Baby colic: Sanhi, sintomas at gamot sa kabag ng bata

Narito ang mga sintomas, sanhi at tips para kay Mommy at Daddy kapag nagkaroon ng colic si baby

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ano nga ba ang gamot sa colic ng baby at bakit mahalagang maintindihan ng mga magulang ang kondisyon para sa kaniyang sanggol?

Baby colic o kabag – Ang mga dapat mong malaman

Isa sa mga unang pagsubok na nararanasan ng mga magulang ay kapag walang-tigil ang pag-iyak ng sanggol. Nagdadala ito ng puyat at pagod sa nag-aalaga pero higit sa lahat, pag-aalala sa kalagayan ni baby.

Mommy at daddy ang walang tigil na pag-iyak ng iyong anak ay posibleng sanhi ng baby colic. Ano ang colic sa baby at ano ang mga sintomas at gamot para dito? Narito ang sagot.

Ano ang colic sa baby?

Maraming pwedeng dahilan ng pag-iyak ng mga newborn. Maaaring dahil sa gutom, marumi ang diaper o baka gusto lang nilang maramdaman ang yakap ng kanilang ina.

Pero kung pinadede mo na, pinalitan ang diaper at kinarga pero ayaw pa ring tumigil ng pag-iyak si baby, baka mayroong colic si baby o mas kilala sa tawag na kabag.

Ano nga ba ang colic sa baby  at ano ang mga posibleng sanhi nito?

Colic sa baby at sanhi nito

Sa matatanda, ang colic ay ang pananakit ng tiyan o intestinal area na tumitindi habang tumatagal. Maaari itong mangyari ng regular sa loob ng ilang linggo o buwan.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ano ang colic sa baby? Ito ay isinasalarawan naman sa matindi at hindi mapaliwanag na pag-iyak ng sanggol, na tumatagal ng ilang oras at umaabot ng ilang linggo o buwan.

Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician at espesyalista sa gastroenterology mula sa Makati Medical Center, ang baby colic o kabag ay bahagi ng development ng isang sanggol.

Maaari itong magsimula sa ikalawang linggo pagkatapos ipanganak at magtatagal hanggang ika-5 buwan ni  baby.

Dagdag pa ni Dr. Sales, ang pangunahing dahilan ng colic ay dahil hindi pa fully developed ang gut o digestive tract ng isang sanggol.

“It is acceptable  for babies to have kabag until they are around 4-5 months, kasi hindi pa rin naman fully developed iyong gut nila.” aniya.

Paliwanag ng doktora, hindi pa developed ang tiyan ng isang sanggol kaya madali itong makakolekta ng hangin o gas. Maaari niya itong makuha habang dumedede o kahit kapag umiiyak. Ito rin ang paliwanag kung bakit kumukulo ang tiyan ng sanggol.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang ilang pang posibleng sanhi ng colic at bakit kumukulo ang tiyan ng sanggol ay ang mga sumusunod:

  • allergy sa pagkain o sa kanilang gatas
  • sobra o kulang ang nadedede nila
  • hindi napapa-burp nang maayos
  • maaring may nakain ang nanay na nagdudulot ng gas
  • spasm sa muscles dulot ng growing digestive system
  • early form ng childhood migraine
  • takot, frustration, o excitement na nararamdaman ng baby
  • Labis na stimulation ng senses mula sa liwanag, ingay at iba pa
  • Imbalance ng healthy bacteria sa digestive tract
  • Anxiety o stress sa pamilya
  • Digestive system na hindi pa fully developed

6 na sintomas ng colic sa baby

Ayon kay Dr. Sales, ang pangunahing sintomas ng colic sa baby ay ang matindi at mahabang pag-iyak ng sanggol. Maaari itong tumagal ng ilang oras, at kadalasan, mapapansin mo na may oras ang ganitong klase ng pag-iyak.

“Iyong peak niya ay late in the afternoon o sa gabi. Kapag sa day time ok siya tapos biglang iiyak sa late afternoon o gabi, kabag iyan.” aniya.

Paano malalaman kung colic nga ang bumabagabag kay baby? Narito ang ilan pang mga sintomas:

  • Umiiyak ng halos parehong oras araw-araw, madalas sa hapon o gabi.
  • Karaniwang nakataas ang mga binti at paa at umaabot ang tuhod sa bandang dibdib.
  • Nakatikom ang mga kamay na parang pasuntok.
  • Madalas nakapikit o ‘di kaya nama’y dilat na dilat ang mga mata, nakakunot ang noo at pinipigil ang paghinga minsan.
  • Maaaring namumula ang kanilang mukha habang umiiyak
  • Hindi tuluy-tuloy ang pagtulog at pagkain, dahil sa biglang pag-iyak ng malakas.

Dagdag pa ni Dr. Sales, kadalasang tumitindi ang mga sintomas ng colic sa ika-3 buwan ni baby pero kusa naman itong nawawala o tumitigil pagdating niya ng 5 buwan.

Kasi pagdating ng 5 months, the baby’s digestive system improves already and slowly gets better.” aniya.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

photo: shutterstock

Gamot sa colic ng baby

Ano nga ba ang gamot sa colic ng baby?

Paniniwala ng doktora, hangga’t dumedede nang maayos at nadaragdagan naman ang timbang ni baby, hindi kailangang gamutin ang colic.

Yes, it is safe to say that there’s no need to cure the colic. If the baby is not bothered by it, if it’s not causing pain, then leave it. The important thing is that the baby is feeding well and the baby is growing.”

Pero bilang magulang, hindi natin maiwasang mag-alala tuwing naririnig ang matinding pag-iyak ng ating anak. Gusto nating may gawin para matulungan silang maibsan ang pagkabalisa nila.

Narito ang ilang paraan na pwede mong subukan para mapakalma ang isang baby na may colic. Ito na rin ang maaaring magsilbing gamot sa colic ng baby:

1. Padighayin nang madalas ang sanggol.

Ano ang gamot sa colic ng baby? 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Para matulungang makalabas ang hangin sa tiyan ni baby, huwag kalimutang padighayin siya pagkatapos niya dumede. Ayon kay Dr. Sales, may iba’t ibang paraan para padighayin ang iyong sanggol.

“You can put the baby over your shoulder, you can put the baby in your arm, or you can even put it on your lap para lang malabas iyong hangin. Then that one will soothe the baby.”

2. Padapain si baby.

Subukang ibahin ang posisyon ng iyong anak isa ito sa maaaring gamot sa colic ng baby. Padapain siya sa kama (kung kaya na ni baby) o sa iyong kandungan. Maari mo ring himasin ang kaniyang likod habang nakadapa para matulungang lumabas ang hanging mula sa kaniyang katawan.

3. Hawakan, kargahin o yakapin.

Malaki ang tulong nang maagap na pagbibigay-pansin sa pag-iyak ng sanggol. Hawakan, at yakapin, kausapin o kantahan pa, para makatulong na kumalma ang iritableng bata. Maaaring makatulong rin ang pag-iba ng posisyon ni baby para makalabas ang hangin mula sa tiyan.

4. Iwasan ang kapaligirang nakaka-stress at nakaka-overstimulate sa bata.

Hangga’t maaari, huwag nang tumanggap ng bisita o maraming tao sa hapon hanggang pagabi na. Pansinin kung ano ang nakakapag-overstimulate sa bata: malakas na TV, maraming taong nagkukuwentuhan, malakas na tugtog o musika, at iba pa.

5. Kung ikaw ay nagpapadede, tanungin sa doktor kung ano ang mga pagkaing dapat iwasan.

May mga pagkain kasing mas nakakapagpalala sa kabag at gas kay baby (at kay Mommy na rin) tulad ng cabbage at cauliflower, mga prutas na acidic at citrus, at mga pagkaing allergenic tulad ng dairy, soy, wheat, itlog, mani at iba pang nuts, at isda.

Gayundin, siguruhin na tama ang posisyon ni baby kapag nagdedede para hindi makapasok ang hangin sa kaniyang tiyan.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

photo: dreamstime

6. Subukan ang swaddling.

Ibalot siya sa mainit-init na kumot (ilagay sa dryer o di kaya’y plantsahin nang sandali) at ibalot kay baby. Nakakatulong ang mainit-init na pakiramdam na mapakalma ang bata.

Gayundin, ang pressure mula sa sikip ng pagkakabalot (siguruhin lang na hindi ito makakasagabal sa paghinga niya) kay baby ay nakakatulong para makalabas ang hangin sa kaniyang tiyan.

7. Ilagay sa stroller o ilabas si baby.

Maaaring mas mailabas ang hangin sa tiyan kapag nagpalit ng posisyon o naiduyan si baby, at mabaling ang kaniyang atensyon sa ibang bagay kaya titigil siya sa pag-iyak.

8. Pagmasahe sa tiyan at baby bicycles

Ang dahan-dahang paghagod o pagmasahe sa tiyan ni baby. Maaring makatulong para makagalaw ang air bubbles sa tiyan at mailabas ng sanggol.

Pero kung gagamit ng oil sa pagmasahe kay baby, iwasan ang mga oil na maaring makairita sa maselang balat ng iyong anak.

Gayundin, habang nakahiga si baby, kunin ang kaniyang mga paa at dahan-dahang itaas sa kanyang tiyan at galawin ang mga ito na parang nagpipedal ng bisikleta. Subukan ang paraan na ito kapag medyo kalmado ang iyong anak at huwag sa kalagitnaan ng kaniyang pag-iyak.

Kung nakakadede naman ng maayos at nadaragdagan naman ang kaniyang timbang, hindi dapat masyadong mag-alala tungkol sa colic ni baby.

Basta ang importante sa atin, number 1 the baby is happy, hindi iyong the whole day umiiyak siya.” dagdag ni Dr. Sales.

Kung iyak pa rin ng iyak si baby matapos subukan ang mga paraan sa itaas, at kung tumatagal ng buong araw ang kaniyang pagkabalisa, oras na para kumonsulta sa pediatrician ng iyong anak.

Walang masama na humingi ng tulong o payo sa ibang tao, lalo kung nararamdaman na ang labis na pagkapagod at frustration dahil sa pag-iyak ni baby.

Kung nakakaramdam ka na ng matinding stress, ilagay si baby sa kaniyang kuna, siguruhing ligtas, at lumabas sandali (ipabantay muna sa iba, kung pwede) para huminga. Baka nararamdaman rin ng iyong anak ang iyong pagkabalisa, na nagiging dahilan ng kaniyang pag-iyak.

Paano malalaman ng doktor na may colic ang baby

Kung nababahala sa kabag ng iyong anak lalo’t nagdudulot ito ng hindin humihintong pag-iyak, maaari din namang ipakonsulta ito sa doktor.

Wala mang specific test para ma-check ang colic ni baby, maaaring magsagawa ito ng physical exam sa iyong anak. Sa physical exam, titingnan at oobserbahan nito ang paghinga, energy level, body temperature, timbang, at kulay ng balat ng bata.

Kung may mapansin itong kakaiba bukod sa mga tipikal na sintomas ng kabag, maaaring irekomenda nito na sumailalim ang baby sa iba pang test para malaman kung may iba pa bang medical condition na nararanasan ang iyong anak.

Mayroon din kasing ibang kondisyon kung saan ay tila ito baby colic pero iba pala ang underlying issue.

Ilan sa mga halimbawa ng kondisyon na may katulad na sintomas sa kabag:

  • Acid reflux o problema sa bituka
  • Hindi normal na heartbeat
  • Injury sa buto, muscles, o daliri
  • Pressure o pamamaga sa utak o nervous system ng bata
  • Sensitivity sa formula milk o kaya naman sa breast milk
  • Labis na pagkain o pag-inom ng gatas
  • Iba pang impeksyon.

Kailan dapat agad ng dalhin sa doktor ang baby na inaakalang may colic?

Kung ang inaakalang baby colic ay sinasabayan ng mga sumusunod na sintomas ay mabuting agad na dalhin na sa doktor ang iyong anak.

  • Lagnat.
  • Pagsusuka lalo na kung may kulay berde o may dugo ito.
  • Pagtatae o diarrhea.
  • Dugo sa dumi.

Maaaring may iba pang seryosong karamdaman na dinadanas ang iyong baby na dapat ay agad ng mabigyan ng medikal na atensyon.

Walang malinaw na sanhi ang colic, kaya wala ring treatment para dito

Ano ang gamot sa colic ng baby? | Larawan mula sa Pexels kuha ni Laura Garcia

Pero maaaring irekomenda ng doktor ang mga sumusunod para mapakalma ang iyong anak sa kakaiyak:

  • Gumamit ng pacifier
  • Ilagay sila sa duyan o vibrating chair
  • Masahe sa likod ng baby
  • Tiyakin na hindi sila gutom

Bukod pa rito, kung ikaw ay nagpapasuso ng iyong anak at may iniinom na gamot, puwedeng magpasuri sa doktor para malaman kung ang medication ba na ininom ay may dulot na allergic reaction sa inyong anak. Gayundin ang iyong mga kinain.

Samantala, kusa rin namang gagaling ang kabag kahit hindi ito gamutin. Kaya mahalaga lamang na gumawa ng hakbang para mapatahan si baby at maiwasan ang stress.

Risk factors at komplikasyon

Hindi pa rin ganap na nalalaman ng mga eksperto ang risk factor ng colic sa baby. Ayon sa Mayo Clinic, base sa mga pananaliksik, wala pa umanong nakikitang kakaiba na maaaring risk factor ng kabag ng baby kung ang ikokonsidera ay ang kasarian ng bata, preterm o full term pregnancy, pati na rin kung formula-fed bai to o breastfed.

Subalit, posible umanong mas mataas ang risk na magkaroon ng colic ang baby kung naninigarilyo ang ina noong ito ay nagbubuntis pa at maging matapos manganak.

Bukod dito, wala naman umanong idinudulot na short-term o long-term medical problems sa bata ang colic. Ngunit maaaring magdulot ito ng labis na stress sa magulang.

Ayon umano sa mga pananaliksik, maiuugnay ang pagkakaroon ng kabag ng bata sa mga sumusunod na problema sa well-being ng magulang:

  • Pakiramdam ng guilt, labis na pagkapagod, at kawalan ng pag-asa o galit
  • Maagap na pagtugil sa pagpapasuso ng anak
  • Mataas na risk ng pagkakaroon ng postpartum depression ng ina

Kaya naman kung labis ang pag-iyak ng iyong anak nang dahil sa kabag, tandaan na hindi mo ito kasalanan, mommy.  Kauna-unawang maaari kang makaramdam ng pagka-overwhelm sa fussiness ng iyong anak.

Pero hindi ito nangangahulugan na masama ka nang magulang. Hindi mo kasalanan kung bakit mayroon siyang kabag. Huwag masyadong mag-alala at unti-unti rin naman itong mawawala at gagaling.

Sundin lamang ang mga nabanggit na hakbang sa taas kung paano maibsan ang mga sintomas ng colic sa iyong anak. Maaari ding magpatulong sa iba pang miyembro ng pamilya o sa babysitter tuwing matindi na ang pagod na nararamdaman mula sa pag-aalaga ng anak na may kabag.

Tandaan na hindi lang kalusugan ng iyong anak ang mahalaga kundi maging ang iyong kalusugan, mommy. At syempre ganoon din kay daddy.

Tips sa mga magulang sa pagha-handle ng colic ni baby

Bagamat hindi naman nakakasama kay baby ang pag-iyak, para sa ating mga magulang ay nakakapag-alala ng sobra ang marinig ang patuloy na pag-iyak ni baby. Para mapatahimik o ma-comfort si baby na may colic, narito ang ilan sa maaring gawin ng mga magulang.

I-comfort si baby sa pamamagitan ng pagkarga sa kaniya.

Malamang una mong sasabihin ay nakakapagod at nakakangalay ito. Pero sa tamang arrangement ninyong mag-asawa o ng iba pang kasama ninyo sa bahay ay matutulungan ninyo ang baby na may colic na umayos ang pakiramdam.

Magkaroon kayo ng schedule sa pagpapalitan sa kung sinong kakarga at maghehele kay baby. Halimbawa, si daddy ang in-charge sa gabi, habang si mommy naman sa araw o sa tuwing nagpapahinga si daddy. Ang parenting ay mas nagiging epektibo kung magtutulungan kayong mag-asawa.

Turuan si baby na i-comfort ang sarili niya.

Sabi nga matatanda sa murang edad ng mga sanggol ay tinuturuan na natin sila ng kanilang mga attitude o behaviour habang sila ay lumalaki.

Isa na nga rito ang hindi pagsasanay sa kanila na laging karga, ganoon rin ang pagtuturo sa mga sanggol na i-comfort ang kanilang sarili.

Hindi kailangang laging tumalima ka sa iyak ng iyong sanggol. Minsan ay mag-break ka rin at hayaan siyang umiyak ng ilang minuto at obserbahan ang kaniyang gagawin para mapatahimik niya ang kaniyang sarili.

Gawin ito kung alam mong busog si baby, walang sakit o hindi naman puno ang diapers o lampin niya. Sa ganitong paraan ay na-tetrain ninyo ang isa’t-isa.

Huwag mahiyang humingi ng tulong ng iba kung napapagod ka na.

Tulad nga ng naunang nabanggit, mas magiging effective ang pagbabantay kay baby kung paghahatian ninyo ni mister ang task ng pag-aalaga sa kaniya.

Huwag kang mahiyang magsabi sa kaniya na kailangan mo ng tulong sa pag-aalaga ng iyong anak. Kahit na ba sabihin nating task mo sa pamilya ang pag-aalaga kay baby at paggawa ng gawaing-bahay, may responsibilidad din ang iyong asawa bilang ama.

Maari rin namang humingi ka ng tulong sa iba pang miyembro ng inyong pamilya. Tulad ng lolo o lola ng iyong anak, o sa mga tito o tita niya.

Huwag mong basta sarilinin ang pag-aalaga sa iyong anak. Isipin mo rin na kailangan mong magpahinga. Ito ay para masigurong mananatili kang healthy para mas maalagaan ng mabuti ang iyong anak.

 

Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan at Irish Manlapaz

Cohen-Silver, J., and S. Ratnapalan. “Management of Infantile Colic: A Review.”, Healthline,  WebMD,  Mayo Clinic

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.