Sa pamilya ko, ang anak ko ang kaisa-isang apo. Sa side naman ng aking asawa, ang anak ko ang unang lalaki na apo. Needless to say, pagkapanganak ko pa lang sa kaniya ay talaga namang spoiled na spoiled na siya ng aming pamilya. Hindi pa man siya natututong maglaro ay maraming laruan na ang naghihintay sa kaniya!
Hindi ito nagbago nang siya ay lumalaki na at nagsisimula nang gamitin ang mga ito. Umabot na sa punto na sadyang hindi ko na siya binibilihan ng laruan. Nagkalat na kasi ang kaniyang mga gamit sa aming maliit na bahay. Parati na rin akong natitisod ng mga kotse at mga maliliit na piraso ng Lego!
Bukod sa kalat, lubos ang panghihinayang ko sa mga ito. Napansin ko na kapag may bago siyang laruan, lalaruin lamang niya ito ng ilang araw at mananawa na siya.
Epekto ng pagkakaroon ng maraming laruan
Ayon sa isang study, hindi ako nag-iisa. Isang pagsasaliksik ang ginawa ng University of Toledo sa Ohio tungkol sa paglalaro ng mga bata.
Inobserbahan nila ang 36 na toddlers na nasa edad na 18 hanggang 30-buwang-gulang. Sa loob ng 30 minutes ay hinayaang maglaro ang mga bata sa loob ng playroom na may dalawang kondisyon.
Ang unang kondisyon ay ang paglalaro gamit ang apat na piraso lang ng laruan. Pangalawang kundisyon ay ang paglalaro gamit ang labing-anim na piraso ng laruan.
Ang mga bata ay hindi binigyan ng kahit anong instructions sa kung anong dapat nilang gawin sa mga laruan.
Mula nga sa dalawang kondisyon, may naging obserbasyon ang researchers. Nakita na mas maraming oras at mas creative ang bata kapag kaunti lang ang kaniyang laruan.
Kumpara sa maraming laruan na hindi na alam ng bata kung ano ang kaniyang uunahin at lalaruin.
Napag-alaman din na kapag maraming laruan ang isang bata ay bumababa ang kalidad ng kaniyang paglalaro. Ang bata ay mas nakakapag-focus at nai-istretch ang imagination kapag kaunti lang ang laruan na nasa paligid nila.
Ang suggestion ng pag-aaral ay limitahan ang dami ng laruan ng bata.
Signs na maraming laruan na ang anak mo
Ngunit ano nga ba ang definition ng pagkakaroon ng masyado ng maraming laruan? Narito ang ilang senyales na paparami na ang mga laruan ng iyong anak.
1. Kapag nadodoble na ang mga laruan niya
Hindi ka namamalik-mata! Kapag dalawa o mahigit pa na piraso ng parehong laruan ang nakikita mo, isa na itong senyales na maraming laruan ang bata.
Tanungin ang sarili kung nagkataon lang ba ito o hindi mo na rin namamalayan na bumibili ka ng pare-parehong mga laruan.
2. Kapag hindi niya namamalayan na nawawala na ang isang laruan
Subukan ang exercise na ito: itago ang isang laruan niya na sa tingin mo ay hindi na niya nilalaro. Kung hindi niya ito hanapin, malamang ay wala na ito sa kaniyang kamalayan. Senyales na rin ito na marahil ay matagal na nang huli niya itong laruin. Sign na rin ito na baka puwede nang i-donate ang laruan na ito.
3. Kapag may mga maraming laruan siyang hindi na akma sa kaniyang edad
Tignan ang lalagyan ng laruan ng bata. Kung mayroon siyang mga laruan na mas akma sa mas bata sa kaniyang edad, panahon na para alisin na ito sa kaniyang lalagyan. Sa ganitong paraan, mas makikita niya nang maayos ang kaniyang mga laruan at mas maeengganyo siyang laruin ang mga ito.
Maaaring itago ang laruan para magamit ng mga nakababatang kapatid o di kaya ay ipamigay sa mga kamag-anak o kaibigan.
4. Kapag naiipon na ang mga sirang laruan
Kulang na ang parts o di kaya hindi na gumagana ang mga laruan pero nakatambak pa rin sa lalagyan? Panahon na para ayusin o itapon ang mga ito.
Kadalasan nakakapaghinayang na mag-dispose ng mga laruan mas lalo na kung mahal ito na nabili. Subukan na i-repair ito o maghanap ng kolektor na maaaring bumili nito.
Photos: Kelli McClintock on Unsplash, Chris Hardy on Unsplash, Nareeta Martin on Unsplash
Sources: Psychology Today, Kidspot, Good Housekeeping
Read more:
Subukan ang trick na ito sa iyong anak sa tuwing siya ay nagpapabili ng laruan
LOOK: Mommy, ginawan ng DIY dollhouse ang kaniyang anak gamit ang mga lumang gamit at laruan
Toddler Toys: Ilang Tips sa Pagbili ng Laruan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!