Isa sa mga mahalagang gawin ng mga magulang para sa kanilang sanggol ay ang padighayin ito. Nakakatulong ito upang mabawasan ang hangin na naiipon sa tiyan ni baby kapag umiinom ng gatas. Pero paano kapag hindi maka-dighay ang baby?
Ngunit paano ito gagawin kung ang sanggol ay natutulog? Siyempre, mahalagang hindi mo rin magising ang iyong sanggol dahil siguradong hindi sila matutuwa, at magtutuloy-tuloy ang pag-iyak nila!
Kaya’t ating alamin kung paano napgpapadighay ng sanggol na natutulog.
Image from Freepik
Paano kapag hindi maka dighay ang baby habang natutulog?
Kapag inaantok na si baby habang pinapakain
May mga pagkakataon na mapapansin mong papikit-pikit na si baby habang siya ay dumedede. Madalas kapag inaantok na sila, nakakalimutan nilang dumighay, kaya’t nagkakaroon sila ng kabag at puwedeng sumakit ang kanilang tiyan pagkagising.
Kaya’t ang isang mainam na paraan upang maiwasan ito ay ang pagpapadighay kay baby bago pa siya makatulog. Subukang padighayin si baby kapag naubos na niya ang kaniyang gatas, o kaya kapag napansin mong inaantok na siya.
Kapag natutulog si baby na buhat mo siya
Kung makatulog naman agad si baby nang hindi mo pa siya napapadighay, huwag mabahala. Kung si baby ay nakatulog at buhat mo pa siya, maaari mo pa naman siyang padighayin.
Image from Freepik
Dahan-dahan mong itayo si baby, papunta sa iyong balikat upang ang ulo nila ay nakasandal sa balikat mo. Sa ganitong posisyon, puwede mong imasahe ng dahan-dahan si baby upang padighayin siya. Natural nang mapapadighay si baby sa ganitong posisyon dahil may pressure ang iyong balikat sa tiyan na, na tumutulak sa sobrang hangin.
Padighayin si baby sa iyong dibdib
Katulad lang din ito ng pagpapadighay kay baby sa iyong balikat. Ngunit ang pinagkaiba ay iaangat mo lang siya hanggang sa dibdib mo.
Mas komportable ang ganitong posisyon kapag nakatulog si baby habang nakaupo kayong dalawa. Siguraduhing suportahan ang ulo ni baby, at maghanda rin ng burp cloth kung sakaling siya ay maglungad.
Bukod sa posisyong ito, puwede mo ring gawin ang tinatawag na “sloth hold” kung saan nakadapa si baby sa iyong braso, habang sinusuportahan mo siya. Mapapadali rin niyo ang pagpapadighay kay baby dahil sa pressure na galing sa iyong braso.
Idapa si baby sa iyong mga hita
Image from Freepik
Kapag nakatulog si baby habang kayo ay nakaupo, puwede mo siyang padighayin sa pamamagitan ng pagdapa sa kaniya sa iyong mga hita.
Kapag nakadapa na si baby ay puwede mong imasahe ang kaniyang likod upang siya ay dumighay. Madalas ay hindi naman nagigising ang mga sanggol kahit sa ganitong posisyon, lalo na kung mahimbing ang kanilang tulog.
Source: Healthline
Basahin: 5 epektibong paraan ng pagpapadighay ng sanggol
5 epektibong paraan ng pagpapadighay ng sanggol
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!