12 na sintomas ng pulmonya sa baby na dapat bantayan

undefined

Hindi dapat balewalain ang ubong tumatagal nang mahigit sa dalawang araw. Baka ito na ang sintomas ng pulmonya na isa sa nakamamatay na sakit sa mga bata.

Ang pulmonya ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol. Alamin ang mga sintomas ng pulmonya sa baby para maiwasan ito.

Inuubo, may lagnat at hirap bang huminga ang iyong anak? Alamin kung ano ang mga sintomas ng pulmonya sa baby at anong dapat gawin. Ang pulmonya ang isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol sa Pilipinas.

Ayon sa datos mula sa United Nations Children’s Fund o UNICEF, higit sa 800,000 na kaso ng pagkamatay ng mga bata ang naitatala sa buong mundo sanhi ng pulmonia o pneumonia sa mga sanggol.  Mabuti na lamang at maaari itong agapan at gamutin.

Subalit ang sakit na ito ay delikado pa rin sa mga bata at maaaring magkaroon ng mga komplikasyon kapag hindi naagapan, kaya naman mahalagang malaman ng mga magulang ang mga posibleng sanhi at sintomas ng pulmonya sa baby at kung paano ito maiiwasan.

Pulmonya

Ang pneumonia o pulmonya ay isang impeksyon sa baga, partikular sa isa o parehong air sacs. Ang mga air sacs na ito ay napupuno ng nana na nagiging sanhi ng mga sumusunod na sintomas: lagnat, hirap sa paghinga at panginginig.

Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology sa Makati Medical Center, nailalarawan ang pulmonya bilang isang impeksyon sa baga kung saan namamaga ang mga lung tissues.

Paliwanag niya, kapag mayroong mikrobyo na nalanghap ang isang tao, nilalabanan ng katawan ito sa pamamagitan ng paglabas ng mga inflammatory cells o pamamaga. Ito ang dahilan kung bakit nagbabara o sumisikip ang daluyan ng hangin o airways.

“Ang lung tissue ay may laman na air sac. Kapag may mikrobyo, lalabanan ng katawan kaya namamaga. Dahil doon, pwedeng magkaroon ng bara at pamamaga (ang baga).” aniya. 

Dagdag niya, ang pamamaga o pagliit ng daluyan ng hangin ang dahilan kung bakit nahihirapan huminga ang taong may pulmonya.

“Liliit ito, hindi makakapasok ng maayos ‘yong hangin kaya ‘yong ibang may pulmonya, nahihirapang huminga.”

Pulmonya sa baby

Isa ang pulmonya sa pinaka mapaminsalang impeksyon sa respiratory system, at tiyak na matatamaan nito ang baga sa baby. Binubuo ng maliliit na sacs na tinatawag na alveoli ang baga ng tao. Ang alveoli ay napupuno ng hangin kapag humihinga ang isang malusog na tao.

Sa sitwasyon ng baby, dahil karamihan sa kaniyang sistema ay nagdedevelop pa lamang, maaaring mas maging prone ang baby sa pulmonya.

Kapag naman mayroong pulmonya sa bata, napupuno ang alveoli ng nana at fluid, na nagdudulot ng mahirap na paghinga at nalilimitahan ang intake ng oxygen.

Ang pulmonya sa baby at bata ang nag-iisang pinakamalaking sanhi ng pagkamatay ng mga bata. Ayon sa World Health Organization o WHO, humigit kumulang 800,000 bilang ng bata ang namatay dahil sa pulmonya.

Bagaman may nakakabahalang bilang ang naitala ng mga namatay dahil sa pulmonya sa baby, maaari pa ring maproteksyunan ang mga anak mula rito. Kailangan din mabigyan sila ng gamot at precaution methods sa pulmonya sa baby. Maaari ring maiwasan ang pulmonya sa pamamagitan ng pag-alam ng mga sintomas at sanhi ng pulmonya sa baby.

Dagdag pa, tuklasin dito ang responsibilidad na maging mapagbantay sa anumang senyales ng pulmonya sa baby.

Ano ang pulmonya at sintomas nito sa baby

mga gamot at sanggol - sintomas ng pulmonya sa baby

Larawan mula sa Pexels kuha ni Polina Tankilevitch

Sa umpisa, maaaring mapagkamalan ang pulmonya na karaniwang ubo at sipon lang ng bata. Subalit ano nga ba ang pulmonya sa baby?

Ayon kay Dr. Gerolaga, ang tatlong pangunahing sintomas ng ng pneumonia sa bata ay ang lagnat, ubo at hingal o hirap sa paghinga.

Saad ni Dr. Gerolaga, mayroong mga pulmonya kung saan ang sintomas lang na lalabas ay ubo, o kaya naman ay hingal lang. Kaya naman mahalagang bantayan si baby kapag napansin na ang tatlong sintomas na nabanggit.

“Importante talaga is tingnan kung hingal o hirap sa paghinga, at may lagnat at ubong hindi nawawala.” aniya.

Para malaman kung hinihingal si baby, tingnan kung malalim ang kaniyang paghinga sa pamamagitan ng pagtaas-baba ng kaniyang dibdib o tiyan.

Narito pa ang ilang posibleng senyales o sintomas ng pulmonya sa baby:

  1. pananakit ng tiyan
  2. pananakit ng dibdib
  3. panginginig
  4. pagsusuka
  5. uhog na may halong dugo o kaya ay maberde o makalawang ang kulay
  6. hirap sa pagkain (sa mga sanggol) o kawalan ng ganang kumain (sa mga bata)
  7. Pamumula o pamumutla ng mukha at balat ng bata
  8. Madalas na pagiyak ng sanggol sa di matukoy na dahilan
  9. Pagkalampa o panghihina

Dahil nagdudulot ng hirap sa paghinga ang pulmonya sa baby, suriing maigi at obserbahan ang baby kung siya ay nagpapakita ng sintomas gaya ng sumusunod:

  1. Pamumutla ng mga kuko at labi
  2. Paghinga na parang sumisipol o may halak
  3. Pamumula o paglapad ng butas ng ilong

Ang mga sintomas o senyales ng pulmonya sa baby ay depende sa kung anong bahagi ng baga ang naapektuhan. Ang impeksyon sa may gitna o mababang bahagi ng baga ay maaaring maging sanhi ng hirap sa paghinga.

Samantalang ang impeksyon naman sa itaas na bahagi ng baga ay maaaring maging sanhi ng pagsusuka, pagkahilo o pananakit ng tiyan.

Iba pang mga sintomas at senyales ng pulmonya sa baby

Dahil isa ang pulmonya sa matitinding sakit na nagdudulot ng impeksyon sa baga ng baby, madalas na ipagkibit balikat ang simpleng sipon, lagnat, at ubo bilang mga karaniwang sintomas ng trangkaso.

Ngunit, may mga senyales ng pulmonya sa baby ang katulad nito. Mas delikado kung hindi mapapansin kaagad ang mga senyales at sintomas na ito ng hindi binibigyan ng gamot sa pulmonya ng baby.

Narito ang ilan pang mga sintomas ng pulmonya sa baby na dapat nating malaman:

  • pagkakaroon ng lagnat
  • pag-ubo
  • panlalamig o chills
  • mabilis na paghinga
  • paghinga na may kasamang wheezing o singhal
  • nahihirapan sa paghinga
  • pagsusuka
  • pananakit ng dibdib
  • pananakit ng tiyan
  • nagiging matamlay
  • pagkawala ng appetite (sa mas may edad na bata) at poor feeding (sa baby)

Kapag nakitaan ang inyong baby na may dalawa o higit pang kombinasyon ng mga sintomas na ito ng pulmonya sa baby, huwag mag-atubiling pumunta sa doktor para makita ang pinanggagalingan ng mga senyales ng pulmonya sa baby na ito.

 

sanggol na umiinom ng gamot - sintomas ng pulmonya sa baby

Sintomas ng pulmonya o pneumonia sa baby | Image from Freepik

Bakit nagkaka pneumonia ang sanggol?

Ang pulmonya ay maaaring nagmula sa isang mikrobyo, bacteria o parasite.

Sa mga bacteria, ang organismong nagiging sanhi ng pulmonya ay ang streptococcus at mycoplasma (isang magaang na klase ng pulmonya na tinatawag ding “naglalakad na pulmonya”). Sa mga virus naman, ang influenza at respiratory syncytial virus (RSV) naman ang sanhi.

Bakit nga ba nagkaka pneumonia ang sanggol?

Para sa mga sanggol na may mahinang immune system, maaaring maging sanhi ng pulmonya sa baby ang mga organismong tulad ng pneumocystis jiroveci.

Ang isang sanggol o bata ay maaaring dapuan ng pulmonya sa pamamagitan ng:

  • paghinga ng hangin na may bacteria na maaaring magdala ng pulmonya.
  • pagkakaroon ng impeksyon sa itaas na bahagi ng baga tulad ng ubo o trangkaso.
  • pagkakaroon ng komplikasyon na dala ng ibang sakit gaya ng tigdas o bulutong.
  • paglanghap ng gastric juice at pagkain na galing sa tiyan o pagluwal nito papunta sa baga. Madalas itong mangyari tuwing may seizure o stroke.

Ilan sa mga dahilan na nakapagpapataas ng tiyansang makakuha ng pulmonya ang sanggol ay ang mga Environmental Factors tulad ng mga sumusunod:

  • Polusyon sa hangin mula sa pagluluto higit lalo sa mga gumagamit ng kahoy o uling na pinagmumulan ng usok.
  • Dikit-dikit o masikip na espasyong tirahan
  • Paninigarilyo ng kaanak o mga taong nakapaligid sa sanggol

Tandaan:

Ang ilong ng tao ay maaaring pamugaran ng virus o bacteria na nagdudulot ng pulmonya, kahit na sa isang malusog na tao pa. Kapag ang mga ito ay kumalat sa baga, maaaring magkaroon ng pulmonya.

Mas madalas mangyari ito habang o pagkatapos magkaroon ng sipon o iba pang sakit tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD).

Para sa mga sanggol, ang paraan lang para mahawa sila ay kung magkaroon sila ng contact sa isang taong mayroong pulmonya gaya ng mga kasama nila sa bahay.

Ang mga virus o bacteria na nagdadala ng pulmonya sa baby ay naikakalat sa pamamagitan ng mga infected droplets sa hangin tuwing umuubo o sumisinga ang isang tao na mayroon nito na maaaring malanghap ng bata kung siya ay malapit dito.

Ayon sa World Health Organization o WHO may mga ilang pag-aaral na nagsasabing maari ring makuha ng mga sanggol ang naturang karamdaman sa pamamagitan ng dugo mula sa kanilang pagkapanganak.

Patuloy ang masusing pag-aaral at pananaliksik ng mga dalubhasa upang malaman ang iba pang paraan kung paano naikakalat ang naturang sakit sa mga sanggol gayun din ang mga posibleng epektibong paraan upang gamutin o maiwasan ito.

Mataas din ang posibilidad na magkaroon ng pulmonya ang mga bata kapag siya ay may:

  • Mahinang immune system
  • Karamdaman gaya ng asthma o cystic fibrosis
  • Problema sa baga o airways

Ang pneumonia sa mga sanggol ay mapanganib kung hindi maaagapan at maaring mauwi sa kamatayan. Karamihan sa mga kaso ng mga batang pasyente na binabawian ng buhay dahil sa komplikasyong dulot ng sakit na ito ay ang mga bata o sanggol na mayroon ng kondisyong medikal tulad ng Chronic lung disease of Prematurity, Congenital Heart Disease at Immunosuppression.

Kung mapapabayaan, maaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa kalusugan ng sanggol ang pulmonia na maaring makaapekto sa kanya hanggang sa pagtanda. Ilan dito ay ang mataas na tiyansa ng pagkakaroon ng Adult Asthma, Non-Smoking related COPD at Bronchiectasis.

Paano ba makukumpirma kung mayroong pulmonya si baby?

Ayon kay Dr. Gerolaga, hindi naman sa lahat ng oras ay kailangang sumailalim sa x-ray para matukoy kung may pulmonya ang iyong anak. Sapagkat ayon sa kaniya, mayroong mga pagkakataon na normal ang resulta ng x-ray. Pero kapag pinakinggan ng mga doctor gamit ang stethoscope, maririnig na nila na matunog na ang baga.

“Kapag narinig na ng doktor ‘yon at may lagnat ang bata, may ubo, hindi na kailangang ipa-x-ray. Pwede na gamutin agad.” aniya.

Subalit kung matagal na ang ubo, pinapa-x-ray ng doktor ang pasyente para makumpirma na walang ibang impeksyon gaya ng tuberculosis.

“Dapat tandaan na ang pulmonya, may komplikasyon ‘yan. Kung napabayaan, pwedeng magkaroon ng tubig sa baga. Kaya kung matagal ang ubo at hindi gumagaling sa karaniwang gamot na rekomendasyon ng doktor, pinapa-x-ray.” aniya.

Ang iba pang mga test na maaaring isagawa ay ang mga sumusunod: test sa dugo, sputum test (kung saan susuriin ang sputum o ang likidong galing sa baga) at pulse oximetry (kung saan susuriin ang dami ng oxygen sa dugo).

Dagdag pa ni Dr. Gerolaga, kapag hindi naagapan ang pulmonya sa bata, maaari itong magdulot ng mga komplikasyon kaya mas mabuting kumonsulta agad sa doktor kapag napansin na ang mga sintomas nito kay baby.

Mga komplikasyon ng pulmonya sa mga bata

Narito ang ilan sa mga mas malalang sakit at karamdaman na maaaring makuha ni baby kapag hindi naagapan ang kaniyang pulmonya:

  • Hirap sa paghinga – Isa sa senyales ng pulmonya sa baby ay maaaring hirap sa pagsagap ng oxygen. Sa mga ganitong kaso, kinakailangang magpa-ospital ng bata at sumailalim sa isang ventilator.
  • Pamamaga ng baga dala ng nana na nasa lung cavity. Tinatanggal ito gamit ang antibiotics, paghigop ng nana o ng operasyon na gumagamit ng mahabang tubo o karayom.
  • Pagkakaroon ng bacteremia o bacteria sa daluyan ng dugo. Ang bacteria na ito ay maaaring kumalat sa baga, at maaaring maging sanhi ng organ failure.
  • Pleural effuision o ang pag-ipon ng likido sa palibot ng baga. Kailangan itong tanggalin agad upang maiwasan ang impeksyon.

Kailan dapat tumawag ng doktor

Isa sa mga senyales ng pneumonia sa baby at mga bata ay ang lagnat. Itala ang temperatura ng bata sa umaga at sa gabi. Kapag ang lagnat ay umakyat ng higit pa sa 38.9 C (sa mga sanggol na edad 6 na buwan pataas at mga bata) o 38 C (sa mga sanggol edad 5 buwan pababa), o nakikita na hirap siyang huminga, tumawag na agad sa doktor.

batang nasa ospital - sintomas ng pulmonya sa baby

Sintomas ng pulmonya o pneumonia sa baby | Image from Freepik

Lunas at gamot sa pulmonya ni baby

Ayon pa sa doktora, ang pinakamainam na gamot kapag nakumpirma ang pulmonya ng bata ay antibiotic. Maaaring mapatay ang mikrobyo gamit ang antibiotics na iinumin nang ayon sa iskedyul na nasa reseta ng doktor.

Ang iba pang mga gamot sa pneumonia ng bata na maaaring makatulong na maibsan ang mga sintomas nito ay ang sumusunod:

  • gamot sa ubo na maaaring magpaluwag ng mga likido sa baga
  • antipyretics o mga gamot na maaaring magpababa ng lagnat tulad ng ibuprofen o acetaminophen. Iwasang magbigay ng aspirin dahil maaari itong maging sanhi ng Reye’s syndrome.

Tandaan na dapat ay kumonsulta muna sa pediatrician ni baby bago siya bigyan ng anumang gamot para sa pulmonya.

Hindi madaling matukoy sa simula kung anong uri ng pneumonia mayroon si baby at kadalasang antibiotic ang inirerekomendang gamot para dito.

Ito ay upang maagapan ang pagkalat ng mikrobyo sakaling bacterial ang klase ng pulmonyang tumama sa bata. May ilang mga magulang na hindi na tinatapos ang gamutan dahil na rin sa pagbuti ng pakiramdam ng bata at pagkawala ng mga sintomas ngunit dapat itong tapusin ayon sa payo ng doktor.

May ilang bacteria kasi na hindi agad agad napapatay ng antibiotic na maaring magdulot ng muling pagbalik ng sakit o pagkakaroon ng komplikasyon.

Agad na bumalik at magpakonsulta sa doctor sakaling lumala o muling bumalik ang mga sintomas tulad ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng lagnat ng bata sa loob ng ilang araw.
  • Lagnat na nawawala at muling bumabalik.
  • Hindi normal o hirap ang sanggol sa paghinga
  • Nawawalan ng gana at sigla ang bata at nagiging antukin
  • Paglabas ng mga ibat’ ibang impeksyon sa katawan ng bata
  • Pananakit ng buto, pamamaga at pamumula ng mga kasukasuan
  • Paninigas ng leeg o batok o pagkakaroon ng stiff neck
  • Pagsusuka at pagkakaroon ng mga bagong sintomas

Home remedies sa pulmonya ng bata

May mga pagkakataon na hindi gaanong malala ang sintomas ng pulmonya sa baby. Tinatawag rin itong “walking pneumonia.”

“Kaya siya tinatawag na walking pneumonia kasi hindi siya matamlay, nakakapaglaro pa, pero umuubo. Hindi siya mukhang may sakit.” paliwanag ni Dr. Gerolaga.

Sa mga ganitong pagkakataon, maaari namang gamutin ang pulmonya ni baby sa bahay. Narito ang mga hakbang na pwede mong subukan:

  • Padedehin ng mas madalas, painumin ng maraming tubig o pakainin ng mga pagkaing may sabaw upang mailabas ang toxin sa katawan.
  • Maglagay ng warm compress sa dibdib ng bata kung ito ay nakakaramdam ng pananakit ng dibdib.
  • Siguraduhin na nasusunod sa oras ng pag-inom ng gamot ang bata.
nilalagnat na sanggol - sintomas ng pulmonya sa baby

Sintomas ng pulmonya o pneumonia sa baby | Image source: File photo

  • Tiyaking may sapat na pahinga at tulog ang bata.
  • Ilayo o iiwas ang bata sa mga air irritants tulad ng polusyon at usok na nagmumula sa sigarilyo.
  • Hayaang ilabas ng bata ang plema sa pamamagitan ng pag ubo dito kaya’t iwasang painumin ang sanggol ng mga Over-the Counter na gamot at iba pang uri ng gamot na hindi ikinukunsulta sa inyong pediatrician.
  • Siguraduhing suotan ang bata ng damit na angkop upang mapanatili ang tamang temperatura ng sanggol sa katawan.

Bagamat puwedeng gamutin ang pulmonya sa bahay, maaaring ma-confine sa ospital si baby kapag siya ay:

  • wala pang dalawang buwan
  • hirap huminga
  • mukhang dehydrated o kulang sa tubig
  • parang laging inaantok
  • mababa ang oxygen level
  • may temperatura na mas mababa kaysa sa kinasanayan.

Gaano katagal gamutin ang pneumonia o pulmonya sa baby?

Ang pneumonia sa sanggol ay maaaring bacterial na sanhi ng mikrobyo o viral na mula sa influenza o flu. Kung ang pulmonya ng bata ay bacterial, maaaring abutin ng isa hanggang dalawang linggo bago tuluyang manumbalik sa kalusugan ang sanggol, basta’t naibibigay ang tamang gamutan para sa kanya.

Maaari namang higit dito o mas matagal pa bago tuluyang makarecover ang bata na may viral pneumonia. Kadalasang inaabot ito ng tatlo hanggang apat na linggo bago sila tuluyang gumaling mula sa karamdaman.

Paano maiiwasan ang pulmonya sa baby?

Mas mababa ang tiyansa na mahawa ang iba pang kasama sa loob ng bahay kapag nabigyan na ng antibiotics ang batang may pulmonya. Gayunpaman, kailangan pa ring gawin ang mga sumusunod kung paano maiiwasan ang pulmonya sa baby:

  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at gawin ito ng tama (sundin ang 20-second rule).
  • Iwasan ang paggamit ng baso, plato, at kubyertos ng batang may pulmonya.
  • Palakasin ang immune system ng bata sa pamamagitan ng sapat na tulog, exercise at tamang pagkain.
  • Makatutulong din ang pagbibigay kay baby ng vitamins upang mas mapalakas ang kanyang resistensya
  • Iwasang maexpose ang sanggol sa mga air pollutants tulad ng usok at maruming hangin na maaari nilang malanghap at pagmulan ng problema sa baga at paghinga.
  • Ilayo si baby sa mga matatao at masisikip na lugar

 

Mga pwedeng gawin bilang lunas at pagpapahina sa sintomas sa pulmonya sa bata

Narito ang ilan sa mga pwedeng gawin maliban sa pag-inom ng gamot kung paano maiiwasan ang paglala ng senyales at sintomas ng pulmonya sa baby:

  • pagpapahinga ng mabuti
  • pag-inom ng maraming fluids, lalo na ang tubig at kung breastfeed ay mainam na ito
  • paglalagay ng cool mist humidifier sa kwarto ng baby
  • acetaminophen para sa discomfort at lagnat ng baby (ngunit kailangan muna itong ipakonsulta sa doktor)
  • gamot na para sa ubo at akma sa edad ng baby

Tiyakin munang safe na painumin ng gamot sa pulmonya sa baby ang inyong anak. Pinakamatalinong pwede pa ring gawin ng mga moms ay magtanong muna sa doktor.

Maaaring bisitahin ang inyong mga Barangay Health Center para sa iba pang impormasyon tungkol sa pangangalaga ng kalusugan ninyo ni baby at sa mga update tungkol sa mga programa ng komunidad kontra pneumonia.

Higit sa lahat, ang pagkakaroon ni baby ng pneumonia vaccine (PCV) ay higit na makakatulong para maprotektahan siya laban sa mga sintomas at komplikasyon na dala ng sakit na ito. Alamin ang tungkol sa bakuna para sa pulmonya ng bata rito.

 

 

Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Singapore

Karagdagang ulat ni Camille Eusebio, Jobelle Macayan at Nathanielle Torre

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!