Paano mag claim ng SSS maternity benefit? Narito ang mga kailangan mong dalhin at paghandaan.
Paano mag claim ng SSS maternity benefit
Kaugnay ng pinakabagong batas na RA 11210 o Expanded Maternity Leave Law ay nadagdagan ang leave credits ng mga bagong panganak na babaeng Pilipino. Pati na ang benepisyong makukuha nila sa SSS o Social Security System. Dahil mula sa 60 days paid leave para sa normal delivery, ito ngayon ay 105 days paid leave na. Ganoon din sa caesarean section delivery, habang may dagdag na 15 days paid leave naman para sa mga solo parent. At 60 days paid leave para sa miscarriage o nakunan na babae.
Ngunit hindi lahat ng babaeng Pilipino na bagong panganak ay maaring makakuha ng benepisyong ito. Dahil may mga kwalipikasyon ang dapat nilang taglayin para mai-avail ito. Ito ay ang sumusunod:
Kwalipikasyon para maka-avail ng SSS maternity benefit
- Lahat ng Pilipinong babae na miyembro ng SSS kasal man o hindi na Employed/Voluntary/Self Employed/OFW o Non-Working Spouse ay pwedeng mag-claim ng benepisyo na ito sa SSS.
- Dapat lang ay may hulog ka ng hindi bababa sa 3 buwan sa loob ng isang taon bago ang semester ng iyong panganganak para mag-qualify dito.
Tingnan ang sumusunod na halimbawa:
Kung ikaw ay manganganak ngayong July, August o September 2019, dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula April 2018 to March 2019. Ang mga hulog mula April to September 2019 ay hindi kasama sa komputasyon.
Kung ikaw ay manganganak ngayong October, November o December 2019, dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula July 2018 to June 2019. Ang mga hulog mula July to December 2019 ay hindi kasama sa komputasyon.
Kung ikaw ay manganganak ng January, February o March 2020, dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula October 2018 to September 2019. Ang mga hulog mula October 2019 to March 2020 ay hindi kasama sa komputasyon.
Kung ikaw ay manganganak ng April, May o June 2020, dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula January 2019 to December 2019. Ang mga hulog mula January to June 2020 ay hindi kasama sa komputasyon.
Requirements sa pagkuha ng SSS maternity benefits
Samantala, may mga requirements ring dapat ihanda at hakbang na dapat gawin upang mai-avail ang SSS maternity benefits. Ito ay ang sumusunod:
- Kung malaman mong ikaw ay buntis ay agad na magpasa ng SSS Maternity Notification o MAT1 sa SSS. Ito ay dapat maipasa bago makapanganak.
- Kung nakapanganak na ay hindi na kailangang magpasa ng MAT1. Sa halip ay MAT2 o Maternity Reimbursement Form na ang iyong kailangang fill-upan.
- Ihanda rin ang iyong UMID o SSS biometrics ID card o dalawang valid IDs, na kung saan ang isa ay dapat may pirma, larawan at araw ng iyong kapanganakan.
- Kung normal delivery, kailangan magdala ng certified true copy ng birth certificate ng iyong anak. O kaya naman ay registered death o fetal death certificate kung ang sanggol ay nasawi o stillborn. Ganoon din sa cesarean section delivery na kailangang samahan ng certified true copy ng operating room record/surgical memorandum.
- Habang para miscarriage o abortion ay kailangang dalhin ang obstetrical history ng nag-claclaim ng benepisyo. Ito ay dapat na-certify ng attending physician. Pati na ang dilatation and curettage (D&C) report para sa incomplete abortion. Para sa complete abortion ay kailangan ang hystopath report. Pati na ang kopya ng resulta ng pregnancy test bago at matapos ang abortion na kung saan nakasaad din dapat ang age of gestation.
- Kung sa lying in o bahay nanganak ay subject for investigation pa ito ng SSS.
- Kailangan rin ng proof of updated bank number tulad ng deposit slip at ATM card ng SSS accredited bank na paghuhulugan ng iyong benepisyo. Dahil hindi na cheke ang ibibigay.
Magkano ang matatanggap na maternity benefits ng babaeng nanganak?
- Sa ilalim ng bagong Expanded Maternity Law ang makukuhang maternity benefits ng isang working mom ay nakadepende sa kaniyang monthly salary credit at SSS contribution. Ngunit kailangan niyang matanggap ang kabuuang bayad sa kaniyang 105 days leave na ang katumbas ay tatlong buwang kabayaran.
- Sa ngayon ang maximum na makukuha sa maternity benefits ay P70,000 dahil ang highest monthly salary credit ay P20,000 na mayroong katumbas na P2,400.
Para mag-file na iyong claim ay magpunta lang sa pinaka-malapit na SSS branch sa iyong lugar.
Para sa karanasan ng isang momshie sa kung paano mag claim ng SSS maternity benefit, panoorin ang video na ito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!