Nanakit na bata? Alamin rito ang mga paraan kung paano maititigil at ugali niya ay maitatama.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga posibleng dahilan kung bakit may nanakit na bata.
- Paano pakikitunguhan ang isang agresibong bata at paano itatama ang kaniyang ginagawa.
Bakit may nanakit na bata?
Nakakabahalang mang makita ang iyong anak na namamalo o nanakit ng kapwa niya bata, ito ay hindi dapat ipag-alala. Dahil ito ay normal lang at bahagi ng kanilang development.
Ito ay paraan rin ng pagpapalawak niya ng kaniyang language at bokabularyo. Paraan niya rin ito para maipakita ang kagustuhan niyang maging independent sa mura niyang edad.
Ayon sa mga eksperto, ang pagiging agresibo ng mga batang edad 1-3 anyos ay maaaring dahil rin sa impluwensiya ng kaniyang environment o paligid.
Ito ay maaaring dulot ng gulo na nararanasan niya sa loob ng inyong pamilya. O kaya naman ay nagaya niya sa mga kilos at ugaling ipinapakita ninyo na kaniyang mga magulang.
Pero sa kabuuan ang pagiging agresibo ay paraan lang ng isang bata para i-express ang kaniyang mga nararamdaman o frustration.
Nagiging problema lang ito kung sa kabila ng pagkikipag-usap mo sa kaniya tungkol dito ay hindi niya parin ito nababago. Lalo na kung ito ay mas lumalala pa at ang pagiging agresibo niya ay nakakaapekto na sa iba.
Pero paano nga ba pakikitunguhan ang batang agresibo at paano ito mababago?
Paano pakikitunguhan ang agresibong bata?
Image source: File photo
Imbis na kagalitan ay dapat matuto kung paano itatama ang pagiging agresibo ng isang bata. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagiging mabait at mahinahon sa pakikipag-usap sa kaniya.
Simulan ang pakikipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na ang kaniyang mga kamay ay hindi ginawa para manakit ng kaniyang kapwa. Ito ay dapat ginagamit rin ng dahan-dahan o hindi para maglagay ng puwersa sa iba.
Makakatulong rin kung matututo kang i-honor ang nararamdaman niya para hindi siya ma-frustrate at ma-express sa pananakit ang feelings niya.
Sa ganitong paraan ay natuturuan mo rin siya ng empathy o ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa nararamdaman ng kaniyang kapwa.
Ang iba pang paraan kung paano makikitungo at maitatama ang nanakit na bata ay ang sumusunod:
1. Manatiling kalmado sa harap ng iyong anak.
Mas nagiging agresibo ang isang bata kung pakikitaan siya ng galit o kaya naman siya ay papaluin. Hangga’t maaari ay dapat matutunan mong maging kalmado sa harap niya sa lahat ng oras.
Matutong maging mabuting halimbawa sa kaniya. Ipakita sa kaniya na hindi pagwawala o pananakit sa kapwa niya ang makaka-solve ng kaniyang problema. Ipakita sa kaniya kung paano nakakabuti ang pagkokontrol niya ng kaniyang galit o temper sa pag-aayos ng conflict sa paligid niya.
2. Magkaroon ng malinaw at acceptable na limits sa iyong anak pagdating sa pagiging agresibo.
Sa oras na makitang nagpakita ng aggressive behavior ang iyong anak ay alisin agad siya sa lugar na kung saan siya nananakit o nagwawala.
Ilipat siya o alisin sa lugar ng matagal na oras hangga’t maaari. Sa ganitong paraan ay nalalagay mo sa isip ng iyong anak na may consequences o kaparusahan ang pagiging agresibo lalo na ang pananakit niya ng kaniyang kapwa.
3. I-encourage siyang gumawa ng tama o magpakita ng magandang pag-uugali.
Hindi lang dapat basta tinatama ang mga maling gawi na nakikita sa iyong anak. Dapat ay i-encourage rin siyang gumawa ng tama.
Magagawa ito sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa sa kaniya. O pagbati sa mga magaganda at tama niyang ginagawa para mas ganahan siyang gawin o ipagpatuloy pa ito.
Photo by Jep Gambardella from Pexels
4. Bigyan siya ng logical punishments.
Ang pagpapakita ng empathy ay hindi basta-basta maituturo sa iyong anak. Pero ang konsepto ng pagkakaroon ng consequences sa kanilang mga ginagawa ay maiintindihan nila.
Tulad halimbawa kung nasa loob ng playroom ang iyong anak at bigla na lang siya namato ng kaniyang mga kalaro. Alisin siya sa loob ng playroom.
Hayaan siyang maupo sa harap ng playroom habang nakikita niyang masayang naglalaro ang ibang mga bata. Ipaliwanag na kailangan mo itong gawin bilang parusa sa ginawa niyang pamamato sa kapwa niya bata. Sa ganitong paraan ay mare-realize niya ang consequences ng mali niyang nagawa.
BASAHIN:
REAL STORIES: Normal ba sa isang 4-year-old ang manakit at maging agresibo?
5 paraan para madisplina ang batang nananakit
WARNING: Ito ang epekto kapag tinatakot ang bata bilang paraan ng pagdidisiplina
5. Maging consistent sa pagdidisiplina sa iyong anak.
Dapat ay maging consistent sa pagdidisiplina sa iyong anak anumang oras o lugar siya nagpakita ng aggressive behavior. Ito ay para mas matanim sa isip niya ang consequence ng mali niyang nagawa. Kung makitang nanakit ulit ang iyong anak ay ulitin lang ang disciplinary action na una mong ginawa sa kaniya.
6. Turuan siya ng ibang paraan para ma-express ang kaniyang nararamdaman.
Hayaang kumalma muna ang iyong anak bago siya kausapin. Kapag siya ay kalmado na ay saka siya kausapin at tanungin ng dahilan ng kaniyang pagawawala.
Ipaliwanag sa kaniya na normal lang na siya ay magalit pero may ibang paraan para ma-express niya ang kaniyang nararamdaman kaysa manakit ng kaniyang kapwa.
Ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga salita o pagsasabi sayo ng mga nararamdaman niya. Turuan din siya kung paano humingi ng tawad sa mali o pananakit na kaniyang ginawa. Ito dapat ay matutunan niyang matigil at hindi na maulit pa.
7. I-monitor ang screentime ng iyong anak.
Maraming mga palabas sa TV o internet na makikita ang mga characters na nagsisigawan o nagsasakitan. Kaya naman mas mabuting limitahan ang pagpapanood sa mga ito sa iyong anak.
Ayon nga sa American Academy of Pediatrics o AAP, kung ang screentime ng isang bata ay hindi makokontrol ay maaaring makaapekto ito sa kaniyang growth at development.
Mas mabuting mag-spend ng quality time kasama ng iyong anak sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t-ibang activities. Nakakatulong lang daw ang screens o iba pang uri ng media sa isang bata sa oras na siya ay 18-months old na.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
8. Panatilihing active ang iyong anak.
Hayaang maging active ang iyong anak. Mas nafrufrustrate kasi ang isang bata kung siya ay naiinip o may energy siya sa katawan na hindi makawala.
Hayaan siyang tumakbo o gumawa ng mga activity na maaliw siya. Hindi lang magiging heathy physically ang katawan niya, maiiwasan pang ma-bored siya at maging aggressive.
9. Humingi ng tulong sa iba kung kinakailangan.
Kung hindi mo kayang i-handle ang pagiging agresibo ng iyong anak ay maaring humingi ng tulong sa iba. Ito ang mga palatandaan na kailangan mo ng dalhin sa isang child psychiatrist o specialist ang iyong anak.
- Kung nagpapakita ng aggressive behavior ang iyong anak ng ilang linggo na.
- Ang iyong anak ay nagdudulot na ng pagkatakot sa ibang bata.
- Inaatake at sinisigawan ng iyong anak ang ibang matatanda.
- Hindi mo maitama o maituwid ang aggressive behavior ng iyong anak.
Kung napapansin mo ang mga palatandaan na ito sa iyong anak ay mabuting dalhin na siya sa isang espesyalista.
Source:
AAP
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!