Tamang oras sa pag-inom ng vitamins at supplements sa mga bata at matanda

Halos lahat ay umiinom ng vitamins araw-araw. Alamin ang oras sa pag-inom ng vitamins base sa mabuting epekto na naidudulot nito sa ating katawan

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Tamang oras sa pag-inom ng vitamins C, B, A, E at iba pang vitamins, kailan nga ba dapat?

Mababasa dito ang sumusunod:

  • Tamang oras sa pag inom ng vitamins C, B, A, E at iba pa.

Halos lahat ay umiinom ng vitamins araw-araw. May iba pa nga na higit sa isa ang iniinom dahil sa iba’t ibang naitutulong nito sa katawan. Ngunit, hindi lahat ng klase ng vitamins ay pare-pareho ang paraan ng pagtanggap ng ating mga katawan. Ang pag-inom ng vitamins sa tamang oras ay ang makakapagpalakas ng maitutulong nito sa ating katawan. Ngunit ano nga ba ang tamang oras sa pag-inom ng vitamins C, A, E, B at iba pang vitamins na madalas ng iniinom ng marami sa atin?

Tamang oras sa pag inom ng vitamins C, B, A, E at iba pa

Ang mga vitamins ay gumagana at epektibo sa iba’t ibang paraan. Ibig sabihin lamang nito ay may mga bagay na dapat ikonsidera sa pag-inom nito. 

Kapag ang isang tao ay hindi iniinom ang vitamins sa tamang oras, mahirap makita ang epektong dulot nito. Ang pag-inom ng vitamins sa tamang oras ay makakatulong upang mas ma-absorb ng katawan ang nutrisyon na dulot nito. 

Alamin ang pinakamagandang oras para uminom ng vitamins base sa layunin nito.

Kailan nga ba ang tamang oras sa pag-inom ng vitamins?

Inilista namin ang mga tamang oras sa pag-inom ng vitamins C at iba pang vitamins na kadalasan nating iniinom. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Vitamin C

Ang vitamin C ay may importanteng papel na ginagampanan sa katawan ng isang tao. Ang vitamin C ay isang antioxidant at kinakailangan para sa immune system. 

May iba’t ibang uri ng vitamin C at ito ay ascorbic acid, liposomal vitamin C at calcium ascorbate. Ang ascorbic acid ay mayroong bioavailability na katulad ng mga ascorbic acid na matatagpuan sa prutas at gulay. 

Kailan ang ang tamang oras ng pag-inom ng vitamins C?

Maaari mong inumin ang vitamin C anumang oras sa isang araw, may kasama mang pagkain o wala. 

B Vitamins

Maraming tao ang umiinom ng B vitamins upang ma-boost ang enerhiya at mabawasan ang stress. 

Mayroong iba’t ibang uri ng B vitamins at ay ang mga sumusunod: thiamin, riboflavin, vitamin B-6, niacin, biotin, vitamin B-12, folic acid at pantothenic acid. 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Dahil sa energy boosting abilities na hatid ng vitamins na ito, pinaka tamang oras na inumin ang B vitamins pagkagising. May mga pag-aaral na nagsasabing nakakasagabal sa pagtulog ang B vitamins. Upang maiwasan ang ganitong epekto, inirerekomenda na inumin ito mas maaga mas maganda. 

Larawan mula sa Shutterstock

Vitamin A

Karamihan sa mga vitamin A supplements ay nagtataglay ng mga vitamin A na nagmula sa fish liver oil o sa mga compound sa halaman na kino-convert ng katawan para mabuo ang vitamin A.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Upang masiguro ang epekto ng vitamin A, kinakailangan na inumin ito kasabay ng pagkain na nagtataglay ng fat. 

Vitamin D 

Ang vitamin D ay kinakailangan upang mapatibay ang immune system, ang buto at cellular growth. 

Anumang oras sa isang araw ay pwede mong inumin ang vitamin D. Mas magiging mabisa ito kung iinumin kasama ang mga pagkain o snacks na nagtataglay ng fat. 

Importante rin na malaman na ang activation ng vitamin D ay kinakailangan din ng sapat na bilang ng magnesium. 

Vitamin E

Ang vitamin E ay nagsisilbing antioxidant sa katawan na importante para sa maayos blood flow at immune system. 

Ito rin ay isang popular na dietary supplements. Ang mga taong nahihirapan sa pagdumi, at mayroon cystic fibrosis at Crohn’s disease ay kinakailangan ng vitamin E sa katawan. 

Ipinapayo na inumin ang vitamin E supplements matapos kumain. Sa kabilang banda, ayon sa pag-aaral kung ang iyong katawan ay nagtataglay na ng sapat na fat, magiging epektibo pa rin ang pag-inom ng vitamin E.

Tandaan na kahit importante ang pag-inom ng vitamin E sa katawan, ang sobrang pag-inom nito ay maaaring magkaroon ng masamang epekto. 

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Vitamin K

Kinakailangan ang vitamin K para sa blood clotting, buto at kalusugan ng puso. Maaari mong inumin ang vitamin K anumang oras sa isang araw na may kasamang pagkain. 

Kung maaari, iwasan ang pag-inom ng vitamin K kasabay ng ibang mga fat soluble vitamins tulad ng vitamin E at A. Sa kabilang banda ang pag-inom ng vitamin K kasabay ng vitamin D ay may hatid na benepisyo sa katawan, at may benepisyo sa kalusugan ng buto at makatutulong upang mapanatili ang malusog na calcium level sa katawan.

Iron

Ang iron ay mas naa-absorb ng katawan kapag wala pang laman ang tiyan. Dagdag pa rito, nahihirapan tanggapin ng katawan ang iron matapos uminom ng gatas. Makakabuti na uminom ng iron kasabay ng inumin na may Vitamin C.

Tamang oras sa pag-inom ng prenatal vitamins?

Tamang oras sa pag-inom ng vitamins sa pag-inom ng prenatal vitamins. | Larawan mula sa Shutterstock

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang pag-inom ng vitamins ay importante habang nagbubuntis. Gayunpaman ayon sa mga eksperto ang pinaka tamang panahon ng pag-inom ng vitamins ay dapat umpisahan bago pa man magbuntis. 

Kinakailangan din mag-take ng sapat na folic acid araw-araw, 3 buwan bago ang planong pagbubuntis. Ang folic acid ay esensyal sa development ng neural tube ni baby. Ang kakulangan nito ay maaaring magdulot ng komplikasyon kay baby.

Narito ang tamang oras ng pag-inom ng prenatal vitamins at folic acid:

  • Folic Acid – Ang folic acid ay isang water soluble vitamin, kaya naman ipinapayo ng mga eksperto na inumin ito nang may kasamang isang baso ng tubig habang walang laman ang tiyan. 
  • Prenatal vitamins – Inumin ang prenatal vitamins kasama ng tubig at pagkain upang mas maging epektibo. Pinakamainam na inumin ito pagtakapos ng agahan o tanghalian, upang maiwasan ang pananakit ng tiyan at acid reflux. 

Kailan nga ba ang pinakamainam na oras ng pag-inom ng calcium?

Maraming tao ang ikino-consider na vitamins ang calcium, ngunit ang totoo ito ay isang uri ng mineral. Kaya naman kinakailangan ang ibayong pag-iingat sa pag-inom nito.

Mayroong dalawang uri ng calcium supplements at ito ay ang calcium carbonate at calcium citrate. Ang tamang oras ng pag-inom ng calcium ay nakadepende kung anong uri ng calcium ang iyong iinumin. 

  • Calcium carbonate – Upang maging epektibo, ang uri na ito ay kinakailangang inumin habang may acid sa tiyan. Inumin ito habang may laman ang tiyan dahil nagpoproduce ito ng acid. 
  • Calcium citrate – Maaari mo itong inumin may laman man ang tiyan o wala, dahil kaya itong i-absorb ng katawan may acid man o wala. Karaniwan itong inirerekomenda ng doctor sa mga taong nagte-take ng antacids.  

Larawan mula sa Shutterstock

Tamang pag-inom ng multivitamins

Ilan sa mga tao ay mas pinipiling uminom ng multivitamins kaysa sa uminom ng isang uri ng vitamins, dahil ito ay mas convenient at mas mura.

Ang multivitamins ay karaniwang nagtataglay ng fat at water soluble na vitamins, ipinapayo na inumin ito pagkatapos kumain. Iwasan ang pag-inom nito kapag walang laman ang tiyan upang mas maging epektibo ito sa katawan. 

Kung ikaw ay iinom ng dalawang tableta kada isang araw, hatiin ang dose nito sa dalawa isa sa agahan at isa sa tanghalian. 

Tandaan!

Kinakailangan ang ibayong pag-iingat sa pag-inom ng mga vitamins at supplements. Dahil imbis na maging epektibo, ang hindi tamang pag-inom nito ay maaaring makasama sa katawan. Dagdag pa rito ang sobrang pag-inom ng mga ito ay maaari rin magdulot ng hindi magandang epekto sa isang tao.

May ilang vitamins na maaaring magdulot ng side-effects sa katawan o kaya naman ay hindi maaaring inumin kasabay ng iba pang vitamins. Isang halimbawa dito ay hindi maaaring uminom ng Vitamin K kasabay ng pampalabnaw ng dugo.

Mahalaga rin na sundin ang inirerekumendang tamang dosage ng vitamins na kailangan ng katawan lalo na kung buntis. Kung alam na kakailanganin ng iron, imbes na dalawa ang inumin na prenatal vitamins, makakabuting dagdagan ng iron supplement ang mga iniinom. Ang pag-doble ng dosage ng Vitamin A ay maaaring maka-apekto sa kalusugan ng baby.

Ang mga vitamins ay ginawa upang makatulong sa kalusugan. Subalit, hindi rin maganda kung sumobra ito sa katawan.

Vitamins para sa mga bata

Ngayon, napapatanong ka rin ba kung anong oras dapat uminom ng vitamins ang bata at ano ang tamang oras ng pag inom ng vitamins sa baby?

Ngunit bago ang lahat, mahalagang malaman kung kailangan ba talaga ng bata o baby ang vitamins supplement.

Ayon sa artikulo ng John Hopkins All Children’s Hospital, tipikal man umano na ligtas para sa mga bata ang pag-inom ng vitamins, ngunit ideally ang mga nutrients at vitamins na kailangan ng katawan ng isang bata ay nakukuha nito sa mga kinakain.

Karaniwan umanong hindi kailangan ng bata ang pag-inom ng vitamin supplements. Siguraduhin lamang daw na nakakakain ito ng masusustansyang pagkain. Pero iginiit din ng Hopkins Medicine na hindi magkakatulad ang mga bata. Mayroong mga bata na kailangan talaga ng vitamin supplements.

Halimbawa ang baby na pinasususo ng breastmilk, kailangan nito ng vitamin D supplements. Ang mga premature na baby naman ay nirerekomendang mag-take ng multivitamin with iron bago ito i-discharge sa neonatal intensive care unit (NICU).

Kung may go signal ng pediatrician, wala naman umanong masama kung paiinumin ng vitamin supplements ang anak. Tandaan lang na piliin ang vitamins na angkop sa edad ng iyong anak at huwag hayaang maging replacement ito ng healthy diet. Mahalaga pa rin na kumain ng sapat at masustansya ang bata para maging maayos ang growth at development nito.

Larawan mula sa Pexels kuha ni Vanessa Loring

Mga bitaminang kailangan ng bata

Karaniwang binibigyan ng vitamin drops ang mga sanggol. Makipag-ugnayan sa iyong healthcare provider kung paano mabibigyan ng vitamin drops ang iyong baby.

Ayon sa NHS UK, mahalaga rin na tandaan na hindi makabubuti sa bata kung sobra-sobra ang vitamins nito. Tiyakin na painumin lamang ang mga ito nang naaayon sa recommended dosage na nasa label ng vitamins o ng recommended dosage ng inyong doktor.

Ang ilan pa sa mga bitamina na kailangan ng bata ay ang mga sumusunod:

Vitamin D

Makukuha ito sa mga pagkain tulad ng oily fish at itlog. Mayroon din nito ang mga fat spreads at breakfast cereals. Pero mahirap makakuha ng sapat na vitamin D sa pagkain lamang. Ang main source kasi ng bitaminang ito ay mula sa init ng araw. Pero dahil kailangan protektahan din ang balat ng bata mula sa init ng araw, makabubuti ang pag-inom ng vitamin D supplement.

Vitamin A

Importante ito para sa mga bay at young children. Mahalaga ito para magkaroon ng malusog na immune system, maayos na paningin, at malusog na balat. Ang dairy products, fortified fat spreads, carrots, mangga, kamote, dark green vegetables tulad ng repolyo at broccoli ay mayaman sa vitamin A.

Vitamin C

Essential ang vitamin C sa general health ng bata at sa pagpapatibay ng kaniyang immune system. Makatutulong din ang vitamin C para ma-absorb ng katawan ang iron. Mayaman sa vitamin C ang prutas tulad ng oranges, kiwi, at strawberries. Gayundin ang mga gulay tulad ng broccoli, kamatis, at peppers.

Anong oras dapat uminom ng vitamins ang bata

Ngayon, balikan ulit natin ang tanong na ano ang tamang oras ng pag inom ng vitamins sa baby at anong oras dapat uminom ng vitamins ang bata.

Makabubuting hingin ang payo ng inyong pediatrician hinggil sa oras ng pag-inom ng vitamins ng baby.

Samantala, ayon sa Hiya Health, ang tamang oras ng pag-inom ng vitamins ng bata ay nakadepende sa sitwasyon.

Ang mga vitamins umano na tumutulong para suportahan ang energy production ng bata ay mas makabubuting inumin sa active hours nila –kung kailan sila aktibo.

Habang karaniwan sa iba pang vitamins ng mga bata ay makabubutinh inumin tuwing umaga matapos mag-almusal.

Tamang oras ng pag-inom ng vitamins ng bata

Para sa mga water soluble vitamins, pwede itong inumin ano mang oras pero mas magiging epektibo umano ito kung iinumin sa araw o umaga.

Kung vitamin B12 ang iinumin, mabuti rin na inumin ito sa umaga at iwasan ang pag-inom nito sa gabi.

Ang mga halimbawa ng water soluble vitamins ay ang mga sumusunod:

  • Vitamin B7 o biotin
  • Folic acid o vitamin B9
  • Ascorbic acid o vitamin C
  • Pyridoxine o Vitamin B6
  • Thiamine o Vitamin B1
  • Niacin o Vitamin B3
  • Riboflavin o Vitamin B2
  • Pantothenic Acid o Vitamin B5

Para naman sa mga fat soluble vitamins tulad ng vitamin D, K, A at E, maaari itong inumin ano mang oras. Tandaan lang na mas magiging epektibo ito kung iinumin kasabay ng pagkain ng fat tulad ng dairy products, avocado, nuts, itlog, isda, olive oil, at tofu.

Kung multivitamins naman ang ipapainom sa bata, mabuti itong ibigay sa kanya sa umaga matapos ang almusal. Tiyakin lang din na ang almusal ng iyong anak ay mayroong healthy fats. Ibigay ang multivitamins at painumin ang bata ng tubig.

Tandaan na pakainin muna ang bata bago ito painumin nang ano mang vitamin supplements upang maiwasan ang pananakit ng tiyan.

 

Karagdagang ulat mula kay Joyce Vitug at Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.