16 Bagay na ipinagbabawal sa mga buntis

lead image

May mga ilang bagay na dapat iwasan o ipinagbabawal sa mga buntis, ayon sa mga doktor at medical specialists. Ano nga ba ang mga ito?

Kapag buntis ka, maraming iba't-ibang bagay na ipinagbabawal sa mga buntis. Dahil delikado ang kalagayan mo at dalawa ang buhay na inaalagaan mo, kailangang may masusing pagsasaliksik, pagtatanong sa mga eksperto at paninigurado kung ano ang dapat iwasan o tuluyang iwaksi para masigurado na hindi maaapektuhan ang sanggol sa iyong sinapupunan.

Bukod pa sa alam na ng lahat ng pag-inom ng alcoholic drinks at mga ipinagbabawal na gamot, pati na rin ilang mga gamot na bawal kapag buntis, may mga bagay hindi maaaring gawin o inumin dahil sa mayrong isa pang buhay na pinapangalagaan—ang nasa sinapupunan mo. Lahat kasi ng gagawin at iinumin o ipapasok sa sistema o katawan ng isang nagbubuntis, ay maaaring makaapekto sa kalagayan, kalusugan, at development ng kaniyang baby.

Para sa isang panimulang listahan at impormasyon, narito ang ilang mga bagay na dapat mong iwasan kung ikaw ay buntis.

Anu-ano ang mga ipinagbabawal sa mga buntis?

Acupuncture at masahe

Pangunahing pinagpapaliban ng mga OB GYN ang pagpapamasahe kapag buntis. May mga masahe na ginagawa ng mga propesyonal at eksperto dito, at may sadyang uri ng masahe para sa mga buntis. Ngunit may panahon sa pagbubuntis na hindi ligtas ang kahit ano pang uri ng masahe, lalo halimbawa sa unang trimester at huling trimester, at sa bandang tiyan o abdomen.

Ang acupuncture naman ay sinasabing ligtas din kung gagawin ng isang qualified acupuncturist na may training at karanasan lalo sa mga buntis. May mga acupuncture points kasi, tulad ng sa pagmamasahe, na hindi pwede para sa mga buntis.

Kung may planong magpamasahe o acupuncture dahil sa nararamdamang pananakit o pagod, ikunsulta muna ito sa iyong doktor at sabihin ang lahat ng impormasyon, bago gawin ito.

Pag-aalaga ng pusa

May tinatawag na toxoplasmosis, isang karaniwang impeksyon na nakakaapekto sa mga ibon at iba pang hayop, kasama na ang tao. Ang parasite na tinatawag na Toxoplasma gondii o T. gondii ay makikita sa mga dumi ng pusa o sa tinatawag na cat litter na nakontamina na ng dumi ng pusa na infected na.

Mahina ang posibilidad na magkaron ng toxoplasmosis, ngunit kung magkaron nito sa unang trimester, may panganib na malaglag ang bata, o di kaya’y magkaron ng brain damage o pagkabulag. Maaaring makuha ito sa pagpapalit ng cat litter at pagbubungkal ng lupa sa garden, lalo’t walang gloves at hini nakakapaghugas ng kamay ng mabuti. Ang mga karaniwang sintomas nito ay mataas na lagnat, sore throat at pananakit ng mga muscles.

Mga produktong panglinis (sa bahay)

Basahin ang mga labels ng mga produktong binibili at ginagamit sa paglilinis ng bahay, para masiguro kung may mga safety warnings para sa mga buntis. Ito ay maraming taglay na toxic substances, iwasan ang paggamit nito. Kapag gagamit naman ng glue, pintura, o iba pang household chemicals, sunding mabuti ang  safety directions na nakasulat sa bote o kahong lalagyan nito. Kung kakailanganing gumamit ng anumang uri ng panlinis na may kahit kaunting kemikal, buksan ang mga bintana sa bahay, kuwarto o banyo, para hindi makulob ang amoy nito.

Ang mga produktong tulad ng moth balls at toilet deodorant cakes ay karaniwang may taglay na naphthalene, na nakasasama sa katawan o kalusugan. Kapag nakasinghot ng maraming naphthalene, makakaramdam ka ng fatigue, walang ganang kumain, pagkahilo, pagsusuka at diarrhea.

Mabigat na ehersisyo

Malaki ang buting naidudulot ng paggalaw at pagiging aktibo kapag buntis. Ngunit bago magpatuloy sa nakagawiang workout routine bago magbuntis, ikunsulta ito sa iyong doktor para masiguradong walang health problems ang makakasama. Kadalasan, hindi hihigit sa 30 minuto ang nirerekumendang oras ng ehersisyo sa bawat araw, at moderate exercises lamang ito tulad ng paglalakad at paglangoy.

Mabuti ang regular na ehersisyo para sa mga buntis dahil nakakatulong ma-relax, mapanatili ang tamang timbang, maging mas malakas ang resistensiya (na makakatulong sa labour), at maibsan ang ibang sakit, tulad ng back pain at varicose veins.

Fake tan, at pampaputi ng balat.

May mga sobrang puti na gustong magmukhang morena, para hindi daw maputla at dahil uso sa mga Kanluranin. May mga maiitim naman na gustong pumuti, lalo na kapag nagsimula nang magkaron ng maiitim na kili kili, siko, leeg at iba pang bahagi ng katawan ang isang nagbubuntis. Parehong dapat iwasan ang mga kemikal na ginagamit para sa pagpapa-tan, at pagpapaputi.

Wala namang kilalang panganib ang mismong mga tanning lotion at whitening products, dahil nasa unang layer lang naman ito ng balat. Pero minsan kasi, may mga nagiging sanhi ng allergic reaction dito. Kapag buntis kasi, nagbabago ang hormone levels, kaya’t nagiging mas sensitibo ang balat. Gaya ng kahit anong ilalagay sa katawan o iinumin, ikunsulta muna ito sa iyong doktor.

Iwasan ang mga tanning pills at whitening pills dahil walang kahit anong gamot na iniinom ang aprubadong gamitin ng mga nagbubuntis. Napatunayan nang nakakasira  ang mga ganitong gamot o pills sa paningin, atay at kidney, at maaaring makasama sa kalusugan ng sanggol sa sinapupunan.

Pangkulay ng buhok o hair dye

May mga research na nagsasabing ligtas ang pagpapakulay ng buhok kapag buntis, ngunit may mga pag-aaral din na nagpapatunay na ang mataas na doses ng kemikal sa hair dye ay mapanganib. May mga naghihintay ng ikalawang trimester bago magpakulay, dahil ang panganib para kay baby ay mababa lamang. Henna ang safer alternative, ayon sa ibang eksperto.

Pintura

Walang malaking panganib ang amoy ng pintura para sa dinadalang sanggol, ngunit nakakahilo ang amoy nito, lalo kung halimbawa ay buong bahay ang pinipinturahan at kulob pa. Walang paraan para masukat ang toxicity ng pintura, pero mabuti na ring iwasan muna hangga’t maaari, lalo na ang mga lead-based paint. Kung may planong magpintura o mag-renovate ng kuwarto o bahay, gawin ito pagkatapos na ng unang trimester para mas maliit ang risk na maapektuhan ang nagdedevelop pa lamang na organs ni baby.

Sauna o jacuzzi

Walang pag-aaral na nagpapatunay ng panganib ng mga jacuzzi o sauna sa mga buntis, pero mas mabuti nang iwasan muna ito dahil masama sa nagdadalang tao ang sobrang init, at may panganib din ng dehydration at pagkahilo, lalo’t ang mga nagbubuntis ay mas nakakaramdam ng init ng katawan dahil sa hormonal changes at increase sa blood supply sa balat. Ang mainit na temperatura ng katawan ay maaari ding maging sanhi ng ilang birth defects. Kapag nasa sauna, jacuzzi o hot tub din, hindi ka namamawis, kaya’t mabilis tumaas ang temperatura ng katawan, at anumang pagtaas ng temperatura ay makakaapekto sa development ng dinadalang sanggol, lalo sa unang 12 linggo ng pagbubuntis.

Huwag magpa-X-ray

Hangga’t maaari, hindi nagpapa-X-ray kapag nagbubuntis. Madalas na ginagamit ang ibang imaging method tulad ng ultrasound scan dahil mas ligtas ito. May panganib kasi ang radiation galing sa x-ray, tulad ng risk ng birth defects at problema sa physical at mental development. Ang paulit-ulit na exposure sa radiation ay nakakasira sa cells ng iyong katawan, at tumataas ang risk ng pagkakaron ng cancer. Kaya’t hangga’t maiiwasan, hindi ito nirerekumenda ng mga doktor, kung may mahahanap namang alternatibo.

Ganon din ang panganib ng dental x-ray. Ipaalam agad sa dentista na ikaw ay buntis, para maiwasan ang pagapapa-x-ray sa iyo. Malayo man ito sa pelvic area, mas minamabuti na rin kasi ng mga dentista na ipagpaliban ang dental x-rays, hanggang pagkatapos manganak.

Ilang pagkain

Medyo mahaba ang listahan ng hindi pwedeng kainin ng isang buntis. Iwasan ang pagkain ng hilaw na karne, seafood at shellfish. Nandiyan ang sushi, oysters, tahong at clams. Iwasan din ang steak o beef na undercooked o niluto ng medium-rare at rare, pati manok na hindi gaanong naluto dahil maaari ding may taglay itong toxoplasmosis o salmonella. Lutuing mabuti ang karne hanggang sa 145 degrees bago ito kainin.

Ang mga Deli meat ay may listeria, o bacteria na masama din kay baby.

Pagdating naman sa isda, ito ay may mataas na lebel ng mercury tulad ng pating, king mackerel, swordfish, at tilefish. Ang mga tuna, lalo ang delata ay may maliit lamang na lebel ng mercury, pero mabuti pa ring huwag kumain ng marami nito. Limitahan ang pagkain ng iba pang uri ng isda at lamang dagat sa 12 onsa bawat linggo.

Ang hilaw na itlog naman ay maaari ding may salmonella. Kasama na dito ang mga pagkain na may hilaw na itlog tulad ng homemade Caesar salad dressings, Hollandaise sauce, mayonnaise, at custards.

Ang ilang imported na soft cheeses at unpasteurized dairy ay maaaring may listeria din, tulad ng Roquefort, feta, Gorgonzola, Camembert, at Brie, at Mexican cheese tulad ng queso blanco at queso fresco. Mas mabuti nang umiwas muna, kaysa maging panganib sa dinadalang sanggol.

Ang kailangan ng isang inang nagdadalang tao ay mga pagkain may lean protein,  healthy fats, at maraming sariwang gulay at prutas, at siyempre pa, maraming tubig.

Umiwas sa junkfoods at fastfood. Ang mga ito ay may mga ingredients o sangkap na hindi mabuti para sa kalusugan mo at ni baby. Nakakawalang gana rin ang mga ito, kaya’t hindi mo na makakakain ang mga pagkaing masustansiya para sa inyo ni baby.

Iwasan muna ang caffeine o kape

Ang caffeine ay stimulant at diuretic—ibig sabihin ay ang pag-inom ng kape ay maaaring makapagpataas ng blood pressure, heart rate, at pag-ihi at pagdumi. Kahit na sanay na si mommy sa kape, si baby ay hindi—at hindi ito mabuti sa kaniyang paglaki sa sinapupunan. Hindi pa kasi fully developed ang metabolism niya.

Ayon sa mga mommies na sina Daisy Pingol at May Anne Santos, hindi naman ipinagbawal ng OB GYN nila ang pag-inom ng kape, ngunit kailangan ay hinay hinay lang, o isang tasa sa isang araw ng kape o tea na hindi matapang. Tandaan lang na ang caffeine ay hindi lamang sa kape, kundi pati sa chocolate, soda o softdrinks, at ilang mga gamot.

Huwag basta basta uminom ng gamot.

May mga gamot na masama para kay baby, tulad ng ilang pain reliever, lalo na mga antibiotic. Ikunsulta sa iyong doktor ang lahat ng gamot bago inumin.

Itabi muna ang mga sapatos na may takong, lalo na mga stilettos.

Iwasang magsuot ng mas mataas pa sa 2-inch ang takong. Mas mabuti kung puro flats lang, flip flops at running shoes ang gagamitin habang buntis. Habang lumalaki ang tiyan, ang center of gravity mo ay nagbabago, kaya’t maaaring mas off balance ka at baka bigla ka na lang matumba o matisod, at mas malalala—matapilok. Dagdag pa ang magang sakong, paa, at binti. Ikaw rin ang masesetress, kaya’t magsuot ng mga pinaka-komportableng sapatos sa araw araw, hangga’t maaari.

Lumayo sa mga naninigarilyo.

Masama ang paninigarilyo para kay baby, at kasingsama din ang secondhand smoke, o usok na nasisinghot mula sa mga naninigarilyo sa katabi o paligid. May tinatayang 4,000 kemikal ang taglay ng secondhand smoke, at ang ilan dito ay konektado sa cancer.

Ang exposure dito habang buntis ay maaaring maging sanhi ng pagkalaglag ng bata, premature delivery, low birth weight, learning o behavioral issues sa paglaki ng bata, at sudden infant death syndrome.

Iwasan ang pagtayo at pag-upo ng matagal.

Ang pananatili sa iisang posisyon ng matagal ay hindi makakabuti sa isang buntis. Ito ang sanhi ng pamamaga o pamamanas ng mga binti, paa at sakong, pati problema sa mga ugat. Gumalaw-galaw kung ikaw ay nasa opisina o sa bahay. Kapag nakaupo, itaas ang mga paa paminsan-minsan. Lumakad-lakad kapag napapansin mong halos isang oras ka na nakaupo, o umupo, kung nakatayo ka na ng higit sa 30 minuto.

Higit sa lahat, huwag paniwalaan lahat ng naririnig, nababasa at nakikita sa mga palabas sa TV, nang hindi nagtatanong sa iyong OB GYN.

Maraming mga impormasyon na makakalito na para sa iyo habang tumatagal. Tandaan lang na ang iyong doktor ang may maipapayong sakto para sa iyo dahil siya ang nakakakita ng kalagayan mo. Mas mabuti na rin ang nag-iingat, kaysa mapahamak, lalo na kung nasa delikadong panahon ng pagbubuntis. Wala namang mawawala kung ipagpapaliban muna ang mga nakasanayan nuong bago magbuntis, at maghintay ng panganganak bago bumalik sa mga ito.

Patuloy na magbasa, ngunit piliin ang mga artikulo na may basehang medikal at hindi mga personal na opinyon lamang. Walang masama sa pagbabasa ng mga karanasan ng ibang ina, ngunit huwag itong gawing tanging source ng impormasyon. Tulad ng paulit-ulit na payo, ikunsulta ang lahat ng tanong tungkol sa iyong pertikular na pagbubuntis sa iyong doktor. Ang artikulong ito, halimbawa ay nagibigay ng mga pangunahing impormasyon na makatutulong sa mga nagbubuntis na maging ligtas at mapanatiling malusog ang iyong katawam sa kritikal na panahong ito ng iyong buhay.

 

Sources:

Australian Breastfeeding Association

www.pregnancybirthbaby.org.au

Department of Health, Philippines

The Pregnancy Countdown Book: Nine Months of Practical Tips, Useful Advice, and Uncensored Truths ni Susan Magee  (Author), at Kara Nakisbendi M.D. (Contributor)

The Mama Natural Week-by-Week Guide to Pregnancy and Childbirth ni Genevieve Howland  (Author)

Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy: From Doctors Who Are Parents, Too! ng Mato Clinic Doctors

 

Photo: pixabay.com

READ: Maagang Pagbubuntis: Ano Ang Dapat Gawin Ng Mga Magulang