Epekto ng bullying ang nakikitang rason ni Crystal Smith para kitilin ng kaniyang sampung taong gulang na anak ang sarili nitong buhay.
Epekto ng bullying sa isang bata nauwi sa pagpapakamatay
Hindi akalain ni Crystal Smith na hahantong sa pagpapakamatay ang epekto ng bullying na nararanasan ng kaniyang anak sa eskwelahan.
Ayon kay Crystal, ina ng sampung taong gulang na si Kevin Reese Jr. na binawian ng buhay matapos magbigti sa loob ng kaniyang closet nito lamang Enero, ay binu-bully daw si Kevin ng kaniyang mga classmates.
Noong nga daw Nobyemre ay umuwing umiiyak ang kaniyang anak dahil binugbog daw siya ng ng kaniyang mga kaklase.
Nag-iwan pa nga daw ang mga ito ng note sa kaniyang tablet na kung saan ang nakalagay ay, “Kill yourself, you don’t belong here!”
Dalawang buwan nga daw matapos ng insidente ay hindi niya akalaing hindi na kinaya ng anak at pinili nitong patayin ang sarili.
Ayon sa kuwento ni Crystal, nasa trabaho siya out of town nang mangyari ang pagpapakamatay ng anak.
Tanging ang 13-year-old na kapatid na babae lang nito ang nasa kanilang bahay ng mga oras na iyon at nakakita sa bangkay ni Kevin.
Agad daw siyang tinawagan ng anak at sinabing nagbigti si Kevin sa loob ng kaniyang closet.
Inutusan niya daw na putulin ang pinagbigti ng kapatid at agad na tumawag ng 911, ngunit huli na ang lahat. Wala na ang kaniyang anak.
“I never thought he would go this far, never. I’m still in disbelief. It’s taking me awhile to actually accept the fact that this happened,” sabi ni Crystal sa isa niyang interview.
Dagdag pa ni Crystal ay ipinaalam niya sa opisyal ng eskwelahang pinapasukan ng anak ang nararasan nitong pambu-bully ng mga kaklase.
Ito daw ay matapos ang insidente ng pambubugbog kay Kevin noong Nobyembre.
Pero ayon sa opisyal ng eskwelahan ay wala daw bullying na nangyari. At idineny daw ng mga kaklase ni Kevin na binu-bully nila ito.
Isang mabait daw na anak si Kevin na mahilig lang magdrawing at mag-paint.
Akala daw ni Crystal ay maayos na naha-handle nito ang sitwasyon sa kaniyang eskwelahan. Hindi niya akalaing malala na pala ang epekto ng bullying sa kaniyang anak, kaya naman may paalala si Crystal sa mga magulang.
“Pay attention to your child, don’t assume that things are handled at the school. Stay on top of it until you see something come out on the end.”
Ngunit paano nga ba malalaman kung biktima at epekto ng bullying na ang kinikilos ng iyong anak? Narito ang mga palatandaan.
10 warning signs na biktima ng bullying ang iyong anak
1. Ayaw pumasok sa eskwelahan
Kung madalas na nagdadahilan ang iyong anak para hindi pumasok sa school ay maaring dahil nabubully siya doon. Ilan nga sa madalas na ginagamit na dahilan ng mga bata ay ang pananakit ng tiyan, ulo o ibang parte ng katawan.
Ayon kay Donna Clark-Love, isang school bullying expert, ang eskwelahan ay isang hotspot ng bullying.
Kaya naman ipinapayo niya na magkaroon ng special eye ang mga magulang lalo na sa simula ng linggo dahil madalas sa araw ng Lunes magdadahilan ang anak para hindi ito makapasok.
Ito ay dahil mas nararamdaman nilang mas safe sila sa bahay tuwing weekends at ang pagbabalik sa eskwelahan ng Lunes ay magiging mahirap na naman sa kanila.
2. Madalas na pagsakit ng ulo at tiyan
Ang madalas na pagsakit ng ulo at tiyan ay common physical manifestations ng stress at anxiety na epekto ng bullying. Ito rin ang madalas na idinadahilan ng mga bata para hindi makapasok sa school at makaiwas sa ibang social activities.
Kung nagpapakita ang anak ng mga sintomas na madalas na pananakit ng ulo at tiyan ay kausapin siya tungkol dito.
Ayon kay Bailey Lindgren, isang associate sa Parent Advocacy Coalition for Educational Rights’ (PACER) National Bully Prevention Center, isang magandang paraan daw na para malaman ang dahilan ng nararanasan ng anak ay pagtatanong sa kaniya sa ganitong paraan.
“Parang madalas sumasakit ang tiyan mo, bakit kaya? Ano kayang maaring dahilan?”
Ito ay para makapagkuwento siya at malaman mo ang tunay na dahilan ng nararanasan niya.
3. Pagkawala o pagbabago niya ng mga kaibigan
Ang pagkawala o pagbabago ng kaibigan ay isang sign din ng bullying lalo na sa mga adolescents.
Ganoon din ang pag-ayaw nitong sumama o maki-hangout sa isang grupo, ayon parin iyan kay Donna Clark-Love.
4. Hirap sa pagtulog
Kung ang isang bata ay kabado o nag-aalala sa mangyayari sa kaniya kinabukasan sa school ay mahihirapan siyang makatulog.
Mapapansin mo ito kung mukha siyang pagod tuwing agahan na dulot ng hindi pagkakatulog ng maayos.
Ang hindi pagkakaroon ng focus at pagmamaintain ng proper hygiene ay isang indikasyon ng bullying at depression, ayon kay Bailey Lindgren.
5. Pag-iyak o intense emotional reaction
Kung nagkakaroon ng intense emotional reaction ang iyong anak sa tuwing mapaguusapan ang school o social activities, ito ay maaring dahil may kinakatakot siya sa mga lugar o events na maaring mangyari doon.
Ang anxiety na nararanasan ay maaring epekto ng bullying sa kaniya.
6. Ayaw makipag-interact sa miyembro ng pamilya
Kung ang isang bata na madaldal ay biglang nanahimik at pinipiling mag-isa ito ay sensyales narin na maaring nabubully na siya, ayon kay Lindgren.
Ang pakikipag-away o pananakit sa kapatid ay isang sign din na nabubully na ang iyong anak.
Dahil madalas ang mga biktima ng bullying ay ginagaya ang ginagawa ng iba sa kaniya sa ibang bata o sa kaniyang kapatid.
7. Obsesyon o withdrawal sa paggamit ng mga devices
Kung nabubully naman ang iyong anak online ay maaring magpakita ito ng palatandaan ng over-attachment sa mga electronic devices o kaya naman ay complete withdrawal sa paggamit nito.
Nirerekomenda ni Lindgren na mag-set ng rules at guidelines sa online engagement ng iyong anak lalo na sa paggamit niya ng social media.
Dahil madalas ang isang bata ay natatakot magkwento tungkol sa cyber-bullying na nararanasan sa takot na baka bawiin sa kaniya ang kaniyang electronic devices.
Kaya kausapin siya at siguraduhin sa kaniya na hindi mo kukunin ang electronic devices niya. Sa halip ay tutulungan siyang solusyonan ang kaniyang problema.
8. Punit sa damit at physical marks
Ang punit sa damit, sugat sa katawan o sirang gamit ay mga palatandaan ng playground bullying.
At kung tatanungin mo ang iyong anak sa kung anong nangyari ay umiiwas ang iyong anak o kaya naman ay hindi niya maipaliwanag ang nangyari sa kaniya.
Para malaman ang nangyari sa kaniya ay gumamit ng open-ended questions gaya ng, “Anong nangyari sa iyo sa recess kanina? At ano ang naramdaman mo ng mangyari iyon?”
9. Kawalan ng tiwala o kumpyansa sa sarili
Dahil sa epekto ng bullying, ang isang bata ay nawawalan ng tiwala at kumpyansa sa kaniyang sarili.
Madalas ay naglalakad sila ng nakayuko at ayaw magsalita tungkol sa nararamdaman o naiisip nila.
Kung mapapansin ang sintomas na ito sa iyong anak ay makakatulong ang pag-eenroll sa kaniya sa isang activity na wala siyang magiging kakumpetensiya at magdedevelop ang tiwala niya sa sarili gaya ng martial arts o judo class, ayon iyan kay Donna Clark-Love.
10. Madalas ang bullying ay nangyayari sa transferee o sa new kid sa school o isang lugar
Ang mga batang walang support system sa isang lugar ay ang number 1 target victim ng bullying.
Kaya kung bago ang iyong anak sa isang school ay kausapin ang eskwelahan na baka pwede siyang magkaroon ng buddy o isang kaklase na pwede siyang bantayan at samahan.
Ito ay para makaiwas siya sa mga batang maaring mambully sa kaniya at para tuluyang makaiwas siya sa mga epekto ng bullying na nakakabahala.
Sources: DailyMail UK, Reader’s Digest
Basahin: Ito ang nagiging epekto ng pambu-bully sa utak ng iyong anak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!