Napapansin mo na ba na sa tuwing maulan o tag-ulan na ay madalas kang nagkakasipon? Related ba ang panahon sa pagkakaroon ng sipon? Alamin ang sagot ng isang doktor kung ano ba ang tunay na sanhi ng sipon at kung may kaugnayan ba ito sa panahon.
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Talaan ng Nilalaman
Sanhi ng sipon hindi dahil sa ulan o malamig na panahon
Sunod-sunod ang mga bagyong pumasok sa ating bansa nitong mga nakaraang araw. Dahil rito’y nakakaranas tayo ng mahaba-habang tag-ulan at malamig na panahon. Marami rin sa atin ang nakararanas ng ubo’t sipon. Lalo na ang mga maliliit na bata na madalas na tinatamaan ng mga sakit na ito.
Paniniwala ng marami sa atin ang ubo at sipon ay kaakibat na ng tag-ulan at malamig na panahon. Ayon sa mga doktor, ito ay bahagyang totoo. Pero hindi naman talaga ang panahon ang sanhi ng sipon at ubo. Ito’y dulot ng virus na kung tawagin ay rhinovirus na mas pinalalakas o pinapadami ng malamig na temperatura.
“Ang katotohanan talaga doon ay hindi talaga ‘yong tubig na nabasa ka ng ulan. Hindi ‘yon ‘yong lamig ng ulan. Dahil ang flu po ay galing parin sa virus.
So ang virus puwede po kasi na mayroon ka ng virus o nalanghap mo na iyon. Pero noong naulanan ka, nalamigan ka, ‘yong defense mechanism mo sa iyong ilong at lalamunan ay humina.”
Ito ang pahayag ni Dr. Richard Mata, isang pediatrician.
Ang pahayag niyang ito ay sinuportahan naman ni Dr. Maricar Limpin na isang pulmonologist.
Ayon kay Dr. Limpin, mas dumadami o nabubuhay ang rhinovirus na sanhi ng sipon kapag malamig ang panahon. Kaya naman ito rin ang panahon na madalas nating nararanasan ang mga naturang sakit. Kaya kahit papaano’y may kaugnayan ang pagkakaroon ng sipon sa panahon.
Paliwanag ng mga doktor tungkol sa sanhi ng sipon at ubo
“Kapag kasi sa ganitong panahon, mas may tendency sila na mas nabubuhay at mas mabilis na dumadami. Kaya ito ‘yong mga time na mas vulnerable sa atin.
And the cold per se is not really the reason why we are getting infection. It only provides an environment na mas mabilis maging virus.”
Ito ang paliwanag pa ni Dr. Limpin.
Dagdag pang paliwanag ni Dr. Mata, mas nagiging prone rin tayo sa sipon at ubo kapag malamig ang panahon dahil sa epekto ng malamig na temperatura sa ating katawan.
“’Yong malamig na temperatura sa panahon na uso ang virus ay pwede siyang mag-cause ng constriction sa blood vessel sa ating ilong.
Ibig sabihin ‘yong blood supply natin sa ilong ay medyo kukulang. So ang ending babagsak po ang immune system mo at ‘yong virus mas dadami siya at matutuloy na ng flu. Magkakaroon na siya ng manifestation ng sipon at ubo after 2-3 days.”
Ito ang paliwanag pa ni Dr. Mata.
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels
Maaaring lumala ang ubo’t sipon kapag hindi naagapan
Dagdag namang paliwanag ni Dr. Limpin, bagama’t ang ubo at sipon ay mga pangkaraniwang sakit maaari itong lumala kung mapabayaan. Lalo na kung mahina ang immune system ng isang tao na mas mataas ang tiyansang makaranas ng pneumonia o pulmonya.
“Kapag ang isang tao ay mahina na ang resistensya, ito yung mga taong most likely ay may sakit na sa baga. Maaaring may COPD o asthma o kaya naman ay may sira na sa baga nila.
O kaya ‘yung mga taong mahina na ang immune system tulad ng taong may diabetes, cancer o umiinom ng gamot na nagpapahina ng immune system.
Sila ‘yung usually ay hindi lang common colds ang nararanasan. At napupunta na sa baga yung infection. Ito ‘yung pneumonia.”
Ito ang pahayag pa ni Dr. Limpin.
Home remedies sa sipon
Kapag ikaw ay nakakaranas ng sipon may mga ilang home remedies ka na maaaring gawin upang mawala at maibsan ang pagkabarado ng iyong ilong. Inilista namin ang mga maaari mong gawin, ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:
- Uminom ng maraming tubig. Nakakatulong ito para ma-loosen ang congestion sa iyong ilong
- Kumuha ng sapat na tulog at pahinga upang makarekober agad.
- Maaaring bumili ng mga over-the-counter medicine para sa iyong baradong ilong. Katulad ng mga nasal drops.
- Kapag sumasakit ang iyong ulo dulot ng sipon maaaring uminom ng paracetamol para matanggal ito.
- Maaari ring humigop ng mainit na sabaw.
- Paggamit ng air humidifier. Makakatulong ito para lumuwag ang paghinga.
- Kumain ng mga pagkain lumalaban sa impeksyon kung sanhi ito ng viral infection. Katulad ng lemon juice na mayroong honey. Maaari ring gumawa ng salabat.
- Maligo ng maligamgam na tubig
Ano ang pneumonia?
Ang pneumonia ang isa sa mga sakit na nabibilang sa top 3 biggest killer ng mga batang edad 5 taong gulang pababa dito sa Pilipinas. Ito’y impeksyon sa baga na dulot ng virus o bacteria. Ang mga nakakaranas ng sakit na ito ay maaring magkaroon ng tubig sa baga o mahirapan sa paghinga.
Kung hindi maagapan ang pneumonia maaaring magdulot ito ng sepsis at septic shock na nakakamatay. Lalo na sa mga maliliit na bata o mga taong may mahina ng immune system. Para sa mga bata, mabibigyan sila ng proteksiyon laban sa sakit sa tulong ng vaccine o bakuna.
May payo naman si Dr. Mata at Dr. Limpin sa matatanda upang hindi mahawa o maikalat pa ang virus.
Paano ito maiiwasan?
Photo by Azraq Al Rezoan from Pexels
Ayon sa kanila, makakabuti kung iiwas pa ring mabasa ng ulan. Magsuot ng proteksiyon laban dito at sa lamig tulad ng jacket. Dapat din ay madalas na naghuhugas ng kamay. Matulog at magpahinga ng sapat sa oras. Dahil ang pagpupuyat ay malakas magpahina ng immune system ng katawan. Dapat din ay mag-exercise. Kumain ng masusustansiyang pagkain at uminom ng maraming tubig.
Umiwas din umano dapat sa matataong lugar. Lalo na sa mga taong may sakit na umuubo o bumabahing. Kung ikaw naman ay may ubo at sipon ay dapat iiwas na maihawa ito sa ibang tao.
“Huwag basta babahing o uubo ng walang takip sa bibig. Dahil ang pag-ubo at pagbahing ay nangangahulugan na nilalabas mo ang virus sa iyong katawan. Good for you ‘yun dahil eventually gagaling ka. pero kawawa naman yung mahahawaan mo.”
Ito ang paalala pa ni Dr. Mata.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Kapag may sipon hindi naman dapat mabahala agad. Hindi naman kasi ito kinakailangan ng agarang medikal na atensyon. Subalit kapag ang sintomas na iyong nararamdam ay lumalala dapat nang magpatingin sa isang eksperto.
Kadalasan, hindi naman ito tatagal ng ilang linggo at gagaan rin ang iyong pakiramdam paglipas ng mga araw. Subalit kapag hindi ito nangyari mas mainam nang pumunta sa iyong doktor dahil maaaring sanhi na ito ng sinus infection o kaya naman rhinitis.Gayundin, kapag ang sipon ay may kasama nang lagnat at ubo.
Kaya naman malamig man o mainit ang panahon dapat ay handa tayo upang maprotektahan ang ating mga sarili laban sa mga sakit. Ang pagkakaroon ng healthy lifestyle ay lubos na makakatulong para lumakas ang ating immune system upang hindi tayo agad dapuan ng sakit.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!