Buntis Guide: Sanhi ng almoranas sa buntis at gamot para dito

undefined

Ating alamin kung ano ang almoranas, bakit ito nangyayari sa pagbubuntis, at kung ano ang maaring gawin upang ito ay gamutin.

Napakaraming pagbabago ang nararanasan ng ating katawan habang nagbubuntis. May mga pagbabago na nangyayari para masigurong ligtas ang sanggol sa ating sinapupunan. Mayroon namang mga pagbabago na naghahanda sa atin para sa panganganak. Subalit may mga pagbabago rin na epekto lang ng mga sintomas o kondisyon na nararanasan natin habang buntis at madalas ay hindi kaaya-aya. Isa na rito ang pagkakaroon ng almoranas sa buntis.

Ano ba ang almoranas sa buntis, at bakit ito madalas nangyayari sa mga nagdadalang-tao? Ating alamin kung bakit nagkakaroon ng almoranas at paano mawala ang almoranas sa buntis.

Mommies, narito ang isang gabay tungkol sa almoranas sa buntis.

Ano ang almoranas sa buntis?

Ang almoranas, o tinatawag na hemorrhoids sa Ingles, ay ang pamamaga ng blood vessels o daluyan ng dugo sa rectum. Ito ay masakit at nagdudulot ng hirap sa pagdumi, at pati na rin sa simpleng pag-upo.

Maaari kang magkaroon ng almoranas habang nagbubuntis, pero maaari ka ring magkaroon nito kahit hindi ka nagbubuntis.

Ang sanhi ng almoranas ay depende rin sa iyong pagbubuntis. Pero maaari mo namang bigyan ito ng lunas sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong lifestyle at ilang home remedies.

almoranas sa buntis

Larawan mula sa Freepik

Sanhi ng almoranas sa buntis

Ayon sa Healthline, halos 50 porsyento ng mga kababaihan ay nagkakaroon ng almoranas habang nagbubuntis.

Kadalasan ay lumalabas ang mga almoranas sa buntis pagdating ng ikatlong trimester, kapag lumalaki si baby at nagkakaroon ng karagdagang bigat o pressure sa ating rectum.

Posible rin na maging dahilan ang pagdami ng dugo sa ating katawan, kaya lumalaki ang mga veins. Gayundin, puwedeng dala ito ng pagbabago ng ating hormones.

Isa pa sa mga pangunahing sanhi ng almoranas habang nagbubuntis ay constipation. Mas tumataas kasi ang posibilidad ng digestive disorder nito kapag nabubuntis. Maaaring ito ay dahil sa matagal na pag-upo o pag-inom ng iron supplements.

Kapag nagtatae o may diarrhea, ang matagal na pag-upo at pabalik-balik sa banyo ay maaaring magdulot din ng almoranas.

Sintomas ng almoranas sa buntis

Mayroong dalawang klase ng hemorrhoids:

  • internal hemorrhoids, na matatagpuan sa loob ng katawan o bahagi ng rectum.
  • external hemorrhoids, na matatagpuan sa labas ng katawan o sa anus.

Malalaman mo kung alin sa dalawa ang klase ng almoranas mayroon ka depende sa mga sintomas na ipinapakita nito.

Narito ang ilang senyales na mapapansin kapag mayroong almoranas ang buntis:

  • may dugo sa iyong dumi (mapapansin mo pa lalo ito kapag pinunasan mo ang iyong pwet pagkatapos dumumi)
  • masakit na pagdumi (lalo na kung may constipation) – mahapdi ang pakiramdam sa iyong anus
  • parang may naka-usli na balat o namamaga malapit sa iyong anus
  • pangangati sa may anus
  • nakakaramdam ng sakit kapag nauupo ng matagal

Kadalasan daw ay mararanasan mo ang mga sintomas na ito kung mayroon kang external hemorrhoids. Dahil madalas ay walang nararanasang sintomas sa internal hemorrhoids.

Maaari ring magtamo ng blood clot o pamumuo ng dugo sa mga external hemorrhoid. Tinatawag itong thrombosed hemorrhoid. Ito ay matigas, namamaga at mas masakit kaysa sa karaniwang almoranas.

Posible umano na mailabas ang internal hemorrhoid kapag dumudumi. Kapag nangyari ito, maaari itong magdugo at makakaramdam ka ng sakit.

Nasa loob man o nasa labas ang iyong almoranas, pareho itong nagdudulot ng hindi kaaya-ayang pakiramdam lalo na tuwing dumudumi. Kaya naman, mahalagang malapatan ito ng tamang paggamot.

Karanasan ng isang buntis na nagkaroon ng almoranas

Naikwento rin ng TAP Mom na si Mommy  Kneeza ang panahon na nagkaroon siya ng almoranas. First time mom siya noon at nakaranas na ng ibang sakit habang nagbubuntis. Ikatlong trimester na nang napansin niyang may kakaiba sa kaniyang anus.

“On my third trimester of pregnancy, I felt some itching and irritation in my anal region. At first, I thought there was just something in my ass, so I ignored it. But as time went on, I became more and more uncomfortable.

I felt a lot of discomfort down there and some swelling too. So I decided to go have it checked, and guess what? I have hemorrhoids.”

Subalit sa halip na malungkot at mag-alala, pinili na lang ng first-time mom na tanggapin na ang pagkakaroon ng almoranas ay kasama sa pagbubuntis. Sa huli, nakasanayan na niya ito.

“I just told myself I guess experiencing all these symptoms come with the pregnancy.

I had gotten used to having hemorrhoids, but of course, there are ways to prevent them during pregnancy.” aniya.

Nagbigay pa si Mommy Kneeza ng mga payo para hindi magkaroon ng almoranas habang buntis. Aniya, dapat iwasan ang pag-upo at pagtayo ng matagal para hindi masyadong mabigatan ang veins sa ating anus. Sa huli, hindi naman nakasama ang pagkakaroon ng almoranas sa ina at naging ligtas naman ang kaniyang pagbubuntis.

“I had these unwanted symptoms but got over it and had a successful pregnancy. So don’t worry if you experience hemorrhoids during your pregnancy because it is normal and only part of your journey to becoming a mom.” aniya.

Ano ang lunas sa almoranas ng buntis?

Paano mawala ang almoranas sa buntis? Ano ang lunas sa almoranas ng buntis?

almoranas sa buntis

Larawan mula sa Freepik

Napakaraming home remedies at pagbabago sa mga nakasanayang gawin ang puwedeng subukan para mabawasan ang almoranas.

Kadalasan ay kusa namang nawawala ito, pero kung ikaw ang nagbubuntis, hindi makakabuti kung babalewalain lang ito. Maaari kasi itong lumala at magdulot ng matinding sakit sa iyo. Sa mga pambihirang kaso, puwede ka ring magkaroon ng anemia dahil sa pagdurugo.

Paano mawala ang almoranas ng buntis?

Kailangang kausapin mo ang iyong doktor para malaman kung ano ang angkop na gamot sa almoranas ng buntis. Dahil hindi lang ito ang posibleng sanhi ng pagdurugo sa iyong anus, mas makakabuting ipaalam sa iyong doktor kapag may napansing pagdurugo sa iyong stool.

Isa sa mga pinakamainam na paraan upang hindi magkaroon ng hemorrhoids ay ang umiwas na maging constipated.

Narito ang ilang paraan upang iwasan ang constipation:

  • Ugaliing uminom ng tubig.
  • Kumain ng pagkain na mataas sa fiber, tulad ng prutas at gulay.
  • Iwasan ang malakas na pag-ire sa pagdumi.
  • Umiwas sa mga maaanghang na pagkain.
  • Subukang uminom ng prune juice kapag nagiging matigas ang iyong stool.
  • Tanungin ang iyong doktor kung ano ang mainam na gamot sa constipation habang buntis. Maari ka niyang bigyan ng laxatives para mapadali ang iyong pagdumi.

Minsan, kahit pilitin mang iwasan ang pagkakaroon ng constipation at hemorrhoids, posibleng mangyari na hindi talaga ito maiwasan. Pero mahalagang panatilihin ang healthy lifestyle para mabawasan ang tiyansa na maging constipated ka na maaaring magdulot ng almoranas sa buntis.

Makakatulong din ang Kegel exercises sa iyong daily routine para maging maayos at malusog ang sirkulasyon sa iyong anus at rectum.

Home remedies sa almoranas ng buntis

Kung ginawa mo na ang lahat para maiwasan ito pero nagkaroon ka pa rin ng almoranas, importanteng alamin kung paano maiibsan ang pananakit na dulot ng hemorrhoids. Subukan ang ilang home remedies na ito bilang gamot sa almoranas ng buntis:

  1. Gumamit ng wipes o pads na mayroong ingredient na witch hazel. Nakakatulong ito para mabawasan ang pagdurugo o pamamaga.
  2. Siguruhing malambot ang wipes o tissue na gagamitin sa pagpunas ng puwet.
  3. Subukang magbabad sa bath tub o umupo sa timba na may maligamgam na tubig sa loob ng 10 minuto araw-araw. Puwede ring subukan ang pag-upo sa maligamgam na tubig na may kahalong Epsom salt.
  4. Puwede ring lagyan ng cold compress o yelo na binabalot ng tuwalya sa may almoranas para mabawasan ang pananakit.
  5. Huwag maupo nang matagal na oras para mabawasan ang extra pressure sa iyong anus. Gumalaw-galaw o maglakad-lakad pa rin. Kapag nasa bahay, gumamit ng donut cushion sa iyong upuan.
  6. Iwasan din ang pag-ire habang dumudumi o kapag gumagamit ng banyo. Huwag ipagpaliban ang pagdumi. Gawin agad ito kapag nararamdaman mo ang “urge” para dumumi. Kapag binabalewala mo ito, maaaring mas lumala ang iyong constipation at tumindi ang iyong almoranas.
  7. Maaari ring makatulong ang pagtaas ng paa o pagtapak sa isang step stool habang dumudumi. Napapalitan kasi ang posisyon ng rectum at nagiging madali para lumabas ang dumi.
  8. Uminom ng maraming tubig para makaiwas sa constipation.

  9. Kumain din ng mga pagkaing mataas sa fiber para mapanatiling malambot ang iyong dumi. Subukan din ang mga pagkain o inuming may probiotics. Umiwas muna sa maaanghang na pagkain.
  10. Kung diarrhea naman ang sanhi ng almoranas, uminom ng probiotics at oral hydration salts para mabawasan ang pagdumi.
  11. Subukan ang kegel exercises para mapalakas ang muscles sa rectum at anus.
  12. Lagyan ng baking soda na may kaunting tubig ang namamaga o namumulang bahagi upang mabawasan ang pananakit. Maligo ng mainit na tubig na may nakahalong baking soda. Huwag lagyan ng sabon ang tubig.
  13. Ugaliin ding matulog sa iyong left side para mabawasan ang pressure sa anus.
  14. May nabibili ring hemorrhoid cream at iba pang gamot sa mga botika.
  15. Tanungin din ang iyong doktor tungkol sa rectal supository na gamot sa almoranas sa buntis.
almoranas sa buntis

Larawan mula sa Freepik

Tandaan, kumonsulta muna sa iyong OB-GYN bago mo subukang gamutin ang iyong almoranas sa bahay. Ito ay para makasiguro na tama at naiintindihan mo ang mga lunas na puwede mong subukan.

Habang nagbubuntis, mahalaga na kausapin muna ang iyong doktor bago gumamit ng anumang gamot, kabilang na ang mga ipinapahid sa iyong balat, upang masiguro na hindi ito makakasama sa iyong baby.

Gamot sa almoranas ng buntis

Paano nga ba nada-diagnosed ang almoranas ng buntis? Mahalagang ipaalam sa iyong doktor ang lahat ng sintomas na nararanasan. At dahil pangkaraniwan ang almoranas sa mga buntis, ay madali naman itong masusuri ng doktor. Pero upang makatiyak, posibleng magsagawa ng ilang pagsusuri ang doktor.

Una, titingnan nito nang mas maigi ang iyong anus at susuriin kung mayroon nga bang external hemorrhoids.

Ikalawa, puwedeng sumailalim ka sa tinatawag na rectal exam, habang nakasuot ng gloves, ipapasok ng doktor ang daliri nito sa butas ng iyong puwet o rectum para masuri kung mayroon bang internal hemorrhoids o almoranas sa loob.

Panghuli, ay ang anoscopy o sigmoidoscopy, sa pamamagitan ng mga prosesong ito ay mas makikita ng iyong doktor ang loob ng iyong rectum.

Tandaan na walang nakakahiya sa pagpapatingin ng iyong rectum o butas ng puwet para masuri ang iyong almoranas. Normal na ginagawa ito ng mga doktor para malapatan ng angkop na paggamot ang iyong kondisyon.

Kapag nalaman na nga ng doktor na may almoranas ka, ang gamot sa almoranas ng buntis ay nakadepende sa sanhi ng almoranas. Kung constipation ang dahilan ng pagsakit ng almoranas, puwede kang resetahan ng iyong doktor ng laxative, hemorrhoid cream, o fiber supplement.

Tandaan na kumonsulta muna sa iyong doktor bago sumubok ng ano mang over-the-counter medications. Hindi lahat ng gamot ay ligtas na inumin ng isang buntis. Ang iyong doktor ang mas nakakaalam ng gamot na ligtas para sa iyong kondisyon.

Kailan ba nawawala ang almoranas?

Maaaring mawala lang nang kusa ang mga almoranas pagkatapos ng pagbubuntis at panganganak nang hindi ginagamot. Ito ay dahil ang iyong hormone levels, dugo at pressure sa iyong tiyan ay nababawasan pagkatapos ng delivery.

Kadalasan ay nagde-develop ng hemorrhoids sa ikatlong trimester ng pagbubuntis, at posible rin na tumuloy pa ito pagkatapos mong manganak. Maaari ka pang magkaroon ng almoranas kapag nakaranas ka ng matinding pag-ire sa ikalawang stage ng labor.

Wala naman dapat na ipag-alala kung magkaroon ng almoranas habang ikaw ay buntis. Ang mahalaga lamang ay sundin ang payo ng doktor sa kung paano mo ma-manage ang iyong sintomas.

May dulot mang hindi kaaya-ayang pakiramdam ang almoranas, hindi naman ito delikado sa inyo ni baby at kadalasan ay nawawala rin ito nang kusa.

Paano maiiwasan ang almoranas sa buntis?

Ang pagkakaroon ng hemorrhoids ay karaniwan sa mga buntis. Pero kung mayroon namang paraan para hindi mo ito maranasan, bakit hindi mo susubukan?

Kung ikaw ay nagdadalang-tao, narito naman ang mga bagay na dapat tandaan upang makaiwas sa almoranas:

  • Siguruhing kumain ng masusustansyang pagkain na mayaman sa fiber, gaya ng sariwang prutas, gulay at whole grain foods.
  • Ugaliing uminom ng maraming tubig para maging malambot ang stool at maging regular ang pagdumi. Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists, ang isang babaeng buntis ay dapat makaubos ng 8 hanggang 12 cups ng tubig sa isang araw.
  • Iwasan ang malakas na pag-ire kapag dumudumi.
  • Huwag ring maupo ng mahabang oras (lalo na sa banyo).
  • Huwag pigilin ang pagdumi. Kapag naramdaman mong malapit ka nang dumumi, pumunta ka na agad sa banyo.
  • Gumalaw-galaw. Subukang mag-ehersisyo (tanungin ang iyong OB-GYN sa exercise na puwede mong gawin).
  • Tanungin ang iyong doktor kung ano ang ligtas na vitamin supplement na makakatulong sa pag-iwas sa constipation.
  • Subukan ring magdagdag ng mga pagkaing may probiotics (gaya ng yogurt) sa iyong diet.

Kailan dapat tumawag sa doktor dahil sa almoranas?

almoranas sa buntis

Larawan mula sa Freepik

Huwag mahiyang tanungin ang iyong doktor kung ang mga sintomas ng almoranas na iyong nararamdaman ay nagiging mas masakit at nakakaapekto sa iyong pamumuhay.

Kumonsulta agad sa iyong doktor para sa almoranas kapag napansin ang mga sumusunod na senyales:

  • laging namamaga ang almoranas, at naging bluish na ang kulay nito
  • lumalala ang sakit at iba pang sintomas
  • mayroong matinding pagdurugo
  • kapag hindi nawawala ang hemorrhoids pagkatapos manganak

Gaya ng nabanggit, ang pagkakaroon ng almoranas ay karaniwan at maaaring bahagi ng pagbubuntis. Subalit kahit normal lang ito, mas makakabuti kung tatanungin mo ang iyong doktor tungkol dito para maagapan agad ito at hindi na lumala pa.

Maraming home remedies na puwede mong subukan, pero bago mo gawin ito, kumonsulta muna sa iyong OB-GYN. Ito ay para masigurong ligtas ang gamot na iyong susubukan at hindi magkakaroon ng masamang epekto sa iyong pagbubuntis.

Nakakahiya man para sa’yo, dapat mong alalahanin na sanay na ang iyong doktor sa mga ganiyang bagay at makakabuti na mabigyan agad ito ng lunas para hindi ka na mahirapan o masaktan pa.

Kapag may napuna na pagdurugo sa iyong dumi, mahalaga rin na kumonsulta sa doktor. Maaari kasing hindi lang basta almoranas ang sanhi ng rectal bleeding o pagdurugo sa bahagi ng puwet.

May iba pang mga kondisyon na mas seryoso kaya mahalagang matiyak kung almoranas ba o hindi ang sanhi ng dugo sa dumi. Gayundin, kung nakararanas ng labis na sakit sa bahagi ng puwet at hindi naiibsan sa pamamagitan ng home remedies, maaaring kumonsulta sa doktor.

Kung naisipan naman na sumubok ng over-the-counter laxatives o pampalambot ng dumi, cream, oils, o supplements, mahalagang aprubado ng iyong doktor ang paggamit mo ng ano mang medikasyon para gamutin ang almoranas. Importante ito para matiyak ang kaligtasan niyo ni baby.

Tandaan, Mommy. Mahaba pa ang iyong pagbubuntis at panganganak. Marami ka pang bagay at sakit na pagdaraanan. Kaya naman huwag mo nang patagalin pa kung nahihirapan ka dahil sa almoranas. Ikonsulta na agad sa iyong doktor kung mayroon kang nararamdamang kakaiba sa iyong pagdumi.

Kung susundin ang payo ng doktor, wala namang dapat ikabahala at mawawala rin ang iyong almoranas. Makakatulong ang tamang pagsunod sa payo ng doktor para hindi na ito lumala pa at matiyak na mawawala rin ito matapos manganak.

 

Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!