Ubo ng baby, isa ito sa mga maaaring maging sakit ni baby. Talaga namang nakakaawa kapag may ubo si baby, lalo’t hindi siya makakain o makatulog dahil dito. Mas lalong nakakapag-alala kapag nalaman na minsan ay hudyat ito ng mas malalang sakit.
Ayon kay Dr. Justine Dureza, MD, Pediatric Resident Physician sa St. Luke’s Medical Center, Global City, ang pag-ubo ay karaniwang sanhi ng viral infections. Tumutulong ito sa pagpapaginhawa ng paghinga. “Supportive management lang ang madalas na kailangan, at hindi antibiotic,” dagdag ni Dr. Dureza.
May pagkakataon din daw na ang animo’y simpleng ubo ay nagpapahiwatig ng mas malalim na problema o sakit, “Kaya’t importanteng kumunsulta agad sa isang pediatrician upang makita kung kailangang ba ng chest x-rays, blood tests at medications,” paliwanag ni Dr. Dureza. Ang pag-ubo ang nagbibigay ng mga senyales kung ano ang sakit o karamdaman ng bata, na hindi niya masabi.
Bakit ba nagkakaroon ng ubo ang mga baby?
Maraming dahilan umano ang pagkakaroon ng ubo ni baby. Ayon kay Dr. Romina “May” Gerolaga, isang pediatric pulmonologist sa Makati Medical Center, ang pag-ubo ng ay isang depensa ng katawan para mailabas ang mga nalanghap na mikroboyo sa bata man o baby.
Halimabawa na lamang umano ay ang mga virus o bacteria, maaari umano itong maging daan para mailabas ang plema ni baby kapag mayroon siyang ubo.
Pero paalala ni Doc Gerolaga,
“But we have to remember na ang bata edad pito at pababa medyo hirap iyan dumahak o maglabas ng plema. Puwede ring ang ubo ay nasamid o may pagkaing nagpuntang aksidente doon sa daluyan ng hangin.”
Ito umano ang iba pang dahilan kung bakit inuubo ang baby o ang bata. Hudyat din umano ito para sa ating mga magulang na baka may impeksyon na ang ating mga anak. Pagpapaliwanag ni Doc Gerolaga,
“So ano ang mga maaring impeksyon sa baga? Puwedeng ito ay nasa itaas lang o iyong upper respiratory tract infection. Puwede rin naman itong bronchitis, bronchiolitis para sa mga batang below 2 years of age.
Puwede ring tuberculosis kung ang ubo ay more than 2 weeks na. Importante lang na siguraduhin natin na kapag ang ubo ay nagiging malubha ay kumonsulta na agad sa doktor.”
Kaya naman parents mahalaga umano na kumonsulta agad sa doktor ng iyong baby kapag nahalata mo na medyo malala na ang pag-ubo ng iyong anak. Upang maagapan at magamot siya agad.
Ano ang ibig sabihin ng iba’t ibang ubo ni baby?
Napapansin mo bang may iba’t ibang klase ng ubo o pag-ubo ang si baby? Napapag-iba mo ba ang ubong reflex lamang, sa ubong may kasamang sakit na, o hudyat na ng malalang kondisyon?
May iba’t ibang mensahe ang bawat uri ng pag-ubo. May mga kasama itong ibang kondisyon o sintomas na makapagsasabi kung ano nga ba ang karamdaman ni baby.
Makakatulong na malaman ang mga uri ng ubo ni baby upang malaman kung dapat nga bang mag-alala at kung kailan dapat dalhin na sa doktor si baby.
1. Uri ng ubo ni baby: parang pagkahol ng aso na malakas at may kaunting halak
May kasamang hirap sa paghinga at lagnat, at nagiging dahilan ng paggising ni baby sa gitna ng gabi.
Ito ay maaaring: Croup, o impeksiyon na nakakaapekto sa itaas na bahagi ng trachea o windpipe.
Unang remedyo na pwedeng gawin: Para lang matulungan na mapaluwag ang paghinga ni baby, subukang ilabas siya sa gabi upang makasagap ng ‘di kalamigang sariwang hangin. Suotan siya ng pantakip sa ulo para maprotektahan ang ulo.
Kung may hot water sa gripo ng banyo, buksan ito para magkaroon ng steam o usok sa banyo, at saka isara ang pinto, para mausukan si baby.
Para sa mga batang 2 taon pataas, maaaring pahiran ng kaunting topical cough suppressant tulad ng Vick’s Vaporub, na may medicated vapor na makakatulong sa pagluwag ng paghinga.
Kumunsulta sa doktor kung patuloy na hirap sa paghinga si baby lagpas ng 2 araw.
2. Uri ng ubo ni baby: May mataas na lagnat
Walang ring gana kumain at sumasakit ang mga braso at binti kapag nahahawakan.
Ito ay maaaring: Flu o trangkaso sanhi ng nakakahawang virus na maaaring nakuha dahil sa paghalik, pag-ubo, paghatsing, o kahit pagkarga lang ng ibang may sakit.
Unang remedyo na pwedeng gawin: Painumin ng maraming fluids tulad ng tubig (kung nasa edad 6 buwan na pataas) at pagpahingahin ang bata.
Itanong sa doktor kung maaaring bigyan ng paracetamol para sa lagnat at sakit ng katawan. Kumunsulta agad sa doktor kung patuloy na mataas ang lagnat at lumalala ang pag-ubo.
3. Uri ng ubo ni baby: Patuloy ang pag-ubo at may sipon, na umabot na ng 10 araw
May halak din at, maasim ang amoy ng hininga at may makapal, madilaw o berdeng plema o mucus.
Ito ay maaaring: simula ng sinusitis, isang impeksiyon sa mucous membrane sa sinus.
Unang remedyo na pwedeng gawin: Kumunsulta kaagad sa doktor. Dapat gamutin agad ang bacterial infection upang maiwasan ang anumang mas malalang komplikasyon.
4. Uri ng ubo ni baby: Madalas at patuloy, at may kasamang mga sintomas ng flu
Ito rin ay humihingal o hirap sa paghinga, may maririnig na “wheezing”, mataas na lagnat at masakit ang dibdib.
Ito ay maaaring: Pneumonia, o impeksiyon sa baga (lung).
Unang remedyo na pwedeng gawin: Dalhin agad so doktor. Sa payo ng doktor saka pa lamang maaaring bigyan ng paracetamol o ibuprofen para sa lagnat. Kung patuloy na lumalala ang mga sintomas, ipaalam agad sa doktor para mabigyan ng panibagong lunas tulad ng antibiotics (kailangang may reseta ng doktor).
5. Uri ng ubo: Malakas, madalas at may kasamang sipon
May tunog na kasama ang paghinga at pag-ubo (“wheezing”), at mabilis at hirap ang paghinga.
Ito ay maaaring: Bronchiolitis, isang karamdaman nagiging sanhi ng inflammation ng bronchioles (maliit na airway ng baga).
Unang remedyo na pwedeng gawin: Dalhin agad so doktor. May mga maaaring irekumendang saline nose drops para mapaluwag ang paghinga sa ilong. Madalas ay wala nang ibang medikasyon na ibibigay ang doktor dahil nawawala kaagad ang mga sintomas pagkalipas ng ilang araw.
6. Uri ng ubo ni baby: Madalas at malakas kapag gabi o kapag malamig ang panahon
Ang ubo ay may kasamang malakas na “wheezing” o labis ang hirap sa paghinga, at halos nangingitim na ang labi (dahil wala nang hangin).
Ito ay maaaring: Hika o asthma, o pamamaga ng airways at pinapalala ng sipon, exposure sa allergy, o iba pang irritants tulad ng usok ng sigarilyo. Ang hika ay namamana sa mga magulang o hereditary.
Unang remedyo na pwedeng gawin: Dalhin agad so doktor. Doktor lamang ang makapagbibigay ng tamang diagnosis at paggamot.
7. Uri ng ubo ni baby: May kakaibang tunog
Ito ay karaniwang malakas, at mapapansing nasasaktan ang bata, ang mga mata ay matubig o parang naluluha, may lagnat, at may tunog na “whoop” sa huli ng ubo (hindi masyadong mapapansin sa sanggol). Minsan ay may kasamang pagsuka.
Ito ay maaaring: Whooping cough, o bacterial infection ng respiratory tract na sanhi ng malalang pagkahirap sa paghinga.
Unang remedyo na pwedeng gawin: Dalhin agad so doktor. Doktor lamang ang makapagbibigay ng tamang diagnosis at paggamot.
Paliwanag ni Dr. Dureza,
“Basically, kapag inuubo ang bata, kailangan makita at ma-examine ng doktor,”
Sa bahay, kung inuubo na ang bata at inoobserbahan pa lamang ng mga magulang, dapat siguraduhing ang pagpapakain ay may “strict aspiration precaution,” o ang bottle-feeding ng gatas (o tubig kung 6 na buwan na pataas si baby) ay patayo o upright position (hindi nakahiga). Dapat ding pinapadighay ang bata ng hanggang 30 minuto, payo ni Dr. Dureza.
Huwag muna pakainin o painumin ng gatas ang bata kung patuloy ang pag-ubo.
Kung nadala na sa doktor si baby, at pinapagaling na ito sa bahay sa tulong ng gamot at mga payo ng doktor, maaari ding subukan ang mga sumusunod:
- Gumamit ng cool-mist humidifier sa kuwarto ni baby. Nabibigyan nito ng moist ang airway o hingahan ni baby at mababawasan ang pag-ubo sanhi ng post-nasal drip.
- Painumin ng maraming fluids tulad ng tubig o juice. Para sa mga bata 4 taon pataas, subukang bigyan ng popsicle.
- Bigyan si baby (isang taon pataas) ng isang kutsaritang honey bago patulugin. Makakatulong itong mapahupa ang pamamaga o pananakit ng lalamunan at mapapahupa ang pamamaga.
- Ligtas para sa lagnat ang pambatang Tylenol o Ibuprofen, kung may payo ng doktor.
- HUWAG bibigyan ang bata ng gamot sa ubo at sipon. Ayon sa U.S. Food and Drug Administration (FDA), American Academy of Pediatrics (AAP) at Department of Health (DOH), may panganib ito para sa mga batang 2 taon pababa.
- Para sa mga baby at toddlers na hindi pa marunong suminga, mayroong nasal saline drops at bulb aspirator para sa baradong ilong.
Dagdag pa ni Dr. Romina “May” Gerolaga, isang pediatric pulmonologist sa Makati Medical Center mahalaga na obserbahan kung anong klaseng ubo ang mayroon si baby. Gayundin, dapat din tignan kung mayroong kasama sa bahay na may ubo dahil maaaring mahawa ng ubo si baby.
Pagpapaliwanag pa niya,
“Kung wala naman dalawa ang puwedeng gawin natin. Kung babies tingan mo baka mamaya ay dahil iyan sa pagpapakain, kung masyadong nakahiga ay maaaring ang pagkain o milk ay napunta sa daluyan niya ng hangin instead sa daluyan ng pagkain.”
Mahalaga rin umano na ipa-burp agad si baby. Maaari rin na baka may allergy pala si baby kaya siya may ubo. Alamin kung ano ang nagpa-trigger dito.
Tandaan, dalhin kaagad ang bata sa doktor kapag:
- Labis ang hirap sa paghinga
- Nagkukulay asul o wala nang kulay ang mukha at labi (cyanosis)
- Hindi makakain o ayaw uminom ng gatas
- Nanghihina at matamlay
- Tuloy tuloy ang pag-ubo, na umaabot ng 3 oras (walang tigil)
- May dugong lumalabas sa bibig sa pag-ubo
- Mas matagal ang tulog kaysa sa ordinaryo.
- May lagnat at nagsusuka (baka ma-dehydrate)
Hudyat ng respiratory distress, ayon kay Dr. Dureza, at kailangan ng agarang medical attention:
- Head bobbing (o literal na pag-alog ng ulo ng bata paharap o patagilid, na parang walang kontrol)
- Alar and nasal flaring (lumalaki ang butas ng ilong habang humihinga)
- Retractions (malalim ang dibdib, prominente ang ribs habang humihinga, at mas ginagamit ang tiyan sa paghinga kaysa sa dibdib)
- Mabilis na paghinga, o hirap na huminga (hinahabol ang hininga)
Lahat ito ay warning signs at kailangang dalhin agad sa ospital o klinika, doktor.
Ang mga sanggol na wala pang 4 na buwan ang gulang ay karaniwang hindi inuubo. Kung ang iyong baby ay nagsisimulang umubo sa unang 4 na buwan, kumunsulta agad sa doktor.
Sabi ni Dr. Dureza, ang mga anti-tussives o cough suppressants, bagamat nabibili ng walang reseta sa mga botika, ay hindi basta-basta binibigay sa mga bata, lalo pa’t sanggol.
Dagdag pa niya,
“Ang nebulization ay nakakatulong na magpaluwag ng airways, ngunit binibigay lamang kung may advice ng doktor dahil may side effects ito, tulad ng increased heart rate,”
Habang lumalaki si baby, mas nagiging bihasa ang mga magulang sa pagdetermina kung anong klaseng ubo—malala ba o ordinaryo—ang pag-ubo, at kung dapat bang dalhin sa doktor.
Hindi lahat ng pag-ubo ay malala. Kung alam ng magulang ang mga sintomas, maiiwasan ang labis na pag-aalala.
Ang pag-alam sa mga uri ng ubo at tunog ng ubo ay makakatulong din sa tamang paglalarawan ng mga sintomas ni baby kapag sinasabi na ito sa doktor.
Manatiling kalmado at makinig ng mabuti sa mga sasabihin at ipapayo ng doktor para masigurong matutulungan ang anak na gumaling agad.
Dr. Justine Dureza, MD, Pediatric Resident Physician, St. Luke’s Medical Center, Global City, Mayo Clinic, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon—ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.