Malapit ka na bang manganak, mommy? Narito ang sagot sa katanungan kung kailan ba dapat magpa- Covid-19 PCR test para sa buntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang Covid-19 PCR test para sa mga buntis?
- Kailan dapat magpa Covid-19 PCR test ang buntis?
- Anong dapat gawin kapag nakakuha ng positive na result sa test?
Dahil sa panganib na dala ng Covid-19, marami nang nagbago sa proseso ng pagpapagamot at pagpunta sa ospital dito sa bansa. Kailangang maging maingat hindi lang ng mga pasyente. Kundi pati na rin ng mga doktor at iba pang propesyunal na nagtatrabaho sa mga ospital, clinics at health centers.
Isa sa mga pagbabago sa mga ospital ay ang requirement na dapat sumailalim sa Covid-19 PCR Test ang mga babaeng malapit nang manganak. Maaring nabanggit na rin ito sa’yo ng iyong OB-GYN sa iyong mga checkup.
Pero kailan ba dapat gawin ang Covid-19 PCR test para sa mga buntis?
Bago natin sagutin ‘yan, narito muna ang ilang bagay na dapat mong malaman tungkol sa pagsusuring ito.
Covid-19 PCR Test sa mga buntis
Ano ang PCR Test at paano ito isinasagawa?
Larawan mula sa iStock
Ang polymerase chain reaction test o PCR ay isang molecular test na nakakapagtukoy kung may presensya ng virus sa isang substance. Tinatawag rin itong swab test.
Kadalasan, kumukuha ng fluid sample sa tao sa pamamagitan ng pag-swab sa loob ng iyong ilong. Gamit ang isang mahabang nasal swab (parang cotton buds na mahaba). Ipinapasok ito sa butas ng iyong ilong para makakuha ng fluid.
Mabilis lang ang proseso at hindi naman gaanong masakit, bagamat maaaring mairita lang ang iyong ilong ng sandali.
Maaaring lumabas ang resulta ng test sa loob ng ilang oras. Kung isasagawa ito sa laboratory, maaaring makuha ang resulta sa loob ng 2 hanggang 5 araw.
Kung gagawin nang tama, mayroon itong halos 100 porsyento ng accuracy o epektibo para malaman kung ang tao ay may Covid-19 virus.
Bakit kailangan magpa-test ng mga buntis?
Nang nagsimula ang pandemya sa bansa, at limitado ang mga testing centers para sa Covid-19. Ang mga taong nanggaling sa ibang bansa at nakakaramdam lang ng sintomas ng sakit ang kailangang sumailalim sa PCR test.
Pero dahil kabilang ang Pilipinas sa mga bansang mayroong sustained community transmission o lugar kung saan mabilis kumakalat ang virus. Naging requirement na sa mga ospital at lying-in centers na sumailalim ang mga babaeng malapit nang manganak sa Covid-19 PCR test.
Ayon sa Philippine Infectious Diseases Society for Obstetrics and Gynecology, narito ang ilang rason kung bakit kailangang magpa-swab test ang mga babaeng malapit nang manganak:
- Para malaman kung saan dapat ilagay ang buntis – kasama ng mga Covid-19 positive na buntis o hindi.
- Upang maiwasan ang pagkahawa ng ibang pasyente, mga nagtatrabaho sa ospital at mga kasama ng buntis sa bahay.
- Para maplano ang tamang pag-iingat at pangangalaga sa pasyente sa panganganak.
- Upang maplano ang magiging set-up ng mag-ina pagkatapos manganak (kung sakaling positive ang nanay).
BASAHIN:
Gabay para sa mga magulang sa panahon ng COVID-19
Check-up ng buntis: Mga pagbabago dahil sa COVID-19 pandemic
Anong dapat gawin kapag nag-positibo sa COVID-19 habang buntis?
Larawan mula sa iStock
Ayon kay Dr. Maria Theresa Lopez, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, makakatulong kung may maipapakita ka nang resulta kapag magpapa-admit na sa ospital para manganak, para maiwasan ang risk at posibilidad na maisama sa mga buntis na positibo sa Covid-19.
“Now the hospitals have clean zone where the moms with negative results are, and the red zone wherein the moms na may COVID symptoms o positive ang swab test nila.
Ngayon, kung ikaw ay i-emergency CS at wala kang swab, the hospital has no choice but to put you on the red zone even if wala kang symptoms (ng Covid-19). Because they could not risk the other moms in the clean zone that we know for sure are negative.” paliwanag niya.
Kailan dapat gawin ang Covid-19 PCR test sa buntis?
Dahil dito, nirerekomenda ni Dr. Lopez na gawin ng buntis ang Covid-19 PCR test sa kaniyang ika-37 linggo, kapag full-term na siya o maaari nang manganak anumang oras.
“We recommend that moms to start doing the swab at 37 weeks. Kasi this is the point that you are already full term. Pwede ka na mag-labor niyan.
Kaya lang the problem is the hospital could only recognize your swab for only 7 days, iyan lang ‘yong validity ng swab mo.”
Tulad ng nabanggit ni Dr. Lopez, may kani-kaniyang protocol ang mga ospital kung hanggang ilang araw lang ang bisa o validity ng resulta ng test. May mga ospital na nagbibigay ng 10 araw na validity, mayroon namang isang linggo lang.
Kaya para makasiguro, mas makabubuti kung tatanungin mo ang iyong OB-gyn o ang ospital kung saan mo balak manganak kung anong polisiya nila pagdating sa Covid-19.
Gayundin, kapag naisagawa na ang iyong PCR test. Mas maganda kung mananatili na lang sa bahay hanggang sa oras na pupunta na sa ospital para manganak upang maiwasan na ma-expose pa sa virus.
Kailangan din bang magpa-swab test ni mister?
Mahigpit na rin ang mga ospital pagdating sa mga bisita at makakasama ng buntis.
‘Di gaya dati na pwedeng may kapalitan ang iyong mister sa pagbabantay sa ‘yo. Ngayon, kung sino ang kasama mo sa simula pagpasok mo ng ospital para manganak, siya na ang kasama mo hanggang sa maiuwi niyo na si baby.
Ayon kay Dr. Lopez, kailangan din sumailalim sa PCR test ng iyong asawa o partner kung siya ang sasama sa ‘yo sa ospital para masiguro ang kaligtasan ng inyong sanggol.
“The dads, 7 days rin ang validity ng swab nila. The premise of that is they will be with the baby so we need to make sure na safe rin sila at may negative na COVID test.” aniya.
Tanungin din ang iyong doktor o ang ospital kung ilang araw ang validity ng PCR results ng iyong companion para masiguro na hindi magkakaproblema kapag manganganak ka na.
Sintomas ng Covid-19
Bukod sa mga babaeng malapit nang manganak, kailangan ding magpa-swab test ng buntis kung nakakaramdam siya ng sintomas ng Covid-19.
Narito ang ilang mga sintomas na dapat mong bantayan:
- ubo
- mataas na lagnat
- panghihina
- pananakit ng katawan
- pagtatae
- pananakit ng ulo
- kawalan ng panlasa
- pananakit ng lalamunan
Huwag mahiyang tumawag sa iyong doktor kapag naramdaman mo ang mga sintomas na ito para mabigyan ka niya ng tamang payo kung paano gagaling mula sa Covid-19.
Anong dapat gawin kung positive ang resulta ng Covid-19 PCR test ko?
Kahit negatibo ang resulta ng iyong test, tatanungin ka pa rin ng mga medical professional sa ospital kung may nararamdaman kang mga sintomas ng Covid-19.
Kung wala, magpapatuloy ang karaniwang proseso ng pag-admit sa mga manganganak na buntis. Bagama’t kailangan pa ring mag-observe ng mga protocols gaya ng pagsusuot ng mask sa loob ng ospital.
Kung positibo naman ang resulta ng iyong PCR test, huwag mag-panic. Sa halip, tawagan agad ang iyong doktor upang malaman kung anong dapat mong gawin.
Kung nasa bahay ka pa, maaaring payuhan ka niya na i-isolate ang sarili para maiwasang makahawa sa iyong mga kasama. Uminom ng mga gamot at vitamins para palakasin ang iyong resistensiya.
Gaya ng sabi ni Dr. Lopez, pagdating mo sa ospital, ilalagay ka sa isang isolation zone kasama ang iba pang buntis na positibo sa Covid-19. Dito ay bibigyan ka ng sapat na medikal na atensyon at mas masusing pagsusuri at pagbabantay ng mga sintomas ng sakit.
Larawan mula sa iStock
Pagkatapos mong manganak, bibigyan ka ng option kung gusto mong mahiwalay sa ‘yo si baby habang nagpapagaling ka, o kung mananatili kayo sa iisang kuwarto.
Kung pipiliin mong pansamantalang mahiwalay sa iyong sanggol. Maaari mo pa ring i-express ang iyong breastmilk at ang iyong companion o nars ang magpapainom nito kay baby.
Pero kung gusto mong manatili kayo sa iisang kwarto. Maaari mo pa ring padedehin at alagaan ang iyong sanggol. Pero dapat ay magsuot ka ng mask tuwing magpapadede at may distansiya na 6 feet ang inyong kama o higaan.
Ano man ang piliin mo, makakasiguro ka na mabibigyan kayong mag-ina ng sapat na medikal na atensyon habang nagpapagaling.
Kapag wala ka nang sintomas at negative na ang resulta ng iyong PCR test. Maaari na kayong umuwi ni baby kung saan dapat kayong manatili para makaiwas sa banta ng virus.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa Covid-19 PCR test para sa buntis, huwag mahiyang magtanong sa’yong doktor.
Source:
Philippine Infectious Diseases Society for Obstetrics and Gynecology, Philippine Obstetrical and Gynecological Society
Department of Health, Healthline, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!