Ano ang gagawin para bumaba ang lagnat ng baby? Tips for parents

undefined

Ano ang sanhi at sintomas ng lagnat ng baby? Alamin kung ano ang dapat gawin kapag nilalagnat ang sanggol.

Anong sakit ba naman ang makitang umiiyak ang anak dahil sa iniindang karamdaman para sa mga magulang. Sa artikulong ito malalaman mo kung ano ang gagawin para bumaba ang lagnat ng baby.

Kasama sa sleepless nights ng parents ang walang humpay na pag-iyak ni baby. Kung mayroon kasi itong nararamdaman na nagdudulot sa kanya ng hindi comfortable feeling ay hindi talaga ito makakatulog.

Dagdag pa sa hirap na wala pang kakayahan silang makapagsalita kaya hindi mo rin malamang matukoy kung ano ba ang kanilang gusto. For sure, aligaga si nanay at tatay niyan sa oras ng gabi.

Sa mga ganitong pangyayari, iba-iba ang paraan ng pag-aalaga kay baby. Mahalagang malaman kung ano ang partikular niyang nararamdaman. Alam mo na ba ang mga gagawin sa mataas na lagnat ng baby?

title="Lagnat ng baby: Kailan dapat dalhin sa duktor ">Lagnat ng baby: Kailan dapat dalhin sa duktor

Lagnat ng baby: Paano malalaman kung lagnat nga ito?

gagawin para bumaba ang lagnat ng baby

Bakit nga ba mainit ang ulo ng baby? | Larawan mula sa Pexels

Kadalasang ginagawa para malaman kung may lagnat ba ang isang baby ay kinakapa o hindi kaya ay hinahalikan ang noong bahagi nito.

Dito minsan tinatansya kung mas mainit ba sa pakiramdam na hawakan ang bata at kinukumpura sa normal na temperature. Kapag nakararamdam ng mainit, lalo kung ito ay medyo nakakapaso na malalaman agad na ang bata ay nilalagnat.

Sa pagpapayo naman ni Apple Tagatha, RN, isang school nurse, dapat na gumamit ng baby thermometer. Ito kasi ang makapagsasabi ng tiyak na temperatura niya, at kung dapat bang dalhin sa doktor para alamin kung ano ang nararapat na paggamot.

Kung sakali naman na mainit ang ulo ng baby pero walang lagnat, mayroon itong ibang dahilan. Sa maraming pagkakataon normal ito para sa sanggol dahil sa underdevelop pa na thermoregulation system ng katawan. Kung iniinda at napapansin mo namana ng mga sumusunod na bagay, mahalagang ipakonsulta na sa doktor:

  • Labis-labis na distress at mayroong uncomfortable feeling.
  • Mayroong iba pang sintomas ng lagnat.
  • Hindi pa rin bumababa ang temperature kahit anong gawin.
  • Mayroong posibilidad na siya ay dehydrated.

Kailan masasabing may lagnat ang baby o bata?

Ang karaniwang tanong ay kung ang 37.1 may lagnat na ba? Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), ang normal na body temperature ng isang malusog na sanggol ay mula 36°C hanggang 37.9°C. Kapag ang temperature ay nasa 38°C o mas mataas, may lagnat na ang bata.

Para naman sa pediatrician na si Dr. Nicole Perreras mula sa Makati Medical Center, para malaman kung may lagnat si baby ay mabuting kunin ang temperature ng katawan niya. Pero depende sa paraan ng pagkuha ng temperature reading ng isang bata masasabi kung siya ba ay may lagnat na o wala pa.

“Depende iyon sa type of thermometer saka kung saan mo ite-take iyong temperature ng baby. Ang rule kapag bagong silang lang ang baby rectal temperature iyon. Kasi iyon ang pinaka-accurate in a sense na pinaka-malapit siya sa core temperature ng baby.”

“Any temperature reading that’s higher than 38 kapag rectal that’s alarming. And you should contact your pediatrician kapag less than 3 months of age.”

Mayroon daw iba’t ibang paraan para malaman ang temperature ng bata,

“Pero kapag kunyare oral temperature naman, usually mga 4 years and above ay kaya ng ilagay ng bata ang thermometer sa mouth.

And anything higher than 37.8 is considered fever. Ngayon iyong sa kilikili kinukuha iyong temperature o axillary usually anything higher than 37.5 kailangan nangg i-monitor ang temperature.”

Dagdag niya,

“Kasi malalaki iyong variations ng normal temperature per area na kinukuhanan ng reading ang baby. But usually ang common na sinasabi namin any axillary reading higher than 37.8 ng puwede ng magbigay ng first aid then contact your doctor.”

Ito ang pahayag ni Dr. Perreras.

Lagnat ng baby: Bakit nilalagnat?

Ang lagnat ang karaniwang unang hudyat na may nilalabanang impeksiyon ang katawan o sistema ng bata, paliwanag naman ni nurse Apple.

Ang lagnat ay kadalasang may kaugnayan sa mga sumusunod na sakit:

Dagdag naman ni Dr. Perreras, kung ang baby na may lagnat ay 3 months old pa lamang pababa, mahalaga na agad siyang madala sa doktor. Dahil ito ay maaring dulot ng malubhang impeksyon.

“Kung baby na baby pa like 3 months and below, any fever ay kailangang ma-assess ng pediatrician. Kasi ang usually kailangan nating i-rule out hanggang 3 months of age ay iyong malulubhang infection like sepsis, bacterial infections.”

Masyado pa raw kasing bata ang edad at marami pa ang under develop na parte ng katawan. Ibig sabihin kabilang pa sa nagdedevlop dito ay ang immune system niya. Mahalaga raw na na-aassess ng health professionals from time to time ang mga bata.

“Kasi syempre kapag 3 months palang iyong baby iyong immune system niya we are still waiting for it to be at its best. So kailangan kapag 3 months and below at biglang nilagnat especially kapag nasa first 30 days o 29 days so kailangan talagang ma-assess iyon.”

Viral infection naman daw ang most common na cause para sa mga baby 3 months and up kung ito ay may lagnat,

“Pero kapag mas matanda na iyong baby for example 3 months hanggang 3 years old usually ang pinaka-sanhi ng fever o lagnat ay viral infection.

So ayan iyong sinasabing tigdas hangin, pagtatae, mga ubo at sipon. And for older children depende narin iyon sa mga signs and symptoms. Syempre iyong iba ring causes kung kunyare ay kung bagong bakuna lang ba si baby.”

Ito ang paliwanag ni Dr. Perreras.

lagnat ng baby

Paano pababain ang lagnat ng baby? Narito ang ilang tips at advice para sa iyo. | Larawan mula kay valuavaitaly galing sa Freepik

Lagnat ng baby: Paano pababain ang lagnat ng baby?

Bagamat mabuting nalalaman na may impeksiyon sa katawan ni baby sa pamamagitan ng lagnat, ang mga nararamdaman niya ay malayo sa mabuti. Kaya nga siya ay maaaring maging iyakin dahil iritable. Inilista namin ang ilan sa maaaring gawin para mapababa ang mataas na lagnat ng bata:

Dapat gawin:

Tabihan at huwag iiwanan ang bata. Kailangan kasing ma-monitor kung tumataas ba ang lagnat, kung nagsusuka, o kung labis ang pag-iyak nito. Walang masama sa pagkarga at pag-ugoy sa kaniya.

Kapag hawak mo kasi ang sanggol, mas mapapakiramdaman mo ang init ng katawan nito. Mas nararamdamn niya rin ang iyong presensya kaya mas kumakalma ang kanyang pakiramdam. 

Pagmasdan din kung nakakatulog, o kung kulang o sobra ang oras ng tulog, kung hindi makakain o ayaw dumede, o hindi nakikipaglaro o nakikipag-“usap” sa inyo. Ito ang mga kritikal na obserbasyon na dapat ikwento sa doktor para malaman ang kalagayan ni baby.

Kapag may lagnat, may posibilidad na ma-dehydrate ang bata, lalo kapag hindi siya nakakainom ng sapat na tubig at fluids, at kung may kasamang pagsusuka. Mas mabilis na ma-dehydrate ang mga sanggol kaysa sa mga matatanda.

Ilang senyales ng dehydration ay: umiiyak pero walang luha, tuyo ang labi, at madalang ang pag-ihi (na makikita sa lampin nito, na palaging tuyo). Kung ikaw ay nagpapadede sa kanya, gawing mas madalas kaysa dati para maiwasan ang dehydration.

Dapat gawin:

Siguraduhing mapainom ng tubig ang bata. Kung nagsusuka, o nagtatae nang madalas, at nakitaan na ng signs ng dehydration, dalhin kaagad sa doktor.

Kapag labis ang init ng buong katawan, kailangan ng sanggol ng sapat na atensiyon. Dapat na mapababa ang lagnat nito, para makaiwas sa komplikasyon. Mas mainam nang dalhin ang baby sa ospital at sa mga eksperto para maagapan kung ano man ang kanyang nararamdamang sakit. 

Dapat gawin:

Bigyan ng sponge bath o punasan ng tuwalyang binasa sa maligamgam na tubig si baby. Pwede rin naman ang tepid water, sabi ni nurse Apple. Makakatulong din ang pagpapahangin gamit ang bentilador o pamaypay. Kailangan din nitong magpawis para mailabas ang init ng katawan.

Iwasan ang pagbabalot o pagdadamit ng makapal sa bata, payo ni nurse Apple. Dati kasi, sinasabi ng iba na dapat balutin para hindi ginawin. Kapag makapal ang balot o damit ng bata, nakukulob ang init ng katawan nito at lalong hindi gagaling.

Dapat gawin:

Maghiwa ng sibuyas at ilagay malapit sa hinighaang kama o crib. Maaari ring ipahid sa kanyang paanan nang ilang minuto bago siya matulog. 

Tradisyunal man pakinggan ngunit malaking tulong ito para mapababa ang lagnat ng baby. Nailalabas kasi nito ang mucus at fluid sa katawan na maaaring sanhi ng kanyang uncomfortbale feeling.

Lagnat ng baby: Ano ang gamot sa lagnat ng baby na edad 0-6 months?

lagnat ng baby

Kumonsulta parati sa doktor kung paiinumin ng gamot si baby para sa kanyang lagnat. | Larawan mula sa Freepik

Kumonsulta sa iyong pediatrician bago bigyan si baby ng anumang gamot. Karaniwang acetaminophen o ibuprofen ang nirereseta ng doktor, pero ang dose o dami at dalas ng pagbigay nito ay doktor lang ang makapagsasabi. Huwag na huwag bibigyan ng aspirin si baby.

Patuloy na kunin ang temperatura ng bata. Itanong sa doktor ang tamang pagitan ng oras ng pagkuha nito. Kailangang ma-monitor kung bumababa o patuloy na tumataas ang lagnat. Dito malalaman kung effective ba ang gamot na naibibigay para sa lagnat ng baby. 

Samantala, ito naman ang payo ni Dr. Perreras kung kailan dapat painumin ng paracetamol ang isang baby o bata.

“What we can advise our parents is that once na you determine that the baby has a fever or any other symptoms like fussy siya because fever can really cause a bit of discomfort, you can give the recommended dose of paracetamol. That’s the first aid medication for fever.”

Magkaiba pa raw ito kung sakaling tumanda na nang kaunti ang edad ni baby,

“Ngayon kapag 6 months and older mayroon din iyong ibuprofen na puwedeng ibigay sa mga bata to also decrease their temperature. So iyon ang dalawang options and then you contact your pediatrician.”

Dagdag pa ni Dr. Perreras, mahalaga na alam mo ang tamang dosage ng paracetamol na ibibigay sa iyong anak. Pati na kung paano i-preprepare ang gamot na inireseta ng inyong doktor. Dahil kung mali ay maaring ma-overdose si baby at malagay sa alanganin ang kaniyang kondisyon.

Bakit mahalagang tama ang dose ng paracetamol na ibinibigay kay baby?

Importanteng nasa tamang sukat ang dosage na binibigay sa bata. Kung kulang kasi ay hindi nagiging effective, at kung sobra naman ay maaaring mauwi sa overdose.

“Unang-una before you give the medication i-checheck ninyo iyong preparation. Minsan kasi sinasabi ng parents syrup po ang meron ako but when you look at the box drops iyon.”

Instructions naman niya,

“So ‘pag drops kasi very concentrated iyong laman o iyong formulation ng gamot. So 1 ml of a drop will have 100 mg versus sa syrups na mas dilute. Kaya number 1 be very careful, be very aware of what you actually have o what you actually bought.”

Kinoconsider din ang liver failure kung sakaling sobra-sobra parati ang naibibigay na sukat para sa iinuming gamot. Mayroon daw kasi itong long-term effects para katawan,

“Pangalawa, those dosages in the box those were based on normal values more or less ng weight ng bata. So you might have a heavier child than usual but those are generally safe to follow. But best if you really ask your pediatrician whats the safe range.

“Because if you overdose with paracetamol depending on the dose puwedeng magkaroon ng liver failure iyong bata. So that’s one cause din in bringing the child to the emergency room if masyadong marami iyong nainom ng bata. Kasi it can have long-term effects on the liver depending on the dose.”

Ito ang paliwanag ni Dr. Perreras.

Lagnat ng baby: Kailan dapat dalhin sa duktor

Maaaring maibsan pa ang lagnat ng baby sa inyong tahanan. Kung mayroon naman nang nararanasan sa mga sumusunod, mas mabuting dalhin na siya sa mga eksperto.

Kumonsulta sa doktor kung:

  • Kung ang baby ay 3 hanggang 6 na buwang gulang, at ang lagnat ay nasa 38.3°C o mas mataas, o kung higit sa 6 na buwang gulang at ang lagnat ay 39.4°C o mas mataas. 
  • Minsan din ay nagiging mas malamig ang katawan nito imbis na mainit kapag may lagnat, kaya’t kung ang temperature ay mas mababa sa 36°C, kailangan din dalhin sa doktor.
  • Kung walang ganang kumain o dumede, umuubo, nagsusuka, nagtatae, hindi tumitigil sa pag-iyak, at hindi makatulog ang baby.
  • Kung ang lagnat ay hindi bumababa sa paglipas ng 24 oras hanggang 48 oras. 
  • Maputla o sobrang pula ng kulay ng balat ng sanggol, at halos hindi umiihi.
  • May seizure o kumbulsyon. Minsan ay kinukumbulsyon, o nanginginig at naninigas ang sanggol dahil sa taas ng lagnat. Ito ang tinatawag na febrile seizure at nangyayari ito sa mga unang oras ng lagnat. Hindi naman dapat ipag-alala ito kung panandalian o segundo lang ang tagal nito, ayon kay nurse Apple, bagamat dapat na sabihin ito sa doktor. Kung higit sa 5 minuto ang kombulsyon o seizure, isugod ang bata sa ospital.
  • Matamlay, laging tulog, hindi umiiyak o sobra naman ang pag-iyak ng baby.
  • May rashes sa katawan, o kaya ay maliliit na purple-red spots na hindi nawawala sa buong katawan, bukod sa mataas na lagnat.
  • Hindi makahinga, o hirap huminga. Maaaring ito ay sintomas ng pulmonya o bronchiolitis.

Kung ang bata ay 6 na buwan pataas at hindi naman matamlay, at patuloy na umiinom at dumedede, at walang ibang sintomas, posibleng mawala din ang lagnat. Kaya’t dapat maghintay ng 24 oras kung magiging mas mabuti ang pakiramdam nito. Mahalaga ang buong atensyon ng parents para mamonitor ang safety ni baby.

 

Karagdagang ulat mula kay Angerica Villanueva

Apple Tagatha, RN, MayoClinic, Healthline, WebMD

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!