Delayed menstruation: 6 na posibleng dahilan kung bakit nade-delay ang menstruation
Bakit nade-delay ang menstruation? Ibig sabihin ba nito buntis na? Narito ang 6 na karaniwang rason kung bakit hindi agad dumarating ang buwanang dalaw.
Bakit nadedelay ang menstruation? Maaaring isipin na buntis na kapag nangyari ito. Ano ang dapat gawin kapag delay ang menstruation? Alamin ang mga posibleng dahilan at paraan na pamparegla.
Bakit nadedelay ang menstruation? Nag-aalala ka na ba at hindi ka pa dinadatnan ng buwanang dalaw? May ibang mga natutuwa dahil baka ito na ang hinihintay na pagbubuntis. Ngunit, alam mo ba na hindi lang pagbubuntis ang sanhi kung bakit nale-late ang period o nadedelay ang menstruation?
“Buntis ba ako?”
Ito palagi ang unang pangamba ng mga kababaihan kapag hindi pa nagkakaron ng buwanang dalaw. Panic mode agad. Hindi ba mas mainam kung aalamin ang mga posibleng dahilan ng menstrual delay?
Bago magmadaling bumili ng pregnancy test sa drug store, basahin ang 6 na karaniwang dahilan kung bakit hindi pa dumadating ang menstruation mo sa buwang ito.
Talaan ng Nilalaman
Bakit nadedelay ang menstruation?
1. Stress o labis na pag-aalala
Isa sa mga dahilan kung bakit nadedelay ang regla ay ang labis na pag-aalala o stress. Kasama na rito ang hypothalamus—ang bahagi ng utak na nagkokontrol sa pagpapalabas ng hormones.
Ayon sa mga pag-aaral, kapag labis ang stress, maaapektuhan ang menstrual cycle na maaaring maging maikli, o mas matagal, o di kaya ay huli o hindi dumadating sa takdang araw. Mayroon ding nagkakaron ng mas masakit na period cramps.
Ang dapat gawin: Hangga’t makakayang iwasan ang labis na pag-iisip, at ang mga sitwasyong nakaka-stress, gawin ito. Mag-ehersisyo, matulog nang sapat, at maghanap ng mapaglilibangan para maibsan ang stress level.
2. Ang gamit mong birth control
Tipikal na kaalaman sa mga babae na mas makakatulong na ma-regulate ang menstural cycle kapag gumagamit ng birth control pills.
Pero ayon sa medical article ng reproductive health expert na si Dr. George Patounakis, minsan ay nakakaapekto ang pag-inom ng extended-cycle ng birth control pills.
Sa halip na 21 pills sa 21 araw, may mga set ng pills na para sa 28-day cycle, at mayron ding tuluy-tuloy na 3 buwan. Sa 28-pill set, ang pito ay “blanko” o hormone-free pills, pero ginagamit para masanay ang babae na uminom at hindi makalimot.
Ang hormonal birth control ay nagpapalabas ng estrogen na may kasamang progesterone sa loob ng 21 araw. Kasunod nito ang ilang hormone-free-pill days. Ang pagkawala ng hormones ang nagpapalabas ng menstruation o dugo.
Ang hormones na ito ay sanhi ng pagnipis ng lining ng uterus, na minsan ay sobra ang nipis kaya’t hindi nagkakaron ng pagdurugo o menstruation. Ito ang dahilan ng delay.
Gayundin sa mga gumagamit ng injectable birth control o ‘di kaya ay patches, pati na intrauterine devices (IUDs). Kaya’t kung ganito ang contraceptive na gamit, asahan na hindi magiging sakto ang dating ng buwanang dalaw, at minsan pa nga ay wala sa isang buwan.
Ang dapat gawin: Wala namang panganib ang delay na dahil sa contraceptive. Payo pa rin ni Dr. Patounakis, kung higit sa 2 buwan nang hindi dinadatnan.
Kahit pa gumagamit ng contraceptive, dapat na ring magpatingin sa OB-GYN para masiguro kung buntis nga o hindi. Hindi kasi 100% na epektibo ang lahat ng uri ng contraceptive.
3. Pagbabawas o pagdagdag ng timbang dahil sa diet
Isa rin sa mga dahilan kung bakit nadedelay ang menstruation ay timbang. May mga sadyang nagbawas ng timbang kaya’t nabago ang food intake, o ‘di kaya ay tahasang nag-eehersisyo.
Ang dalawang bagay na ito ay posibleng dahilan ng pagkahuli ng dating ng buwanang dalaw. Kapag kasi naging underweight o bumaba ang body-fat ratio, naaapektuhan ang reproductive hormone levels.
Sobrang bumababa ito kaya’t hindi nangyayari ang dapat na ovulation at menstruation. Gayundin ang problema kapag labis naman ang nadadagdag na timbang.
Bagama’t mas apektado ang pagkahuli ng menstruation kapag labis ang pagbagsak ng timbang. Kapag kulang sa sustansiya ang katawan, naaapektuhan ang produksiyon ng hormone na nagre-regulate sa obaryo ng babae.
Ang dapat gawin: Kung huli ang dating ng menstruation at posibleng dahil ito sa mabilis na pagbaba ng timbang o sa pag-eehersisyo, dapat ding kumunsulta agad sa doktor at dietician para mapayuhan ng kakailanganing vitamins at nutrients ng katawan para ma-regulate muli ang iyong period. Ang pagdagdag ng kahit kaunting timbang ay makakatulong din na mabalik sa regular ang menstruation.
4. Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) o Hormonal imbalance
PCOS ang isa sa pinakakaraniwang hormonal disorder ng mga babae. May mga hormones tulad ng prolactin o thyroid hormones na nagiging sanhi ng menstrual delay.
Sa isang tipikal na menstrual cycle, ang bawat obaryo ng babae ay naglalabas ng 5 follicles, isa rito ang maglalabas ng itlog para sa ovulation. Kapag may PCOS ang isang babae, may mga sobrang follicles, kaya mas marami ang nag-aagawan para maglabas ng itlog, at tumatagal ang proseso ng ovulation.
Hanggang walang nailalabas na itlog, hindi magsisimula ang menstrual cycle. Kapag may abnormal na lebel ng hormones ang isang babae, nagiging sanhi din ito ng pagkakaron ng maliliit na cysts sa obaryo.
Pangunahing sintomas ng PCOS ang labis na pagbigat ng timbang o obesity. Dagdag pa ang pagtaas ng lebel ng hormone na androgen, na nagiging sanhi ng taghiyawat, at makapal na buhok o balahibo sa mukha at dibdib.
Ang dapat gawin: Magpatingin kaagad sa doktor para matukoy kung PCOS o hormonal imbalance man o hindi ang problema. Kadalasan ay kailangan lang ng gamot para maibalik ang regular na dating ng menstruation. Kapag hindi naagapan, maaaring mapunta ito sa endometrial cancer.
5. Perimenopause
Ang average na pagdating ng menopause ay edad 50-52 pataas, pero may mga nakakaranas na ng pagkaantala o delayed menstrual cycles, o ‘di kaya’y pagkawala ng menstruation ng ilang buwan, saka babalik, pagdating ng edad 45 pataas.
Imbis na 28 na araw ang pagitan, nagiging 48 araw o higit pa, posibleng dahil ang estrogen levels ay nag-iiba-iba na, o maaaring may problema rin sa ovaries.
Ayon kay Dr. Seema Samath, isang OB-GYN sa Aster Clinic Dubai, kung ikaw ay nasa edad 40 hanggang 48 at tumigil na ang buwanang dalaw ng higit sa isang taon, ito ay tinatawag na early menopause.
Ang dapat gawin: Kumunsulta sa iyong OB-GYN para malaman kung ano ang mga sintomas o senyales ng perimenopause, kung paano mapapangalagaan ang sarili at kung ano ang makakatulong na inumin o kainin.
6. Maaaring senyales ng karamdaman
Maaaring hudyat din ito ng karamdaman tulad ng diabetes, thyroid disease o pituitary tumor. Ang mga babaeng may ganitong karamdaman ay nagkakaron ng problema sa ovulation at nahuhuli ang menstruation.
Sintomas din nito ang labis na pagdurugo, na minsan ay hindi naman pala menstruation, at panghihina. Kapag may tumor, maaaring makaranas ng sakit ng ulo, panlalabo ng paningin, at may discharge mula sa dede.
Ang dapat gawin: Kung may nakikita pang ibang sintomas na may kinalaman sa diabetes at thyroid disease, magpatingin agad sa doktor para matukoy kung ano talaga ang problema.
Amenorrhea: Bakit nadedelay ang menstruation
Nangyayari ang amenorrhea kapag nadedelay ang menstruation, pero bakit nga ba? Ito naman ang tinatawag na kawalan ng menstrual bleeding
Sa kabilang banda, normal lang na hindi magkaroon ng menstrual period kapag o habang nagbubuntis o kapag umabot na sa menopausal period. Ngunit, kung nagkaroon ng pagkakataon na naka-miss ka ng period, posibleng meron ng kumplikasyon na kailangan ipatingin.
Bakit nadedelay ang menstruation: Dalawang uri ng amenorrhea
May dalawang klase ng amenorrhea na maaaring ilarawan kung bakit nadedelay o walang menstruation. Para sa mga hindi pa nagkakaroon ng buwanang dalaw pagpatak ng 16 years old, mayroong tinatawag na primary amenorrhea. Ito rin ang klase ng amenorrhea na nagiging indikasyon ng problema sa reproductive tract na pumipigil sa menstrual bleeding.
Kapag naman nadelay o hindi ka dinatnan ng regla sa straight na 3 months, matapos ang regular cycle mo sa loob ng 9 months, meron kang secondary amenorrhea. Ito naman ang pinakakaraniwang nagaganap na amenorrhea sa mga mommies at babae.
Magpa-check up agad sa inyong doktor kahit pa normal naman ang iyong menstruation.
Dahilan kung bakit nadedelay ang menstruation
Bakit nadedelay ba ang menstruation? Mayroong mga posibleng dahilan ang pagkakaroon ng delay sa iyong menstruation o ang kondisyon na amenorrhea.
Halimbawa, ang primary amenorrhea ay maaaring magresulta sa structural problems sa inyong ari. Pwedeng senyales ito ng underdeveloped o malfunction ng ovary.
3 to 4 months delay pero hindi buntis: Ilan sa mga dahilan kung bakit nadedelay ang menstruation
Ang mga kondisyon gaya ng isyu sa pituatary o thyroid glands ay maaaring magbunga ng secondary amenorrhea. Kapag gumaganap ng tamang function ang mga glands na ito, nagpo-produce ito ng mga hormones na kailangan para sa pagproduce ng hormones para sa buwanang dalaw.
Ito ang nagiging sitwasyon din kung bakit 3 to 4 months ka ng delay pero hindi ka buntis. Hindi rin ibig-sabihin na may delay sa iyong buwanang dalaw ay nabuntis ka na agad.
Ilan pa sa mga posibleng dahilan ng primary o secondary amenorrhea o bakit nadedelay ang mesntruation ng 3 to 4 months pero hindi buntis ay ang mga sumusunod:
- obesity
- malnutrisyon
- anorexia nervosa
- matindang pagbaba ng timbang
- sobra-sobrang pag-eehersisyo
- PCOS
- kanser sa ovary
- bukol o cyst sa ovary na non-cancerous
- uterine scattering dahil sa D and C, o dilation and curettage
- removal o dumaan sa operasyon ng ovary o uterus
- hormonal imbalance
- depresyon
- paggamit o pag-inum ng ilang droga, tulad antipsychotics
3 to 4 months delay pero hindi buntis: Mga natural na sanhi kung bakit nadedelay ang mestruation
- Kapag ikaw ay nagbe-breastfeed
- kung umabot ka na sa edad ng menopausal period
- Pagsisimula, pagtigil, o pagpapalit ng birth control ay nakakaapekto rin sa iyong menstrual cycle.
Ang 3 to 4 months delay pero hindi buntis ay hindi birong sitwasyon para sa mga babaeng inaakala nilang buntis sila. Kapag ganito na ang inyong kondisyon, magpatingin agad sa doktor o OB-GYN.
Pamparegla epektibong gamot para sa delay ang regla
May mga paraan naman talagang maaring gawin upang ma-manipulate ng isang babae ang kaniyang menstrual cycle, ayon kay Dr. Newman. Ngunit ito umano’y dapat ikinokonsulta sa iyong doktor upang magawa ito nang tama at kayo ay magabayan.
Mayroon bang pamparegla epektibong gamot para sa delay ang regla?
Maliban sa artikulong inilathala ng Marie Claire magazine, una nang nirekomenda ng Bustle.com noong 2015 ang parsley bilang isang halamang gamot na pamparegla.
Ito ay nakakapag-stimulate ng blood flow sa pelvis at uterus ng isang babae. Na minsan ay maaari ding magpa-aga ng dating ng buwang regla. Ang recommended dosage ng parsley ay 2 to 4 cups a day. Ito ay sa pamamagitan ng pag-inom bilang isang tsaa.
Maliban sa parsley, may mga iba pang halaman na pamparegla o epektibong gamot para sa delay ang regla. Ngunit tandaan na kung buntis, ito ay maaaring magdulot ng pagkalaglag ng bata o ‘di kaya’y makasama sa pagbubuntis. Ang mga sumusunod din ay wala pang malalim na pagsasaliksik sa bisa ng mga ito.
Ito ay ang sumusunod:
-
Luya | Pamparegla epektibong gamot para sa delay ang regla
Ang luya ay mabisang halamang gamot na pampa regla lalo na kung hindi regular ang iyong dalaw. Ito rin ay nakakatulong na maibsan ang sakit na dala ng buwang regla at nakakapagdulot ng uterine contractions.
Para gamitin ito, magpakulo ng kalahating kutsarita ng dinikdik na luya. Ilagay ito sa isang basong tubig sa loob ng lima hanggang pitong minuto. Maaari itong lagyan ng asukal para tumamis. Inumin ito ng tatlong beses sa isang araw pagtapos kumain sa loob ng isang buwan o higit pa.
Ang turmeric o luyang dilaw ay isa ring emmenagogue tulad ng parsley. Ang pag-inom ng turmeric ay nagbabalanse ng hormones sa katawan ng babae na nakakatulong upang gawing regular ang regla nito.
Pinaniniwalaan ring nagpapalakas ito ng regla at nakakabawas sa sakit na dala ng regla. Ito ay dahil sa kakayahan nitong mag-alis ng pamamaga.
Para gamitin ang turmeric ay ihalo ito sa gatas o honey. Inumin ito araw-araw sa loob ng isang linggo. Maaari mo rin itong idagdag sa curry, kanin at iba pang vegetable dishes.
-
Hilaw na papaya | Pamparegla epektibong gamot para sa delay ang regla
Ang hilaw at berdeng papaya rin ay isang pagkaing pamparegla. Maganda rin itong lunas sa hindi regular na regla dahil pinapahilab nito ang matris ng babae sa magandang paraan. Para gamitin, gawin itong juice at inumin ito isang beses sa isang araw.
Ilan lamang iyan sa mga pagkain at halaman na maaaring inumin at kainin na pamparegla. Ngunit tulad nga ng ipinapayo ng mga eksperto bago uminom o gumamit ng mga bagay o pagkain na makakapag-stimulate ng regla ay dapat makipag-usap muna sa doktor. Ito ay upang malaman ang angkop na paraan para sa iyo.
Tandaan, kung sa iyong palagay ay may posibilidad na buntis ka, mas mabuting iwasan muna ang pag-inom ng mga halamang gamot na ito at kumonsulta muna sa isang OB-GYN.
Gamot pamparegla – mabisa ba ang mga ito?
-
Pito-pito tea
Narinig niyo na ba ang paniniwala na uminom raw ng pito-pito para reglahin? Ang pito-pito ay hindi isang halaman, kundi pinaghalo-halong dahon ng iba’t ibang halaman gaya ng bayabas, mangga, alagaw, pandan, banaba, anise seeds na pawang mayroong iba’t ibang benepisyo sa kalusugan.
Bagamat marami ang nagsasabing nakakatulong daw ang pag-inom ng pito-pito para maibsan ang sintomas ng menstrual cramps, at para maging regular ang monthly period pero wala namang sapat na ebidensya o pag-aaral na nagpapatunay na ito ay epektibong gamot pamparegla.
-
Pills pamparegla epektibong gamot para sa delay ang regla
Maaring makatulong ang pag-inom ng oral contraceptive pills sa pag-regulate ng iyong regla. Ayon sa Medical News Today, puwede mong ihinto nang maaga ang pag-inom ng iyong pills para dumating nang maaga ang iyong period.
Pero dahil ang paggamit ng pills ay mayroong karampatang side effects, mas mabuting kumonsulta muna sa iyong OB-GYN bago subukan ang paraang ito.
Nakakatulong din daw ang pakikipagtalik at pagkakaroon ng orgasm para mapabilis ang pagdating ng iyong buwanang dalaw. Kung ayaw mong uminom ng kahit anong gamot, subukan mo muna ang mga paraan na ito para reglahin ka.
Sa huli, hindi pa rin dapat iwaksi ang posibilidad na pagbubuntis nga ang dahilan ng late menstruation. Kahit pa gumagamit ng contraceptive, maaari pa ring mabuntis. Maiaalis lamang and suspetsa ng pagbubuntis kung naeksamin na ng OB GYN at negatibo ang pregnancy test.
Sa lahat ng posibilidad, makakabuti kung ang isang babae ay maglilista ng petsa ng unang araw at huling araw ng kaniyang menstruation, para maalam sa sariling cycle. Kapag nagpapatingin din kasi sa doktor, ito ang unang tinanatanong: una at huling araw ng pinakahuling menstruation.
Kung may nararamdaman na ding kakaiba, gawing regular ang check-up sa iyong OB GYN. Isama na ang mga kinakailangang tests tulad ng pap smear. Ang kaalaman sa reproductive health at pangangalaga sa sarili ay makakatulong na makaiwas o maagapan ang anumang malubhang komplikasyon.
Babala sa paggamit ng natural remedies na pamparegla
Bagamat kilala ang mga halamang gamot tulad ng parsley, ginger, at papaya bilang mga natural na remedyo para sa pagkaantala ng menstruation, mahalagang mag-ingat sa paggamit nito nang walang sapat na payo mula sa mga eksperto. Likas man ang mga ito, may mga panganib na kaakibat lalo na sa mga babaeng gustong magbuntis o may hormonal na kondisyon tulad ng PCOS.
Ang hindi tamang paggamit ng likas na gamot ay maaaring makaapekto sa balanse ng hormones at magdulot ng mas seryosong komplikasyon. Bago subukan ang anumang natural na remedyo, mas mainam na humingi muna ng payo sa doktor upang matiyak ang kaligtasan at tamang paraan ng paggamit.
Karagdagag ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.