Nakakaramdam ka ba ng matinding pangangati sa iyong singit? Maaaring ang iyong nararanasan ang sintomas ng hadhad. Itigil ang pagkakamot, mommy. Sa halip, alamin kung ano ang mabisang gamot sa hadhad.
Huwag madyahe, mommy. Narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa kondisyong ito na bumabalot sa iyong balat.
Ano ang hadhad?
Ang tinea cruris o hadhad ay isang fungal infection sa balat. Tinatawag na jock itch ang hadhad in English.
Ang hadhad o jock itch in English ay kabilang sa grupo ng skin infections na tinatawag na Tinea. Sanhi ito ng isang mold-like fungi na kilala sa tawag na dermatophytes. Ang fungi na ito ay naninirahan sa balat, at maging sa buhok o kuko ng isang tao.
Hindi naman malubha o delikado ang pagkakaroon ng ganitong fungi, subalit mabilis itong kumalat at maaring magdulot ng impeksyon lalo na kapag nabuhay sa mainit at basang bahagi ng katawan. Kaya kadalasan, makikita ito sa iyong balat sa bahagi ng iyong singit o puwet.
Bagamat mas karaniwan ito sa kalalakihan, maaari ring magkaroon ng hadhad ang mga babae. Nagdudulot ang impeksyon ng rashes sa balat na napakakati at maaring maging mahapdi ang pakiramdam. Pwede rin itong mamula at magsugat na parang mga kaliskis.
Nakakairita kapag mayroon kang hadhad sa hita o saanmang bahagi ng balat, pero kadalasan ito ay isang uri ng mild infection. Ang paglalagay ng gamot sa hadhad sa balat ay makakatulong para mabawasan ang mga sintomas at maiwasan ang pagkalat nito.
Mga posibleng sanhi ng hadhad
Larawan mula sa iStock
Ang hadhad ay nagmumula sa fungi na tinatawag na dermatophytes. Nabubuhay ang fungi na ito sa balat nang walang problema, subalit kung madalas na basa ang iyong balat, maaaring dumami ang dermatophytes at magdulot ng impeksyon – ito ang hadhad.
Isa sa mga pangunahing sanhi ng hadhad ay kung pawis ka at hindi kaagad nagpapalit ng damit, lalo na ng iyong pang-ibaba.
Gayundin, mabilis itong makahawa. Maaari mong makuha ang impeksyon sa pamamagitan ng close personal contact sa isang taong may hadhad, o kaya nahawakan mo ang maruming damit ng isang taong may hadhad.
Kaya naman mariing ipinapayo na huwag manghihiram ng mga personal na gamit ng iba gaya ng underwear at tuwalya.
Bagama’t ginagamit ang term na “jock itch,” hindi ibig-sabihin na mga atleta lang ang maaaring magkaroon nito. Puwede ring magkaroon ng hadhad ang mga babae at bata, lalo na kung lagi silang pinagpapawisan. Maaaring tumubo ang hadhad sa hita, singit, at sa iba pang bahagi ng balat.
Mas mataas ang posibilidad ng hadhad sa mga matataba, dahil maaaring mabuhay at kumalat ang fungus sa folds ng balat, na madalas ay pinagpapawisan.
Maaari ring magkaroon ng hadhad kapag lagi kang nagsusuot ng masisikip na damit, dahil sa moisture o friction na nangyayari sa iyong balat. Puwede rin itong makuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Ayon sa Healthline, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng hadhad ng mga sumusunod:
- mga taong may autoimmune conditions
- taong mayroon nang fungal infections sa katawan, gaya ng athlete’s foot
- mga taong may sakit na diabetes
Mga sintomas ng hadhad
Ayon sa Healthline, narito ang mga karaniwang senyales na mayroong hadhad ang isang tao:
- pamumula ng bahagi ng balat
- matindi at hindi nawawalang pangangati
- mahapdi ang bahaging iyon ng balat
- pagbabakbak at pagbabalat ng balat
- maliliit na butlig o pantal (rashes) na tumitindi sa pisikal na gawain o ehersisyo.
- pag-iiba ng kulay sa bahaging iyon ng balat
- rashes na hindi bumubuti at lalong kumakalat kapag nilagyan ng over-the-counter hydrocortisone (anti-itch) cream
Kadalasan, ang bahagi ng singit ang naaapektuhan ng fungi na nagsasanhi ng hadhad. Subalit kung hindi ito maaagapan, maaari itong kumalat sa iyong tiyan at puwet.
Pwede ring umabot ang fungi sa iyong paa at magsanhi ng athlete’s foot, o kaya naman ringworm kung kumalat ito sa iyong kamay.
Habang naninirahan ang fungi sa iyong balat, maaari kang makahawa ng hadhad. Puwede pa itong mapunta sa mga bagay gaya ng mga tuwalya, unan at bed sheets. Kayang mamuhay ng fungi sa mga bagay na ito nang mahigit isang taon kapag hindi nalabhan.
Mahirap din matukoy kung nakakahawa pa ang iyong hadhad. Subalit, kapag nagsimula ka nang gamutin ang mga sintomas nito, magsisimula na ring bumaba ang posibilidad na makahawa. Kapag nagsimula ka nang maglagay ng gamot sa hadhad, mawawala ang mga sintomas sa loob ng 2 linggo.
Matutukoy ng isang dermatologist kung mayroon kang hadhad sa pamamagitan ng pagsuri sa bahagi ng iyong katawan na mayroong pangangati.
Puwede rin siyang kumuha ng sample mula sa iyong balat para makita kung mayroong presensya ng fungus. Huwag mag-alala dahil hindi naman ito masakit.
Larawan mula sa Freepik
Remedy hadhad sa singit at iba pang bahagi ng balat
Madalas na tumutubo ang hadhad sa singit pero maaari rin itong tumubo sa iba pang bahagi ng balat na madalas pawisin. Ano nga ba ang remedy sa hadhad sa singit at iba pang bahagi ng balat?
Kadalasan, maaari namang gamutin ang hadhad sa bahay. Maaaring magpahid ng over-the-counter anti-fungal cream, powder o spray sa bahagi na may hadhad.
Ugaliin ding hugasan nang maigi ang bahaging ito ng balat. Gumamit ng sabon at maligamgam na tubig kapag hinuhugasan ito, at tuyuin nang maigi pagkatapos.
Tandaan din na magpalit agad ng damit at gumamit ng mga damit at underwear na hindi masikip para hindi na lumala ang mga sintomas ng hadhad.
Kapag hindi pa bumuti ang lagay ng iyong balat matapos ang dalawang linggo, kumonsulta sa iyong doktor para masuri nang mas maigi. Maaaring nagkaroon na ito ng secondary infection na kailangan ng agarang lunas.
Gamot sa hadhad sa singit, puwet at hita
Kung hindi uubra ang mga nabanggit na hakbang na maaaring gawin sa bahay. May tinatawag namang prescribed treatments para sa hadhad. Magpakonsulta sa doktor para malaman kung ano ang angkop na gaot sa hadhad sa singit, puwet, at hita.
Sa mga mas matinding kaso ng hadhad, maaaring magreseta ang doktor ng mga topical o ipinapahid na medications gaya ng econazole o oxiconazole, o oral medications o iniinom na gamot gaya ng itraconazole o fluconazole.
Isang paalala sa mga iniinom na gamot sa hadhad – maaari itong magdulot ng mga side effects gaya ng pananakit ng ulo o tiyan. Ipagbigay-alam agad sa iyong doktor kapag nakaranas ka nito.
Bukod sa mga nabanggit na gamot sa hadhad, maaari ring makagamot ng hadhad ang rubbing alchohol. Mapipigilan nito ang mas dumami pa ang fungal growth at kumalat sa balat.
Kaya lamang, nakatutuyo ng balat ang rubbing alcohol at maaaring magdulot ng mas matinding iritasyon. Kaya naman mahalaga pa rin na gumamit ng anti-fungal medicine.
Paano maiiwasan ang hadhad?
Ang pagiging malinis at maingat sa katawan ang pinakamabisang proteksyon at gamot sa hadhad laban sa hadhad at anumang fungal infection.
Protektahan ang buong pamilya sa hadhad. Narito ang ilan sa mga paalala na makakatulong para maiwasan ito.
- Ugaliing maligo at magpalit ng damit kapag pinagpawisan o pagkatapos mag-exercise.
- Gumamit ng sabon at tubig kapag naliligo at sabunin ng maigi ang iyong katawan. Tuyuin din ito bago magbihis.
- Iwasang magsuot ng masisikip na damit, lalo na underwear.
- Sa mga damit, pumili ng tela na makakahinga ang balat, gaya ng cotton.
- Iwasang gumamit o magpahiram ng mga personal na bagay gaya ng tuwalya, damit o mga bagay na ginagamit sa pag-eehersisyo.
- Linisin ang mga bagay na ginagamit sa pag-e-exercise para maiwasan ang hawaan ng fungi.
- Kung may hadhad, magsuot muna ng medyas bago magsuot ng underwear para maiwasan ang pagkakaroon ng athlete’s foot.
- Ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos maglagay ng gamot sa hadhad.
- Magsuot ng tsinelas kapag nasa mga lugar na basa katulad ng banyo, sauna o swimming pool areas.
Panatiliing malinis ang katawan at ang buong tahanan para maiwasan ang mga nakakairitang sakit sa balat gaya ng hadhad. Huwag din mahiyang magtanong sa doktor kung nakakapansin ng sintomas nito para maagapan at hindi na makahawa.
Ano ang gamot sa hadhad? | Larawan mula sa Freepik
Ano ang pagkakaiba ng alipunga, hadhad, buni?
Ang alipunga, hadhad, at buni ay pare-parehong dulot ng fungi sa balat. Kapag sa paa namahay ang fungi, tinatawag na alipunga ang rash na tumutubo rito.
Hadhad naman ang tawag sa kapag tumubo ang fungi sa hita, puwet at singit. Samantala, buni naman ang tawag kapag tumubo ito sa iba pang bahagi ng balat ng tao.
Maaaring magkaroon ng alipunga ang isa o parehong paa. Ang karaniwang sintomas nito ay ang makaliskis na balat na namamalat at nabibiyak.
Makararanas din ng pangangati sa bahagi ng balat na apektado ng alipunga. Kadalasang mas matindi ang pangangati kapag kahuhubad lang ng sapatos at medyas.
Bukod pa rito, maaari ring makaranas ng pamamaga at pamumula ng balat sa bahagi ng paa. Mahapdi ang alipunga at madalas na nagdudulot ng sugat-sugat sa paa.
Nakakahawa ang alipunga tulad ng hadhad. Kumakalat ito sa contaminated na sahig, tuwalya, damit, medyas, at sapatos. Puwede naman itong magamit gamit din ang antifungal medications.
Kadalasang nabalik din ang alipunga matapos gumaling, kaya mahalagang panatilihing malinis at tuyo ang mga paa.
Sintomas ng buni
Ring-shaped rash ang pinakamalinaw na sintomas ng buni. Pabilog at magaspang na rashes sa balat. Makadarama ng pangangati sa bahagi ng balat na apektado at puwede ring magdulot ng cracked skin. Bukod pa rito, natatanggal din ang balahibo o nakakalbo ang bahagi ng balat na may buni at may pamumula.
Ang hadhad, buni, at alipunga ay nakahahawa at nananatili sa mga surfaces at mga gamit sa bahay. Kaya naman mahalaga ring mag-disinfect sa bahay kung sakaling mayroong may hadhad, alipunga, o buni sa inyong pamilya.
Gumamit ng disinfectant sprays tulad ng Lysol o ng bleach na nakamamamatay ng fungi. Labahan nang maayos ang mga damit, kumot, sapin sa higaan, at mga tuwalya. Maaaring gumamit ng mainit na tubig at detergent sa paglalaba ng mga ito.
Tandaan
- Kung mayroong fungal infections ang iyong anak, huwag gagamit ng anti-itch creams na mayroong corticosteroids. Pinahihina kasi nito ang defenses ng balat at mas lalong kakalat ang impeksyon sa malaking bahagi ng balat. May mga pagkakataon din na ang fungi ay makakapasok sa mas malalim na layer ng balat dahilan para mas lalong mahirapan na ito’y gamutin.
- Kapag ang fungal infection ay tumubo sa anit, maaari itong magdulot ng mahapding pamamaga na tinatawag na kerion. Magkakaroon ng mga sugat na may nana ang iyong ulo at posibleng makaranas ng permanenteng pagkawala ng buhok at peklat sa anit.
- Kung ikaw ay buntis at nagkaroon ng fungal infections, maaari pa rin namang gumamit ng OTC antifungal creams at powders. Ayon sa Cleveland Clinic, ligtas din ang pag-inom ng orasl antifungal medications sa buntis. Pero importante pa ring kumonsulta sa iyong doktor para matiyak kung angkop ba ito sa iyong kondisyon. Posibleng i-discuss ng iyong healthcare provider ang mga potensyal nab anta nito sa kalusugan niyo ni baby kung sakaling mayroon man.
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!