18 na posibleng sanhi ng bukol sa leeg

undefined

Iba't ibang mga sanhi, dahilan, sintomas at paraan ng pagsusuri at pagpapagaling sa iba't ibang klase, tipo at uri ng bukol sa leeg.

Kung mayroon kang nakakapang bukol sa leeg mo, dapat ka bang mag-alala? Alamin ang mga posibleng sanhi nito.

Kahit sino ay maaaring magkaroon ng bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan, tulad ng bukol sa leeg na masakit o maaring hindi. Kadalasan, hindi ito senyales ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman.

Pero may mga bukol sa leeg o lump in medical term na sintomas ng impeksiyon o pagkalat ng cancer cells. Ating alamin kung ano nga ba ang sanhi ng mga ganitong klaseng bukol.

Karaniwang sanhi ng bukol sa leeg o bukol sa likod ng leeg

Ang kadalasang sanhi ng bukol sa ating leeg ay ang pamamaga ng mga lymph nodes. Mayroon tayong mahigit 100 lymph nodes sa ating leeg at maaari silang mamaga habang nilalabanan ng ating katawan ang isang impeksyon o inflammation.

Kadalasan, hindi naman delikado ang pagkakaroon ng ganitong bukol. Lumalabas ito kapag nilalabanan ng ating immune system ang ubo, sipon o maging dental infection.

Malambot ito kapag hinahawakan at nawawala rin kaagad kapag nawawala na ang infection o bacteria sa ating katawan. Tinatawag rin itong kulani. Gayunpaman, isa sa mga bihira ngunit posible at mas seryosong sanhi ng bukol ay iba’t ibang uri ng cancer.

Ang iba pang sanhi ng bukol sa leeg ay maaaring allergies, pagbara sa daanan ng laway o kaya naman nakukuha mula pa sa kapanganakan.

Posibleng dahilan ng bukol sa leeg base sa posisyon nito

Ang pinaka-madalas na dahilan ng bukol sa leeg ay namamagang kulani o lymph nodes tulad ng nauna ng nabanggit. Madalas ito ay ang bukol sa leeg o below the chin makikita. Maaring dulot rin ito ng allergies o cysts na hindi naman rason ng pag-aalala.

Maaaring namamagang kulani rin ang bukol sa leeg sa kanang bahagi. Lalo na kung sasabayan ito ng pananakit ng tenga at sipon. Ang bukol sa likod ng leeg, sa kabilang banda, ay maaaring dulot ng iba pang kondisyon, tulad ng muscle strain o postural issues.

Kung ang bukol ay sa muscles sa leeg, posibleng dahil ito sa injury na tinatawag na torticollis. Ito ay bukol na makikita sa harapan ng leeg. Ang bukol sa likod ng leeg ay maaari ring magpahiwatig ng mga problemang musculoskeletal o iba pang kondisyon na nauugnay sa likod ng leeg.

Ang mga bukol naman na nasa ilalim lang ng balat ay maaring dulot ng cyst tulad ng sebaceous cysts na hindi naman delikado o cancerous, kapwa sa leeg at sa likod ng leeg.

Pagdating sa lunas, ang mabisang pangtunaw ng bukol sa leeg kung hindi naman dulot ng seryosong sakit ay hot compress. Para sa bukol sa likod ng leeg, maaaring magkaiba ang paraan ng paggamot depende sa sanhi.

bukol sa leeg - babaeng nakahawak sa kaniyang leeg

Larawan mula sa Freepik

18 Posibleng dahilan ng bukol sa leeg

Narito ang ilang maaaring sanhi ng bukol sa leeg, mula sa mga karaniwan at hindi nagtatagal na impeksyon hanggang sa mga mas seryosong sakit.

  • Infectious mononucleosis

Ang infectious mononucleosis ay isang viral infection dulot ng Epstein-Barr Virus (EBV). Ito ay nagdudulot ng lagnat, pananakit ng lalamunan at pamamaga ng lymph nodes. Ang iba pang sintomas ng sakit na ito ay fatigue, night sweats at pananakit ng katawan na maaring magtagal ng hanggang dalawang buwan.

Ang EBV virus ay kumakalat sa pamamagitan ng mga bodily fluids tulad ng saliva. Bagamat maari rin itong kumalat sa dugo o semen sa pamamagitan ng sexual conact, blood transfusions at organ transplantations.

Para maibsan ang sintomas ng EBV ay dapat uminom ng maraming tubig at magpahinga ang taong infected nito. Maari rin siyang uminom ng over-the-counter medications para sa sakit at lagnat.

  • Thyroid nodules

Ang thyroid nodules ay tumutukoy sa bukol na matigas at puno sa thyroid gland. 95 porsyento ng thyroid nodules ay harmless bagamat may mga kaso nito ang palatandaan ng sakit na cancer o autoimmune dysfunction.

Ang pangunahing sintomas ng sakit na ito ay pamamaga ng bukol sa thyroid glad, ubo, magaspang na boses at pananakit sa lalamunan o leeg tuwing lumulunok. Ang taong nakakaranas ng sakit na ito ay hirap lumunok o kaya naman ay makahinga ng maayos. May mga gamot na iniinom para maibsan ang sintomas ng sakit. Ito ay nirereseta ng doktor.

  • Goiter

Ang goiter ay ang bukol sa leeg na sanhi ng hindi normal na paglaki ng thyroid gland.  Maari ring maging resulta ito ng maraming thyroid nodules sa leeg o bandang lalamunan. Ang mga taong nakakaranas ng  sumusunod na kondisyon ay mas prone sa pagkakaroon ng goiter.

  • Obesity.
  • Insulin resistance.
  • Metabolic syndrome.

Maliban sa bukol sa leeg ang iba pang sintomas ng goiter ay ang pakiramdam ng paninikip sa leeg, magaspang na boses, namamagang ugat sa leeg at pagkahilo sa tuwing itinataas ang kamay sa ibabaw ng ulo. Iba pang sintomas ng sakit ay hirap sa paghinga, pag-ubo at hirap sa paglunok.

Ang sakit na ito ay idinudulot ng iodine deficiency, pregnancy, thyroid cancer, thyroiditis at ilang uri ng autoimmune disease. Natutukoy ito sa pagsasagawa ng ilang physical exam at laboratory test. Para malunasan ang sakit na ito ay may mga gamot na iinumin o surgery na kailangang gawin.

  • Tonsilitis

Ang isa pang kondisyon na nagdudulot ng bukol sa leeg ay ang tonsilities. Sanhi ito ng impeksiyon sa lymph nodes ng tonsils dahil sa virus o bacteria.

Maliban sa masakit sa tuwing lumulunok o sore throat, ang iba pang sintomas ng tonsilitis ay pananakit ng tenga, lagnat, sakit ng ulo at ubo.

Ang tonsilitis ay kusang nawawala makalipas ang tatlo hanggang apat na araw. Para mapabilis ang paggaling nito ay nagrereseta ang doktor ng antibiotics para malabanan ang impeksyon.

Ang iba pang sakit na maaring magdulot ng pamamaga o bukol sa leeg ay ang sumusunod:

  • Mumps

Beke sa Tagalog, ang mumps ay isang nakakahawang sakit na sanhi ng isang virus. May dala itong lagnat, sakit ng ulo at pamamaga ng salivary glands na nakapuwesto sa ilalim ng tenga o sa may leeg.

Madalas, ito ang bukol sa leeg ng bata makikita. Lalo na ang mga batang hindi bakunado laban sa sakit. Walang partikular na lunas sa beke. Ang tanging nirereseta lang ng doktor sa sinumang ma-diagnose ng sakit ay mga gamot para maibsan ang lagnat o pananakit na dulot nito.

  • Rubella

Kilala rin sa tawag na german measles o tigdas. Ito ay nagiging sanhi ng pamamaga ng lymph nodes.

  • Bacterial pharyngitis

Pamamaga sa likod ng lalamunan na dulot ng bacterial infection.

  • Branchial cleft cyst

Bukol na depekto mula sa pagkapanganak sa isa o dalawang bahagi ng leeg, o sa ibaba ng collar bone. Lalo itong namamaga kapag may upper respiratory infection ang bata.

  • Lipoma

Bukol na malambot at maaaring gumalaw kapag hinahawakan. Lumalaki ito, pero hindi naman cancerous.

  • Hodgkin’s disease

Tinatawag ring Hodgkin’s lymphoma, isa itong uri ng cancer na tumatama sa ating lymphatic system o bahagi ng immune system. 90% nang nagkakaroon ng sakit na ito ay gumagaling mula sa treatment.

  • Non-Hodgkin’s lymphoma

Isang cancer na tumatama sa lymphatic system at gumagawa ng white blood cells. Nagdudulot din ito ng pamamaga ng lymph nodes.

  • Thyroid cancer

Uri ng cancer na kung saan hindi normal ang mga cells sa thyroid at hindi mapigilan ang paglaki.

  • Throat cancer

Pagkakaroon ng cancer sa kahit anong bahagi ng lalamunan. Ilan sa mga sintomas nito ay pananakit ng lalamunan, hirap sa paglunok at pamamaga ng lymph nodes.

  • Actinic keratosis

Makapal, nangangaliskis o magaspang na balat na nasa 2cm ang laki. Nakukuha ito dahil sa sobrang sun exposure at kung hindi gagamutin agad, maaaring maging sanhi ng skin cancer.

  • Basal cell carcinoma

Ito ay isang uri ng skin cancer na nadudulot din ng labis na sun exposure at mas karaniwan sa mga taong may mapuputing balat. Maaari itong tumubo sa leeg o kaya naman magsanhi ng pamamaga ng lymph nodes.

  • Squamous cell carcinoma

Pangalawa sa pinakakaraniwang uri ng skin cancer. Nangangaliskis at mamula-mulang bahagi ng balat na nagiging bukol at tuloy-tuloy na lumalaki. Ito rin ang kadalasang sanhi ng neck cancer.

  • Melanoma

Pinakamalalang uri ng skin cancer na umaatake sa mga cells na gumagawa ng melanin. Ang melanoma ay maaari ring tumama sa mata, at loob ng katawan gaya ng lalamunan. Kapag nagsisimula nang kumalat ito, maaari itong dumaan sa ating lymph node, sanhi ng bukol sa ating leeg.

  • Cat-scratch fever

Nakukuha mula sa mga kalmot o kagat ng mga pusa na may Bartonella henselae bacteria.

High risk factors sa pagkakaroon ng mga sakit na ito ay,

  • Mga indibidwal na mayroong family history ng thyroid cancer at nodules
  • Mga edad na 40 pataas
  • Walang proper hygiene
  • Mayroong mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng mga alak
babaeng may bukol sa leeg

Larawan mula sa Freepik

Pagsusuri ng bukol sa leeg

Sa dami ng maaaring dahilan ng bukol sa ating leeg o pamamaga ng lymph nodes, paano natin malalaman kung seryoso ba ito o hindi?

Ang pagsusuri para sa bukol o pamamaga ng lymph nodes ay binabase sa nararamdaman na mga sintomas, nakaraang mga sakit at pisikal na pagsusuri.

Minsan ay papapuntahin ang mga pasyente sa mga espesyalista sa ENT para sa mas detalyadong pagsusuri. Aalamin dito ang iyong medical history at tatanungin ka na rin tungkol sa iyong lifestyle at mga sintomas na nararamdaman.

bukol sa leeg - babaeng kinakapa ang kaniyang leeg

Larawan mula sa Freepik

Kung mayroong sintomas ng viral o bacterial infection, kadalasan ay hindi naman kinakailangang sumailalim sa mga karagdagang pagsusuri. Pinapayuhan lang ang pasyente na bantayan kung mawawala nang kusa ang bukol sa kanilang leeg.

Maaaring magsagawa ng X-ray sa sinus o baga, ultrasound sa leeg, o kaya naman ay MRI sa leeg at ulo. Pwede ring magsagawa ng CT scan sa iyong dibdib o baga.

Ito ay ginagawa para masiguro ang dahilan at uri ng bukol na mayroon ang pasyente.

Ano ang dapat gawin kapag nakapa mo ang iyong bukol sa leeg?

Kapag ang thyroid nodule o bukol sa thyroid ay nakakapa na, ito ay nangangahulugan na may kalakihan na ang bukol. Subalit hindi lahat ng malaking bukol ay delikado o may posibilidad na kanser.

May mga bukol na maliit at hindi nakakapa subalit delikado. Sa pangkalahatan, ang nodule na ang sukat ay higit sa one (1) centimeter ay dapat pagtuunan ng mas masusing pagsusuri. 

Gayundin naman, ang bilang ng bukol o nodule ay hindi makapagsasabi kung ito ay benign o malignant (kanser). Ang isang nodule ay may parehong posibilidad na maging malignant gaya ng maraming mga nodule sa thyroid.

Kapag ikaw ay may napuna na bukol sa iyong leeg, nararapat na magpakonsulta agad sa doktor (tulad ng endocrinologist) upang makuha ang history o ang mga sintomas na iyong nararamdaman at upang ma-eksamen ang iyong leeg.

Kabilang sa mga mahahalagang impormasyon na dapat malaman ay ang mga sumusunod: ang pagkakaroon ng radiation sa ulo, leeg o buong katawan noong kabataan, pagkakaroon ng kanser ng thyroid sa mga malapit na kamag-anak, mabilis na paglaki ng bukol at pamamaos ng boses.

Sa pag-eksamen ng doctor, ang mga mahahalagang titingnan ay ang pagkaparalisa ng vocal cords, paglaki ng mga kulani sa gilid ng leeg, at ang pagkakadikit ng bukol sa mga katabing bahagi sa leeg.

Paano malalaman kung delikado ang bukol o hindi?

Ang pinaka wasto at matipid na pamamaraan upang malaman kung ang isang thyroid nodule ay delikado o hindi ay ang Fine Needle Aspiration (FNA) Biopsy. Ito ay madaling gawin lalo na sa mga may bukol na malaki at nakakapa. 

Ang kailangan lamang ay hiringgilya (syringe) na may sapat na laki ng karayum na itutusok sa loob ng bukol upang makakuha ng laman sa loob nito at ilalagay sa “glass slide” upang tingnan ng isang eksperto (gaya ng pathologist) sa ilalim ng microscope. 

Dito niya malalaman kung ang mga cells ay normal o abnormal ang itsura. Ang paggawa ng FNA biopsy ay hindi rekomendado kung sobrang maliit ang bukol (mas maliit sa one (1) centimeter) at kung ito ay hindi nakakapa.

lalaking masakit ang leeg

Larawan mula sa iStock

Sa mga pagkakataon gaya nito, at kung ang bukol ay nasa likurang bahagi ng thyroid gland at kung halos kalahati nito ay may liquid (cyst), ang nararapat gawin ay ang tinatawag na Ultrasound Guided Biopsy. 

Ito ay pareho din ng proseso ng FNA biopsy na binanggit sa itaas subalit nangangailangan ng ultrasound ng thyroid habang ito ay tinutusok.

Kapag marami ang mga bukol o nodule, iyong mga kakaiba ang itsura ang dapat unahin tusukin para sa FNA biopsy. Ang resulta ng FNA biopsy ay makapagsasabi kung ang isang thyroid nodule ay benign, delikado o malignant (kanser).

Kung ang nodule ay malignant (kanser) ayon sa FNA biopsy, kailangan makipagkita agad sa iyong doctor upang mapag-usapan ang pinakamainam na operasyon na dapat gawin upang tanggalin ang bukol at maiwasan ang pagkalat nito.

Posibleng dahilan ng paglaki ng bukol sa leeg

  •  Viral infection sa daanan ng hangin.
  • Mga bacteria na magdudulot ng impkesyon mula sa mga nahahawakan o mga nakakain.
  • Maaari rin itong sintomas ng pagkakaroon ng TB o tuberculosis.

Dapat gawin kung ang nodule benign ang bukol

Kung ang bukol o thyroid nodule ay benign (hindi kanser) batay sa FNA biopsy, hindi karaniwang ipinapayo ang pagsasagawa ng dagdag na mga test at ang madaliang paggamot.

Ang payo ay ang pagmamatyag (follow-up) sa laki ng bukol sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ultrasound tuwing anim (6) na buwan pagkatapos ng unang FNA biopsy. 

Kung ang laki ng bukol ay hindi halos nagbabago, maaaring mas matagal ang susunod na follow-up. Kapag ang bukol ay lumalaki ayon sa pagkapa o ultrasound, dapat ulitin ang FNA biopsy.

Ano ang dapat gawin kung ang module ay malignant?

Kung ang nodule ay malignant (kanser) ayon sa FNA biopsy, kailangan makipagkita agad sa iyong doctor upang mapag-usapan ang pinakamainam na operasyon na dapat gawin upang tanggalin ang bukol at maiwasan ang pagkalat nito.

babaeng masakit ang leeg

Larawan mula sa iStock

Kailan dapat pumunta sa doktor?

Kung ang bukol sa iyong leeg ay sanhi ng impeksyon at pamamaga ng iyong lymph nodes, maaaring may kasama itong pananakit ng lalamunan, hirap sa paglunok at pananakit ng tenga.

Kung nakakaharang naman nito ang iyong airways, maaaring maranasan mo rin na hirap ka huminga o nagbabago o namamaos ang iyong boses.

Kapag skin cancer ang dahilan ng bukol sa iyong leeg, mapapansin mo ang pag-iiba ng kulay sa balat sa bahaging iyon ng iyong katawan. Gayundin, may mga sakit na nagdudulot ng pagkakaroon ng dugo o plema sa kanilang laway.

Ang bukol sa leeg ay maaari ring senyales ng head and neck cancer kung sinasamahan ito ng mga sumusunod na sintomas:

  • Hindi maipaliwanag na pagpapasa
  • Hirap sa paglunok
  • Matinding pagpapawis sa gabi o kapag natutulog
  • Hirap sa paghinga
  • Matinding pagod
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang

Kapag napansin mayroon kang mga senyales nito maaaring papayuhan ka ng iyong doktor ng mga pagsusuri sa dugo o blood test tulad ng TSH o Thyroid Stimulating Hormone. 

Ito ang magsasabi kung ang iyong goiter ay hyperthyroid, hypothyroid o normal lamang ang pag-andar (function). 

Kinakailangan din ang ultrasound ng thyroid o leeg sa lahat ng may thyroid nodule. Sa pamamagitan ng ultrasound ay masasagot ang mga sumusunod na katanungan:

  • Mayroon nga ba talagang bukol sa thyroid na tumutugma sa nakakapa sa leeg?
  • Gaano kalaki ang bukol o nodule? 
  • Ang anyo ba ng bukol ay mukhang benign o delikado?
  • Mayroon bang mga kulani na kakaiba ang hitsura?
  • Higit ba sa kalahati ng bukol ay cyst?
  • Ang bukol ba ay tumubo sa likurang bahagi ng thyroid gland?

lIan sa mga katangian sa ultrasound ng thyroid nodule na malaki ang posibilidad na maging malignant o kanser ay ang mga sumusunod:

  • Mas maraming daloy ng dugo sa loob ng bukol (intranodular vascularity)
  • Irregular ang hugis sa gilid
  • Pagkakaroon ng mga naninigas na bahagi sa loob ng bukol (calcification)

May mga pagkakataon na dapat naman gawin ang thyroid scan kung hindi sapat ang impormasyon na nakuha sa ultrasound.

Bilang pagtatapos, hindi dapat agad matakot kapag ikaw ay may nakapang bukol sa leeg. Kailangan lamang ay magpakonsulta sa iyong doctor at alamin ang pinakamainam na dapat gawin. Ang tamang impormasyon ay makatutulong upang ang pag-aalala at pangamba ay maiwasan.

Mabisang paraan o lunas sa pagtunaw ng bukol sa leeg

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng bukol sa katawan, lalo na sa ating mga leeg. Isa sa mga sanhi nito ay ang pagkakaroon ng impkesyon, abnormal na tubo ng tisyus sa bahaging mayroong bukol o nodule at maaaring ito ay isang indikasyon nga ng tumor o kanser.

Ngunit sa mga hindi malalang kaso, maaaring matunaw at mawala nang mas mabilis ang bukol o lumps sa ating leeg. Anuman ang nakikitang pagbabago sa katawan ay maganda nang agapan at bigyang-pansin para maiwasan ang mga problema sa ating kalusugan, kaya ating tignan ang maaaring lunas sa pagpapatunaw ng bukol sa leeg.

Ang mga lunas at pamamaaran sa pagtunaw ng bukol sa leeg ay dapat alinsunod sa mga sanhi na nararamdaman. Kung ang bukol sa leeg ay hindi naman masakit o walang nararamdamang kirot.

Madadala lamang ito ng mga remedies at treatment na makikita sa bahay o home care, na hindi masyadong magastos at madali lamang mahanap.

Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Pagwawarm compress ng bahagi ng leeg na may bukol.
  • Pag-inom ng maraming tubig sa isang araw.
  • Maaari rin ang pagkonsumo ng dalawang butil ng bawang, bilang ang bawang o garlic ay mayroong anti-bacterial properties at elements na makatutulong sa pagflatten at pagkawala ng inyong bukol o nodule sa leeg.
  • Subukan din ang paggamit ng aloe vera, isa rin ito sa mga makababawas ng pamamaga ng bukol. Maaaring hatiin ang aloe vera sa gitna at budburan ito ng turmeric saka iphadid sa bukol sa leeg.
  •  Apple cider vinegar o ACV, na siyang kilala sa mga natural na remedyo. Maaaring ihalo ang ACV sa maligamgam na tubig at inumin. Maaarin ding kumuha ng washcloth at ilubog ito sa ACV na mayroong maligamgam na tubig saka ipahid sa bukol.
  •  Maaari ring inumin ang pinagsama-samang maligamgam na tubig, cayenne paper at honey para sa mas madaliang pagkawala ng bukol sa leeg. Uminom nito isang beses o dalawa sa isang araw hanggat mawala ang bukol.
  •  Pag-inom ng mga pain reliever tulad ng paracetamol at ibuprofen.
  • Mainam pa rin nag pagpapahinga sa anumang klase ng kondisyon na nararamdaman sa ating katawan. Mapabibilis nito ang paggaling at paghupa ng karamdaman.

Kung nakararamdaman ng kakaibang pananakit sa bukol at mayroong mga ‘di pangkaraniwang sintomas tulad ng hindi pag-impis ng bukol matapos ang pag-inom ng gamot at matinding kirot na ang nararanasan, ipatingin at i-konsulta ito sa inyong mga doktor para maiwasan ang mas mapanganib na health conditions.

Tandaan na may mga bukol pa rin na hindi basta-bastang gumagaling sa simpleng pagtatapal at pag-inom ng mga halamang gamot kaya mainam ang pag-sangguni sa mga propesyunal.

 

Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo at Irish Manlapaz

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!