Sa panahon ngayon, natural lang ang makaramdam ng kaunting kaba. Subalit paano mo malalaman kung normal lang ito o hindi na? Basahin dito kung ano ang anxiety in tagalog pati na ang sintomas ng anxiety at ano ang posibleng sanhi nito.
Natural lang sa isang tao ang makaramdam ng kaba o takot. Paraan ito ng ating katawan para mag-react sa stress at para malaman natin kung mayroong panganib na paparating sa ating paligid.
Maaari kang mag-alala kapag may sakit ang iyong anak, may problema ka sa trabaho, o kaya iniisip mo ang mangyayari kinabukasan. Pero mawawala naman kaagad ang iyong pagkabahala kapag nasolusyunan na ang iyong problema, o lilipas din kapag nagsimula ka nang mag-isip ng ibang bagay.
Subalit paano kung labis ka pa ring nag-aalala at naaapektuhan na ang iyong pagkilos? Maaaring mayroon ka nang anxiety.
Ang anxiety disorder ay isang karamdaman na tumatama sa isip ng isang tao kung saan nakakaranas o nakakaramdam siya ng matinding nerbyos, takot o pag-aalala. Mas karaniwan ito sa matatanda, pero maging ang mga bata ay maaari ring magkaroon nito.
Ngayong panahon ng pandemya, tumaas ang bilang ng mga taong mayroong mental health disorders gaya ng anxiety dito sa bansa, ayon sa isang pag-aaral.
Subalit paano mo nga ba malalaman kung normal lang ang pagkabahala na iyong nararamdaman o hindi?
Talaan ng Nilalaman
Mga sintomas ng anxiety
Habang magkakaiba ang sintomas ng anxiety sa bawat tao, kadalasan, pareho naman ang reaksyon ng katawan kapag nakakaramdam ito ng panganib. Nagiging mas alerto ito at pinapagana ang ating fight or flight responses.
Narito ang ilang sintomas ng anxiety sa isang tao:
- matinding kaba, nerbyos o pagkabalisa at pagpakita ng iba pang mga sintomas ng nerbyos
- nakakaramdam ng takot at nagpa-panic
- mabilis na pagtibok ng puso
- mabilis na paghinga o hyperventilation
- matinding pagpapawis
- panginginig ng kalamnan o muscle twitching na isang pisikal na sintomas ng anxiety
- panunuyo ng bibig
- panghihina at pananamlay
- hindi mapakali
- nahihirapang magpokus o walang ibang maisip kundi ang bagay o sitwasyon na inaalala
- hirap sa pagtulog
- digestive o gastrointestinal problems, gaya ng kabag, constipation at pagtatae
- iniiwasan ang mga bagay na nagdadala ng kaba
- nagiging obsessed o OC sa mga bagay, senyales ng obsessive-compulsive disorder (OCD). Ito ang sintomas ng anxiety na sa tagalog ay ang pagiging masyado o labis na metikuloso sa mga bagay-bagay.
- may matinding takot o kaba kapag naaalala ang isang nakaraang pangyayari. Ito ay palatandaan ng sintomas ng anxiety attack o nakakaranas ng post-traumatic stress disorder (PTSD) ang isang tao.
Panic attacks
Isa rin sa mga karaniwang sintomas ng anxiety disorder ay pagkakaroon ng panic attacks. Inilalarawan ito ng biglaan at matinding pagkabalisa at takot.
Kung nararanasan mo ang apat sa mga sumusunod na sintomas sa loob ng ilang minuto, maaring ikaw ay nagkakaroon ng panic attack:
- mabilis na tibok ng puso
- matinding pagpapawis
- panginginig
- nahihirapang huminga
- pakiramdam na parang sinasakal
- naninikip ang dibdib
- nahihilo o parang mahihimatay
- naiinitan ng husto, o kaya naman nilalamig
- parang hindi maramdaman ang katawan
- wala sa huwisyo
- parang nababaliw o walang kontrol sa ikinikilos
- matinding takot sa kamatayan
Ang mga sintomas na ito ay maaari ring mangyari sa mga taong may sakit sa puso, problema sa thyroid at iba pang sakit. Kaya naman ang mga taong may anxiety o panic disorder ay kadalasang nagpapadala sa ospital kapag nakakaramdam sila ng matinding kaba o takot para sa kanilang kalusugan.
Sintomas ng anxiety sa mga bata
Natural rin sa mga bata ang makaramdam ng takot o kaba, subalit kung nakakasagabal ito sa kanilang pag-aaral, paglalaro at normal na pamumuhay, maaaring mayroon rin silang anxiety. Narito pa ang ilang senyales na puwede mong bantayan:
- Matinding takot o pagkabalisa kapag nahihiwalay sa magulang (separation anxiety).
- Matinding takot sa isang bagay o situation katulad ng mga hayop, insekto o pagpunta sa doktor (phobia).
- Natatakot na pumasok sa paaralan o mga lugar na maraming tao.
- Matinding takot kapag iniisip ang isang sitwasyon na maaaring mangyari sa hinaharap.
- Matinding takot na may kasamang mabilis na pagtibok ng puso, hindi makahinga, nahihilo o labis na pinagpapawisan, at nangyayari ng madalas.
Ano ang sintomas ng anxiety depression sa mga bata
Ang anxiety ng isang bata ay maari ring lumala at mauwi sa tinatawag na depression kung hindi malunasan. Ano ang sintomas ng anxiety depression sa mga bata? Ito ay ang sumusunod na katulad din ng sintomas ng anxiety at depression.
- Labis na pagiging malungkutin, hopeless o iritable.
- Pag-ayaw sa paggawa ng mga bagay na nai-enjoy niya noong gawin.
- Pagpapakita ng pagbabago sa kaniyang eating pattern. Siya ay maaring kumakain ng sobra o kulang hindi tulad ng usual niyang ginagawa.
- Pagbabago sa kaniyang sleeping pattern. Maaaring siya ay tulog ng tulog o kaya naman hindi makatulog ng hindi tulad ng normal.
- Ang bata ay parang laging pagod, sluggish o tense sa lahat ng oras.
- Hirap siyang mag-focus o magbigay ng atensyon sa isang bagay.
- Pakiramdam niya siya’y walang silbi at laging guilty.
- Nagpapakita siya ng self-destructive behaviour o sinasaktan ang kaniyang sarili.
Ang depression sa mga bata kung hindi agad na maagapan maaring mauwi sa suicide o pagkitil sa kaniyang buhay na isa sa dahilan ng pagkamatay ng maraming kabataan sa ngayon.
Mga posibleng sanhi ng anxiety
Bagama’t hindi pa direktang matukoy ng mga researcher ang eksaktong sanhi ng anxiety, mayroon namang mga bagay na maaaring may kinalaman o nakakadagdag sa karamdamang ito:
Maaaring namana mo ito sa iyong magulang, o mayroon sa iyong pamilya na mayroong anxiety.
-
Brain development
Ayon sa mga pag-aaral, maaari ring mayroong mali sa neural pathways sa utak ng isang tao na may kinalaman sa pagkontrol ng takot at emosyon.
-
Stress
Puwede rin namang dala ito ng mga pangyayari noong nakaraan kung saan matindi ang stress at hirap na pinagdaanan ng isang tao.
May mga gamot o ipinagbabawal na droga na maaaring makaapekto sa pag-iisip ng isang tao at magdulot ng anxiety. Kadalasan, napapansin ito sa mga taong may alcohol o substance abuse.
-
Medical condition
May mga sakit na nagdudulot din ng sintomas ng anxiety gaya ng heart disease at thyroid problems. Kaya makakabuting kausapin ang iyong doktor kung sa palagay mo ay nakakaranas ka ng anxiety.
Malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng anxiety ang mga taong may history ng mental health disorder, pang-aabuso, trauma at substance abuse.
Para sa mga bata, makakaapekto rin ang kanilang pagiging mahiyain at pagkakaroon ng mababang self-esteem sa posibilidad ng anxiety.
Kailan dapat humingi ng tulong?
Mahirap malaman kung ang takot at kabang iyong nararamdaman ang sintomas na ng anxiety. Pero kung nararanasan mo ang mga sumusunod, baka panahon na para kumonsulta sa doktor:
- Matinding takot at pag-aalala na nakakasagabal na ito sa iyong araw-araw na pamumuhay at pakikitungo sa ibang tao.
- Hindi mo makontrol ang takot o pag-aalala.
- Nakakaramdam ka na ng matinding kalungkutan at gumagamit ng mga bagay na delikado sa iyong kalusugan (gaya ng alak o droga) para makaraos sa iyong nararamdaman.
- Hindi ka na makapag-isip ng maayos dahil sa labis na pag-aalala.
- Nagkakaroon ng mga suicidal thoughts o naiisip na saktan ang sarili.
Kapag pumunta ka na sa iyong doktor, maaari niyang suriin ang iyong pangangatawan para matukoy kung ano ang nagiging sanhi ng sintomas ng anxiety. Kung hindi ito dulot ng medikal na kondisyon, maaari rin niyang ipayo na makipag-usap ka sa isang psychologist o psychiatrist.
Paano mababawasan ang sintomas ng anxiety?
Maaaring makatulong ang mga gamot o counselling at pakikipag-usap sa isang espesyalista para mabawasan ang mga sintomas ng anxiety, pero ang pangangalaga sa ating mental health ay isang mahaba at panghabang-buhay na proseso.
Narito ang mga bagay na maaaring makatulong na makabawas at makaiwas sa anxiety:
- Mag-ehersisyo.
- Umiwas sa labis na pag-inom ng alak.
- Huwag gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
- Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng mga caffeinated drinks.
- Umiwas sa stress.
- Magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
- Magkaroon ng isang journal kung saan puwede mong isulat ang mga nangyari sa buong araw at iyong mga nararamdaman.
Paano maiiwasan at lalabanan ang anxiety sa mga bata?
Mga magulang, narito naman ang ilang bagay na dapat tandaan para maiwasan o mabawasan ang anxiety sa iyong anak:
- Siguruhin na malusog ang pangangatawan ng bata – kumain ng masustansiyang pagkain, mag-ehersisyo at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
- Hayaan ang anak na makaramdam ng takot, pero turuan siyang i-manage ito.
- Hindi makakatulong sa iyong anak kung aalisin o laging iiwasan ang mga bagay na nagdadala sa kaniya ng takot at anxiety.
- Maging honest sa iyong anak sa mga haharaping sitwasyon – hindi makakatulong kung lagi mong poprotektahan ang iyong anak mula sa anumang pagsubok o pagkabigo. Kailangan mo siyang turuang harapin ito at palakasin ang loob niya.
Panatiliing malusog ang iyong pangangatawan at huwag mahiyang humingi ng tulong kapag mayroon kang napansing kakaiba sa iyong ikinikilos at nararamdaman.
Paano matutulungan ang iyong anak na malampasan ang anxiety na nararanasan?
Anxiety sintomas o nerbyos sintomas sa bata ang labis o biglaang pag-iyak/ Image by fwstudio on Freepik
Kung nakakaranas ng anxiety ang iyong anak, ay may maaari kang gawin para siya ay matulungan. Maliban sa pagsisiguro na maging malusog ang kaniyang pangangatawan ay narito pa ang ilang bagay na maari mong gawin.
- Humanap ng therapist na makakatulong sa iyong anak.
- Makipag-usap ng madalas sa therapist sa mga hakbang na iyong magagawa para matulungan ang iyong anak.
- Tulungan ang iyong anak na harapin ang mga bagay na kinatatakutan niya. Sa oras na magawa niya ito ay purihin ang iyong anak para lalo pa siyang ma-motivate.
- Turuan ang iyong anak na i-express ang kaniyang nararamdaman. Gawin ito sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniya, pag-iintindi at pagapapakita ng iyong pagmamahal. Sa ganitong paraan ay mas lalakas ang kaniyang loob.
- I-encourage ang iyong anak na gawin ang makakaya niya ng paunti-unti para maharap ang anxiety na nararanasan. Huwag mo siyang hayaang mag-give up at mawalan ng tiwala sa kaniyang sarili.
- Maging pasensyoso sa iyong anak. Suportahan siya sa kaniyang laban at huwag umalis sa kaniyang tabi.
Mga paraan na maaari pang gawin para maibsan ang sintomas ng anxiety at stress ng iyong anak
Maliban sa iyong moral support, ito pa ang ilang hakbang na maaaring gawin para maibsan ang sintomas ng anxiety, depression at stress na nararanasan ng iyong anak.
- Turuan ang iyong anak na i-recognize ang anxiety, stress o depression na nararanasan at kung paano niya ito ma-manage.
- Mag-stick o magkaroon ng regular daily routines para sa iyong anak.
- Kung siya’y nakakaranas ng anxiety o stress dahil sa pagkawala ng isang mahal sa buhay, panoorin siya ng pelikula na makakatulong sa kaniyang maintindihan ang nararamdaman niya.
- Kung lilipat naman ng bahay o may malaking pagbabago sa buhay ninyo ang magaganap, kausapin agad ang anak sa pupuwedeng mangyari. Saka ipaliwanag sa kaniya na wala siyang dapat ipag-alala.
- Turuan ang iyong anak ng simple relaxation techniques. Tulad ng 3 deep slow breaths o pag-inhale sa loob ng 3 segundo at pag-exhale sa bilang din ng tatlo.
Mahalaga ang papel na ginagampanan mo sa anumang parte o bahagi ng buhay ng iyong anak. Kaya bilang magulang ay dapat lagi kang aware sa mga nangyayari sa kaniya at agad na tumatalima sa mga pangangailangan niya.
Ito ay para maiwasan ang mas malala pang maging epekto nito sa iyong anak o maging balakid sa normal niyang pamumuhay. Sa kabila ng iyong busy na schedule ay dapat maglaan ng oras para sa kaniya.
Kausapin niya para malaman ang kaniyang nararamdaman. Ang iyong pakikinig ay malaking bagay o tulong na para maibsan niya ang stress, anxiety o depression na kaniyang nararanasan.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.