Bukod sa mga mahihina ang immune system at mga bata, kahit sino ay maaaring magkaroon ng buni. Ang buni o in English, ringworm, ay isang karaniwang fungal infection. Ito ay dahil sa nakakahawang fungus na Tinea. Sa kabutihang palad, maraming mga maaaring gamitin na mabisang gamot sa buni ang makikita sa mga kabahayan.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang buni o ringworm?
Ang buni o ringworm sa Ingles ay kilala rin sa tawag na dermatophytosis, dermatophyte infection, o tinea. Isa itong fungal infection sa balat.
Ang buni ay maaaring makaapekto sa hayop at mga tao. Makikita ang impeksyon na ito kapag may tila red patches sa apektadong bahagi ng katawan na mayroon nito. Sa kalaunan maaari itong kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Maaari itong makaapekto sa anit, paa, kuko, singit, balbas, at iba pa.
Sintomas ng buni o ringworm
Ang sintomas ng buni o ringworm ay iba-iba, nakadepende kasi ito kung saan ka naapektuhan. Bilang isang skin infection maaari mong maranasan ang mga sumusunod:
- pula, makati, o scaly patches, o kaya naman nakaangat o tila may pantal sa isang bahagi ng balat o tinatawag din na plaques.
- Ang patches na ito ay maaaring mag-develop ng blisters o pustules.
- Maaari ding maging mas mapula pa ang gilid nito na may tila singsing.
- Ang pataches na mayroong edges ay mas defined at mas nakaangat na.
Kung nakakaranas ka naman nito sa iyong kuko, maaaring maging makapal at discolored ang iyong kuko at magsimula itong mag-crack. Ito ay tinatawag na dermatophytic onychomycosis, or tinea unguium.
Kapag sa anit naman ay apektado, maaaring ang buhok na apektado nito ay malagas, o makalbo, at magkakaroon din ng patches. Ang medical term para rito ay tinea capitis.
Gamot sa buni o ringworm
Para naman sa gamot sa ringworm o buni sa Filipino, maaaring magrekomenda ng medications ang doktor o kaya naman ay lifestyle changes bilang gamot sa buni.
Medications o gamot sa buni o ringworm sa balat
Maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot na nakadepende sa lala ng iyong ringworm infection o buni. Ang pagkakaroon ng jock itch, athlete’s foot, at ringworm sa katawan ay maaaring magamot ng mga topical medications. Katulad ng antifungal creams, ointments, gels, o kaya naman ay sprays.
Gamot sa buni sa kuko at anit
Para naman sa gamot sa ringworm sa anit at kuko, maaaring magreseta ang doktor ng mga oral medications katulad ng griseofulvin (Gris-PEG) or terbinafine.
Iba pang gamot sa buni
Mayroon din mga OTC o over-the-counter medication at antifungal skin creams na maaari ring gamitin para magamot ang ringworm o buni. Ang mga produktong ito ay maaaring mayroong sangkap na clotrimazole, miconazole, terbinafine, o iba pang related na sangkap.
Pagbabago sa lifesyle bilang gamot sa buni
Bukod sa pagkakaroon ng reseta mula sa doktor at mga over-the-counter medication. Maaari ring irekumenda ng iyong doktor ang mga sumusunod:
- Palagiang paglalaba ng bedsheet, punda, at mga damit kapag mayroong kang impeksyon na ito upang matulungan ma-disinfect ang kapaligiran.
- Pagpapatuyo sa bahagi ng katawan na apektado nito
- Pagsusuot ng maluwag na damit sa apektadong bahagi ng katawan.
Sino ba ang posibleng magkaroon ng buni?
Sino man ay pwedeng magkaroon ng buni, bata man o matanda, babae o lalaki. Pero mas mataas ang risk o posibilidad na magkaroon ng ringworm ang mga sumusunod:
- Nakatira sa maiinit o maalinsangang kapaligiran o klima
- Naglalaro ng contact sports tulad ng wrestling o football
- Gumagamit ng public showers o locker rooms.
- May close contact sa mga hayop
- Nagsusuot ng masisikip na sapatos o damit
- Mayroong diabetes
- Obese o overweight
- Matindi kung magpawis
- Mahina ang immune system
Nakakahawa ba ang buni o ringworm?
Halos lahat naman umano ay maaaring magkaroon ng buni. Subalit mas karaniwan ito sa mga bata o mga taong may mga alagang hayop katulad ng pusa at aso. Ang pusa at aso ay maaari rin kasing magkaroon ng buni o ringworm, at maaari nila itong maipasa sa mga tao kapag nahawakan nila ito.
Senyales na may buni ang inyong alagang hayop:
- Mayroong bahaging walang buhok at may patches sa katawan na pabilog
- May patches pero may kaunting buhok
- Tila may scaly patches
Kung palagay mo ay mayroong buni ang iyong alagang hayop magandang ipakonsulta agad siya sa isang vet. Sa ganitong paraan maiiwasan na mahawa kayo ng buni niya.
At sa tanong na nakakahawa ba ang ringworm o buni? Ang sagot ay OO! Mula man sa tao o sa hayop ang buni, parehong nakahahawa ito kaya dapat na maging maingat at ipagamot ang buni upang hindi kumalat.
Buni habang buntis
Hindi rin maiiwasan na magkaroon ng buni habang buntis. Kapag napansin mo na tila may buni ka habang buntis, magandang magpakonsulta agad sa inyong doktor at huwag mag-self medicate.
Maaari kasing masama pala ang gamot na iyong nilalagay para sa iyong baby sa loob ng iyong sinapupunan. Kadalasan, hindi nagbibigay ang mga doktor ng mga oral na gamot para sa buni. Sapagkat maaari itong magkaroon ng side effects kay baby.
11 home remedies na mabisang gamot sa buni o ringworm
Para naman sa mga home remedies na mabisang pang gamot sa buni, narito ang mga maaaring subukan:
Madalas ginagamit ang bawang sa paggamot ng isang impeksiyon. Kahit walang pag-aaral na naisagawa sa epekto nito sa buni, may mga ebidensyang epektibo ito sa ibang mga fungi.
Gumawa ng paste gamit ang dinikdik na bawang na hinaluan ng olive oil o coconut oil. Ipahid ito sa buni at ibalot ng gasa. Patagalin nang 2 oras bago hugasan. Upang maging epektibo ito, gawin nang 2 beses sa isang araw.
Ngunit, kung makaranas ng sakit, pamamaga, o pamumula, hugasan at huwag na muling subukan.
2. Sabon
Panatilihing malinis ang balat upang maiwasan ang pagkalat sa iba pang bahagi ng katawan. Hugasan ang apektadong bahagi ng sabon at maligamgam na tubig. Gawin ito mula isa hanggang dalawang beses sa isang araw. Matapos hugasan, punasan ang apektadong bahagi hanggang siguradong matuyo ito.
Ang apple cider vinegar ay isang sumisikat sa internet bilang remedy sa maraming sakit. Marami naring halimbawa ang nagpapakitang kaya nitong labanan ang Candida at iba pang fungal infection.
Magpahid sa buni ng bulak na basa ng apple cider vinegar. Gawin ito 3 beses sa isang araw upang maging epektibo.
Ngunit, ang apple cider vinegar ay acidic at maaaring makasakit sa balat. Dahil dito, hindi inirerekumenda ang pag-gamit ng purong apple cider vinegar sa mukha.
Ayon sa mga pagsusuri, ang aloe vera ay mayroong 6 na antiseptic agents. Ang mga ito ay mayroong mga bisa na antifungal, antibacterial at antiviral.
Maglagay ng gel mula sa halaman ng aloe vera at ilagay sa balat na may buni. Gawin ito nang tatlo hanggang apat na beses sa isang araw.
Makakatulong din ang nakakapagpalamig sa pakiramdam na katangian ng gel na ito. Napapalagay ng lamig na dulot ng aloe vera ang makati at namamagang balat.
Ang coconut oil ay mayroong iba’t ibang fatty acid. Ang ilan sa mga ito ay sumisira sa mga cell membrane ng fungal cells. Dahil dito, nagiging mabisa ang coconut oil bilang gamot sa buni. Ayon din sa ilang pagsusuri, ang coconut oil ay maaaring remedyo sa ilang mga banayad hanggang katamtaman na problema sa balat.
Maaari itong ipahid sa buni tatlong beses sa isang araw bilang gamot dito. Maaari din itong gamitin bilang moisturizing lotion upang maiwasan ang pagbalik ng buni.
6. Grapefruit seed extract
May ilang mga ebidensya ang nagsasabing ang grapefruit seed extract ay nakakapagpagaling ng fungal infection.
Para sa buni, maghalo ng isang patak ng grapefruit seed extract at isang kutsara ng tubig. Ipahid ito sa apektadong balat dalawang beses sa isang araw.
Ang luyang dilaw o turmeric ay maraming anti-inflammatory na katangian. Marami nang pag-aaral ang nagsasabi na ang parte nito na tinatawag na curcumin ay maraming antimicrobial na kakayahan.
Maaaring inumin ang luyang dilaw bilang tsaa o kaya naman ay ihalo sa mga pagkain. Maaari din ipahid sa apektadong bahagi ang paste na gawa sa hinalong luyang dilaw sa tubig o coconut oil. Hayaan itong matuyo bago punasan.
Paalala lamang na ang luyang dilaw ay maaaring mag-iwan ng pagka-dilaw sa balat. Ang epektong ito ay kusa ring nawawala matapos ang ilang araw.
8. Dinikdik na regalis
Ang regalis ay isa sa mga halaman na kadalasang ginagamit sa traditional chinese medicine. Mayroon itong katangian na antiviral, antimicrobial at anti-inflammatory. Maaari din itong gamitin bilang gamot sa buni at iba pang fungal infection.
Maglagay at haluin ang 3 kutsara ng dinikdik na regalis sa isang baso ng tubig. Pakuluan ito at kapag kumukulo na, bawasan ang init at patagalin pa nang 10 minuto. Magmumukha itong paste sa paglamig nito. Ipahid ang nagawang paste sa buni at patagalin nang 10 minuto bago punasan o hugasan. Gawin ito nang dalawang beses sa isang araw.
9. Tea tree oil
Marami na ang mga gumagamit ng tea tree oil bilang remedyo sa mga impeksiyon na dulot ng bacteria o fungi. Sa kasalukuyan, kilala ito bilang mabisang lunas sa buni.
Maghalo ng 12 patak ng tea tree essential oil at isang ounce ng cold-pressed carrier oil tulad ng coconut oil. Ipahid ito sa balat tatlong beses sa isang araw.
Para sa mga hindi sensitibo ang balat, maaaring ipahid ng direkta ang tea tree oil sa buni.
10. Langis ng oregano
Gawa ito sa wild oregano na may 2 malakas na antifungal – thymol at carvacol. Ayon sa ilang pagsusuri, ang langis ng oregano ay nakakapigil sa fungus na Candida albicans.
Tulad sa tea tree oil, ihalo ito sa carrier oil bago ipahid sa buni. Gamitin ito hanggang 3 beses sa isang araw.
Alalahanin na ang karamihan ng mga itinitinda ay gawa sa karaniwang oregano imbes na wild oregano.
11. Langis ng tanglad
Ang essential oil na gawa sa tanglad ay nakitaan na nakakalaban sa ilang uri ng fungus.
Ihalo sa carrier oil at ipahid sa buni gamit ang bulak. Gawin ito 2 beses sa isang araw.
Paano maiiwasan ang buni o ringworm?
Lahat man ay may posibilidad na magkaroon ng buni pero may mga paraan pa rin naman para maiwasan ang pagkakaroon nito o ng iba pang fungal infection.
Ilan sa mga paraang ito ay ang mga sumusunod:
- Panatalihing malinis at hindi basa ang inyong balat.
- Magsuot lagi ng malinis na damit kabilang na ang pagsusuot ng malinis na sapatos o tsinelas.
- Huwag na huwag suotin ulit ang mga maruruming damit.
- Pagkatapos makipaglaro sa mga alagang hayop ay laging maghugas ng kamay gamit ang mga sabon na antibacterial.
Siguraduhing malinis ang balat bago sumubok ng remedyo. Bago pa lagyan ang buni in English, ringworm, subukan muna ang mga ito sa ibang parte ng katawan para masigurado na walang magiging allergic reaction.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Kung ang mga sintomas ay hindi nawala sa loob ng 2 linggo, magpunta na sa doktor. Maaaring maresetahan ng mga topical lotion na may clotrimazole o terbinafine. Gagamitin ang mga ito dalawang beses sa isang araw. Maaari din maresetahan ng mas malakas na antifungal na gamot depende sa lala ng impeksiyon.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!