Kakulangan sa sapat na nutrisyon ang pangunahing sanhi ng hindi paglaki o pagtangkad ng isang bata, ayon sa World Health Organization.
Ayon pa sa pag-aaral, 155 milyong bata na edad 1-5 ay masyadong maliit para sa edad nila. Patuloy na naghahanap ng solusyon ang mga eksperto para matugunan ang pangangailangan na ito ng mga bata.
Pero bukod pa sa nutrisyon, kailangan din ng sapat na ehersisyo at sapat na tulog (at tamang oras ng pagtulog) ay kailangan din.
Nakasaad sa pag-aaral ng MAGIC Foundation for Children’s Growth na ang normal growth mula edad 4 na taong gulang hanggang puberty ay hindi bababa sa 2 pulgada kada taon.
Ang mga babae ay karaniwang may growth spurt na 2 1/2 hanggang 4 1/2 pulgada kada taon, simula edad 10 taong gulang o sa simula ng puberty; habang ang mga lalaki naman ay may growth spurt sa edad na 12 taong gulang, ng nasa 3 hanggang 5 pulgada kada taon.
Ano ang mga best na pagkain na pampatangkad para sa bata?
Ayon sa Department of Health, bukod sa pag-inom ng tubig sa buong maghapon, may mga pagkain na hitik sa bitamina na nakakatulong sa paglaki at pagtangkad ng mga bata.
Kung nais na lumaking matangkad, o madagdagan ang taas ng lumalaking anak, may mga pagkain na makakatulong dito na dapat isama sa araw araw na pagkain.
1. Itlog
2. Gatas
3. Soybeans
4. Oatmeal
5. Manok
6. Spinach
7. Carrots
8. Prutas
9. Whole Grains
10. Yogurt
Ngunit dapat ding tandaan na hindi puwedeng ito lang ang kakainin ng mga bata. Kailangan ng batang lumalaki ang iba’t ibang uri ng pagkain na may taglay na iba’t ibang sustansiya, para din masanay sa iba-ibang lasa.
Subukang lutuin ang mga pagkaing ito, na gumagamit ng mga sahog na pagkaing pampatangkad, na tiyak na magugustuhan ng mga bata.
Maraming katakam-takam na recipe na maaaring pampatangkad ng bata! Ang importante’y alam mo kung ano ang ingredients na gagamitin. | image courtesy: shutterstock
Pampatangkad ng bata:
Spinach, Tomato at Cheese Omelette
Mga sahog:
2 itlog
¾ tasa ng sariwang baby spinach, tinadtad nang maliliit
1 maliit na hinog na kamatis, tinadtad nang maliliit
½ tasa ng keso, grated
¼ tasa salted butter
- Iluto sa butter ang kamatis at spinach sa isang pan nang hindi lalagpas sa 30 segundo.
- Itabi pagkatapos. Batihin ang itlog at iluto sa butter.
- Kapag nagsisimula nang maluto ang itlog, ilagay ang nilutong kamatis at spinach sa ibabaw. Budburan ng grated cheese.
- I-fold ang omelet sa kalahati.
- Lagyan pa ng konting keso ang ibabaw, kung gusto pa.
Sadyang napakayaman sa sustansiya at bitamina ng itlog, lalo na sa protina na nakakatulong sa pagtangkad. Kung undernourished daw ang bata, itlog ang pangunahing solusyon—para lumaki at tumangkad ang bata.
Mura na, madali pang hanapin, at masustansiya pa, lalo na sa unang 2 taon ng bata. Isa hanggang 2 itlog lamang sa isang araw ang kailangan, para masigurong makukuha ang sapat na sustansiya.
Ang spinach naman ay isa ring super-veggie na mayaman sa iron at calcium, na nakakapagpatangkad. Calcium, zinc, vitamin A at B12 naman ang taglay ng keso, na siyang nakakapagpalakas sa muscles at buto.
Subukang ihanda ang Spinach, Tomato at Cheese Omelette sa almusal o tanghalian ng mga bata, imbis na simpleng pritong itlog lang. Kung walang spinach, pwede ring ipalit ang broccoli, bell pepper, kale, o Swiss chard.
Fruit smoothies
Larawan mula sa Pexels
Kung mayrong blender para sa smoothies, napakadaling gumawa ng inuming ito na maituturing na pampatangkad na pagkain rin para sa mga bata.
Paghalu-haluin lang ang iba’t ibang prutas, o isang piling prutas, gatas at yogurt, at may masustansiyang smoothie ka na pang-meryenda o almusal ng bata!
Popular ang saging, strawberry o kahit anong berries, at orange sa paggawa ng smoothie. Masarap din isama ang mangga at avocado dito. Puno ng fiber ang smoothie, bukod pa sa malinamnam ito. Dagdagan pa ng granola para mas masustansiya at masarap.
Ang yogurt at gatas ay mayaman sa Vitamin D at calcium na nakakatulong sa pagtangkad ng bata dahil pinapatibay nito ang mga buto. Kung hindi ito hilig ng anak, palitan ng keso o gatas. Hitik din sa protina ang gatas. Ang pag-inom ng gatas araw-araw ay pinakamabisang paraan para tumangkad ang mga bata.
At kapag hinaluan pa ng mga masasarap na prutas, paniguradong puno ng sustansiya ang smoothie o inuming pang-meryenda o almusal ng inyong anak. Sagana kasi sa Vitamin A ang mga prutas tulad ng mangga, cantaloupe at peaches, na nakakapagpatangkad din.
Kahit anong may carrots
Pagdating sa gulay naman, ang mga makukulay na gulay tulad ng carrots ang pinaka-hitik sa sustansiya. Hindi kasi lahat ng bata ay nahihilig sa gulay. Pero ayon sa mga pag-aaral at karanasan ko sa isang eskuwelahan, kapag maagang ipinakilala sa bata ang mga gulay, maaga rin siyang masasanay sa lasa nito, at mahihilig.
Pinakamadaling ibigay ang carrots. Bukod sa kaaya-aya ang kulay, ang dami pang disenyo na pwedeng gawin. Pwedeng gamitan ng crinkle cutter para magmukhang potato chips. Pwede ring gawing bulaklak, parihaba na parang french fries naman, at marami pang iba.
Ang pinakamadaling meryendang carrots ay pagbe-bake nito at paglagay ng honey glaze hanggang lumambot. Ihain kasama ng paboritong dip tulad ng sour cream. yoghurt o peanut butter. Sagana ang carrots sa calcium, phosphorous, magnesium, at beta carotene na nagiging vitamin A sa ating katawan.
Mas masustansiya din ang carrots kapag hindi luto. Hiwain lang ng maliliit para madaling kagatin at nguyain ng bata, at siguradong patok sa busog ang inyong growing kid.
Kaya din mahusay na isahog ang carrots sa mga lutong Pinoy tulad ng Afritada, Menudo, Kaldereta at Giniling na Baka o Baboy, pati na sa fried rice.
Napakaraming paraan para maisahog ang sampung pampatangkad na pagkaing nabanggit, sa araw-araw na kinakain ng buong pamilya, lalo na’t may lumalaking bata.
Bagamat ang maximum height ng inyong anak ay nakasalalay din sa genetics, makakatulong pa rin ang pagpapakain ng mga pampatangkad na ito para masigurong maabot ang maximum height, o malagpasan ito kahit man lang isang sentimetro o pulgada pa.
Kung pakiwari ay mabagal ang pagtangkad ng anak, ikunsulta ito sa pediatrician. Baka kasi may sakit o kondisyon ang bata kaya ganito. Alamin din ang maaaring allergy ng iyong anak. Makakapagbigay din ng vitamins ang doktor para sa pagtangkad, at magagabayan ang magulang kung ano pa ang kailangan ng bata.
Vitamins na pampatangkad sa bata
Samantala, pagdating naman sa vitamins na effective na pampatangkad sa bata ang mga sumusunod ang hindi dapat nawawala sa lista ng vitamins pampatangkad ng iyong anak.
Vitamin D
Ang vitamin D ay nakakatulong na gawing mas malakas at mahaba ang mga buto. Ang kakulangan nga nito sa katawan ay nagdudulot ng weakness sa buto.
Maliban sa sikat ng araw, may mga pagkain rin na mayaman sa vitamin D. Tulad na lang ng salmon, dairy products at atay ng baboy. Mayaman din sa vitamin D ang gatas kaya naman laging payo ng matatanda ay uminom ng gatas para tumangkad.
Ang sapat na vitamin D sa katawan ay nakakatulong sa pagtangkad dahil sa tulong dito ay mas naaabsorb ng katawan ang phosporous at calcium na mahalaga sa bone growth.
Larawan mula sa Pexels
Vitamin B1
Ang vitamin B1 ay nakakatulong rin sa pagtangkad ng isang bata. Sumusuporta ito sa bone growth at development. Maliban sa pagpapatangkad ay nakakatulolng rin ito na ma-regularize ang digestion at sa pagkakaroon ng malusog na puso at nervous system. Ang mga pagkaing good source ng vitamin B1 ay mani, kanin, karne ng baboy at soybeans.
Vitamin B2
Maliban sa vitamin B1, vitamins na pampatangkad sa bata rin ang vitamin B2 o kilala sa tawag na riboflavin. Maliban sa growth ng buto nakakatulong rin ito sa pagtubo ng buhok, kuko at pagkakaroon ng magandang balat. Ang mga pagkaing mayaman sa riboflavin o vitamin B2 ay itlog, gatas, isda at mabeberdeng gulay.
Vitamin C (Ascorbic Acid)
Ang vitamin C o ascorbic acid ay hindi lang basta nakakatulong sa depensa ng katawan laban sa mga sakit. Nakakatulong rin ito para patibayin ang buto at ngipin para ma-promote ang bone growth. Ang mga pagkaing mayaman sa vitamin C ay kamatis, patatas, mga prutas na maasim at berries.
Calcium
Ang pinaka-importanteng mineral na kailangan ng katawan para mapalusog at ma-optimize ang bone growth ay ang calcium. Ang regular na pag-intake nito ay mas nakakapagpatibay ng buto.
Pangunahing source ng calcium ay ang gatas at iba pang dairy products. Makukuha rin ito sa mga berdeng gulay tulad ng spinach. Kasabay ng calcium, mainam rin na masigurong may enough supply ng phosporous ang katawan na nakakatulong rin sa bone growth.
Vitamin F
Ang vitamin F ay nakakatulong rin sa pag-restructure ng buto at iniiwas ang katawan sa pananamlay. Ito ay nakukuha sa mga seafoods tulad ng isda at mackerel. Isa ito sa itinuturing na vitamins na effective na pampatangkad sa bata.
Magnesium
Nakakatulong rin sa pagpapatibay ng buto ang magnesium. Kung isasabay sa phosporous ay mas pinapataas nito ang tiyansa ng pagtangkad ng isang bata.
Zinc
Isa pang bitamina na nakakatulong sa pagtangkad ng bata ay ang mineral na zinc. Nakakatulong ito sa bone growth. Avialable ito sa mga pagkain tulad ng itlog, oyster at red meat. Simulan ng isama sa diet ng iyong anak ang zinc para siya ay mas tumangkad pa.
Samantala, maliban sa mga nabanggit na vitamins, ay nakakatulong rin sa pagtangkad ng bata ang pagkakaroon ng mahabang oras sa pagtulog at pagpapahinga. Tulad nga ng laging sinasabi ng matatanda, matulog sa hapon para mas lumaki pa.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!