Mga home remedies at lunas kapag sinisikmura habang buntis, alamin dito.
Karaniwang angal ng mga nagbubuntis ang pananakit ng sikmura, o sa itaas na bahagi ng tiyan, sa ilalim ng gitnang bahagi ng dibdib. Heartburn ang tawag dito pero wala itong kinalaman sa puso.
Heartburn sa buntis
Ano ang heartburn? At anu-ano pa ang mga sakit na karaniwang nararamdaman ng mga nagbubuntis na may kinalaman sa tiyan, kaya’t nakapag-aalala?
Sa tulong ni Dr. Jerry Villarante, MD, pathologist mula sa University of Santo Tomas College of Medicine, at doktor sa Pasig City General Hospital at Marikina Doctors Hospital, bibigyan ng paliwanag at sagot ang mga katanungan tungkol sa pregnancy discomfort na ito.
Heartburn o pananakit ng sikmura ang nangyayari kapag ang muscular valve sa pagitan ng tiyan at esophagus ay hindi napipigil ang acid mula sa tiyan na bumalik sa esophagus. Ang valve na ito ay tinatawag na lower esophageal sphincter (LES).
Sa normal na pagtunaw ng pagkain, ang LES ang daanan ng pagkain mula sa esophagus papunta sa tiyan. Pagpasok ng pagkain, dapat ay magsasara ito para hindi makalabas ang stomach acids.
Heartburn ang madalas na tawag dito dahil para bang may mahapdi sa dibdib (o “burning feeling”) pababa sa may tiyan. At kung sinisikmura habang buntis, sadyang hindi komportable at nakakapag-alala dahil baka maapektuhan ang bata.
Pangangasim ng sikmura at sintomas ng pagbubuntis | Image from Dreamstime
Bakit sinisikmura habang buntis?
Sadyang nakakairita nga naman ang pakiramdam ng sinisikmura. Pero hindi ka nag-iisa, Mommy. Ayon sa isang pag-aaral, 45 percent ng mga babaeng nagbubuntis ang nakakaranas ng heartburn. Kung nararanasan mo na ito bago ka pa man magbuntis, mas mataas ang posibilidad na magpatuloy ito habang nagdadalang-tao ka.
Maaaring magkaroon ang heartburn anumang oras sa iyong pagbubuntis, pero mas madalas itong mapansin sa ikalawa at ikatlong trimester. Hindi man sigurado ang mga eksperto sa eksaktong sanhi nito, pero tatlong bagay ang hinala nilang may dulot nito:
Ang progesterone, na tinatawag ding pregnancy hormone dahil sa pangangalaga nito sa iyong sanggol at sa iyong sinapupunan, ang tinuturo na pangunahing dahilan ng heartburn sa buntis.
Ito kasi ay isang muscle relaxer. At dahil doon, masyadong nare-relax ang tight muscle na lower esophageal valve na nagsasara ng daluyan sa iyong tiyan papunta sa esophagus.
Habang kumakain o umiinom, nagbubukas ang lower esophageal valve para makapasok ang mga pagkain sa tiyan at magsasara ito nang mahigpit. Subalit dahil sa mataas na progesterone levels, nagiging masyadong relaxed ang muscle na ito. Hindi niya nagagawa ang kaniyang trabaho at hindi nasasara nang mahigpit ang daluyan ng pagkain.
Ito ang dahilan kung bakit nakakabalik ang acid sa iyong esophagus at pati sa iyong lalamunan.
Habang lumalaki ang iyong uterus para bigyan ng lugar ang paglaki ni baby, nagiging masikip at nagsisiksikan na ang ibang organs.
Gaya ng toothpaste na pinipisil, ang iyong uterus ay nakakadagdag ng pressure sa iyong tiyan. Kaya naman ang mga laman nito ay hindi makapasok nang maayos at bumabalik sa esophagus – lalo na kapag busog na busog si mommy.
Kapag lalong lumaki ang iyong uterus, lalong lumiliit at nadadagdagan ang pressure sa tiyan, kaya mas madalas mapansin ang heartburn sa mga huling bahagi ng pagbubuntis.
-
Mabagal na pagtunaw ng pagkain sa tiyan
Dahil muli sa hormone na progesterone, bumabagal rin ang pagbaba ng pagkain sa digestive tract. Dahil mabagal ang digestion, mas nananatiling puno ang tiyan ng mas matagal, at tumataas ang posibilidad ng heartburn.
Karaniwang sintomas ng heartburn sa buntis
Larawan mula sa iStock
Dahil sa lumalaki mong tiyan at pakiramdam ng morning sickness, madalas na parang laging busog at mabigat ang tiyan ng buntis. Subalit paano mo nga ba masasabing sinisikmura ka na?
Bukod sa burning sensation, o hindi mapaliwanag na sakit sa gitna ng dibdib at tiyan, narito pa ang ilang sintomas ng heartburn sa buntis:
- bloated o busog na busog na pakiramdam
- madalas na pagdighay
- may pangangasim sa iyong bibig
- pananakit ng dibdib, lalo na kapag kumakain, yumuyuko at nakahiga
- pananakit ng lalamunan
- madalas na pag-ubo
Maaaring tumagal ng ilang minuto o oras ang heartburn. Kaya naman lubhang nakakabalisa talaga kapag sinisikmura.
Ano ang gamot para sa sinisikmura habang buntis?
Hindi kasi basta-basta ang paggamot sa heartburn at acid reflux. Paano nga ba ito matitigil? At kung anuman ang gamot, ligtas kaya ito para kay baby?
Kapag nagbubuntis, ang lunas ng sinisikmura habang buntis ay nangangailangan ng masusing pagtingin sa kung ano ang pinakatugma sa kalagayan ni mommy. Trial and error kung tawagin ng iba.
Narito ang ilang paraan na pwede mong subukan para maibsan ang heartburn sa buntis.
1. Paunti-unti lang ang kain at pag-inom ng tubig
Ito rin ang payo ng mga OB-GYN sa anumang digestive problem na nararanasan ng mga nagbubuntis. Dahil nga kasi lumalaki na ang tiyan, hirap ang digestive system na gumana ng maayos.
Kung marami ang kain, mas mahirap makatunaw, kaya’t malamang ay sisikmurain. Iwasan rin ang pag-inom habang kumakain; uminom ng tubig pagkatapos o bago kumain.
Larawan mula sa Shutterstock
2. Nguyaing mabuti ang pagkain
Isa sa dahilan ng paghilab ng tiyan ng buntis ay ang pagkain nang mabilis. Sa ganitong pagkakataon, nguyain mabuti ang pagkain at huwag magmadali. Mas madaling tunawin ng sistema kapag nanguyang mabuti ang pagkain.
3. Iwasan rin ang pagkain at inumin na suspetsa mo nang nakakapagsimula ng heartburn o acid reflux mo
Ayon kay Dr. Villarante, mas mabuting iwasan muna ang mga pagkaing nakakapag-trigger ng heartburn at paghilab ng tiyan ng buntis. Ilan sa mga ito ay:
-
- mga pagkaing mayaman sa fat
- chocolate
- maaanghang na pagkain
- pagkaing maasim
- mga pagkaing hitik sa acid tulad ng citrus fruits
- anumang pagkaing may kamatis o tomato sauce
- mga inuming carbonated at caffeine
4. Mga pagkaing makakatulong
- Almonds. Ang mga nuts na ito raw ay tumutulong para ma-neutralize ang juice at acid sa tiyan, na makakatulong para makaiwas sa heartburn.
- Uminom ng gatas. Pwede rin ang isang baso ng almond milk pagkatapos kumain. Para naman sa ibang buntis, nakakatulong ang pag-inom ng mainit na gatas na may isang kutsarang honey kapag sinisikmura, at para makatulog rin nang mahimbing.
- Papaya. Bukod sa nakakatulong itong maibsan ang sintomas ng heartburn, mayaman pa ito sa vitamin C at A na mainam para sa mga buntis.
5. Nakakatulong ang pag-inom ng antacid
30 minuto bago kumain ng tanghalian o hapunan, uminom ng antacid upang maiwasan ang paghilab ng tiyan ng buntis. Lalo na kung sadyang madalas ang atake ng hyperacidity, payo ni Dr. Villarante. Itanong sa iyong OB-GYN kung anong antacid ang mairerekomenda niya para sa iyo.
6. Chewing gum naman ang subukang nguyain pagkatapos kumain
Ang laway na nabubuo sa pagnguya ng gum ay makakatulong na sugpuin ang anumang acid na bumabalik mula sa esophagus. Siguruhing “sugarless” ito dahil hindi makakabuti ang sobrang tamis sa pagbubuntis.
7. Iwasan ang pagkain (lalo kung mabigat tulad ng kanin o pasta) ilang oras bago matulog
Bigyan ng oras ang iyong tiyan na ma-digest nang maayos ang pagkain. Kung nakasanayan mo nang kumain ng mabibigat bago matulog, makabubuti kung pansamantala muna itong itigil para maiwasan ang paghilab ng tiyan ng buntis.
8. Umupo o tumayo muna pagkakain ng hanggang isang oras kung maaari
Kung nakakaramdam ng labis na pagkabusog at bigat sa tiyan, subukang maglakad-lakad sa loob o labas ng bahay para hindi ka mapilitang umupo. Ito ay nakakatulong sa digestion, kaya’t makakaiwas sa heartburn.
Alamin mula sa iyong doktor ang tamang timbang para sa’yo upang maiwasan ang labis na pagbigat. Kapag kasi bumibigat ang katawan (hindi lang ang tiyan), nakakadagdag sa discomfort at lalong nahihirapan ang organs sa loob ng iyong katawan.
Kung maaari, iwasan muna ang masisikip at hapit na damit sa tyan. Makakatulong ito na maging komportable ang pakiramdam.
Pangangasim ng sikmura at sintomas ng pagbubuntis | Image from Dreamstime
Kapag kasi nakapaling sa kanan, mas mataas ang posisyon ng tiyan kaysa sa esophagus, kaya’t mas malaki ang posibilidad ng heartburn.
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagtulog sa iyong left side ay nakakatulong para maibsan ang mga sintomas ng GERD at acid reflux. Ito rin talaga ang nirerekomendang posisyon ng pagtulog ng buntis upang makaiwas sa stillbirth at iba pang komplikasyon.
Maari ring makatulong ang pagtaas ng iyong ulo ng 6 hanggang 9 inches kapag natutulog. Maglagay na lang ng maraming unan sa ilamin ng iyong ulo at mga balikat para sa karagdagang suporta.
12. Probiotics
Ayon sa American Pregnancy, ang probiotics, maging ito man ay mula sa pagkain o supplements, ay nakakatulong na mapabuti ang iyong digestive system. Marami ring nagsasabi na ito ay isang natural remedy sa heartburn.
13. Pag-inom ng chamomile tea
Subukan ring uminom ng chamomile tea na may honey pagkatapos kumain. Subalit siguruhin na huwag sosobra dahil hindi nirerekomenda ang labis na pag-inom ng tsaa sa mga buntis.
14. Maging maingat
“Sa mga diagnosed case ng ulcer, kumunsulta dapat sa OB-GYN bago uminom ng anumang proton pump inhibitor, H2 blocker o antibiotics,”payo ni Dr. Villarante.
“Pero as far as I know, okay naman ang mga anti-ulcer [medicine]. Delikado lang sa first trimester [ng pagbubuntis] kasi duon nabubuo ang mga organs ng fetus.” dagdag niya.
Ang H2 blockers ay tumutulong na matigil ang produksiyon ng acid at ang proton pump inhibitors ay para sa matinding kaso ng heartburn na hindi napipigil ng anumang treatment.
May mga kaso na nasusuka pa ang nagbubuntis, kapag sinisikmura.
“Makakatulong ang pagbabad ng maliit na piraso ng yelo sa bibig. Kung grabe na ang pagsusuka o may senyales ng pagdurugo sa sikmura, ikunsulta agad sa OB-GYN,” payo ni Dr. Villarante.
May mga sumusubok ng alternative medicine tulad ng acupuncture, relaxation techniques at yoga. Anuman ang gagawin, siguraduhing kumonsulta muna sa iyong OB-GYN.
Tandaan lang na kung hindi nakakakita ng pagbabago sa nararamdaman, itigil ito at sumubok pa ng ibang lunas.
Pangangasim ng sikmura at sintomas ng pagbubuntis | Image from Dreamstime
BABALA: Mga gamot na dapat iwasan kapag sinisikmura habang buntis
- Kapag nagbubuntis, hindi lahat ng uri ng antacid ay puwedeng inumin.
- Iwasan ang antacids (at pagkain) na may mataas na level ng sodium, dahil sanhi ito ng build-up ng fluid sa mga tissues.
- Ang mga antacids naman na may “aluminum hydroxide” o “aluminum carbonate” ay nagiging sanhi ng constipation o hirap sa pagdumi.
- Huwag na huwag iinom ng mga medikasyon tulad ng Alka-Seltzer dahil ito ay may aspirin.
“Bakit parang hindi nawawala ang pananakit ng sikmura ko, bagkus ay lumalala pa yata ito?”
Ang mas malalang uri ng hyperacidity ay ang gastroesophageal acid reflux disease (GERD).
Kumonsulta na sa iyong doktor kapag napansin ang mga sumusunod na senyales:
- Kapag nakakaramdam ng mas madalas at mas matinding pananakit ng sikmura
- nahihirapang matulog o nagigising pa sa gabi dahil dito
- pag-ubo
- hirap sa paglunok
- mabilis na pagbagsak ng timbang
- maitim na dumi (stools)
Posibleng GERD na ang problema.
Mainam na mabigyan ito ng sapat na medical attention para hindi lubusang lumala at makaapekto sa sanggol. Ang OB-GYN ang makakapagbigay ng tamang direksiyon at payo sa kung anong medikasyon at lunas ang makakabuti para sa mga sintomas, at para manatiling ligtas ang baby sa sinapupunan.
Ang heartburn habang buntis ay karaniwan at maaring magdala ng sakit at pagkabalisa. Subalit kusa rin namang mawawala ito kapag nakapanganak ka na at bumalik na sa normal ang iyong hormone levels.
Mahirap mang iwasan ito, lalo na kung sinisikmura ka na bago ka pa man mabuntis, posible namang mabawasan ang sakit at maiwasan ang sintomas sa tulong ng konting pagbabago sa iyong lifestyle lalo na sa iyong pagkain at pagtulog.
Kung hindi naman nakakatulong ang mga home remedies, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor upang mabigyan ka niya ng tamang gamot sa heartburn.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!