10 tips para mapatulog si baby nang mas matagal

10 tips para mapatulog si baby nang mas matagal

May mga paraan kung paano patulugin si baby na siguradong healthy para sa kaniya at useful para kay mommy.

Paano patulugin si baby? Iyan ang kadalasang tanong ng mga magulang lalo na ng mga first time parents. Dahil ito sa ibang sleeping pattern ng mga baby na nagbabago-bago rin habang sila ay lumalaki. Kaya naman para sa mga magulang lalo na sa mga mommy, ang pag-aalaga ng isang baby ay isang nakakapagod at challenging task.

Pero para sa mas madali at less hassle sa mga nanay, may mga paraan kung paano patulugin si baby na magsisilbing introduction rin sa mas maayos na sleeping pattern sa kaniyang paglaki. Kaya naman narito ang mga tips kung paano patulugin si baby na siguradong healthy para sa kaniya at useful para kay mommy.

paano patulugin si baby

Photo: Pixabay

10 tips kung paano patulugin si baby nang matagal

1. Siguraduhing madilim ang tinutulugan ni baby.

Isang paraan para mas madaling patulugin si baby ay ang pagpapatulog sa kaniya sa madilim na kuwarto o lugar. Sa pamamagitan nito ay naiiwas si baby sa liwanag na maaring maka-istorbo sa kaniyang mahimbing na pagtulog. Isang magandang praktis din ito upang maipakilala ang konsepto ng gabi at araw na mag-aayos ng sleeping patterns niya.

Sa umaga, ilabas si baby para makakita ng liwanag para turuan ang kaniyang katawan na ito ang mga oras na kung kalian siya dapat gising. Samantala, kung siya ay matutulog, panatiling madilim o iiwas sa liwanag ang kaniyang tinutulugan upang sanayin siya na ito ang mga oras kung kailan naman siya dapat tulog. Sa gabi, makakatulong din ang pagbaba kay baby sa kaniyang higaan dalawang oras bago matulog biglang hudyat sa kaniyang katawan na oras na ng pagpapahinga.

2. Magkaroon ng routine.

Ang pagkakaroon rin ng routine sa pagpapatulog kay baby ay makakatulong upang sanayin ang kaniyang katawan sa mas maayos na sleeping pattern. Ang routine na ito ang kaniyang makakasanayang signal habang lumalaki na “it’s time to sleep na.” Maaring ito ay ang pagkukuwento sa kaniya, paghehele o ang pagmamasahe sa kaniyang katawan.

3. Iwasan ang exposure niya sa blue light o kahit ano mang electronic gadgets bago matulog.

Tulad ng konsepto ng araw at gabi, ang pagiging expose din ni baby sa blue light o ilaw mula sa gadgets ay nagiging signal sa kaniya na oras na ng pag-gising at hindi pagpapahinga. Ang phenomenon na ito ay kilala sa tawag na circadian rhythm o ang paraan kung paano gumagana ang biological clock ng ating katawan na nakadepende sa liwanag o dilim sa ating paligid.

Kaya ang pagpapatay ng TV o pagiiwas ng ilaw mula sa iba pang gadgets kay baby dalawang oras bago matulog ay isang hudyat rin na oras ng pagtulog na.

4. Gumamit ng sleep props.

Ang pag-gamit ng mga sleep props tulad ng pacifier, white noise machine, swaddle o sleep sack ay makakatulong rin para maayos ang sleeping pattern ni baby.

Bagamat ang ibang magulang ay nag-aalala sa paggamit ng pacifier, isang magandang paraan naman ito para bigyang hudyat din si baby na oras ng pagtulog na. Limitahan lang ang paggamit ng pacifier kapag siya ay patutulugin na at hindi rin dapat maging dahilan para makaligtaan ang tamang oras ng pagpapadede sa kaniya.

5. Alamin ang mga sleepy signs ni baby.

Sa unang anim na linggo matapos na kanilang kapanganakan, nagpapakita na ng mga sleepy signs si baby tulad ng pagkuskos sa kaniyang mata, paghikab, namumungay na mga mata at pagiging iritable. Kaya naman para hindi maudlot ang kaniyang maayos na pagtulog, dapat ay alamin at maging alerto ang isang magulang sa sleepy signs ni baby. Ito ay upang maihanda at matulungan siya sa maayos na tulog na hanap ng katawan niya.

6. Magtalaga ng isang lugar na tulugan ni baby.

Isang paraan din para sanayin si baby sa mas maayos na sleeping pattern ay ang pagkakaroon ng isang lugar kung saan nakatalaga lamang ito bilang tulugan niya. Ito ay maaring isang crib o bassinet na kung saan sa tuwing nilalagay siya ay nagsisilbing hudyat narin sa kaniya na oras ng pagtulog na.

7. Siguraduhing ang kuwarto o lugar na tinutulugan ni baby ay sleep-friendly.

Para maging sleep-friendly ang kuwartong tinutulugan ni baby, una ay kailangang malayo ito sa kahit anumang distraction tulad ng mga ingay, laruan, ilaw, artwork at iba pang makukulay na gamit o palamuti. Dahil ang mga ito ay maaring pumukaw sa mata at atensyon ni baby na makakaapekto sa pagtulog niya.

Siguraduhin din na tama ang temperatura sa lugar na tinutulugan ni baby. Hindi dapat ito malamig o mainit. Ang nirerekomendang temperatura sa kuwarto ni baby ay dapat nasa pagitan ng 20-22°C lamang.

8. Sundin ang consistent schedule at routine ng pagpapatulog kay baby.

Para mas masanay si baby sa mas maayos na sleeping pattern, kailangan sundin at maging consistent ang scheduling at routine ng pagpapatulog sa kaniya. Bagamat may mga oras ng kailangan ninyong mag-adjust dahil sa mga importanteng lakad o biyahe, hindi dapat ito maging dahilan para masira ang kaniyang schedule sa pagtulog na kalaunan naman ay matutunan din ng katawan niya mag-isa.

9. Turuan si baby na matulog mag-isa.

Habang lumalaki ay matutunan rin ng iyong baby ang matulog mag-isa. Ngunit magiging posible rin ito depende sa pagsasanay at pagtuturo mo sa kaniya.

Isang paraan para matulungan si baby na matulog mag-isa ay ang pag-alam sa kahulugan ng mga ingay at iyak niya. Importanteng malaman ito dahil ito ang magiging signal mo kung ang ingay o iyak na ginagawa niya ay normal pa o senyales na kailangan ka niya.

Normal sa isang bata ang umiyak o mag-ingay kapag natutulog, ito ay dahil sa pag-ta-transition mula sa mahimbing at mababaw na pagtulog. Kaya naman dapat mong malaman ang pagkakaiba ng iyak niya, dahil hindi dapat sa lahat ng oras lalo na kapag natutulog ay pupunta ka agad sa kaniya na maaring makaistorbo at maging sensyales sa kaniya na oras ng paggising na.

Madalas ang iyak na dulot ng transition ng pagtulog ay hindi nagtatagal. Ngunit kung ang isang baby ay umiiyak na ng isang minuto o higit mula sa pagtulog, maaring ito ay sensyales na kailangan ka niya para siya ay padedehin o palitan na ang diapers niya.

10. Siguraduhing sapat ang kaniyang nutrisyon.

Isang dahilan din sa mga paputol-putol na tulog ni baby sa gabi ay ang pagkagutom. Sa una hanggang anim na buwan ay kinakailangan talaga ng iyong baby na dumede sa gabi. Ngunit maaring limitahan ito sa oras na matuto na siyang kumain na kung saan kailangang masigurado na siya ay nakakain ng maayos o busog bago matulog.

Iiwas din siya sa mga pagkaing matatamis na maaring makaapekto sa kaniyang pagtulog.

Ang pagkakaroon ng maayos na sleeping pattern ni baby ay nakadepende sa pagtuturo mo sa kaniya. Kaya sa pamamagitan ng mga paraan na ito kung paano patulugin si baby ay magandang praktis sa kaniya habang siya ay lumalaki. Malaki rin ang maitutulong nito sa iyo para sa mas madali at less hassle na pag-aalaga kay baby na siguradong magdudulot ng happy at healthy relationship sa inyong dalawa.

 

Sources: Live Science, Motherly, HealthLine

Basahin: Mga Tips para sa Pagpapatulog kay Baby

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner