Iyak ba nang iyak ang anak nang walang dahilan? Baka kabag na ‘yan. Alamin dito ang mabisang gamot sa kabag sa tiyan ng baby.
Ang kabag ay isa sa mga bagay na karaniwang nagdudulot ng sakit at pagkabalisa sa mga sanggol. Kaya naman makakatulong nang malaki kung alam ng mga magulang at nag-aalaga sa bata ang mga posibleng sanhi nito pati na rin ang iba’t ibang paraan ng pagpapatahan, gamot, at ilang home remedy para sa kabag ng baby. Dahil diyan, tutulungan namin kayong mahanap ang ilang solusyon para rito.
Iyak pa rin ba ng iyak ang iyong newborn kahit na napadede na, nasa komportableng lugar o kaya naman ay napalitan ng diaper? Pati ba ikaw hindi na rin makatulog kakaisip? Ano nga kaya ang sanhi nito?
Talaan ng Nilalaman
Ano ang kabag?
Halos lahat yata bata o matanda ay nakaranas nang magkaroon ng kabag. Damang-dama ang feeling ng pagiging “bloated” o puno ng hangin ang tiyan kung mayroon ka nito.
Marami ang maaaring pagmulan kung bakit walang humpay ang pag-atungal ng isang bata. Isa sa mga posibleng dahilan ng matinding pag-iyak ni baby ay ang kabag. Ito ang tawag kung mayroong gas o hangin sa tiyan na ng isang sanggol na nagdudulot ng pagkabalisa hanggang sa malunasan at maibsan ang kaniyang pakiramdam.
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug Sales, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, ang kabag ng baby ay maituturing na parte ng kanilang paglaki.
Posibleng magsimula ang kabag ni baby pagkapanganak sa kaniya, o matapos ng ilang araw o isang linggo. Kadalasan lumilipas din naman ito o nakakalakihan ng sanggol sa loob ng 4 hanggang 6 na buwan. Pero hindi naman lahat ng pag-iyak ni baby ay dahil sa kabag. Ani Dr. Sales,
“Baka naman sometimes kaya sila umiiyak ay baka basa, baka gutom. Hindi lahat ng iyak ay kabag. Pero it is acceptable naman for babies to have kabag until they are around 4-5 months kasi hindi pa rin naman fully developed iyong gut nila.
Wala raw dapat ikabahala kung hindi naman namamayat ang iyong anak at nakakakain nang mabuti,
“Usually as long as they are gaining weight and they are feeding well it is within the norm and it is acceptable.”
Bakit ba kinakabag ang bata? Dahil ba sa gatas o breastmilk? May mga nag-aalala na dahil ito sa kinakain ni mommy habang nagpapasuso. Ano nga ba ang dahilan sa paanong paraan nga ba nakukuha ang kabag ng baby?
Sanhi ng kabag
Walang eksaktong dahilan ang kabag pero maaring ito ay may kaugnayan sa labis na pagpasok ng hangin sa tiyan (aerophagia).
Gayundin, dahil masyado pang maliit at hindi pa fully developed ang digestive tract ng isang sanggol, hindi pa nito kaya ang mag-imbak ng masyadong maraming gatas, at natututunan pa lang nito kung paano tunawin ang pagkain sa loob ng tiyan.
Narito pa ang ilang karaniwang sanhi ng kabag ng mga sanggol:
- Kapag mali ang kanilang posisyon sa pagdedede, nakakalunok sila ng maraming hangin na pumapasok sa kanilang tiyan.
- Madalas na pag-iyak kaya mas maraming hangin ang pumapasok sa katawan.
- Mga digestive disorders gaya ng gastroesophageal reflux disease o GERD. Ito ay isang kondisyon kung saan ang mga natural mechanisms ng esophagus ng sanggol ay walang kakayahan na harangin ang pagkain o fluids na bumalik pataas sa esophagus imbis na manatili sa loob ng tiyan ng bata.
- Kung ang bata ay dumedede sa kaniyang ina, maaari ring maging sanhi ng kabag ang mga kinakain ni Mommy. Ilang halimbawa ay ang mga gulay na nagdudulot ng gas tulad ng cabbage at cauliflower o mga pagkaing may caffeine gaya ng kape at tsokolate.
- Maling pagpili ng feeding bottle, maaaring ito ay hindi anti-colid bottles.
7 na mga sintomas ng kabag ng baby
Paano malalaman kung may kabag sa baby? Hindi lahat ng baby ay kabagin o madalas nakakaranas ng kabag. At isang palaisipan rin kung bakit ang iba ay mas prone sa kabag, at ang iba ay hindi naman kinakabag.
Kung ang baby mo ay isa sa mga madalas na nakakakuha nito, malamang sa malamang ay nais mong aralin ang sintomas ng kabag. Sa ganitong paraan kasi malalaman mo kung ang kanyang nararamdaman ay kabag nga o hindi.
Subalit, may ilang mga indikasyon na pwedeng suriin kung paano nga ba malalaman kung may kabag si baby. Narito ang ilang sintomas ng kabag sa baby:
- Matinding pag-iyak na hindi dala ng gutom, antok o maruming diaper
- Lumiliyad habang umiiyak
- Itinataas ang mga binti na parang namimilipit habang umiiyak
- Pag-utot
- Matigas ang tiyan
- Namumula ang mukha habang umiiyak
- Maiksi ang kaniyang tulog pagkatapos dumede
Pagpitik sa tiyan, paraan na paano malalaman kung may kabag si baby, dapat ba?
Wala ibang paraan para makipag-communicate ang baby sa kanyang mga magulang kundi pag-iyak. Wala rin namang kapangyarihan ang ang isang magulang para tiyak na matukoy kung ano ang nais nitong sabihin dahil lamang sa pag-iyak nito. Kaya kung minsan may mga gawain o senyales na ginagawa ang magulang para malaman ang nararamdaman ng bata.
Kapag nakita nating umiiyak o may kakaiba sa ating mga anak, nakaugalian na ng mga magulang ang pitik-pitikin ang kanilang tiyan ni baby upang pakinggan kung sila ay may nararanasang kabag. Ngunit payo ni Dr. Sales, kailangang iwasan ang nakasanayan na ito dahil maririnig naman daw ito,
“I actually tell my patients to stop doing that. Kasi lagi ka naman may maririnig e. Kumbaga you will always feel gas sa tiyan.” aniya.
4 na home remedy para sa kabag ni baby
Anong gamot ang mabisa sa kabag ng baby? Paano nga ba mawala ang kabag ng baby? Iyan ang iyong mga katanungan na marahil sa ngayon lalo kung walang humpay na ang pag-iyak ng bata dahil sa nararamdaman niyang kundisyon.
Ayon kay Dr. Barbara Ann Manio, isang pediatrician, upang maibsan ang kabag ng isang sanggol at guminhawa ang kaniyang pakiramdam, dapat ay mawala ang nakapasok na hangin sa loob kaniyang tiyan. Ito kasi ang nagbibigay ng hindi komportableng feeling para sa kanya.
Nailalabas ito ni baby sa pamamagitan ng pagdighay o pag-utot. Unti-unti kasi nitong nailalabas ang gas na naipon sa kanyang tiyan.
Makakatulong rin ang pag-apply ng banayad na pressure o kaunting init sa kanilang tiyan para malabas niya ito. Maaari rin ang pagpapalit ng pwesto o posisyon para makagalaw ang tiyan ni baby at mailabas ang hangin.
Anong gamot sa kabag ni baby? Narito ang ilang home remedy kung paano mawala ang kabag ng baby na maaari mong subukan:
1. Gumamit ng sound at motion para mapatahan si baby.
Lumakad-lakad habang karga ang bata, o kaya ay iduyan ito o ihele. Tandaan na ang anumang mahinang paggalaw ay nakakapagpatahan sa sanggol minsan kahit pa sa ibang sakit ay mabisa rin ito.
Puwede ring ilagay siya sa stroller o duyan, at saka siya igalaw ng marahan. Ito at ang init ng yakap ni Mommy o Daddy ay makakapagpakalma sa kinakabag na bata hanggang makatulog siya. Mainam na iparamdaman sa kanya ang comfort ninyo bilang parents para maibsan ang pain.
May mga magulang na isinasakay ang bata sa kotse (sa car seat) at saka nagmamaneho kahit sa maikling distansiya lang. Ang tunog ng makina ng kotse at paggalaw nito ay milagrong nakakakapagpatulog sa bata.
May mga gumagamit din ng iba pang gamit sa bahay na may rhythm at tunog, tulad ng washing machine, electric fan, vacuum cleaner, at iba pang kagamitan na may “white noise” ay mahinang ingay.
2. Kalmahin ang senses ni baby.
Sinasabing ang maliliwanag na ilaw o bright lights at malakas o mabibilis na music ay nakakapagpalala ng pag-iyak ng isang kinakabag na sanggol. Kaya iiwas siya sa mga ganitong bagay para hindi mataranta o maligaga ang kanyang nararamdaman.
Subukang ihiga siya sa isang tahimik at madilim na kuwarto at balutin ang katawan ng baby blanket. Tapikin o hagurin ang likod ng marahan.
May mga pwedeng pag-aralan na baby massage, at gamit ang baby oil, epektibo itong pampakalma ng umiiyak na sanggol.
Makakatulong din ang warm compress o boteng may maligamgam na tubig, na ilalagay sa tiyan ng sanggol. Subukan rin siyang paliguan gamit ang maligamgam na tubig, o warm bath.
3. May mga probiotics
Para sa mga sanggol na anim na buwan pataas, maaring makatulong sa mga sintomas ng kabag ang pag-inom ng probiotics gaya ng (tuald ng Lactobacillus reuteri). Itanong sa pediatrician ng iyong anak kung ano ang mabuting probiotic na makakatulong bilang gamot sa kabag ng baby.
Mas mabuting ipatingin sa doktor ang sanggol lalo kung madalas ang kabag at pag-iyak nito, para makita kung may iba pang kondisyon na dapat gamutin, at para malaman kung ano ang dapat na paggamot sa sanggol.
4. Maging mapili sa gamit ni baby at mga kinakain ni Mommy
Kung gumagamit naman ng feeding bottles para sa gatas ni baby, piliin ang mga bottle teats na akma sa edad ng iyong anak. Tama lang dapat ang agos ng gatas para hindi makapasok ang hangin sa tiyan ni baby. Subukan rin ang mga anti-colic bottles. Ang mga boteng ito ay mayroong malaking tulong para maiwasang makapasok ang air o gas sa katawan ng bata.
Iwasan din ang masyadong pag-shake ng bote kapag tinitimpla ang gatas ni baby para hindi makapasok ang air bubbles.
Kung nagpapadede ka naman, iwasan muna ang mga pagkaing nagdudulot ng gas (gaya ng mga nabanggit sa itaas) at obserbahan kung mababawasan ang kabag ng iyong anak. Huwag ring kalimutang ipa-burp si baby pagkatapos niyang magdede.
Anong ibang gamot pa sa kabag ng baby sa tiyan?
Paano matanggal ang kabag ni baby sa tiyan at anong iba pang gamot sa kabag ng baby? Bukod sa mga naunang home remedy na nabanggit para sa kabag ni baby, narito ang iba pang maaaring gawin kung paano matanggal ang kabag ni baby sa tiyan:
- Padighayin ang baby sa pamamagitan ng paghaplos o marahang pagtapik sa likod nito.
- Pwedeng i-distract si baby para maiwasang maramdaman lalo ang pananakit ng tiyan dulot ng kabag. Maaaring kantahan siya, sayawan, bigyan ng laruan, o makipaglaro ng interactive.
- Mahalaga ang tummy time para sa baby. Idapa sila habang sila ay gising at hayaang gumalaw-galaw sa lapag. Makakatulong ito para makalabas ang mga na-trap na gas sa tiyan ng bata na dahilan ng kabag. Bukod pa rito, makatutulong din ito para mapalakas ang upper body muscles ng baby hanggang matutunan nitong i-angat ang ulo.
- Puwede ring bigyan ng simethicone gas drops ang baby bilang gamot sa kabag. Makatutulong ito sa ilang baby para gumaling ang kabag. Ligtas naman itong inumin ng bata hanggang 12 araw. Tandaan lang na dapat sundin ang dosage na nakalagay sa bote ng gas drops. Mas makabubuti rin na magpakonsulta sa doktor para malaman ang dosage na akma sa iyong anak.
Kailan dapat dalhin sa doktor si baby?
Bagamat karaniwan lang ang pagkakaroon ng kabag sa mga sanggol, may mga pagkakataon na senyales ito ng mas matinding kondisyon at kailangang ipasuri sa doktor.
Ipakonsulta agad sa kaniyang pediatrician si baby kapag napansin ang mga sumusunod na sintomas:
- Nagtatae o kung may napansin na dugo sa dumi niya
- Madalas na pagsusuka
- Walang ganang kumain o hindi bumibigat ang timbang
- May lagnat na 100.4 F pataas
- Inaantok palagi o matamlay
Anuman ang mangyari, huwag aalugin ang bata, at huwag na huwag sasaktan ito. Kung nakakaramdam ng inis o pagod habang pinapatigil sa pag-iyak ang iyong anak, tawagin ang iyong asawa o ibang kasama sa bahay para siya muna ang mag-alaga kay baby. Tandaan, lilipas rin ang panahong ito kaya habaan mo pa ang iyong pasensya.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng kabag ng baby?
Makakatulong ang pagbabago ng posisyon ng baby tuwing pinapakain o dumedede ito. I-elevate nang kaunti ang kaniyang ulo. Dapat na mas mataas nang kaunti sa tiyan ang ulo tuwing pinapasuso ang sanggol.
Bukod pa rito, ang weak latch ng baby sa utong ng ina ay maaaring maging sanhi ng pagkalunok nito ng labis na hangin. Magpakonsulta sa lactation consultant kung nakakaramdam ng pananakit ng dibdib kapag nagpapasuso, o kaya naman ay mukhang frustrated ang iyong anak habang dumedede.
Narito ang iba pang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng kabag ng anak:
- Mahalagang padighayin ang baby sa pagitan ng bawat breastfeeding.
- Subukang gumamit ng ibang shape ng feeding bottle tulad ng curved bottles para mabawasan ang hangin na maaaring malunok ng bata habang umiinom ng gatas.
- Punuin ng gatas ang feeding bottle para siguradong gatas ang nasisipsip ng iyong anak imbes na hangin.
- Kung masyadong mabilis sumipsip sa tsupon ng feeding bottle ang iyong anak, maaaring palitan ang tsupon at gumamit ng slow-flow nipple. Ang mabilis na pagsipsip ng gatas ay maaaring magdulot ng paglunok ng maraming hangin na hahantong sa pagkakaroon ng kabag ng iyong anak.
Mga dapat tandaan
Ngayong alam na natin kung ano ang sanhi, sintomas, at gamot para sa baby, narito naman ang ilan pa sa kailangang tandaan para sa kanyang kabag:
- Hindi dapat na itigil ang pagpapasuso sa anak dahil lang nagkakaroon ito ng kabag. Mahalaga ang breastfeeding dahil ang breastmilk ang biological standard of food ng mga baby. Nasa gatas ng ina ang karamihan sa mga nutrisyon na kailangan ng katawan ng sanggol sa mga unang buwan ng buhay nito. Gawin lang ang mga nabanggit na tips sa taas tungkol sa kung paano maiiwasan na magkaroon ng kabag ang bata.
- Maging ang infant formula ay pwedeng maging sanhi ng kabag. Kapag hinahanlo ang formula milk tuwing tinitimpla ito ay nagkakaroon ng air bubbles ang gatas na posibleng maging sanhi ng kabag. Pwedeng palipasin muna ang ilang minuto matapos timplahin ang gatas para mag-settle ang milk bubble bago ito ibigay sa anak.
- Maaaring subukan ang premixed liquid formula milk.
- Mayroong mga baby na sensitibo sa ingredients ng formula milk tulad ng soy at lactose. Ang mga premature baby ay maaaring mayroong developmental lactase deficiency. Pero mawawala rin naman ito pag naglaon.
- Mahalagang kumonsulta sa doktor ng bata bago palitan ang formula milk na ipinaiinom dito. Sa ganitong paraan mabibigyan ka ng tamang payo kung ano ang mas akma para sa kanyang kalusugan at edad.
- Gumawa ng food journal kung saan ay ililista ang mga pagkaing pinapakain sa bata kapag nagsimula na itong kumain ng solid food. Sa pamamagitan nito mabilis na mate-trace kung anu-ano ang mga pagkaing maaaring magdulot ng kabag sa bata.
Ano ang colic sa baby
Normal man at madalas na kusang nawawala rin ang kabag ng baby ay mahalaga pa ring obserbahan ang iyong anak kapag may kabag. Ang pabalik-balik na kabag sa baby ay maaaring humantong sa colic.
Ano ang colic? Ang colic ay nagdudulot ng matinding pag-iyak ng baby na maaaring tumagal nang tatlong oras kada araw sa loob ng tatlong araw sa isang linggo.
Patuloy pa mang pinag-aaralan ang sanhi ng colic sa baby, bukod sa kabag ay maaaring dahilan ng pagkakaroon ng colic ay ang hirap sa pagtunaw ng pagkain ng baby. O kaya naman ay allergy o intolerance sa gatas ng baka na karaniwang ingredients ng formula milk.
Ang kabag ay maaaring maranasan ng iyong anak ano mang oras, subalit ang colic ay karaniwang nararanasan sa mga unang linggo ng baby matapos na ito ay ipanganak. Kadalasan din namang nawawala ito kapag nasa edad tatlo hanggang apat na buwan na ang sanggol.
Tandaan na ano mang dahilan ng pagkabalisa at pagkairita ng iyong anak ay mas makabubuting ipakonsulta ito sa kaniyang pedia para malaman ang tamang paraan ng paggamot dito. Parati rin unahin ang health both ng parents at ni baby para hindi mauwi sa kung ano mang kumplikasyon ang mga nararamdamang sakit.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan, Nathanielle Torre, at Angerica Villanueva
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.