. Matapos nito ay magsisimula nang huminga ng mag-isa ang iyong anak.
Iipitin din ng mga doktor ang umbilical cord ng iyong anak, at kanila itong puputulin. Aalamin din nila ang kalusugan ng iyong sanggol base sa tinatawag na Apgar score. Ito ay sukatan mula 1 hanggang 10, at ang mga sanggol na 7 pataas ang score ay malusog. Tinitingnan ng mga doktor ang kulay ng kaniyang balat, pagtibok ng puso, paggalaw ng muscles at reflexes.
Kapag mas mababa sa 7 ang score, aalamin ng mga doktor ang dahilan kung bakit hindi sila malusog. Kadalasan naman ay hindi dapat mag-alala ang mga magulang dahil lalaki rin na normal at walang problema kahit mababa ang Apgar score.
Susukatin at titimbangin rin ng ang iyong sanggol, at pupunasan siya upang maging malinis.
Matapos nito, ilalagay sa baby warmer hangga’t kaya na niyang painitin ang kaniyang katawan.
Sa unang oras ng iyong sanggol
Madalas ay lalagyan ng antibiotic cream ang mata ng iyong sanggol upang makaiwas sa impeksyon. Binibigyan rin ang mga sanggol ng vitamin K injection upang tumibay ang blood clotting nila.
Sa unang oras din nagsisimulang magbreastfeed ang mga ina. Nirerekomenda ito ng mga doktor kahit na hindi mo planong magbreastfeed ng matagal. Ito ay dahil napakaraming nutrisyon na laman ng unang breastmilk ng ina, at kailangan ito ng iyong anak upang lumakas ang kaniyang katawan.
Sa ika-2 hanggang 3 oras ng iyong sanggol
Kapag tapos na ang mga tests kay baby, at kung wala namang nahanap na problema, puwede na kayong magsimulang magbonding.
Minsan ay dadaan ang nurse upang i-check kung kamusta si baby, at alamin ang kaniyang heartbeat at iba pang vitals. Ito ay para malaman nila kung maayos siya at kung nag-aadjust ba siya ng maganda sa unang araw ng buhay niya sa labas ng tiyan.
Para naman sa mga sanggol na premature, sila ay nasa nursery, kung saan binabantayan sila ng mabuti. Ito ay upang masiguradong ligtas ang sanggol at walang magiging problema sa kaniyang paglaki.
Sa ika-4 hanggang 22 oras ng iyong sanggol
Sa panahong ito ay tuturuan ka ng nurse na paliguan at alagaan ang iyong sanggol. Kasama na rin dito ang paglilinis kay baby kapag siya ay dumumi, at kung paano magpalit ng kaniyang diaper.
Ituturo din ng nurse kung paano buhatin at i-swaddle si baby, pati kung paano linisin at alagaan ang kaniyang umbilical cord stump para hindi magkaroon ng impeksyon.
Kung gusto mong i-breastfeed ang iyong sanggol, gagawin mo ito kada 2 hanggang 3 oras. Dadaan rin ang mga nurse upang i-check kung kamusta na ang kalagayan ninyong mag-ina at kung maayos si baby.
Sa ika-23 at 24 na oras ng iyong sanggol
Bibisitahin ng doktor ang iyong sanggol, at kaniyang aalamin ang kalusugan at kondisyon ng iyong sanggol. Dito rin isasagawa ang newborn screening, dahil mas dumadaloy na ang dugo sa katawan ng iyong sanggol, at makakakuha na ang mga doktor ng magandang resulta mula sa screening.
Inaalam din ng mga doktor kung may jaundice o paninilaw ang iyong bagong panganak na sanggol, o kung may mga infection.
Binibigyan din ng hearing test ang mga sanggol upang malaman kung maayos ang kaniyang pandinig. Titimbangin din si baby, at mapapansin mo na bumaba ang kaniyang timbang. Normal lang ito dahil inilabas niya ang extra fluid sa kaniyang katawan. Babalik rin ang kaniyang normal na timbang matapos ang ilang araw.
Matapos nito ay makakalabas na rin kayong mag-ina sa ospital, madalas sa loob ng 24 hanggang 48 na oras kung wala namang problema.
Huwag masyadong mabahala kung sa tingin mo ay hindi ka pa handa na maging magulang. Lahat ng magulang ay nagkaroon ng ganyang pakiramdam. Ang mahalaga ay masanay ka sa pag-aalaga ng iyong anak, at lubusin mo ang pagmamahal na ibibigay mo sa kanya.
Source: Parents
Basahin: #TipidTips: Paano maka-menos sa gastos sa first birthday ni baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!