Ang acid reflux ay isa sa mga pangkaraniwang nararanasan ng mga buntis. Ano nga ba ang gamot sa acid reflux ng buntis? Alamin dito ang mga sintomas ng acid reflux sa buntis at paano ito malulunasan.
Habang dinadala mo si baby sa iyong sinapupunan, maari kang makaranas ng iba’t ibang sakit o discomfort sa iyong katawan. Bagamat karamihan naman sa kanila ay karaniwang epekto ng pagbubuntis, hindi mo pa rin maiwasang mabalisa at dumaing lalo na kung nakakasagabal ito sa iyong pagkilos.
Isa sa mga sakit o kondisyon na madalas idinadaing ng mga buntis ay ang acid reflux.
Acid reflux sa buntis
Nangyayari ang acid reflux kapag bumabalik sa food pipe o esophagus ang stomach acid. Ang pangunahing sintomas ng acid reflux sa buntis ay ang heartburn, kung saan nakakaramdam siya ng pananakit o hapdi sa bandang dibdib. Maraming buntis ang dumadaing sa pakiramdam na ito.
Ang heartburn ay isang karaniwang disorder at madalas ay hindi dapat ikabahala. Subalit posible rin na sintomas ito ng Gastroesophageal Reflux Disease o GERD.
Milyon-milyong Pilipino ang naitalang may GERD o acid reflux, at patuloy itong tumataas, ayon sa isang pag-aaral ng Endoscopy Unit ng University of Santo Tomas, na pinamagatang “Erosive Esophagitis in the Philippines: A Comparison between Two Time Periods”.
Ayon rin sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2015, 45 porsyento ng mga babaeng nagdadalang-tao ay nakakaranas ng sintomas ng GERD at acid reflux. Kadalasan itong napapansin sa ikalawa at ikatlong trimester.
Image from Pixabay
Posibleng sanhi ng acid reflux at heartburn
Bagamat hindi pa natutukoy ng mga eksperto ang eksaktong sanhi ng heartburn at acid reflux sa mga buntis, mayroong bagay na posibleng nagdudulot nito:
Habang nagbubuntis, ang ating katawan ay gumagawa ng mas maraming progesterone. Ang hormone na ito ay responsable para ma-relax ang muscle tissues natin sa katawan. Kailangan ito upang ma-relax ang uterus para mabanat at lumaki ito habang lumalaki rin ang sanggol sa ating tiyan.
Ang pregnancy hormones rin na ito ang dahilan kung bakit nare-relax ang ating esophageal sphincter (ang valve sa pagitan ng tiyan at esophagus), dahilan para umakyat muli ang acid pabalik sa esophagus.
Dahil sa mga hormones rin na ito, bumabagal ang digestion kaya tumataas ang posibilidad ng acid reflux sa buntis.
-
Karagdagang pressure sa tiyan
Sa mga huling stage ng pagbubuntis, lalo na kapag lumalaki na si baby, nagkakaroon ng karagdagang bigat sa ating tiyan. Dahil sa parang nadadaganan o nabibigatan na ang ating tiyan, maaring mag-leak ang acid palabas ng tiyan at pabalik sa esophagus. Kadalasan, nangyayari ito kapag busog ang buntis.
Mga sintomas ng acid reflux sa buntis
Ang pangunahing sintomas ng acid reflux ay hearburn, kung saan nakakaramdam ng “burning sensation” o hindi maipaliwanag na pananakit sa gitnang bahagi ng dibdib. Maaring samahan ito ng mabigat na pakiramdam sa dibdib o itaas ng tiyan.
Mas nararanasan ng buntis ang heartburn kapag:
- kakatapos lang kumain o uminom
- nakahiga
- nakatuwad
Bukod sa heartburn, narito pa ang ilang posibleng sintomas ng acid reflux sa buntis:
- parang nangangasim o may mapait na nalalasahan
- pananakit ng lalamunan
- inuubo
- bloated o mabigat ang tiyan
- madalas at malakas na pagdighay
- nahihilo
- nagsusuka
Maaaring mayroon ring may dysphagia, o ang pagsikip ng esophagus kaya’t parang nakabara ang pagkain sa lalamunan. Ang ilang sintomas nito ay ang madalas na pagsinok, pagkahilo, pagbagsak ng timbang kahit hindi naman nagbabawas sa pagkain, at chronic sore throat.
Sa mga malubhang kaso ng sintomas ng acid reflux, may pag-ubo at hika, pabalik-balik ba pulmoniya, pagsusuka, at ilang problema sa lalamunan tulad ng laryngitis o pamamaga ng voice box. Naapektuhan din ang ngipin at minsan pa ay nagkakaroon ng mabahong hininga.
Kapag nangyayari ito ng higit sa 2 beses sa isang linggo, kailangang kumonsulta na sa iyong doktor o sa gastroenterologist. Para mawari kung positibo ngang acid reflux ito.
Nakakapagdulot ba ng acid reflux ang stress?
Nangangasim rin ba ang pakiramdam mo kapag kinakabahan ka o nakakaranas ng stress? Bagamat wala namang sapat na ebidensya na nagpapatunay na may kinalaman ang stress sa mga digestive problems, posible na isa itong trigger at nagpapatindi mga sintomas ng acid reflux.
At kapag stressed ang isang tao, kadalasan ay hindi niya nagagawa ang tamang eating habits kaya naman posibleng mas mapansin ang mga sintomas.
Paano malalaman kung may acid reflux o GERD
Bukod sa mga sintomas na ipinapakita ng buntis, maari ring magsagawa ang isang gastroenterologist ng mga sumusunod na pagsusuri:
- endoscopy o camera imaging
- biopsy
- barium X-ray ng esophagus at tiyan
- esophageal manometry
- pag-monitor ng rate ng fluid movement sa esophagus
- acidity testing (pH monitoring).
Isinasagawa ang mga ito ay para malaman kung acid reflux nga ang kondisyon,gaano ito kalubha, at ano ang tamang gamot at lunas na ibigay sa buntis.
Larawan mula sa Unsplash
Gamot sa acid reflux ng buntis
Bago uminom ng anumang gamot sa acid reflux ng buntis, importanteng kumonsulta muna ang buntis sa kaniyang OB-GYN upang malaman kung aling gamot ang ligtas para sa kaniya at kaniyang sanggol.
Ayon sa UT Southwestern Medical Center, mayroong tatlong pangunahing gamot sa acid reflux at heartburn na pwede sa mga buntis. Ito ay ang oral antacids, H2-receptor antagonists at proton pump inhibitors.
Narito ang ilan sa posibleng gamot sa acid reflux ng buntis:
Gamot sa acid reflux ng buntis: Oral antacids
Ang oral antacids ay mga iniinom na gamot na nagbabalanse ng acid sa ating tiyan. Halimbawa nito ay ang mga gamot na may generic name na aluminum and magnesium hydroxide (e.g., Maalox and Mylanta) at calcium carbonate (e.g., TUMS).
Nabibili ito sa mga botika subalit minsan ay nangangailangan ng reseta mula sa doktor.
Subalit isang paalala: ang mga antacids na ito ay HINDI LIGTAS na inumin ng buntis –
-
- Naglalaman ng sodium bicarbonate, na nagdudulot ng pamamaga.
- Antacids na may aspirin, na nakakasama para sa iyong sanggol. Ang paggamit ng aspirin habang nagbubuntis ay naiugnay sa mga komplikasyon tulad ng heart defends, bleeding sa utak at pregnancy loss.
- Mayroong magnesium trisilicate, na hindi napatunayang ligtas inumin kapag buntis.
Gamot sa acid reflux ng buntis: H2-receptor antagonists
H2-receptor antagonists ay mga gamot na pumipigil sa cells sa tiyan para gumawa ng mas maraming acid. Binabawasan nito ang mga kemikal sa katawan na nagsi-stimulate sa cells para gumawa ng stomach acid. Ang generic name ng mga gamot na ito ay Cimetidine at Famotidine. Mabibili ang mga ito sa mga botika.
Gamot sa acid reflux ng buntis: Proton pump inhibitors
Gaya ng H2-receptor antagonists, ang proton pump inhibitors (PPI) rin ay mga gamot na pumipigil sa tiyan na gumawa ng mas maraming acid.
Binabarahan nito ang enzyme na responsable sa paggawa ng acid. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga gamot na may generic name na Lansoprazole o Omeprazole.
Pero hindi agad-agad ang bisa ng mga PPI at maaring umabot muna ng ilang araw bago maramdaman ang paggaling at pagkawala ng sintomas ng heartburn. Mabibili ang mga ito sa mga botika pero nangangailangan rin ng reseta ng doktor.
Kung ang GERD o acid reflux ay malubha at hindi napapahupa ng anumang gamot, maaaring surgical intervention na ang kailangan.
Kapag hindi ginamot, maaaring magkaroon ng malubhang komplikasyon. Pasok dito ang esophagitis, pagkasugat sa dinadaanan ng pagkain, at iba pang seryosong damage sa esophagus, na maaaring mapunta sa cancer.
Gamot sa acid reflux ng buntis: Home remedies
Habang hindi mo pa natatanong ang iyong doktor tungkol sa gamot para sa heartburn at acid reflux, narito ang ilang paraan na maari mong subukan sa bahay:
Makakatulong sa kondisyon ang pag-eehersisyo o pagiging aktibo para hindi gaanong bumigat ang timbang kahit buntis.
Kumain ng mas kaunti, pero mas madalas. Nakakatulong ito para hindi masyadong mabigatan ang tiyan at mabilis mawala ang mga laman nito.
-
Pag-inom ng maraming tubig.
Uminom ng tubig pagkatapos kumain, at hindi habang kumakain para maiwasang mapuno agad ang iyong tiyan. Tubig ang inumin sa halip na soda o carbonated drinks.
-
Dahan-dahan lang ang pagkain, at nguyain ang pagkain nang mabuti.
Ito ay para matulungan mo ang iyong digestive tract na matunaw at ma-digest nang maayos ang pagkain.
Ugaliin rin ang umupo nang maayos kapag kumakain. Nakakatulong kasi ang gravity para bumaba ang pagkain at maiwasan ang acid reflux.
Nakakatulong din ang pagnguya ng sugarless gum pagkatapos kumain, dahil natatalo ng laway ang anumang acid na bumabalik pataas.
-
Iwasan ang matulog o mahiga agad pagkakain.
Iwasan ang kumain, lalo na ng heavy meals tatlong oras bago matulog para masigurong na-digest na ang pagkain bago ka mahiga.
Dahil hindi dapat humiga pagkatapos kumain, maglakad-lakad muna sa maikling distansiya lang para makatulong sa digestion.
Nakakatulong ang pag-inom ng chamomile tea para makalma ang tiyan at mabawasan ang sintomas ng heartburn.
Iwasan ang peppermint tea, dahil ito ay nakakapagpa-relax ng esophageal sphincter, ang muscle na nagsasara sa esophagus. Kapag bukas ito, babalik ang stomach acid sa lalamunan, imbis na manatili sa tiyan.
-
Tamang posisyon kapag natutulog.
Kapag natutulog o nakahiga, subukang mas mataas ang ulo ng 6-9 inches sa iyong katawan, para mabawasan ang acid na bumabalik pataas. Gumamit ng unan para sandalan.
Matulog nang patagilid, pakaliwa, dahil kapag pakanan, mas mataas ang tiyan kaysa sa esophagus, na nakakapagpalala ng heartburn.
-
Pagsusuot ng komportableng damit.
Iwasan muna ang masikip o tight-fitting na damit, para makahinga nang maluwag ang iyong lumalaking tiyan.
-
Pag-iwas sa mga pagkaing nakaka-trigger ng heartburn.
Hindi naman nakakagulat na ang mga pagkaing maraming acid at maaanghang ay nakaka-contribute sa pagkakaroon ng acid reflux at heartburn. Kaya pansamantala munang iwasan o bawasan ang pagkain ng mga sumusunod:
Larawan mula sa Unsplash
-
- citrus fruits gaya ng orange at lemon
- kamatis
- bawang
- luya
- pagkaing mayaman sa caffeine gaya ng chocolate at soda
Dapat ring iwasan ang mamantika at maanghang na pagkain dahil napapabagal nito ang digestion.
Hindi rin makakabuti ang pag-inom ng gatas, dahil nakakapagpataas ito ng level ng stomach acid.
Maari mo ring subukang kumain ng probiotics, na nakakatulong para maging maayos ang iyong digestion.
-
Iwasan ang masasamang bisyo.
Kung patuloy ka pa rin sa paninigarilyo at pag-inom ng alak kahit buntis, ito na ang senyales na dapat mo nang itigil ito kaagad. Maraming pag-aaral ang nagpapatunay na nagdudulot ito ng komplikasyon sa iyong pagbubuntis at delikado para sa iyong sanggol.
Ang mga kemikal kasi na matatagpuan sa sigarilyo at alak ay nakakapag-relax sa muscles ng tiyan, dahilan para hindi nito gawin nang maayos ang trabaho nito na harangan ang acid pabalik sa esophagus. Kaya lalo itong nakakapag-trigger ng acid reflux.
Kailan dapat mag-alala?
Karamihan sa mga buntis ay iniinda lang ang pangangasim na nararamdaman nila dulot ng heartburn at acid reflux. Madalas ay kusa naman itong nawawala.
Subalit kung hindi nawawala, pabalik-balik o lalong tumitindi ang mga sintomas ng acid reflux, tanungin na ang iyong doktor. Huwag ring magdalawang-isip na kumonsulta sa iyong doktor kapag napansin ang mga sumusunod:
- Ang mga sintomas at sakit ay nakakaapekto sa iyong pagtulog (nagigising ka dahil sa sakit)
- Nahihirapan kang huminga
- Sumusuka ka ng dugo
- Itim ang kulay ng iyong dumi
- Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
May pagkakapareho rin ang sintomas ng heartburn sa heart attack. Kaya kung hindi ka pa nakakaranas ng heartburn dati at nakakaramdam ng pananakit ng dibdib, tumungo na agad sa pinakamalapit na ospital.
Ang magandang balita—walang magiging negatibong epekto kay baby ang pagkakaron ng acid reflux. Basta’t sundin ang payo ng doktor, ugaliin ang tamang eating habits at huwag na huwag iinom ng gamot na hindi nireseta o hindi inaprubahan ng iyong OB GYN.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa mga sintomas na nararamdaman mo habang nagbubuntis, huwag mahiyang magtanong sa iyong doktor.
Ano ang GERD?
Normal man na makaranas ng acid reflux ang buntis pero kung pabalik-balik ito ay maaari itong humantong sa pagkakaroon ng chronic acid reflux na kilala sa tawag na Gastroesophageal reflux disease (GERD).
Ano nga ba ang GERD at bakit ito nararanasan ng buntis?
Nararanasan ng Gastroesophageal reflux disease kapag ang acid sa sikmura ay paulit-ulit na bumabalik sa tube na nagkokonekta sa bibig at sikmura. Ang acid reflux na ito ay maaaring makairita sa lining ng esophagus.
Ayon sa Mayo Clinic, sino man ay maaaring makaranas ng acid reflux. Pero kapag ang acid reflux ay nararanasan nang paulit-ulit, tinatawag na itong GERD.
Sintomas ng GERD
Ilan sa mga karaniwang sintomas ng GERD ay ang mga sumusunod:
- Pakiramdam na naduduwal
- Pagsusuka
- Pananakit ng dibdib
- Hirap sa paglunok
- Burning sensation sa dibdib na karaniwang nararansan matapos kumain.
- Pakiramdam na tila may nakabara sa lalamunan
Kung nighttime acid reflux naman ang nararanasan ay posibleng makaramdam ng pag-ubo. Gayundin ng pamamaga ng vocal cords na tinatawag na laryngitis. Posible rin na makaranas ng asthma o kung may asthma na ay maaaring mas lumala ito.
Muli, tandaan na normal na makaranas ng heartburn at acid reflux paminsan-minsan, Pero kung nararanasaan ang mga ito nang higit sa dalawang beses sa isang linggo o pabalik-balik ang mga sintomas, ibig sabihin hindi na lang simpleng acid reflux ang nararansan. Kundi ito ay GERD o chronic acid reflux.
Mommy at daddy, mahalaga rin na malaman na hindi lang si mommy ang posibleng makaranas ng GERD. Kung kayo ay may baby o toddler, maaari din silang magkaroon ng GERD.
Narito ang mga sintomas ng GERD sa mga bata:
- Episode ng pagsusuka
- Pakiramdam na nabubulunan
- Mabahong hininga
- Hirap sa paghinga
- Matinding pag-iyak
- Ayaw kumain
- Hirap sa pagtulog matapos kumain o sumuso sa ina
- Paos na boses
- Maasim na panlasa lalo na kung nakahiga
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Ang GERD ay dapat ipakonsulta sa doktor upang malapatan ng akmang paglunas. Ito ay hindi lamang para maibsan ang mga sintomas kundi para makatiyak na hindi na hahantong sa mas seryosong problemang pangkalusugan ang pagkakaroon ng GERD.
Hindi man life threatening o banta sa buhay ang pagkakaroon ng GERD pero maaaring makaapekto sa iyong pagkain at pagtulog ang kondisyon na ito. Bukod pa rito, ang chronic inflammation o labis na pamamaga ng esophagus ay maaaring humantong sa mas seryosong kondisyon. Maaaring kailanganin mo ng stronger prescription medications o kaya naman ng surgery para maibsan ang mga sintomas ng GERD.
Tandaan na kung ikaw ay buntis at hindi ka nakakakain nang maayos at kinukulang ka sa tulog ay posible itong makaapekto sa kalusugan ng iyong baby. Kaya naman, kumonsulta sa doktor kung nakararanas ng mga sintomas ng GERD.
Risk factor ng GERD
Bukod sa pagbubuntis, posible ring nakaranas ng GERD ang mga taong overweight o obese. Pati na rin ang mga taong naninigarilyo o regular na-eexpose sa second-hand smoke. Bukod pa rito, puwede ring magkaroon ng GERD ang mga taong umiinom ng gamot na nagdudulot ng acid reflux.
Ano mang edad ay posibleng makaranas ng GERD. Pero mas mataas ang tiyansa na magkaroon nito ang mga taong nasa edad 40 pataas.
Heartburn vs heart attack
Paano nga ba malalaman kung heartburn o heart attack ang nararanasan. Ayon sa Cleveland Clinic, ang pananakit ng dibdib dulot ng heartburn ay posibleng mapagkamalan na sintomas ng heart attack o atake sa puso. Pero walang kinalaman sa iyong puso ang heartburn. Magkaiba rin ang sintomas ng heartburn at heart attack.
Ang heartburn ay ang hindi komportableng pakiramdam na tila umiinit ay iyong dibdib, leeg, at lalamunan dahil sa acid. Samantala, kapag atake sa puso naman ang naranasan, maaaring makaramdam ng pananakit ng mga braso, leeg, at panga. Posible ring makaranas ng hirap sa paghinga, pamamawis, pagduduwal, pagkahilo, matinding fatigue at anxiety.
Kung ang pananakit ng iyong dibdib ay sinabayan ng mga nabanggit na sintomas ng heart attack, agad na kumonsulta sa doktor.
GERD at asthma
Ayon sa Cleveland Clinic, bagama’t walang eksaktong relasyon ang GERD at asthma pero 75% umano ng mga taong may asthma ay mayroong GERD. Pinatitindi rin ng GERD ang sintomas ng asthma. Ang mga sintomas ng GERD ay nakakasira ng lining ng lalamunan, airways, at baga. Kaya naman nagdudulot ito ng hirap sa paghinga na maaaring magdulot din ng matinding pag-ubo.
Kung mayroon kang asthma at GERD, magpakonsulta sa inyong doktor upang malaman ang best way para ma-manage ang dalawang kondisyon. Nakadepende sa kalagayan ng iyong kalusugan ang tamang paggamot sa mga kondisyong ito.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!