Mga magulang gustong makapagsalita nang maaga si baby? Ayon sa mga pag-aaral, nakakatulong ang pagbabasa sa bata. Alamin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kailan ba nagsisimulang magsalita si baby?
- Paano nakakatulong ang pagbabasa sa bata sa kaniyang pagsasalita?
- Screen time, nakakatulong ba sa pagsasalita ng sanggol?
Excited ka na bang makipag-usap kay baby?
Importante sa mga magulang ang development ng kanilang anak. Kaya nga maraming nauusong mga preschool, playschool, at kung anu-ano pang klase na nakakatulong para mas mabilis matuto ang mga bata.
Ngunit alam niyo ba na ayon sa mga eksperto, mayroong simpleng paraan upang matuto nang magsalita ang iyong anak? Ito ay ang pagbabasa sa bata.
Kailan nagsisimulang magsalita si baby?
Ayon kay Dr. Michiko Caruncho, isang developmental pediatrician mula sa Makati Medical Center, bago pa dumating ng isang taon si baby ay sinusubukan na niyang makipag-usap sa’yo sa pamamagitan ng eye contact, facial expression at hand gestures.
“Kahit before 1-year-old pa lang, your baby is trying to communicate with you. Bago pa magsalita, they are communicating to you – staring, gestures, facial expression. Babbling is an important milestone. Finally, by 1 year old doon mo maririnig ‘yong first word ni baby.” aniya.
Pero dagdag ng doktora, hindi naman lahat ng bata ay nakakapagsalita na pagdating ng isang taon. May mga bata talaga na mas nauuna na marating ang developmental milestone na ito.
Totoo ba na mas nauuna ang mga batang babae pagdating sa pagsasalita kumpara sa mga batang lalaki? Narito ang pahayag niya.
“A little bit true to it. Ang girls kasi more socially inclined talaga. Again very very small lang ang difference. Nandoon sa faster range si girl kaysa sa boy. May mga girls din naman na little slower kaysa sa boys.”
Muling paalala ni Dr. Caruncho, iba-iba naman ang development ng bawat bata. Subalit kung ang iyong anak ay hindi pa rin nagsasalita sa edad na 2 o hindi hihigit sa 50 ang salitang nasasabi niya, mas mabuting tanungin na ang kaniyang pediatrician tungkol rito para mai-refer ka niya sa isang developmental pediatrician.
Larawan mula sa Instagram account ng Speech Sisters
Paano nakakatulong ang pagbabasa sa bata?
Nakakatulong ito para matututo siyang magsalita.
Base sa isinagawang pagsusuri ng mga researcher mula sa Newcastle University, mas nakakaintindi raw ang mga batang madalas binabasahan ng kanilang mga magulang. Kung ikukumpara raw sa ibang mga bata ay malayo ang agwat ng kanilang kakayanan na umintindi at magsalita.
Ayon kay James Law, Professor of Speech and Language Sciences sa Newcastle, matagal nang alam ang benefits ng pagbabasa sa mga bata. Ngunit ang nakakagulat raw ay nang malaman nilang nabibigyan daw nito ng advantage na 8 buwan ang mga bata.
Para sa mga batang may edad na 5 pababa, malaking bagay na raw ang 8 buwan, lalo na pagdating sa kanilang kakayahang magsulat.
Dagdag naman ng magkapatid at mga speech pathologists na sina Brooke Dwyer at Bridget Hillsberg o mas kilala sa Instagram bilang Speech Sisters, ang pagbabasa sa bata ay isang magandang paraan para magpakilala ng mga tunog at bagong salita kay baby, lalo na kung gagawin ito ng magulang sa nakaka-engganyong paraan.
“Book reading is a great way to expose children to new words, new sounds, and rhythm of language. Using a parentese voice (higher-pitched, sing-songy voice) with consistent repetition of words within some baby books is one of the best ways to get little ones vocalizing, babbling and saying real words!”
Tips para maging interesado si baby sa pagbabasa
Sa kanilang Instagram account, nagbigay rin ang Speech Sisters ng ilang tips para ma-engganyong magbasa ang iyong sanggol.
- Ayusin ang posisyon ni baby. Kung nakakaupo na si baby, mas mabuting paupuin mo siya sa harap mo. Pwede mo rin siyang kandungin at ipaharap sa iyo para magkapantay kayong dalawa. Bakit?
- Para makita ni baby ang paggalaw ng iyong bibig at facial expressions habang nagbabasa. Mas mae-engganyo siya kapag nakikita niya ito. Gayundin, para alam mo kung anong tinitingnan ni baby.
- Gawing masaya o interactive ang pagbabasa. Kunyaring pakainin ang mga tauhan sa kwento, gayahin ang tunog ng mga hayop, hawakan ang mga larawan.
- Hindi kailangang basahin ang buong libro. Sa mga unang beses na babasahan mo si baby, pwedeng basahin lang ang mga parte na may nakakatuwang sound effects at mga maiiksing salita para maging mas interesado siya.
- Gamitin ang iyong katawan sa pagbabasa. Gumamit ng hand gestures habang nagkukuwento para makuha ang atensyon ng iyong sanggol. “When you use a gesture and bring the word to life, this can help your child understand the meaning of a word,” sabi ng Speech Sisters.
- Kung gusto niyang basahin ang libro nang paulit-ulit, ayos lang! Ang repetition ay nakakatulong para matandaan ni baby ang mga tunog at salita sa libro.
Anong mga libro ang pwede kay baby?
Anong klase ng mga libro nga ba ang dapat mong basahin sa iyong anak?
Lahat naman ng libro ay pwede mong basahin kay baby, pero hindi ibig-sabihin na matutuwa siya rito.
Dahil sa nag-eexplore pa sila ng kanilang mga kamay, at nagngingipin pa si baby sa umpisa, hindi magandang ideya na bigyan siya ng librong maraming papel. Pupunitin o isusubo lang niya ito. Subukan mo munang bigyan siya ng mga cloth books o mga libro na yari sa tela tulad nito.
Kapag kaya na humawak ni baby ng totoong libro at kaya na niya itong titigan ng ilang segundo nang hindi sinusubo, maari mo siyang bigyan ng board books. Mainam ito dahil mas matibay ito kaysa sa mga ordinaryong libro.
Bukod sa pagpili ng tamang materyal, pumili rin ng mga maiiiksi pero interactive na libro. Nagugustuhan ng mga bata ang mga libro kung saan maari nilang hawakan ang iba-ibang texture o may maririnig silang tunog. Nakakaaliw rin para sa mga baby ang mga pop-up o pulling books kung saan magagamit nila ang kanilang mga kamay.
Tandaan, huwag munang pumili ng mga librong may mahabang kuwento at maraming salita. Sa katunayan, makakatulong kay baby ang mga word books kung saan tinuturo sa kaniya ang iilang salita lang.
Ayon sa Speech Sisters, makakatulong kay baby ang mga librong mayroong exclamatory words o mga salita na madaling tandaan at madaling bigkasin gaya ng “Uh-oh,” “No,” “Yay” o kaya tunog ng mga hayop. Maganda rin ang mga libro kung saan inuulit-ulit ang mga salita.
Habang lumalaki si baby, pwede mo nang bigyan siya ng mga librong mayroong mga simpleng kwento at mas maraming salita.
BASAHIN:
Hindi pa rin nagsasalita si baby? Maaaring ang panonood ng videos ang dahilan, ayon sa mga eksperto
Bagong laman ng Mcdonalds Happy Meal: Libro imbis na laruan
21 best books na dapat mong basahin kay baby
Paano tutulungan si baby na magsalita
Larawan mula sa Pixabay
Ayon sa nabanggit na pag-aaral, importante na mahasa ang language skills habang maliit pa ang mga bata. Nakakadagdag ito sa kakayahan nilang umunawa, na mahirap ma-develop kapag tumanda na sila.
Madalas, kapag hindi gaanong malakas ang language skills ng bata, ay nahihirapan sila sa paaralan. Ito ay dahil nahihirapan silang umintindi, at hindi rin madali para sa kanila ang pagpapahiwatig ng kanilang saloobin.
Mahalaga ang pagpapatibay ng language skills dahil nakakatulong ito sa kanilang pagsasalita, pagbabasa, at pag-unawa.
Screen time, nakaka-apekto ba sa pagsasalita ng bata?
Pag-aakala ng ibang magulang, ang pagpapanood kay baby ng mga palabas ay makakatulong sa kaniyang pagsasalita. Subalit ayon sa mga pag-aaral, sa halip na makatulong ay maari pa itong magdulot ng masamang epekto sa development ng sanggol.
“Ngayon nakikita natin ang mga negative effects ng screen time sa bata. Oras oras ang exposure sa gadgets na nagiging delayed. May isang study, (nagsasabi) na 6 times delayed ‘yong mga bata na maraming screen time compared sa ibang regular na bata.
Less than 2 years old talaga, (dapat) walang iPad, walang cellphone, walang TV, wala. Nawawala ‘yong (opportunity)to hear, to speak, to interact with mom and dad. Kahit educational pa ‘yan.
For example, nanonood siya ng palabas kaysa kausap ni mommy. Iba. Nakikita mo tone, facial expressions. Walang back and forth na interaction sa panonood ng tv.” paliwanag ni Dr. Caruncho.
Tips para ma-boost ang language skills ni baby
Bukod sa pagbabasa sa bata, narito ang ilang mga paraan upang matulungan ng mga magulang na mahasa ang language skills ng kanilang mga anak:
- Kausapin palagi ang iyong anak para masanay sila sa pakikipag-usap. Ugaliing kausapin siya habang naliligo o kahit kapag nagdedede siya.
- Turuan sila ng mga bagong salita, at kausapin sa kanila gamit ito. Habang nakikipaglaro kay baby, pwede mo ring ituro sa kaniya ang tawag sa mga laruan o iba pang bagay sa loob ng bahay.
- Iwasan ang panonood ng TV sa hapag-kainan. Sa halip, mas magandang maglaan ng oras para mag-usap ang pamilya. Para kay baby, pwede kang magturo ng mga exclamatory words habang kumakain tulad ng “Yum,” “Hungry,” o kaya “Yay!” kapag tapos na siyang kumain.
- Sa halip na bigyan si baby ng mga laruan, bilhan ng mga libro ang iyong anak. Kung pipili naman ng laruan, iwasan ang mga maiingay na battery-operated toys. Si baby ang dapat mag-ingay, hindi ang kaniyang laruan. Pumili ng mas simpleng laruan kung saan magagamit ni baby ang kaniyang imagination gaya ng building blocks o stacking cups.
- Iwasan ang baby talk, dahil posibleng makasama ito sa speech development ng iyong anak.
Hindi magtatagal ay makakapagsalita rin ang iyong anak, at maaring mapabilis pa ito kung babasahan mo siya madalas. Kung sa palagay mo naman ay delayed na si baby sa pagsasalita o hindi niya naaabot ang kaniyang milestones, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Telegraph, Instagram,
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!