Pampaswerte sa 2023, tiyak na marami sa atin ang ito ang hanap ngayong papasok na bagong taon. Para sa maswerteng 2023 narito ang mga dapat mong malaman mula sa kilalang Feng Shui expert na si Master Hanz Cua.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga pampaswerte sa 2023
- Dapat tandaan at gawin para maiwasang malasin ka ngayong bagong taon.
Mga pampaswerte sa 2023
Naging kaugalian na ng marami hindi lang nating mga Pilipino ang paglalagay ng pampaswerte tuwing papasok ang bagong taon. Ito nga ay ating ginagawa sa tulong ng Feng Shui na kung saan malaki ang naitutulong para magabayan tayo sa negosyo, buhay pag-ibig at pati na sa pamamalakad sa ating bahay.
Ngayong taon, sa papasok na Year of the Water Rabbit o Year 2023 ay may mga pampaswerte tips na ibinahagi ang mga Feng Shui expert na si Master Hanz Cua na maaari nating gawin.
Ito ay para masiguro na prosperous o maswerte ang papasok na bagong taon. At ating maitataboy o malalabanan ang malas na nakaabang sa ating bahay at buhay ngayong bagong taon.
Larawan mula sa Freepik
1. Mag-suot o gumamit ng mga gamit sa bahay na kulay blue.
Ang lucky color sa year 2023 ay water blue. Ayon sa Feng Shui expert na si Hanz Cua, hindi naman kailangang lahat ng nasa bahay mo ay kulay blue. Okay lang ang may touch of blue lalo na sa mga unang buwan ng 2023. Isa ito sa pampaswerte sa 2023 na dapat ay mayroon sa loob ng iyong bahay ngayong darating na bagong taon.
2. Dapat ay bukas, masaya at higit sa lahat ay malinis ang bahay ngayong papasok na bagong taon.
“Bago pumasok ang bagong taon, dapat bukas, maligaya, masaya at maingay ang ating tahanan. Simulan natin by decluttering, itapon natin ‘yong mga sirang gamit. Maglinis tayo, mag-general cleaning tayo. Para pumasok ang swerte.”
Ito ang lagi sa nangungunang payo ni Feng Shui Master Hanz Cua sa tuwing papasok ang bagong taon. Dagdag pa niya, ang dapat i-prioritize na parte ng bahay pagdating sa paglilinis ay ang main door na kung saan papasok ang swerte.
Wala rin daw dapat sirang appliances o gamit sa loob ng bahay tulad ng sirang relo o orasan. Ito ay dapat itapon na dahil sa hindi ito swerte.
3. Palitan ang pundidong mga ilaw at ayusin ang mga tumatagas na gripo.
Maliban sa pagsisiguro na malinis ang bahay, isa pang pampaswerte ngayong 2023 ay dapat din umano mapalitan na ang anumang pundidong ilaw o sirang gripo.
Dahil ang mga ito ay nakakaapekto sa pagpasok ng swerte at sa pag-agos ng grasya tulad ng tumatagas na gripo na simbolo ng leaking wealth.
Dapat din daw sa pagsalubong ng bagong taon ay maliwanag ang bahay. Ibig sabihin ay dapat buksan ang lahat ng ilaw sa inyong bahay, payo pa ni Cua.
Sapagkat ang maliwanag na bahay umano ay nagdadala ng swerte, good luck o good fortune sa ating buhay. Ang mga bahagi ng bahay na dapat panatiling maliwanag ayon kay Cua ay ang main door, sala, living room at kitchen.
4. Maghanda ng labin-dalawang prutas.
Parang masiguro na magiging masagana ang 2023, siyempre hindi dapat nawawala ang paghahanda ng 12 na klase ng prutas. Ang mga ito ay sumisimbulo sa 12 buwan sa isang taon. Gaya ng pakwan, orange, apple, papaya, banana, guyabano, melon at grapes.
Food photo created by topntp26 – www.freepik.com
5. Mag-display o magsabit ng rabbit lucky charm.
Dahil sa Year of the Water Rabbit ngayon, pampaswerte sa 2023 ang pagsasabit o pagdidisplay ng mga rabbit lucky charms. Tulad ng mga rabbit figurines, kalendaryo na may rabbit design at iba pang pampaswerte na present ang rabbit na maituturing na magdadala ng swerte ngayong taon. Dapat ay isabit o i-display ang rabbit lucky charms sa bawat pintuan o kwarto ng inyong bahay.
Sa opisina ay maari ring maglagay ng mga rabbit lucky charms sa east direction. Ganoon rin sa loob ng bahay gaya ng sala at kitchen para ma-enhance ang good energy at matupad ang hinihiling mo sa buhay.
Larawan mula sa Facebook account ni Hanz Cua
6. Punuin ang lagayan ng asukal, asin atpb.
Tulad rin ng nakasanayan ay dapat puno rin ang mga lagayan ng asin, asukal at bigas ayon kay Cua. Ganoon din ang lagayan ng tubig at gas stove para hindi maubusan ng mga ito sa buong taon ng 2023.
7. Magsuot ng polka dots at bagong underwear.
Dagdag pa ni Cua, hindi lang polka dots na damit ang magbibigay ng swerte ngayong bagong taon. Kung hindi pati ang malinis at bagong underwear na dapat ay suot ng bawat isa sa atin bago pumasok ang 2023.
Ito ay para mapanatili ang swerte lalo na sa ating buhay pag-ibig o lovelife. Kung single ay mabuting magsuot ng pink na underwear para ma-enhance ang good luck o fortune mo sa pakikipagrelasyon.
8. Magpagulong ng bilog na prutas.
Para tuloy-tuloy ang paggulong ng swerte papasok sa ating bahay ay ipinapayo rin ni Cua na magpagulong ng bilog na prutas papasok ng ating mga kwarto at bahay. Tulad ng kiat-kiat at iba pang bilog na prutas na mas maganda kung kulay dilaw. Mas mabuti kung ito ay gagawin ng buong pamilya.
9. Magpalit ng bedsheet, cover at punda sa pagpasok ng bagong taon.
Ayon kay Cua, ay dapat palitan rin ang mga bedsheet, bed cover, at punda sa pagpasok ng bagong taon. Hindi naman kailangang bagong bili, maaring labhan lang ito. Basta magsigurong malinis ito para sa pagpasok ng bagong energy sa darating na bagong taon.
10. Pink na bedsheet para sa mga single at red na bed sheet para sa mga mag-asawa.
Para naman suwertehin sa relasyon, payo ni Cua dapat ang mga single ay gumamit ng pink na bed sheet ngayong papasok na bagong taon. Habang ang mga mag-asawa naman daw dapat ay pula. Para sa mas mainit at masayang pagsasama.
11. Kung may sira ang inyong main door ay dapat ayusin na ito.
Ayusin ang main door dahil dito pumapasok ang good luck at good energy sa bahay natin. Kung sira na ang knob at iba pang bahagi ng pintuan ay mabuting ayusin na ang mga ito. Kung kailangang ipa-repaint ay dapat gawin na bago pumasok ang bagong taon.
12. Dapat malinis ang inyong lutuan o stove.
Linisin ang stove o lutuan. Dahil paliwanag ni Hanz Cua ay dyan ginagawa ang wealth o swerte.
“Ang food kasi ‘yan ang wealth o swerte kaya dapat maayos yan, malinis at maganda ang lutuan o stove natin”, sabi pa niya.
13. Punuin ang lagayan ng asin, asukal, bigas at tubigan.
Kailangang puno ang mga iyan para masigurong puno rin ang ating buhay ng pagpasok ng swerte. Ganoon rin ang ating tangke ng gas o gasul sa pagbasok ng bagong taon.
14. Magsaboy ng barya sa bahay at punuin ng barya ang bulsa.
Para sa dagdag na ingay sa loob ng bahay ngayong bagong taon ay dapat rin daw magsaboy ng barya sa loob ng bahay. Sa ganitong paraan ay naalis ang malas at nasisigurong masasabuyan din ng pampaswerte sa 2023 ang loob ng bahay. Dapat ay puno rin umano ng pera ang mga wallet at ang bulsa naman ay puno ng barya.
15. Gawing maingay ang bahay sa pagpasok ng bagong taon.
Para maalis ang mga malas sa bahay ay dapat mag-ingay para mataboy ito. Gawin ito sa pamamagitan ng pag-ihip ng torotot, pagpapatunog ng bell, paghampas ng kaldero at iba pang paraan ng pag-iingay para mailabas ang malas sa pagpasok ng bagong taon.
16. Ang buong pamilya ay dapat nakasuot ng happy colors sa pagpasok ng new year.
Sa pagpasok ng bagong taon, ay dapat nakasuot rin ng happy colors ang buong pamilya. Dapat ay suot mo rin ang mga alahas mo at dapat ay nakangiti. Para sa simula ng maganda at bagong taon ay dapat bagong ligo rin o nakaayos o make-up, dagdag pa ni Cua.
17. Ayusin ang gusot o tampuhan sa inyong pamilya.
Dapat ay maayos narin ang gusot sa loob ng pamilya. Walang away, walang tampuhan at alitan. Dapat ay pure happiness o love lang ang mangingibabaw sa loob ng inyong bahay. Ito ay para ma-enhance pa umano ang pagpasok ng good luck o swerte sa inyong bahay.
18. Magpausok ng 9 na piraso ng insenso sa bahay.
Para maitaboy ang malas, isang tip parin na ipinapayo ni Cua ay ang pagpapausok ng insenso. Ito ay dapat gawin sa bawat sulok ng bahay para siguradong ang malas ay maitataboy palayo.
Ang insenso ay dapat iikot sa loob ng inyong bahay, clockwise. Habang pinapausukan ang inyong bahay ay i-verbalize na “this house is full of love, this is house is prosperous, this house is full of blessing, this is house is full of happiness, this is house is full of good health” at ang iba pang hiling mo sa inyong bahay.
Flower photo created by freepik – www.freepik.com
19. Bayaran ang lahat ng utang.
Kung maihahabol ay mas mainam umano na dapat bayad na ang lahat ng utang bago pumasok ang bagong taon. Ito ay para hindi ka na malulubog o magkakaroon pang muli ng utang ngayong 2023.
20. Magbigay ng ampao sa mga anak o apo.
Dahil ang ampao o red envelope ay nag-sisignify ng long life. At ang pagsheshare ng blessing ay nagbibigay ng dagdag na swerte sa buhay.
21. Mag-text at batiin ang lahat ng kaibigan at pamilya.
Batiin ng Happy New Year ang malalapit na tao sa iyong buhay. Kung may kagalit ay mabuting ikaw na ang mag-sorry para mas maging panatag at payapa ang pagpasok sayo ng bagong taon.
22. Iwasan ang activity at panatalihing tahimik ang east portion ng inyong bahay.
Payo pa ni Master Hanz Cua, kung may bahagi ng bahay o tindahan na dapat pagkaingatan ngayong 2023, ito ay ang east portion. Dahil dito nauupo ang Tai Sui o ang Guardian God of the Year.
Ang Tai Sui ay magdadala ng biglaang changes sa buhay na magiging unstable ang emotion, finance o daloy ng pera, lovelife at mindset. Lalo na sa mga animal signs na naituturing na hindi swerte o may conflict sa water rabbit. Ang mga ito ay rooster, dragon, horse at rat.
Kung nagbabalak na may ipagawa o ipa-repair sa inyong bahay, ito ang dapat isaalang-alang sa ngayon para maiwasan ang pagpasok ng kamalasan.
“Iwasan ang pagsisimula ng repair o construction sa east direction ng bahay, tindahan o ng any space. Bawal mag-start sa east direction dahil dyan uupo ang Tai Sui.
Kapag nagsimula ka ng repair sa east direction ay directly kino-conflict mo ang Tai Sui. Bawal din mag-end ng repair o construction sa east direction. Puwede ka mag-start ng repair o construction mo sa center o sa ibang sector para makaiwas sa conflict na dala ng Tai Sui.”
Ito ang sabi pa ni Cua.
Dagdag pa niya, dapat ding iwasan ang pagpapatugtog ng malalakas na music na silangang parte ng bahay. Hindi ka rin daw dapat maglalagay ng upuan o uupo na nakaharap sa east dahil sa hinahamon mo ang swerte at magdudulot pa ng dagdag na conflict sa iyong buhay.
“Iwasan ang pag-upo directly facing east. Dahil ang pag-upo directly facing east ay hinahamon mo ang Tai Sui na puwedeng magdala ng misfortune.
Umupo na dapat ang likod mo ay east. Dahil puwede mong gamitin si Tai Sui as support, para sa mga misfortune at conflict sa buhay mo ay nakasuporta si Tai Sui.”
23. Share your blessings.
“Mag-share, mag-work, mag-donate, mag-volunteer ka para makaiwas sa misfortune na dala ng Tai Sui. Be blessing sa ibang tao para patuloy ang blessing sayo.”
Ito ang isa pang paalala ni Hanz Cua.
24. Magpost ng good vibes sa social media.
Iwasan ang pagpopost ng negative o anumang bagay na magbibigay ng negative feelings sa iyong kapwa. Dahil sa ngayon ay importante ang mga pinopost natin. Iwasana ng pangbabash at iba pang negative comments na nag-aattract din ng negative energy at nagtataboy papalayo ng swerte.
Pero sa kabuuan payo ni Cua, ang kaniyang mga sinabi ay gabay lamang. Ang swerte ay nakasalalay parin sa atin. Ngayong bagong taon, maliban sa pagsisigurong papasukin tayo ng swerte ay dapat i-celebrate natin ang bagong taon na kasama ang ating buong pamilya at masaya.
“Ang feng shui pangdagdag swerte lang. Ang sipag, tyaga, determinasyon at sa pagiging hands on ninyo nakasalalay ang inyong swerte.”
Ito ang sabi pa ni Cua.