Magugulatin si baby? Bakit magugulatin ang sanggol, ano kaya ang dahilan? Basahin rito.
Napakasarap pagmasdan ng isang natutulog na sanggol. Labis na nakakagaan ng pakiramdam kapag payapa si baby. Pero minsan, bigla na lang siyang magugulat at nakataas pa ang kamay at paa niya. Normal ba na magugulatin ang sanggol? At bakit nga ba ito nangyayari?
Talaan ng Nilalaman
Magugulatin si baby?
Gaya nating matatanda, ang mga sanggol ay mayroong instinctive reflex o natural na reaksyon ng katawan sa isang bagay. Tinitingnan at sinusuri ito ng mga doktor pagkapanganak pa lamang sa kanila.
Para sa mga sanggol, ilan sa kanilang reflex na mapapansin natin sa mga unang linggo ay ang mga sumusunod:
- rooting
- sucking (pagsipsip o pagdede)
- grasping (kapag hinahawakan nila ang ating mga daliri)
- stepping (pagkumpay ng kanilang mga paa)
Isa sa mga reflex na mapapansin kapag nagugulat ang isang sanggol ang tinatawag na Moro Reflex.
Pero bakit nga ba magugulatin ang sanggol?
Larawan mula sa Unsplash
Magugulatin si baby: Moro Reflex
Tinatawag din itong startle reflex, ito ang involuntary motor response (ibig-sabihin ay hindi nila kontrolado ito) na ginagawa ng mga sanggol kapag sila ay nagugulat.
Kadalasan ay inilalarawan ito ng pagtaas ng mga kamay ng sanggol at biglaan ding pagtaas ng kanilang ulo. Maaari rin nilang isipa o i-stretch ang kanilang mga binti. Matapos nito’y babalik lang din sila sa kanilang dating posisyon. Minsan, may kasama itong pag-iyak, subalit minsan naman ay wala.
Kailan ito mapapansin?
Gaya ng nabanggit, ang moro reflex ay isa sa mga sinusuri ng mga doktor pagkapanganak sa isang sanggol. Ginagamit nila ang head drop method kung saan ibaba nila nang bahagya ang ulo ni baby at titingnan kung magre-react ito.
Maaari ring mapansin ang moro reflex sa sanggol kapag nasa lugar na maingay o maliwanag. Ang mga biglaang galaw ay isa ring trigger nito. Maaari pa ngang magulat si baby sa sarili niya kapag biglaan ang kaniyang paggalaw.
Ang sensation o pakiramdam na parang mahuhulog siya ay isang ring trigger. Ganito ang maaaring pakiramdam ni baby kapag bubuhatin mo siya o ilalapag mo siya sa kaniyang crib. Kaya pansinin na madalas nakataas ang kaniyang mga kamay sa mga ganitong sitwasyon.
Maaaring mapansin ang Moro reflex sa pagkapanganak at sa unang 12 linggo ni baby. Subalit pagdating ng 4 na buwan, unti-unti ay nasusuportahan na ng kaniyang leeg ang ulo.
Gayundin, habang nagde-develop ang brain ni baby, natututunan nilang kontrolin ang kanilang mga galaw. Kaya maaaring mabawasan na ang pagiging magugulatin ni baby. Posibleng itinataas na lang nila ang kamay at hindi na kasama ang ulo at binti.
Kadalasan, kusang nawawala ang Moro reflex o pagiging magugulatin ng sanggol pagdating ng 6 na buwan. Kapag hindi pa ito nawala pagkalagpas ng panahong ito, mas mabuting kumonsulta sa doktor dahil maaaring senyales ito ng development delay o iba pang karamdaman.
Normal ba na magugulatin ang sanggol?
Bakit nga ba magugulatin si baby at normal ba ito?
Gaya ng nabanggit, ang pagiging magugulatin ni baby ay normal at parte ng natural na reaksyon niya sa kaniyang paligid.
Subalit may ibang sanggol na nagpapakita ng abnormal Moro reflex. Ito ay kapag isang bahagi o kalahati lang ng katawan ang gumagalaw. Mayroon ding mga baby na hindi talaga nagpapakita ng ganitong reaksyon.
Ang kawalan ng Moro reflex ay posibleng senyales ng problema sa utak o spinal cord. Narito pa ang ilang maaaring dahilan nito:
- injury sa pagkakapangangak
- infection habang ipinagbubuntis at pagkapanganak
- mahihinang muscles
- spastic cerebral palsy
- peripheral nerve damage
Ang Moro reflex ay isang magandang senyales sa mga bagong panganak na sanggol. Subalit may mga sanggol din na masyadong aktibo ang kanilang reaksyon o may exagerrated Moro reflex na maaaring makaapekto sa kanilang pagtulog.
Sa mga pambihirang kaso, ang matinding Moro reflex ay posibleng sintomas ng hyperekplexia, isang namamanang neurological condition.
Ang mga sanggol na may hypereplexia ay maroong matinding startle response. Tulad ng eye blinking o body spasms sa mga biglaang tunog, movement o paghawak sa kaniya.
Ang iba pang dagdag na sintomas ng kondisyon na ito ay paninigas ng mga muscles at paralysis na pumipigil sa isang tao na gumalaw. Ang resulta nito ay naninigas siya na parang isang kahoy ng hindi naman nawawalan ng malay.
Kapag napansin ang ganitong sintomas sa iyong anak, kumonsulta na sa kaniyang pediatrician.
Larawan mula sa Pexels
Infantile spasms
Mayroon ding tinatawag na Infantile spasms, o West syndrome, na isang uri ng seizure na nangyayari sa mga sanggol na mayroong epilepsy. Maaari itong mapagkamalan bilang Moro reflex dahil may pagkakapareho ang mga galaw.
Iba-iba ang hitsura ng infantile spasms sa mga sanggol. May mga baby na lumiliyad at itinataas ang kanilang mga kamay at paa, samantalang mayroon din namang mga sanggol na parang yumuyuko paharap at naninigas ang mga kamay at paa.
Kadalasan ay nagsisimula ang mga sintomas ng infantile spasms sa pagitan ng 4 hanggang 8 buwan, at kusang nawawala pagdating ng edad na 5.
Kung hindi ka sigurado kung ang ikinikilos ni baby ay Moro reflex o infantile spasm na, kumonsulta na agad sa iyong doktor. Mabilis nilang matutukoy kung ano ito.
Bakit nagugulat ang sanggol?
Para maiwasan ang magiging magugulatin ng sanggol, ang unang tanong na dapat sagutin ay kung bakit nagugulat ang sanggol. Ano ang mga dahilan sa kaniyang paligid na nagreresulta ng naturang reaksyon. Mula doon ay saka mag-adjust para maibsana ng pagiging magugulatin niya.
Ang mga baby magugulat sa tuwing may unfamiliar na bagay o event sa paligid niya. Ito rin ang nagti-trigger ng kaniyang moro reflex. Ang mga sumusunod ay ilan sa dahilan kung bakit nagugulat ang sanggol.
- Akala ni baby siya ay nahuhulog. Ito ay sa tuwing ibinababa mo siya mula sa pagkakarga lalo na habang siya ay tulog.
- May biglaang movement sa paligid niya na kung saan nagalaw ang bahagi ng kaniyang katawan.
- May biglaan at malakas na ingay sa kaniyang paligid tulad ng tahol ng aso at wangwang ng ambulansya.
- Ginalaw niya ang kaniyang braso at binti na gumulat sa kaniyang sarili.
- Biglaang pagbukas ng ilaw sa madilim na kwarto.
- Nanaginip siya na mahuhulog o nahuhulog.
Paano mapapakalma ang magugulating sanggol?
Kung wala namang napapansing ibang sintomas, tandaan na ang pagiging magugulatin ay normal lang sa mga sanggol at hindi kailangang ipag-alala.
Bagama’t mas malakas ang Moro reflex sa mga newborn dahil nag-aadjust pa lang sila sa kanilang mundo, hindi naman sila gaanong apektado nito.
Maaari namang i-comfort ng magulang ang sanggol na umiiyak o balisa dahil sa pagkagulat sa pamamagitan ng:
- pagbalik ng mga kamay at binti ni baby pabalik sa kaniyang naunang posisyon
- kargahin at hawakan lang si baby hanggang kumalma sila
- suportahan ang ulo at leeg ni baby kapag kakargahin siya.
- i-swaddle si baby gamit ang lightweight na tela
Para matulugan ang iyong anak na makatulog ng mas mahimbing, lalo na kapag magugulatin si baby, subukan mo ang swaddling. Ito ay isang paraan kung saan babalutin mo ang katawan ng sanggol.
Secure ang pagkabalot kaya maiiwasan ang pagtaas ng kanilang mga kamay at paa. Dahil nababawasan nito ang Moro reflex, ang mga baby na naka-swaddle ay bihirang magising mula sa pagkagulat. Makakatulong ito para kumalma ang bata.
Bukod sa nakakatulong ito sa pagkagulat, isa rin itong paraan para mabawasan ang kabag. Subalit kailangan ding mag-ingat sa pag-swaddle sa bata dahil isa ito sa mga dahilan ng Sudden Infant Death Syndrome o SIDS.
Dahil rito, mahalagang patulungin si baby ng nakatihaya, o nakalapat ang kanilang likod sa kama. Pagdating ng ikalawang buwan ni baby, natututo na siyang gumulong. Iwasan na ang pagswaddle sa kaniya para makaiwas rin sa mga aksidente.
Larawan mula sa Unsplash
Iwasan ang malalakas na tunog na maaaring makagulat kay baby.
Dahil sa ito ang isa sa pangunahing dahilan kaya naging magugulatin si baby ay mabuting iwasan ito. Panatalihing tahimik ang paligid ni baby lalo na tuwing siya ay natutulog.
Makakatulong din ang paggamit ng white noise machine o electric fan na pamilyar sa pandinig ng iyong baby. Iwasan din ang biglaang paggalaw o tunog sa paligid ni baby para maiwasan ang labis niyang pagiging magugulatin.
Tandaan, ang pagiging magugulatin ni baby at pagkakaroon ng Moro reflex ay normal at hindi dapat ikabahala. Maaari mo na lang bawasan ang triggers nito para maiwasang maputol ni baby dahil rito. Siguruhing tahimik at hindi gaanong maliwanag ang kaniyang kwarto at iwasan ang mga biglaang galaw.
Kung mayroon kang tanong tungkol sa mga ikinikilos ng iyong newborn, huwag mahiyang kumonsulta sa kaniyang pediatrician.
Magugulatin si baby: Kailan dapat magpunta na sa doktor?
Tulad ng nabanggit kung may katanungan tungkol sa ikinikilos ng iyong newborn ay mainam na magpunta na agad sa iyong doktor. Lalo na kung ang dating magugulatin na baby ay biglang nagpakita ng mga sumusunod na sintomas.
- Hindi na siya nagpapakita ng signs ng reflex na maaring palatandaan na siya ay may brain o spinal cord damage.
- Tanging isang bahagi o side lang ng kaniyang katawan ang naigagalaw ni baby. Maaaring ito ay dahil may bali sa balikat o may problema sa nerves mula sa kaniyang leeg pababa ang iyong sanggol.
Pagdating sa kalusugan ng iyong sanggol, ang kaniyang doktor ang makakasagot sa mga tanong na gumugulo sa ‘yo. Pero pagdating sa pagbibigay ng comfort at safety kay baby, ito ay laging nagmumula sa iyo.
Sa mga oras na siya ay nagugulat, yakapin lang siya palapit sayo. Iparamdam sa kaniya ang yakap at haplos mo. Sa tulong nito ay napapanatag ang katawan ni baby, naaalis ang tensyon sa kaniyang katawan. Siya ay narerelax, nagiging kampante at nakakatulog ng mas mahimbing.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!