11 dahilan kung bakit tinatawag na "Superfood" ang Malunggay

Alam niyo ba na maraming benepisyo ang malunggay na makakatulong sa kalusugan ng iyong pamilya? Ang malunggay ay talagang isang "super food!"

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mahilig ka bang kumain ng gulay? Isa ang malunggay sa kilalang pinaka-hitik sa benepisyo para sa katawan o kalusugan ng pamilya. Mayaman sa bitamina at sustansiya ang dahon ng malunggay (kilala rin sa tawag na moringa), lalo para sa mga bata, at pati na rin sa mga mommy. Alamin dito ang mga benepisyo ng malunggay.

Marami nang naglalagay nito sa kanilang pagkain, at maging sa mga gamot. Hindi pa gaanong kilala o sikat ang malunggay lalo na sa mga bansa sa Kanluran, pero sa Pilipinas, nagsimula nang kilalanin ng mga nutritionist, doktor at mga paaralan ang mga benepisyo ng malunggay. Itinuturing na nga itong “superfood” ngayon.

Ang malunggay o Moringa Oleifera ay isang tropical tree na karaniwang tumutubo sa  iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ito ay kilala rin sa mga tawag na Moringa, ben-oil tree, clarifier tree o drumstick tree sa America at mga bansa sa Kanluran, La Mu sa China, Shevaga sa Marathi at Sajina naman sa India.

Tinuturing itong miracle tree dahil  sa dami na nga ng nagagamot nito bilang sangkap sa mga herbal medicine, at naitutulong nito sa kalusugan ng mga bata at mga kababaihan, kapag isinahog sa ulam.

Ano ang benepisyo ng malunggay?

Kadalasan, makikita natin ang unang benepisyo ng malunggay, lalo na ng mga dahon nito, bilang pagkain. Sa mga gatang pagkain at maging sinabawan, hindi nawawala ang malunggay.

Pero, hindi lang dahon ng malunggay ang maraming benepisyo sa kalusugan. Halos lahat ng bahagi ng halaman at puno nito ay may benepisyo. Kaya tinagurian itong miracle tree.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Dagdag pa, ang moringa o malunggay ay malaking source ng protina, bitamina, at minerals. Pero, tandaan din na sa kabila ng mga benepisyong ito, ang mga taong may maintenance na gamot, ay dapat magpakonsulta muna sa doktor nila bago gamitin ang malunggay bilang herbal medicine.

Matagal ng ginagamit ang malunggay bilang panlunas o medisina. At dahil na rin ito sa kung ano ang mga benepisyo ng malunggay sa kalusugan at katawan ng tao. May taglay rin itong antifungal, antiviral, antidepressant, at anti-inflammatory na katangian.

Mga taglay na bitamina ng malunggay at benepisyo sa katawan ng tao

Nagtataglay ng mga bitamina ang malunggay, na sagot sa katanungan natin kung ano ang benepisyo ng malunggay. Narito ang mga naitala ng Medical News Today na mga benepisyo ng malunggay sa katawan ng tao:

  • vitamin A
  • vitamin B1 o thiamine
  • B2 o riboflavin
  • B3 o niacin at B-6
  • folate at vitamin C
  • calcium
  • potassium
  • magnesium
  • phosphorus
  • zinc

Dagdag pa rito, napakababa ng fats content ng malunggay at wala itong dulot na harmful cholesterol.

Mga benepisyo ng malunggay sa kalusugan

Narito ang ilang dahilan kung bakit tinatawag na superfood ang gulay na ito:

1. Nakapagpalakas ng katawan.

Dahil sa siksik ito sa vitamins at sustansiya, nakakapagpalakas ito ng katawan lalo na sa mga bata na kailangan ng source of energy.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Larawan mula sa Woman photo created by wayhomestudio – www.freepik.com

Mayroon itong taglay na protein na doble pa sa gatas, potassium na higit pa sa makukuha sa saging, vitamin A na higit pa kaysa sa carrots, at Vitamin C na pitong beses pang higit kaysa sa oranges.  Kaya naman nakakatulong itong magpatibay ng immune system at labanan ang mga common bacteria.

Mayaman din ito sa calcium, kaya nirerekomenda na kainin o higupin ang sabaw nito ng mga nanay na nagpapasuso ng kanilang sanggol, para mas maging hitik sa bitamina ang gatas ng ina.

2. Mayroon itong medicinal properties na nakakatulong sa paggamot ng diabetes, sakit ng ulo, at iba pa.

Mabisa itong nakakagamot sa sakit ng ulo, migraine, at iba pang sakit ng katawan. Napatunayan na rin ang malaking tulong ng malunggay sa pagpapababa ng blood sugar, kaya’t nakakatulong ito sa diabetes. Nilalabanan din nito ang intestinal worms o bulate sa mga bata, lagnat, at hika.

3. Nakakatulong sa metabolism.

Habang lumalaki, mabilis at aktibo ang metabolism ng mga bata. Pero kapag nagkasakit, nawawalan sila ng gana at humihina ang kakayahan ng katawan na tunawin ang pagkain para maging energy, kaya’t nakakatulong ang pagkain ng malunggay dahil sa taglay nitong sustansiya.

Mabisang pampagana at panunaw ang malunggay, dahil na rin sa taglay nitong fiber, kaya’t makakatulong sa pagbigat ng timbang at paglaki o pagtangkad, habang nakakatulong din sa anumang digestive problem tulad ng hyperacidity at ulcer.

Kung gusto namang mabawasan ang timbang lalo na pagkapanganak, malunggay rin ang dapat isahog sa kinakain dahil sa mayaman ito sa fiber. Ang mabilis na metabolism kasi ay makakatulong sa pagtunaw ng mga hindi kailangang fats o taba sa katawan.

Bukod pa rito, mayaman din ang gulay na ito sa amino acids na nagpapatibay ng cell development ng isang bata.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

4. Masisiguro ang kalusugan ng atay at kidney.

Mayroon din kasing detoxifying potential ang dahon ng malunggay kaya’t nakatutulong ito sa atay at kidney natin. Lalo na kung mahilig pang kumain ng mga pagkaing maalat at mga junk food, malunggay ang tumutulong na ma-detoxify ang ating katawan.

5. Mabisang panlaban sa impeksiyon.

Kilala rin ang dahong ito sa taglay nitong anti-inflammatory properties, lalo na kapag nasa powder form. Mabisang panlaban o panggamot sa ubo at sipon, at iba pang karaniwang impeksiyon sa sistema. Kabilang na rin ang pagpapahupa ng sakit at maga ng mga joints at tendons.

6. Protektado ang mga mata.

Palagi bang nakatutok at nakatitig sa electronic gadgets,  computer o TV ang inyong mga anak? Ito ang pangunahing nakakasira ng mga mata o paningin.

Mayaman ang malunggay sa vitamin A, kaya’t siguradong makakatulong ito sa kalusugan ng mga mata. Ang ginagawa ng iba ay pinapakuluan ang dahon at iniinom na parang tsaa.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

7. Nakakatulong sa paggaling ng mga sugat.

Likas ang kakulitan at kalikutan ng mga bata, kaya karaniwang nasusugatan o nagkakapasa ang mga ito. Subukang gumamit ng malunggay powder sa mga sugat, para mas madaling gumaling ito.

May mga nagtatapal din ng pinakuluang dahon nito sa mga sugat, pasa, rashes at iba pang skin irritation dahil epektibo rin itong gamot. Mayaman kasi sa vitamin A, C at E ang malunggay kaya’t nakakatulong ito sa kalusugan ng ating balat. Ito kasi ay may anti-bacterial at anti-fungal properties.

Mapapansin din ang kagandahan ng kutis kapag madalas kumakain nito. Ginagawa itong paste para ipahid sa balat. Di na kailangang gumastos si Mommy para sa mamahaling skin care products. Dikdikin lang hanggang maging paste o cream, at ihilamos sa mukha o ipahid sa katawan, lalo na sa mga tuhod at siko.

Babala: kung mayroong sugat na may nana o senyales ng matinding impeksyon, kumonsulta muna sa doktor bago ito pahiran o lagyan ng malunggay at iba pang halamang gamot.

8. Pati mood swings, napapawi o nababawasan dahil sa malunggay.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Larawan mula sa People photo created by drobotdean – www.freepik.com

Bata man o si Mommy na bagong panganak, minsan ay moody o paiba-iba ang nararamdamang emosyon. Ayon sa mga scientists, malaki ang natutulong ng pagkain ng malunggay para maibsan ang mood swings at anxiety ng isang tao.

9. Nakakapagpaganda ng buhok.

Mayaman ito sa mga bitamina at amino acids na nakakatulong sa pagkakaroon ng keratin, isang uri ng  protein na pangunahing bahagi ng pagkakaroon ng malusog at magandang buhok, at mabilis na paghaba at pagtubo nito. Dagdag pa rito ang mabisang panlaban nito sa pagkakaroon ng balakubak, lalo sa mga bata.

10. Mabisang antioxidant.

Antioxidants ang kailangan para labanan ang cancer.  Siksik sa antioxidants ang gulay na ito, kaya’t kung sasabayan pa ng healthy lifestyle at regular na ehersisyo, protektado rin tayo sa cancer.

11. Para sa mga mag-asawang nagpaplanong magkaanak, mabisa rin ito para sa reproductive health.

Ang dahon ng malunggay ay mayroon ding taglay na aphrodisiac properties para makatulong sa libido at pampagana sa pagtatalik. Nakakatulong din ito na maparami ang sperm count sa pangmatagalang panahon na pagkain nito.

Malunggay at ilan pang mga benepisyo sa katawan ng tao

Maliban sa mga pangunahing nabanggit na na mga benepisyo ng malunggay sa katawan ng tao at kalusugan, may iba pa itong magandang dulot.

Nagsisimula ang mga benepisyo ng malunggay sa katawan ng tao mula sa kalusugan at kagandahan, maging sa pagiging lunas at pang iwas sa iba’t ibang sakit.

Ito ang iba pang mga benepisyo ng malunggay sa katawan ng tao:

1. Proteksyon at nourishment ang malunggay sa balat at buhok natin.

Ginagamit ang moringa seed oil bilang pamahid sa buhok upang gawing proteksyon sa dumi at pagkasira nito. May hydrating at detoxifying elements din ang malunggay kaya maganda itong boost ng ating balat at buhok.

2. Lunas sa edema.

Ang edema ay isang kondisyon na nagdudulot ng sakit dahil sa pamumuo ng fluid sa partikular ng tissue sa katawan ng tao. May benepisyo ang malunggay sa katawan ng tao na anti-inflammatory. Maiiwasan nito ang tuluyang pamumuo ng edema.

3. Nakakatulong ito bilang proteksyon ng atay.

Napapabilis ng malunggay ang repair process ng ating atay. Ang damage sa atay ay dulot ng iba-ibang gamot at pagkain na masama sa liver.

4. Tulong din ito sa pag-iwas at lunas ng cancer.

Nagtataglay rin ang malunggay ng mga element na makakatulong sa pagpigil ng pag develop ng cancer sa katawan ng tao.

5. Isa rin nitong benepisyo ang pagpapatibay ng buto.

Ang taglay na phosphorus at calcium ng malunggay ay nakapagpapatibay ng mga buto.

Mga risk factor ng pagkain ng malunggay

Larawan mula sa Pexels

Subalit gaya ng ibang halamang gamot, mayroon pa ring katambal na risk o peligro ang pagkain ng malunggay sa ibang taong may karamdaman.

Ayon sa WebMD, may mga kemikal sa ugat, tangkay at maging sa bulaklak ng malunggay na nagdudulot para mag-contract ang uterus kaya naman hindi ito ligtas para sa mga buntis. Kaya kung ikaw ay buntis at nagpaplanong kumain ng malunggay o uminom ng malunggay capsules, kumonsulta muna sa iyong OB-gynecologist.

Gayundin, dahil nga nakakapagpababa ng blood sugar ang malunggay, kailangan ding mag-ingat ang mga taong may diabetes sa pagkonsumo nito. Kung ikaw ay may diabetes at may iniinom ka nang gamot pampababa ng iyong blood sugar, tanungin muna ang iyong doktor kung gaano karaming malunggay ang pwede mong ikonsumo, at kung pwede ka pang uminom ng malunggay capsules.

Sadyang “versatile” at napakaraming benepisyo ng malunggay. Ang sikreto lang ay ang matutong magluto ng may kasamang dahon nito, o malaman ang iba’t ibang paraan ng paggamit nito, dinikdik man, pinakuluan o ginawang powder o capsule form. Kaya isahog na ito sa mga sabaw na ihahain sa mga bata.

Isang babala: Kung gagamit ng powder form, siguruhing organic ito. Magtanong sa doktor bago uminom o magpainom ng anumang tableta o powder form ng malunggay na nabili sa iba, at hindi nanggaling sa sariling kusina o bakuran. Dahon, prutas at buto lamang ng malunggay ang ligtas kainin ng mga bata. Huwag magpapakain ng ugat nito.

Para sa mga recipe na pwedeng haluan ng malunggay, maaaring bisitahin ang link na ito.

 

Karagdagang ulat na isinulat ni Nathanielle Torre

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.