Biogesic safe ba sa buntis? Ito ang tanong ng mga babaeng nagdadalang-tao kapag sila ay nagkakasakit. Pwede nga bang uminom ng paracetamol ang buntis tulad ng biogesic? Ito ang sagot ng mga pag-aaral.
Talaan ng Nilalaman
Biogesic safe ba sa buntis?
Ang biogesic ang isa sa pinaka-sikat na paracetamol brand dito sa Pilipinas. Katunayan ang gamot na ito ay mas naging kilala pa matapos i-endorso ito ni John Lloyd Cruz. Sa mga commercials ng aktor para sa paracetamol brand ay naging tatak niya ang salitang “Ingat”. Pero safe ba ang biogesic sa buntis o pwede bang uminom ng paracetamol ang buntis tulad ng biogesic?
Pwede bang uminom ng paracetamol ang buntis?
Pwede ba uminom ng paracetamol ang buntis?/Image by gpointstudio on Freepik
Ano nga ba ang side effects sa mga buntis ng paracetamol?
Ayon sa malawakang pag-aaral, na isinagawa ng iba’t-ibang mga University sa US, hindi raw dapat umiinom ng paracetamol ang mga nagbubuntis.
Napag-alaman ng mga researcher na ang paracetamol daw ay nakakaapekto sa balanse ng hormones sa uterus. Ang pagkakaroon ng imbalance na ito ay nakakaapeko sa development ng mga sanggol habang nasa sinapupunan.
Base naman sa pag-aaral na nailathala sa journal na Nature Reviews Endocrinology , ang pag-inom ng paracetamol ng buntis ay maaaring makaapekto sa fetal development.
Mayroon din itong long-lasting effects sa kalusugan ng isang bata. Ito ay napatunayan nila sa pamamagitan ng analysis sa iba’t ibang human at animal studies na nitong nakaraang taon lang ng 2021 lumabas ang resulta.
Safe ba ang biogesic sa buntis? Ang maaring maging epekto sa pagdadalang-tao
Pagpapaliwanag ng ilang pag-aaral, ang gamot na paracetamol ay maaring magdulot ng urogenital at reproductive effects sa sanggol. Gaya halimbawa ng increased risk ng sanggol na ipinagbubuntis na makaranas ng genital malformations.
Ang isang kaso nito ay ang maliit o makitid na pagitan sa butas ng puwet at ari ng sanggol. Nakita rin ng isang pag-aaral na hindi pantay ang testes o bayag ng isang sanggol na ang ina ay umiinom ng paracetamol noong siya ay buntis.
Habang may mga pag-aaral naman ang nagsabing mas maaga ang puberty o pagdadalaga sa mga batang may inang umiinom ng paracetamol noong ipinagbubuntis sila.
Maliban dito ang paracetamol ay maaaring mag-cross o pumasok sa placenta at blood-brain barrier. Kaya naman maaaring makaapekto ang gamot sa brain development ng sanggol.
Ito ang sinasabing dahilan kung bakit maaari itong magdulot ng neurodevelopmental effects sa baby. Tulad nalang ng attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), autism spectrum disorder (ASD), language delays, at mababang IQ level sa isang bata.
Nagiging mas matindi pa raw ang epekto nito kapag patuloy ang pag-inom ng paracetamol habang nagbubuntis. Posible raw na umabot sa 30% ang panganib na magkaroon ng ADHD ang bata at 20% naman pagdating sa autism.
Pero ang tanong, pwede bang uminom ng biogesic ang buntis? Ang sagot ng mga eksperto ay ito.
Pwede ba uminom ng biogesic ang buntis?
Biogesic pwede ba sa buntis? Larawan mula sa Unilab
Kahit may nakaambang panganib sa sanggol na ipinagbubuntis, hindi naman lubusang ipinagbabawal ng mga doktor ang pag-inom ng paracetamol ng buntis. Dahil pagdating sa tanong na kung anong pain reliever ang pwede sa buntis, biogesic lang daw o paracetamol ang maituturing na mas less ang side effects sa pagdadalang-tao.
Bagamat ang ibuprofen ay itinuturing na alternative ng paracetamol, ito ay hindi naman itinuturing na ligtas para sa mga buntis. Dahil sa ito ay may analgesic properties at isang anti-inflammatory drug na lubhang hindi makakabuti sa unang tatlong buwan ng pagdadalang-tao. Tanging paracetamol lang ang inirerekumendang ibigay sa mga babaeng buntis lalo na bilang gamot sa lagnat at pain reliever.
Dahil pagpapaliwanag ng mga eksperto, ang untreated pain ng buntis ay maaring mauwi sa depression, anxiety at hypertension na masama rin sa kaniyang sanggol.
Ang lagnat naman sa buntis ay may masamang epekto rin sa kaniyang baby. Ang mataas na lagnat ng buntis ay maaring mauwi sa neonatal at childhood disorders kabilang na ang pagkakaroon ng birth defects at posibilidad ng miscarriage.
Kaya naman pahayag ng mga eksperto, pagdating sa tanong kung anong pain reliever ang pwede sa buntis, biogesic o paracetamol parin ang inirerekumenda nila. Pero ang buntis dapat magpakonsulta sa doktor bago uminom nito. At dapat masiguro niya rin na mababang dose lang o hindi sosobra ang maiinom niyang dosage ng nasabing gamot.
Safe ba ang biogesic sa buntis? Oo ang sagot./ Larawan mula sa Unilab
Dapat bang umiwas sa pag-inom ng paracetamol ang mga buntis?
Ang paracetamol ay isa sa pinakamadaling bilhin na gamot, dahil ito ay epektibo at hindi nito kailangan ng reseta. Bagama’t inirerekumenda pa rin itong inumin ng mga buntis, hindi naman lahat ng paracetamol ay safe sa buntis.
Tulad ng gamot na bioflu na nagtataglay ng paracetamol. Bagamat ang epekto ng bioflu sa buntis ay makakatulong para maibsan ang lagnat niya at sipon, hindi naman inirerekumenda ng mismong manufacturer ng gamot na inumin ito ng mga babaeng buntis. Ganoon na rin ng mga babaeng nagpapasuso. Ito ang pahayag ng Bioflu ukol dito.
“Bioflu® is not recommended for pregnant and breastfeeding women. As a general precaution, we strongly recommend that you consult your doctor before taking medicines especially if you are pregnant or breasfeeding.”
Paliwanag naman ng isang pag-aaral ang phenylephrine na taglay ng Bioflu ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi ito safe sa buntis. Dahil sa ang phenylephrine iniibsan ang nasal congestion sa pamamagitan ng pagpapakitid ng blood vessel sa nasal passages.
Pero hindi lang basta sa ilong na blood vessels ang naapektuhan ng gamot. Ganito rin ang ginagawa nito sa blood vessels sa uterus ng buntis na maaaring makakaapekto sa blood flow papunta sa fetus at mapigilan itong makakuha ng sapat na oxygen na kailangan ng baby.
Ang kondisyon na ito maaring magdulot ng birth defects sa sanggol at makapagpabagal ng kaniyang heart beat. Ito ang epekto ng bioflu sa buntis kaya naituturing ito na hindi safe sa pagdadalang-tao.
Ano ang mga ligtas na gamot para sa mga nagbubuntis?
Kapag nagbubuntis, kailangang maging mas maingat ang mga ina sa kanilang mga iniinom na gamot. Pero hindi rin naman palaging maiiwasan ang hindi magkasakit tuwing nagbubuntis. Kaya mahalagang alamin kung anu-ano ang mga safe at hindi safe na gamot.
Umiwas sa mga gamot tulad ng ibuprofen, aspirin, at sa mga herbal na gamot dahil makakasama ito sa iyong sanggol.
Kung ikaw ay sinisipon tuwing nagbubuntis, subukan munang uminom ng chicken soup, gumamit ng vaporizer o kaya ng steamer para mabawasan ang sintomas ng sipon.
Bukod sa mga ito, iwasan din ang pag-inom ng mga gamot na ito kung ikaw ay buntis:
- Isotretinoin (formerly sold as Accutane, ngayon ay Absorica, Amnesteem, Claravis, Myorisan, Zenatane), gamot ito sa acne.
- Thalidomide (Thalomid), gamot sa uri ng skin disease at multiple myeloma.
Pagdating naman sa mga ligtas inumin na gamot, heto ang ilan sa mga ito:
- Diphenhydramine
- Pseudoephedrine
- Loratadine
- Zinc lozenges
- Chloraseptic spray
Mainam pa rin na huwag uminom ng kahit anong gamot sa unang 3 buwan ng iyong pagbubuntis. Kung hindi ka sigurado sa iyong iinumin na gamot, magpakonsulta muna sa doktor upang sigurado kang safe ito sa iyo at sa iyong baby.
Samantala, ang pag-inom ng prenatal vitamins ang isa sa pinakanirerekomenda ng mga doktor. Hindi lang ito nakatutulong sa pangkalahatang kalusugan ni mommy. Maganda rin ang epekto nito sa development ni baby. Kaya para maging malakas ang resistensya niyo ni baby, uminom ng prenatal vitamins na nirekomenda sa inyo ng inyong doktor.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.