Epekto ng paninigarilyo sa buntis nadadala ni baby sa kaniyang paglaki. Ito ay kahit hindi si mommy mismo ang naninigarilyo, kung hindi si daddy.
Epekto ng paninigarilyo sa buntis
Laging pinapaalala ng mga health experts ang masamang epekto ng paninigarilyo sa buntis at sa baby na kaniyang dinadala. Kaya naman hinihikayat ang mga babaeng naninigarilyo na itigil ito para sa kapakanan ng kanilang sanggol.
Pero ayon sa isang bagong pag-aaral, kahit daw hindi naninigarilyo si mommy, kung si daddy naman ay nagyoyosi ay may impact parin sa kalusugan ni baby.
Epekto kay baby kapag naninigarilyo si daddy
Napatunayan nila ito matapos subaybayan ang pagkapanganak at paglaki ng 756 na babies na kung saan 25% sa mga ito ay may naninigarilyong ama at tanging tatlo lamang ang may naninigarilyong ina.
Sa ginawang pag-aaral ay natuklasang 31% sa mga batang may tatay na naninigarilyo noong sila ay pinagbubuntis ng kanilang ina ay nagkaroon ng asthma ng sila ay mag-anim na taong gulang.
Habang 23% naman ng mga bata ang nagka-asthma kahit hindi naninigarilyo ang kanilang ama.
Ayon sa senior author ng ginawang pag-aaral na si Dr. Kuender Yang na mula sa National Defense Medical Center sa Taipei, Taiwan, natuklasan din nilang mas common ang pagkakaroon ng asthma sa mga batang may ama na heavy smokers kumpara sa mga amang light smokers at hindi naninigarilyo.
“Children with prenatal paternal tobacco smoke exposure corresponding to more than 20 cigarettes per day had a significantly higher risk of developing asthma than those with less than 20 cigarettes per day and those without prenatal paternal tobacco smoke exposure,” dagdag pa ni Yang.
Maipapaliwanag nga ito ng naitala statistics ng ginawang pag-aaral:
- 35% ng mga batang nagka-asthma ay heavy smokers ang ama
- 25% naman ang may amang light smokers
- 23% ng mga batang nagka-asthma ang may amang hindi naninigarilyo.
Asthma na epekto ng paninigarilyo sa buntis
Ang asthma daw na epekto ng paninigarilyo sa buntis ay hindi allergic asthma o asthma na dulot ng allergens. Ang asthma daw na ito ay dulot ng pagbabago sa methylation na makikita sa DNA ng isang tao.
Ang methylation ay ang chemical code na makikita sa DNA strand na mahalaga ang ginagampanang role sa development ng immune system function ng katawan.
Base sa pag-aaral, kapag mas dumadami ang methylation sa genes ng katawan ay dumodoble rin ang tiyansa ng isang batang magka-asthma kapag siya ay anim na taong gulang na.
Ito ay kanila namang natuklasan matapos kumuha at eksaminin ang DNA sample mula sa cord blood ng mga baby na kabilang sa pag-aaral.
Paalala ng eksperto sa mga magulang
Mula sa findings ay may paalala si Dr. Avni Joshi, isang researcher mula sa Mayo Clinic Children’s Center sa Rochester, Minnesota na hindi kabilang sa pag-aaral. Ayon sa kaniya ang epekto ng paninigarilyo sa buntis ay napakasama. Kaya naman daw dapat matigil ito bago, habang at kahit pagkatapos magbuntis.
“Many parents defer quitting until the baby is born, but this study stresses that the prenatal exposure to tobacco creates changes to the unborn child’s immune system, hence it is best to quit as a family decides to have children, even before the conception happens”, dagdag pa niya.
Sources: Channel News Asia
Photo: Shutterstock
Basahin: Bagong silang na baby namatay dahil sa usok ng sigarilyo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!