Mommy, gusto mo bang maging 6-footer ang iyong anak? Narito ang ilang senyales na tatangkad ang inyong anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga bagay na nakaka-apekto sa pagtangkad
- Paano malalaman kung tatangkad pa ang iyong anak?
- Ano ang dapat gawin para tumangkad ang isang bata?
Marami sa mga magulang ang nag-iisip kung ano kaya ang mga magiging pagbabago sa kanilang anak sa kanilang pagtanda. Iniisip nila kung ano kaya ang mga talento na magkakaroon ang kanilang mga baby, ano kaya ang maging personalidad nila.
Marami rin ang nag-iisip ng tungkol sa mga aspetong maaring sukatin tulad ng talino, timbang, at tangkad.
Sa ating mga Pinoy o mga Asyano, hindi karaniwan ang pagiging matangkad. Mas marami sa atin ang katamtaman lang ang laki. Kaya naman malaki ang bentahe sa lipunan ng mga taong matatangkad. Mas nakikilala sila sa larangan ng sports. Gayundin, may mga kumpanya na mayroong height requirement para sa kanilang mga hinahanap na empleyado.
Sa mga bata, nakakatulong rin minsan kung matangkad sila, dahil minsan ay nagiging paksa pa ng tuksuhan kung maliit ang isang bata kumpara sa mga batang kaedad niya.
Bilang magulang, gusto rin natin na lumaki nang maayos ang ating anak at maabot niya ang kaniyang mga pangarap nang walang pumipigil sa kaniya. Pero ano nga ba ang maitutulong natin pagdating sa pagtangkad ng isang bata? Mayroon ba?
Bago natin malaman kung paano tumangkad ng mabilis at ang mga senyales na tatangkad ang iyong anak, dapat ay alamin muna natin kung anu-ano ang mga bagay na maaring maka-impluwensya sa pagtangkad ng isang bata.
Mga bagay na nakakaapekto sa pagtangkad
- Gender – bagamat may mga babaeng matatangkad, sinasabing mas may posibilidad talaga na maging matangkad ang mga lalaki kumpara sa mga babae.
- Genes – ang pagiging matangkad ay nasa lahi rin. Kadalasan, mapapansin mo sa pamilya na halos magkakasing-taas sila o pare-pareho ng height. Subalit hindi naman ibig-sabihin nito na kapag mababa ang mga magulang ay wala nang pag-asang tumangkad ang kanilang anak.
- Kalusugan – may mga sakit na nakaka-apekto sa pagtangkad ng isang bata. May mga sakit kasi na nagdudulot para hindi maabot ng bata ang kaniyang maximum height potential. Gayundin, may mga gamot na nakaka-apekto rin sa posibilidad ng pagtangkad.
- Nutrisyon – maaring mapansin na ang mga batang overweight ay kadalasang mas matangkad, samantala ang mga batang payat o malnourished ay mas maliit. Subalit hindi rin nito ibig-sabihin na hindi na magiging matangkad ang bata sa hinaharap.
Mga senyales na tatangkad ang inyong anak
Kaya naman, kung isa ka sa mga magulang na gustong malaman kung lalaking matangkad ang iyong anak, narito ang mga senyales na pwede mong bantayan:
1. Ipinanganak silang mahaba ang sukat
Ang haba ng sukat ng iyong anak sa kanilang kapanganakan ay magandang hudyat na sila ay magiging matangkad sa kanilang pagtanda.
Karaniwan, ang sukat ng isang full-term baby ay nasa 20 pulgada (cm), sa pagitan ng 18 pulgada at 22 pulgada. Matapos ang unang buwan ni baby, karaniwan silang humaba pa ng 1.5 pulgada hanggang 2 pulgada o higit pa.
photo: dreamstime
2. Mas matangkad sila kumpara sa ibang mga bata
Kapag ang iyong anak ay nasa toddler stage na, maaaring pagtuunan ng pansin ang kanyang tangkad kumpara sa kanyang mga ka-edad.
Kung sa tingin ninyo ay mas matangkad siya sa kanila, maaaring indikasyon ito na siya ay magiging mas matangkad sa kanila habang lumalaki. Kung hindi naman, huwag mag-alala.
Ang pagtangkad ay nangyayari sa kanilang kabataan hanggang pagdadalaga/pagbibinata. Ang mga batang babae ay karaniwang tumitigil ang pagtangkad sa edad na 16, samantalang ang mga lalaki naman ay sa edad na 18.
3. Parehong magulang ni baby ay matangkad
Tulad ng ibang aspekto ng pagtangkad at iba pang development ng iyong anak, ang malaking bagay ang genetics para malaman kung ang anak mo ay magiging matangkad. Kung parehas kayong matangkad ng iyong partner, malaki ang posibilidad na mamana ito ng inyong anak.
Subalit, may mga pagkakataon na ang anak ng isang average-height o kaya naman ng matangkad na mga magulang ay tumigil sa pagtangkad sa hindi malamang dahilan. Ang tawag sa kondisyong ito ay Idiopathic Short Stature (ISS).
4. Sila ay may malusog na pangangatawan
Kung sapat ang nutrisyon na nakukuha ng iyong anak, malaki ang posibilidad na makatulong ito sa kanyang pagtangkad. Ang pagbibigay sa kanya ng tamang mga bitamina at nutrients lalo sa unang tatlong taon ay mahalaga.
Ilang halimbawa ng mga pagkain na makapagbibigay ng sapat na nutrisyon sa kanya ay ang mga pagkaing sagana sa calcium tulad ng gatas, yoghurt, spinach, pati na rin ang mga pagkaing sagana sa protina tulad ng itlog, oatmeal at lean meat.
5. Wala silang kondisyon na makakapigil sa kanilang pagtangkad
May mga kondiyong pangkalusugan na nakakaapekto sa pagbagal o tuluyang hindi pagtangkad ng mga bata tulad ng dwarfism, isang genetic disorder na dahilan ng hindi pagtangkad ng isang bata ng higit sa 4’10″.
Isa pang dahilan ay ang kakulangan sa growth hormone o ang tinatawag na growth hormone deficiency na nangyayari kapag hindi sapat ang inilalabas na growth hormone ng pituitary gland. Karaniwan itong nada-diagnose sa mga bata sa edad na 2 o 3.
BASAHIN:
Paano nga ba malalaman kung tumatangkad ang baby mo?
6 na pagkain na dapat iwasan kainin ng bata kung nais siyang tumangkad
Dating maliit, 6-footer na ngayon! Ito ang secret ng 15-year-old kung paano siya tumangkad
Paano malalaman kung tatangkad pa ang isang bata
Gaya ng nabanggit, ang mga batang lalaki at babae ay makakaranas ng magkaibang panahon ng pagtangkad o paglaki. Ito ay ang tinatawag na growth spurt na nararanasan nila sa puberty.
Mas nauuna raw kasing nakakaranas ng puberty ang mga babae, maari itong magsimula sa edad na 8 hanggang 13. Samantala, ang mga lalaki naman ay maaring magsimulang magdaan sa puberty stage sa edad na 9 hanggang 14.
Dahil mas nauunang tumangkad ang mga babae, mas nauuna ring natatapos ang kanilang growth spurt kaysa sa mga lalaki. Kaya pinaniniwalaang natatapos ang pagtangkad ng babae sa edad na 16, samantalang nagpapatuloy pang tumangkad ang lalaki hanggang sa edad na 18.
Ayon kay Jill Castle, isang pediatric dietician at mom of four, ang growth spurt ng isang bata ay tinatayang nagtatagal ng tatlong taon. Subalit magkakaiba naman ang bawat bata. May mga nagsisimula nang maaga, at mayroon namang tinatawag na “late bloomer.”
Sa loob ng growth spurt na ito, maaring tumangkad ang isang batang babae ng 3 hanggang 3.5 inches bawat taon at 4 inches naman bawat taon sa mga kalalakihan. Kaya naman sa loob rin ng panahong ito, mas mabuti kung susubukan mo ang mga paraan kung paano tumangkad ng mabilis ang iyong anak.
Sintomas na dumadaan sa growth spurt ang bata
Pero paano mo nga ba malalaman kung dumadaan na sa growth spurt ang iyong anak? Narito ang ilang senyales:
- Lumiliit o umiiksi ang mga damit
- Lumalaki ang kaniyang paa
- Humahaba ang mga galamay (o braso at binti)
- Tinutubuan ng buhok sa iba’t ibang parte ng katawan
- Lumalapad ang balakang
- Nagkakaroon ng body odor
- Lumalakas ang gana kumain
Sa loob ng panahong ito, mapapansin mo na tumatangkad na ang iyong anak. Ngayon, ang tanong naman ng mga magulang, “May paraan ba matulungan ang pagtangkad ng bata?”
Larawan mula sa Freepik
Paano maging matangkad?
Gaya ng nabanggit, may mga bagay na nakakaimpluwensiya sa pagtangkad ng isang tao. Malaking bagay talaga ang genetics. Pero huwag mawalan nang pag-asa, Mommy. Mayroon ka namang magagawa para maabot ng iyong anak ang kaniyang maximum height potential.
Ayon sa artikulong, Gustong tumangkad ang anak? 5 ways na makakatulong na tumaas ang kaniyang height, narito ang ilang bagay na pwede mong gawin:
1. Tamang nutrisyon
Habang lumalaki ang iyong anak, mahalaga na mabigyan siya ng nutrisyon na kailangan ng kaniyang katawan para masiguro ang kaniyang paglaki.
Isama sa diet niya ang mga sariwang prutas at gulay, whole grains, protein at dairy tulad ng gatas at iba pa
Bawasan din ang pagkaing mataas ang sugar at fat content, pati na rin ang caffeine. Mahalaga rin daw ang pag-inom ng gatas para sa calcium na nagpapatibay ng buto. Ang Vitamin D ay nakakatulong din para sa malakas na buto at makaiwas sa mga sakit sa buto. Ilang magandang source ng Vitamin D ay ang itlog, gatas at tuna.
2. Sapat na pahinga
Ang pagtulog ay mahalaga para sa pisikal at mental na development ng bata. Ayon kay Castle, malaki ang kaugnayan ng pagkakaroon ng sapat na tulog sa pagtangkad ng isang bata.
“I’m always talking about sleep. One very important thing happens during sleep time, and that’s the rise in the level of growth hormone. Growth hormone is needed to grow. And, it’s at its highest point in the day when teens are sleeping,” aniya.
3. Vitamins para tumangkad
Marami ring vitamin supplements sa mga pamilihan ang nagsasabing nakakatulong ito para tumangkad ang isang bata. Pero epektibo ba ang mga ito? At anu-anong vitamins ba ang kailangang inumin ng isang bata para masiguro ang kaniyang paglaki?
Ang protein ay ang pangunahing sustansya para sa magandang bone development, tissue repair at immune function. Ang pag-inom ng iron ay makakatulong para makaiwas sa sakit na iron deficiency anemia, na sinasabing nagdudulot ng growth delay sa mga bata. Samantala, ang ilang micronutrients tulad ng calcium, vitamin D, magnesium, at phosphorus ay may kinalaman sa paglaki at pagtibay ng mga buto.
Karamihan sa mga bitaminang ito ay matatagpuan sa pagkain, pero kung hindi magana kumain ang iyong anak, maaari mo siyang bigyan ng vitamin supplement para masigurong makukuha niya ang nutrisyong kailangan niya sa paglaki.
4. Pag-eehersisyo
Ang pag-eehersisyo ay nakakapagpalakas ng katawan, lumalaban sa obesity, at humihikayat sa development ng muscle. Kasabay nito, ang pisikal na aktibidad ay nagpapalakas ng development ng growth hormone at maaaring magbunga ng hindi lang malakas ngunit malalaking buto rin. Ang stretching ay nakakatulong magpahaba ng spine at maka-ayos ng posture na nagdidiretso at nagpapatangkad ng pagtayo.
5. Pagpapanatili ng tamang posture
Ang pagkakaroon ng tamang posture ay nakakaapekto rin sa pagtangkad at pagbanat ng ating mga buto.
Kapag hindi maganda ang iyong posture, nagmumukha kang maliit kahit hindi naman. At habang tumatagal, mayroon itong pangmatagalang epekto sa iyong actual height.
Tandaan, kapag narating mo na ang iyong maximum height potential ay hindi ka na maaaring tumangkad pa. Kaya naman kung nag-aalala ka sa pagtangkad ng iyong anak, o gusto mong malaman kung paano tumangkad ng mabilis, mas makakabuti kung kumonsulta na sa kaniyang pediatrician bago pa matapos ang puberty stage, para maagapan ang anumang problema.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Healthline, The Nourished Child, Medical News Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!