Nag-iisip ka ba kung kailan magbabago ang oras o tagal ng pag-idlip ng iyong anak? Kapag nag-2 taong gulang ang bata, mapapansin na mababawasan ang oras at dalas ng pag-idlip nito, lalo na sa umaga.
Sa edad na ito, madalas ay sa hapon na lang siya matutulog o iidlip, at mas mahaba na ang oras na gising siya at buhay na buhay ang diwa. May ibang toddler na tumitigil na sa pag-idlip sa maghapon pagdating ng edad na 3 taon, habang may ibang bata na patuloy na natutulog ng isa hanggang dalawang beses hanggang mag-6 na taong gulang.
Pag-idlip ni baby: Lahat ng dapat malaman
May ibang magulang na ikinatutuwa ang maikling “break” na nakukuha kapag umiidlip ang paslit nila sa maghapon. Pero may mga iba na mas gustong gising ang anak nila, at hindi na iidlip, para mas madaling makatulog nang maaga sa gabi.
Lingid marahil sa kaalaman ng iba, maraming benepisyong makukuha sa pag-idlip ng mga bata sa maghapon.
Ang pag-idlip o nap ay kailangan ng mga batang lumalaki. Dito nakakaipon ng lakas muli ang bata at na-rerecharge sila, bukod pa sa nakakatulong sa awareness at concentration nila, at nababawasan ang pagiging “anxious” nila.
Ano ang mga benepisyo ng pag-idlip
Tumutulong ang pag-idlip sa emotional development ng mga toddlers. Ang mga batang hindi nakakapagpahinga sa araw at hindi nakakakumpleto ng sleep cycle nila ay nagkakaroon ng stress at anxiety. Humihina rin daw ang cognitive abilities (problem-solving skills) nila.
Natutulog na bata | Image from Unsplash
May mga pagsasaliksik na nagpapatunay na ang hindi sapat na pagtulog sa pamamagitan ng hindi sapat na pag-idlip ay nakahadlang sa paraan ng paghayag ng kanilang damdamin.
Ang pag-idlip ay naghahanda sa mga bata sa pagkatuto sa eskwela. Isang pag-aaral ng National Institute of Health sa Amerika ang nagsuri ng relasyon ng “naps” at “memory”. Ayon dito, ang mga preschoolers na nakakaidlip sa maghapon ay may mas mahusay na recall at learning abilities.
Ang pag-idlip sa araw ay nakakatulong sa pagtulog sa gabi. Ang mga adults ay hindi nangangailangan ng higit sa 8 o 9 na oras ng tulog, kaya’t nahihirapan tayong matulog sa gabi kapag umidlip tayo sa araw.
Iba ang kaso ng mga toddlers o natutulog na bata. Kailangan nila ng higit sa 14 oras ng pagtulog. Ang daytime naps ay tumutulong na makumpleto ang sleep cycle nito. Kung hindi sila nakakatulog nang sapat, nagiging iritable sila at balisa kaya’t di kaagad nakakatulog sa gabi.
Pag-idlip ng bata: Iba pang benepisyo
Ang pag-idlip ay nagbibigay ng “downtime” sa mga bata, o oras ng pahinga. Tulad ng pangangailangan ng mga matatanda ng oras para mag-unwind at mag-relax pagkatapos ng office hours, ang mga bata ay kailangan din ng downtime sa maghapon. Ito ang oras na nagbibigay sa mga bata ng pagkakataon na mag-isip at gamitin ang imahinasyon nila, ma-relax at maging masaya.
Ang pag-idlip ay nakakapigil sa toddler tantrums. Ang batang may sapat na pahinga ay mas masaya at mas “energised” sa maghapon. Nababawasan din ang mga sumpong at pagbubwisit niya.
Bagamat ang pag-idlip ng mga toddler o natutulog na bata sa maghapon ay nakakatulong sa growth at development ng bata, mayroon ding ilang mga bagay na dapat ikabahala kapag may napansing labis na pag-idlip. Ito marahil ay indikasyon ng problema sa kalusugan. Kung ang iyong anak ay natutulog ng maghapon at labis sa dati niyang oras ng pagtulog, maaaring may dapat ikabahala sa kalusugan niya.
Ano ang negatibong epekto ng pag-idlip ng bata?
Kapag tulog ng tulog ang bata sa araw ay maaaring maaantala ang pagtulog nila gabi. Kung natutulog nang mas matagal ang toddler sa maghapon, maaaring maurong ang oras ng pagtulog niya sa gabi. Baka kasi mas gusto niyang maglaro nang mas mahabang oras kaya’t hirap nang makatulog sa gabi.
Kung ganito nang ganito palagi, maaaring paurong nang paurong ang oras ng pagtulog habang tumatagal. Ang labis na pag-idlip ay maaaring makapagpabagal ng bata.
Kung palaging tulog o mahaba ang tulog, mahihirapan ang batang maging “gising” ang diwa, kaya parang tinatamad at “lethargic”. Ang labis na pagtulog ay maaaring maging dahilan ng obesity o labis na pagbigat ng timbang ng mga bata. Kailangang mahikayat silang gumalaw at mag-ehersisyo.
Tulog ng tulog ang bata | Image from Unsplash
Ang madalas na pag-idlip ay maaaring indikasyon ng problema sa kalusugan. Kung napapansin na madalas at matagal ang pag-idlip ng bata sa araw, pagkatapos ay maaga pang natutulog sa gabi, maaaring may health issue din. Kumunsulta agad sa doktor kapag napansin ito sa anak.
Paano naman kung ayaw matulog ng bata sa gabi? Kailangang gawing handa ang paligid ng isang bata sa pag-idlip sa araw at pagtulog sa gabi.
Ano ang dapat gawin ng mga nanay para mapa-idlip ang mga anak nila?
Kung hindi nakakatulog ang mga bata ng 11 o 12 oras sa gabi, kailangang hikayatin sila na kumpletuhin ang kailangang oras ng tulog.
Sa batang edad, excited ang mga bata na madiskubre ang paligid nila. Ayaw nilang matulog dahil gusto nilang patuloy na makita at malaman kung ano ang mga nasa paligid nila. Hindi makatulog kaya’t labis na napapagod.
Narito ang ilang pwedeng gawin para mapatulog ang mga bata sa araw:
Ang nap time ng bata ay dapat sa parehong oras, parehong lugar para madaling makatulog.
Magtakda ng lugar na tulugan. Subukang patulugin ang bata sa parehong lugar sa bahay, sa araw araw, kung saan din siya natutulog sa gabi. Makikilala niya ang lugar na ito na “tulugan” niya, kaya’t makakasanayan niya ito.
Kung ano ang routine sa buong linggo, gawin din ito sa weekend. Kung pumapasok siya sa preschool at umiidlip siya duon, ipadala ang mga paboritong “sleep toys” o laruan na katabi niya sa pagtulog kung ito ang nakakatulong sa pag-idlip niya.
Ipaliwanag sa bata ang kahalagahan ng pagtulog. Kung ang bata ay 4 na taong gulang pababa, at ayaw matulog sa araw, kausapin siya, basahan ng libro at ipaliwanag ang kabutihan ng pagtulog para sa kalusugan niya, tulad ng makakatulong ito na magkaron siya ng mas maraming energy sa paglalaro.
Magtakda ng routine sa araw na pareho sa gabi. Gayahin ang routine sa gabi para masanay siya. Magbasa ng bedtime story, diliman ang ilaw, maglagay ng madilim na kurtina, at dahan dahang umalis sa kuwarto.
Kung alinman o lahat ng ito ay hindi pa rin epektibo, maaaring oras na para iwaksi ang pag-idlip sa araw. Ang daytime napping ay dapat na kaaya-aya at masayang gawain at bahagi ng routine ng bata. Kung palagi itong pinag-aawayan at nakaka-stress lang, baka dapat nang tanggapin na malaki na ang bata at hindi na kailangan ng daytime nap.
Oras na ba para itigil ang daytime nap?
Narito ang ilang hudyat na pwede nang itigil ang daytime naps.
Matagal nang patulugin ang bata sa araw. Isa itong karaniwang hudyat na handa na ang batang hindi umidlip ang bata sa araw. Mas gusto na niyang maglaro at gumawa ng iba’t ibang bagay sa maghapon kaysa matulog.
Tulog ng tulog ang bata | Image from Freepik
Mas matagal na siyang matulog sa gabi. Kung palagi na lang umiiwas sa pag-idlip, mahihirapan din siyang matulog sa gabi. Kung gusto siyang patulugin ng 1:30 ng hapon, at ayaw niya, kaya umaabot ng hanggang alas 3 sa pagpapatulog sa kaniya, natural na huli na rin siyang gigising mula sa pag-idlip. Ang resulta: hindi nakakatulog ng nasa oras sa gabi.
Kung hindi pagod ang bata, huwag na itong piliting umidlip. Kung hindi siya nakakaidlip sa araw, pero masayahin pa din at hindi nagbubuwisit, walang dapat ikabahala. Isa itong hudyat na handa na siya sa transisyon.
Ilang oras ang dapat na tulog ng bata?
Ang toddlers ay dapat na makatulog ng mula 11 hanggang 14 oras sa isang araw., at 1 hanggang 3 oras ng pag-idlip sa araw.
Para sa mga batang 2 taon hanggang 8 taong gulang:
- Edad 4 hanggang 5 taon: 10-13 oras ng tulog, na may hanggang 2.5 oras ng pag-idlip sa araw.
- Edad 6 hanggang 8 taon: 9-11 oras ng tulog at walang daytime nap.
Kung hindi na umiidlip sa araw ang bata, ihanda ang sarili. Kailangang suportahan ito at alam kung ano ang dapat gawin. Tandaan na bawat bata ay may iba-ibang paraan ng transisyon. May biglaan, at may unti-unti. Respetuhin ang kagustuhan ng mga bata at huwag silang pilitin na umidlip. Kung ayaw niyang umidlip sa araw, patulugin siya sa gabi nang mas maaga para makapagpahinga ng sapat.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Translated by: Anna Santos Villar
BASAHIN:
Dapat bang mag-alala kapag nauntog ang anak mo?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!