May pamumula, pangangati, at namamalat ba ang iyong mga paa? Baka ikaw ay may alipunga! Ang mapula, makati at natutuklap na balat sa paa ay ilan lang sa mga sintomas ng alipunga. Ano nga ba ang alipunga sa paa at ano ang gamot para dito?
Ano ang alipunga?
Ang alipunga sa paa o athlete’s foot ay impeksiyon mula sa fungus, at maaaring kumalat mula sa talampakan, papunta sa palad, ilalim ng kuko, at mga singit singit ng katawan. Mapapansin din ang pamumula ng ilang bahagi ng paa na parang mapa, at minsan ay may basang sugat.
Ang fungal infection o tinea pedis na ito ng paa ay nakahahawa, kaya’t dapat na malaman ang tamang paggamot para maiwasan ang paglala at pagkalat nito sa kapamilya at ibang tao.
Tandaan na maaari itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Posible ring magkaroon ng alipunga sa kamay.
Image from Freepik
Ilan pang karaniwang sanhi ng alipunga ay ang sakit ng balat na psoriasis, contact allergy, erythrasma, at bacterial infection. Minsan din ay napapagkamalan itong ordinaryong sugat, tuyong balat, o kaya ay eczema.
Sintomas ng alipunga
Ang mga sumusunod ay ang mga karaniwang sintomas ng fungi infection na ito:
- nagbabalat na paa na may kasamang mapulang rash
- nagsisimula ang pagbabalat sa mga daliri sa paa
- kumakati ang paa matapos magtanggal ng sapatos o medyas
- may ibang klase ng alipunga sa paa na mistulang mga paltos
- maaaring mag-dry ang balat sa paa at magbalat ang buong talampakan
- maaaring sa isang paa lamang o sa parehong paa ang apektado
Paano nakakahawa ang alipunga?
Isang contagious fungal infection ang alipunga. Ibig sabihin, nakahahawa ito. Maaaring ang alipunga sa paa ay kumalat mula sa paa patungo sa mga daliri at kuko.
Puwede ring kumalat ang alipunga sa kamay. Hindi naman seryosong sakit ang alipunga pero nagdudulot ito ng pangangati, pamumula, pagbabalat, at iritasyon sa balat.
May mga pagkakataon din na mahirap itong gamutin. Kung mayroon kang diabetes o mahinang immune system at palagay mo ay may athlete’s foot ka, mahalagang kumonsulta agad sa iyong doktor.
Ang athlete’s foot ay resulta ng growth ng tinea fungus sa paa. Pero paano nga ba nakakahawa ang alipunga?
Maaaring mahawa ng alipunga kung magkakaroon ka ng direct contact sa taong infected ng tinea fungus. Bukod pa rito, puwede ring mahawa ng alipunga mula sa mga surfaces, damit, tuwalya, medyas, at iba pang gamit ng taong infected ng nasabing fungus.
Karaniwan ang fungus na ito sa mga showers, locker room floors, at sa paligid ng swimming pools.
Paano maiiwasan ang pagkakaron nito?
Ang fungus na sanhi ng alipunga ay namamahay sa sahig, medyas, sapatos at iba pang nadadampian ng paa. Dumadami at nabubuhay pang lalo ang fungus kung madilim, mainit at maalinsangan ang paligid o kuwarto.
Karaniwang nakukuha ito sa paglalakad ng nakapaa sa gym, locker room ng health club o spa, swimming pool, communal showers, pati sa mga nail salons.
Nahahawa din ang iba sa pagsusuot ng medyas at sapatos ng taong may alipunga. Mayroon ding mga taong mas mabilis mahawa, at mayroon namang bihira o hindi man lang nahahawa, ayon sa Mayo Clinic. Depende ito sa resistensiya ng isang tao.
May mga nagkakaroon ng alipunga sa isang paa lang, may mga nagkakaroon sa parehong paa, at minsan ay pati sa kamay (lalo na kung palaging hinahawakan ang paa)
Risk factor
Mataas ang tiyansa na magkaroon ng athlete’s foot kung:
- mayroon kang minor skin o nail injury sa iyong paa
- nanghihiram o nagpapahiram ng medyas, sapatos, tuwalya sa taong may alipunga.
- Nagsusuot ng masisikip na sapatos
- Hinahayaang basa ang paa nang mahabang oras
- Pasmado ang paa o pawisin ang paa
- Nagyayapak sa mga pampublikong lugar tulad ng locker rooms, showers, at swimming pools.
Paano gamutin ang alipunga?: Gamot sa alipunga
Nakakairita man at mahapdi, huwag mag-alala dahil ang alipunga ay nagagamot. Narito ang ilang gamot sa alipunga sa paa na maaari mong subukan.
- Kung ang alipunga ay sanhi ng fungus, may mga antifungal cream medication na irereseta ang doktor. May mga over-the-counter na gamot din na pwedeng gamitin.
- Panatilihing tuyo ang paa, pati ang medyas at sapatos na suot. Tanggalin na kaagad ang medyas o sapatos kung nabasa ito ng ulan, halimbawa, para hindi na maging sanhi ng alipunga. Magpalit ng medyas kung kinakailangan, at huwag nang ulitin ang pagsusuot ng nagamit nang medyas.
- Kung nagpapawis ang paa, iwasan na ang pagsusuot ng masikip na sapatos o ‘di kaya ay sapatos na ang materyal ay nakakapagpapawis ng paa. Kapag tag-init, magsuot ng tsinelas o sandals para hindi makulob sa init ang paa.
- Iwasang maglakad ng nakapaa lalo na sa pampublikong lugar tulad ng shower room sa swimming pool area, gym, o nail salon. Kapag madumi rin ang mga gamit sa paglilinis ng paa kapag nagpa-pedicure, maaaring maging sanhi din ng alipunga.
Gamot sa alipunga sa paa cream
Mayroong mga gamot sa alipunga sa paa na maaaring mabili sa mga botika o ‘yong tinatawag na over-the-counter na alipunga cream. Topical medicine ito na ang ibig sabihin ay ipinapahid lang nang direkta sa bahagi ng balat na apektado ng alipunga.
Narito ang ilang halimbawa ng over-the-counter gamot sa alipunga sa paa cream na puwede mong subukan:
- Miconazole
- Clotrimazole
- Butenafine
- Terbinafine
- tolnaftate
Samantala, puwede rin namang kumonsulta sa doktor para mabigyan ka ng prescription. Ilan sa mga posibleng irekomenda ng iyong doktor ay ang mga sumusunod:
- oral antifungal medication tulad ng itraconazole, fluconazole, o prescription-strength terbinafine
- topical steroid medications para maibsan ang masakit na pamamaga
- oral antibiotics kung ang impeksyon ay na-develop nang dahil sa nabalatang paa o mga sugat-sugat.
- Topical, prescription-strength clotrimazole o miconazole
Gamot sa alipunga sa paa home remedy
Image from Freepik
Maraming natural na paraan para magamot ang pesteng alipunga sa paa, at mapuksa ang fungi. Narito ang ilang home remedy na maaaring gamiting gamot sa alipunga sa paa.
Pahiran ng tea tree oil (Melaleuca alternifolia)
Mabisa ang tea tree oil sa pagpuksa ng fungi dahil sa antibacterial and antifungal properties nito.
Pagmasdan lang kung may senyales na dumadami pa ang rashes pagkapahid; itigil ito at baka hindi kasundo ng iyong balat. Mas mabuti kung isasabay sa coconut o olive oil, ang tea tree oil, saka ipahid.
Huwag ipapahid ng puro at direkta ang tea tree oil lang nang walang kahalong ibang oil.
Bawang gamot sa alipunga
Alam ng marami ang bisa ng bawang sa paggamot ng mga kondisyon may kinalaman sa fungi at bacteria. Ayon sa Journal of Applied Microbiology, ang sariwang bawang ay mabisang pamuksa sa fungus na tinatawag na Candida. Kaya naman, maaari ding gamitin ang bawang gamot sa alipunga.
Kapag may alipunga, ibabad lang ng 30 minuto ang paa (o apektadong bahagi ng katawan) sa maligamgam na tubig na may dinikdik na bawang, at siguradong mapapatay ang alipunga.
Gawin ito ng hanggang 2 beses sa isang araw hanggang mawala ang alipunga. Kung nasa singit o iba pang bahagi ng katawan ang alipunga, magsawsaw ng bulak sa solution at ipahid na lang.
Baking soda (sodium bicarbonate) bilang gamot sa alipunga
Hitik din sa antifungal properties ang baking soda, at puwedeng pang-alis ng alipunga.
Magtunaw ng kalahating tasa ng sa isang batyang maligamgam na tubig, at ibabad ang paa (o apektadong bahagi ng katawan) sa loob ng 15 hanggang 20 minuto, dalawang beses kada araw. Tuyuin ang paa pero huwag banlawan.
Kung nasa singit o iba pang bahagi ng katawan ang alipunga, magsawsaw ng bulak sa solution at ipahid na lang.
Hydrogen peroxide na may iodine bilang gamot sa alipunga
Mabisa rin ang paghahalo ng peroxide at iodine (at tubig) para patayin ang germs at bacteria sa mga sugat. Ilagay ito sa isang balde o batya, para pagbabaran ng paa o kamay na may alipunga.
Kung nasa singit o iba pang bahagi ng katawan ang alipunga, magsawsaw ng bulak sa solution at ipahid na lang.
Huwag gagamitin ang iodine o peroxide ng direkta sa balat nang hindi hinahaluan ng tubig. Mahapdi ang peroxide kung may sugat ang balat.
Pulbos (talcum powder) bilang gamot sa alipunga
Hindi mabubuhay ang fungus kung hindi basa o walang moisture, kaya’t mabisang lagyan ng pulbos ang apektadong bahagi para hindi na ito kumalat, at para maibsan ang pangangati.
Bago magsapatos o magsuot ng medyas, tuyuing mabuti ng tuwalya (na para lang sa paa!), o ‘di kaya ay tapatan ng blow dryer. Ingatan na hindi magasgas sa pagpupunas ng tuwalya, o hindi sobrang init ang hangin ng blow dryer.
Kapag tuyung-tuyo na ang paa, lagyan ng pulbos o talcum powder. May mga nabibili nang foot powder sa botika, na mabisa din.
Mga komplikasyon
Kahit na hindi delikadong sakit ang pagkakaroon ng alipunga, mahalaga pa rin na ito’y gamutin para maiwasan na humantong sa mas matinding komplikasyon. Kapag napabayaan ang athlete’s foot, puwede itong mauwi sa pagkakaroon ng mga sumusunod:
- Secondary bacterial infection – ang mga paa ay maaaring makaranas ng matinding pananakit, pakiramdam na mainit, at pamamaga.
- Fungal nail infection – kakalat ang alipunga sa mga kuko sa paa at magiging makapal, namumuti, at crumbly ang mga kuko. Posible ring makaranas ng pananakit at pamamaga ng balat sa ilalim ng mga kuko. Kung pababayaan ay maaaring magdulot ng hirap sa paglalakad at pagsusuot ng sapatos.
- Cellulitis– posibleng maapektuhan ang balat, taba, at soft tissue sa iyong katawan. Kapag hindi ginamot ang cellulitis, maaari itong humantong sa mas seryosong komplikasyon tulad ng blood poisoning o bone infection.
- Infected lymph system – ang fungal infection ay posible ring kumalat patungo sa lymph system. Posibleng humantong sa lymphangitis, impeksyon ng lymph vessels. O kaya naman ay lymphadenitis o impeksyon sa lymph nodes.
- Allergy – May mga taong allergic sa fungus na sanhi ng alipunga. Kung allergic ka sa specific na fungus na ito, posibleng magdulot ang athlete’s foot ng matinding blisters o mga sugat-sugat sa iyong mga kamay at paa.
Kumonsulta kaagad sa doktor kung:
- Kapag naman ikaw ay may diabetes at ikaw ay may alipunga, magpatingin kaagad sa doktor, at huwag nang sumubok ng mga home remedies.
- Kung hindi pa rin nawala ang alipunga pagkatapos na gawin ang mga nasa itaas, o kaya ay lumipas na ang ilang linggo, kumunsulta sa doktor.
- Kung may nana o lumalala ang mga sugat sa paa.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!