Ang mga bagong panganak na sanggol ay hindi naman laging flawless ang balat. Marami rin silang posibleng skin problems, tulad ng dry skin, pamamalat, o acne. Isa rin dito’y Mongolian blue spots, balat o birthmarks, na maaaring nakakabahala para sa mga magulang.
Ang balat o birthmarks ay pangkaraniwan naman. Pero minsan, nag-aalala ang mga magulang dahil rito. Lalo na kung kakaiba ang itsura at kulay nito
Ano ang birthmark ng baby?
Kahit pa ang dahilan ng birthmarks ay hindi pa rin natutukoy, karaniwan sa mga ito ay hindi mapanganib at hindi nangangailangan ng gamot. Nasa sa iyo pa rin ang desisyon at ang ilan sa mga birthmark ay maaari pa ring ipagbigay alam sa doktor, lalo na kung:
- Nasa gitnang bahagi ng likuran sa may spinal cord, dahil maaaring kaugnay ito ng komplikasyon o sakit sa spinal cord.
- Malaking mga birthmark sa mukha, ulo o leeg.
- Nakakagambala sa paggalaw. Halimbawa ay kung may birthmark o balat sa matang bahagi ng mukha na maaaring nakakaapekto sa paningin.
Ilan sa mga pangkaraniwang uri ng birthmarks:
1. Stork bites, angel kisses o salmon patches
Ito ay kulay pink o pulang maliliit na balat o birthmark ng baby na madalas na matatagpuan sa pagitan ng taas ng pilikmata at itaas ng bahagi ng labi at likurang bahagi ng leeg.
Ang bansag na “stork bite” ay nagmula sa mga balat sa likurang bahagi ng leeg na nagmula sa alamat na kinuha ng “stork” ang baby.
Birthmark ng baby. | Larawan mula sa iStock
Ang sanhi nito ay immature blood vessels at kadalasang lumilitaw kapag umiiyak ang sanggol. Maraming kaso nito ang nawawala sa paglipas ng panahon.
2. Strawberry Hemangioma
Ito ay kulay pula na may pamamaga at nakaumbok na bahagi ng balat. Mukha itong strawberry. Ang Hemangioma ay nabubuo dahil sa maliliit na immature blood vessels. Karaniwan sa mga ito ay makikita sa ulong bahagi ng katawan ng sanggol.
Maaaring hindi ito lumitaw kaagad pagkapanganak sa bata ngunit madalas na nakikita pagkatapos ng dalawang buwan. Ang Strawberry Hemangioma ay kadalasang makikita sa mga premature na sanggol na babae.
Birthmark ng baby. | Larawan mula sa iStock
Ang uri ng birthmark ng baby na lumalaki pagkatapos ng ilang buwan hanggang sa unti-unti ng mawala. Maaaring dumugo o ma impeksyon ngunit tuluyan ng nawawala kapag ang bata ay umabot na sa 9 taong gulang.
3. Port-Wine Stain
Ang port wine stain ay patag, kulay pula o lila na birthmark. Ang sanhi nito ay dilated blood vessels na tinatawag na capillaries.
Madalas itong makikita sa ulo at leeg na bahagi ng katawan ng sanggol. Maaaring maliit o malaki ang maging sakop nito sa katawan ng bata.
Ang port wine stains ay hindi nagbabago ang kulay kung pipindutin ng bahagya at hindi rin ito nawawala sa paglipas ng panahon.
Maaari pang mas umitim ang kulay nito at mas kumapal kapag tumanda na ang bata. Ang pagkakaroon ng port wine stains sa mukha ay maaaring iugnay sa mas delikadong mga sakit.
Maaaring gumamit ng make up o kolorete upang matakpan ang maliliit na port wine stains. Ang pinaka-epektibong paraan upang magamot ang port wine stains ay ang laser. Ito ay ginagawa lamang kung malaki na o nasa tamang edad na ang baby.
4. Congenital Moles
Larawan mula sa iStock
Ang pangkaraniwang mga moles na ito ay may laki na mababa sa 3 inches at nangyayari lamang sa isa mula isang daang sanggol (1 out of 100 babies).
Lumalaki ang sukat nito habang tumatanda ang baby. Ngunit kadalasan ay hindi naman nagdudulot ng problema. Sumangguni sa doktor upang mas masuri ng mabuti dahil maaari itong maging cancerous mole.
5. Congenital Dermal Melanocytosis o tinatawag na Mongolian Spots
Ito ay kulay asul na balat or birthmark na matatagpuan sa likuran o puwetang bahagi ng katawan ng baby. Ito ay kadalasang makikita sa mga maiitim na baby mula sa ibat ibang lahi.
Ang mga spots na ito ay dahilan ng konsentrasyon ng pigmented cells. Nawawala ito pagkatapos ng apat na taon ng pagkapanganak.
Ano nga ba ang Mongolian Blue Spots?
Larawan mula sa iStock
Isang uri ito ng pigmented birthmark (balat na may kulay). Tinatawag din itong congenital dermal melanocytosis. Ang Mongolian blue spots ay iba-iba ang laki, pero kadalasan ito ay maliit na sentimetro lamang. Hindi ito maumbok kung iyong hahawakan.
Kadalasang makikita ito sa lower back o puwetang bahagi ng katawan ng sanggol. Pero mayroong mga sanggol rin naman ang nagkakaroon ng mongolian blue spots sa braso at sa may binti.
Maaaring andyan na ang birthmark ng baby pagkapanganak pa lamang. Ngunit mayroong mga kaso rin naman na pagkaraan ng ilang araw pagkatapos ipanganak ay tsaka pa lamang lilitaw ang birthmark.
6. Ano ang sanhi ng Mongolian Blue Spots?
Habang nasa sinapupunan pa ang sanggol, ang mga cells na bumubuo ng kaniyang balat ay umaalsa.
Ayon sa mga eksperto, ang tinatawag na dermal melanocyte ay umaangat sa itaas na layer ng balat sa ika-11 o 14th week ng pagbubuntis. Kadalasan, nawawala ito sa ika-20 week ng pagbubuntis.
Ang mga hindi nawalang layer ng balat sa mga panahong iyon ay nagiging birthmark, o Mongolian blue spots. Dahil naiiwan sila sa itaas na bahagi ng balat, kaya’t nagiging bluish-gray na ang kulay nito.
Ang birthmark, madalas na makikita sa mga bata mula sa Asia, Middle East, African o mga bata sa Mediterranean descent. Nangyayari ito sa 75% ng mga bata mula sa ganitong lahi.
Bihira naman ito sa mga batang galing sa Europe. Maaari ito mangyari sa babae man o lalaki pero mas madalas daw ito sa mga batang lalaki, walang pananaliksik pa ang nagsabi ng dahilan kung bakit mas madalas magkaroon ng birthmark ang mga batang lalaki.
Larawan mula sa iStock
7. Dapat bang mabahala dahil sa Mongolian Blue Spots?
Para sa mga ibang magulang, maaaring nag-aalala sila kapag nakikita nila itong balat ng baby dahil mukha silang pasa o kung ano pa mang sintomas. Pero HUWAG MABAHALA, mga mommies at daddies, dahil hindi ito hudyat ng malubhang sakit tulad ng kanser o ano pa man.
Paminsan-minsan, maaaring mapagkamalan pa itong spinal condition na spina bifida occulta. Pero ayon sa Spina Bifid Association, ang mga markang ito ay namumula at hindi tulad ng bluish-gray na Mongolian blue spots.
Madalas, nawawala rin nang kusa ang Mongolian blue spots kapag five years old na ang bata. Para sa iba, maaaring matagalan pa, minsan kapag teengaer na sila. Minsan naman, ang Mongolian blue spots ay maaaring hudyat ng sakit sa metabolismo, pero bihira lamang ito.
Kumunsulta sa doktor kapag ang iyong baby ay magkaroon nito pagpanganak para makasigurong ito nga ang kondisyon nila. Para na rin malaman ang mga options kung magtagal man ang balat ng baby hanggang sa lumaki na siya.
Bakit kailangan kunan ng pictures ang balat ng baby?
Gaya ng nabanggit kanina, ang Mongolian blue spots ay maaaring mapagkamalang pasa o “spank marks.” Maaari itong mapagkamalang signs of abuse sa mga bata kaya mas mabuti nang makasiguro atkunan ito ng dokumento o litrato.
Itago ang mga larawang ito at ipakita kung kinakailangan para maiwasan ang misunderstandings. Maaari rin itong maging kapaki-pakinabang para ma-monitor mo ang anumang pagbabago sa balat ng iyong baby o birthmark ng baby.
Ipagbigay alam sa doktor kung magbago man ang kulay o itsura ng birthmark ng baby. Walang gamot o therapy para sa mga balat ng sanggol dahil kadalasan sa mga ito ay hindi delikado at nawawala ng kusa.
Ngunit ang mga malalaki at maraming spots na nanatili pagkatapos ng isang taon mula pagkapanganak ay maaaring maiugnay sa ibang sakit.
Lalo na kung may history ang pamilya sa ganitong uri ng sakit o ito ay genetic. Kung sasangguni sa doktor ay maaari siyang kumuha ng sample ng dugo at ipadala sa laboratory para sa mga tests.
Ang mga spots na nagbabago ang hugis at kulay ay maaaring idulot ng ibang sakit. Huwag mag atubiling lumapit sa doktor o sa dermatologist dahil sila ang may mas higit na kaalaman tungkol rito.
Isinalin sa wikang Filipino mula sa orihinal na Ingles ni Bianchi Mendoza.
Dagdag ulat mula kay Alyssa Wijangco
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!