9 degrees na lang daw sa Baguio—tara na this weekend!

lead image

Naghahanap ba kayo ng masayang activity sa parating na weekend? Heto ang ilang mga puwedeng gawin sa Baguio na siguradong magugustuhan ng buong pamilya

Kahit tapos na ang December ay mukhang lumalamig nanaman ang panahon. Ayon nga sa PAGASA, bumaba raw sa  9.8° Celsius ang temperatura sa Baguio kahapon. Ito na raw ang pinakamalamig na temperatura sa Baguio mula noong Oktubre ng nakaraang taon.

Kaya para sa mga pamilyang nabitin ang bakasyon noong Pasko, bakit hindi subukang pumunta sa Baguio ngayong weekend? Gumawa kami listahan ng ilang puwedeng gawin sa Baguio na siguradong mag-eenjoy ang buong pamilya. Huwag kalimutang magdala ng mga jacket, at panlamig, dahil siguradong giginawin kayo pag-akyat ng Baguio!

Mga puwedeng gawin sa Baguio para sa buong pamilya

Sa mga nagnanais na pumunta ng Baguio, aabutin ng 4 hanggang 5 oras ang byahe kung dadaan kayo sa TPLEX o Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.

Para naman sa mga nais mag-commute, nasa mga 5-6 na oras ang biyahe, at puwedeng sumakay mula sa mga bus terminal galing sa Cubao o kaya sa Pasay City. Ang JoyBus at Victory Liner ay 2 sa pinakapopular na bus para sa mga nais pumunta ng Baguio. Ang mga tiket ay nasa 485 pesos para sa regular bus, at 800 naman para sa first class na bus. Mas mabilis ang biyahe ng mga first class na bus dahil wala itong mga stopover.

Para naman sa mga puwedeng tuluyan sa Baguio, maraming mahahanap sa AirBnB. Marami ring mga murang accomodation sa Baguio, kaya't hindi na kinakailangan na mag-book sa mga mamahaling hotel.

Sa transportasyon naman, siguradong matutuwa kayo dahil mura lang ang mga taxi sa Baguio kumpara sa Maynila. Ngunit ang Baguio ay talagang para sa mga sanay sa mahabang lakaran, kaya't mabuting maghanda na kayo ng komportableng sapatos kung aakyat kayo.

Heto naman ang mga pinakamagandang activities para sa mga pamilya.

1. Bisitahin ang Burnham Park

Ang Burnham Park ay nasa gitna ng Baguio City. Isa itong malaking park at isa sa mga pinakapopular na destinasyon para sa mga bumibisita sa City of Pines. Dito, puwede kayong sumakay sa mga boats, kumain ng taho at iba pang mga street food, at mag-enjoy sa ganda ng kalikasan at aliwalas ng panahon sa Baguio.

2. Enjoy-in ang magagandang halaman sa Baguio

mga puwedeng gawin sa Baguio

Kapag nasa Baguio na kayo ay siguradong kapansin-pansin ang dami ng mga halaman at puno sa paligid. Ito ay dahil bagay na bagay ang klima ng Baguio para sa mga halaman, kaya't mayabong ang pagtubo ng mga ito. Siguradong mag-eenjoy ang mga nature lover sa Baguio dahil napakaraming halaman ang matatagpuan dito.

Ito rin ang dahilan kung bakit sariwang-sariwa ang hangin sa Baguio; dahil maraming mga halaman at puno ang sumasala at nagbibigay ng sariwang hangin.

3. Mag-explore sa Mines View Park

Ang Mines View Park naman ay isang dating mining town noong may kampo pa ang mga Amerikano sa Baguio. Napakaganda ng tanawin sa Mines View Park, at siguradong mag-eenjoy ang inyong mga anak habang naglalakad-lakad at tumitingin sa magagandang tanawin.

Malapit sa Mines View Park ay puwedeng bumisita sa Wright Park kung saan makakasakay ang mga bata sa mga kabayo. Ngayon, nasa 400-500 pesos ang isang oras na pagsakay sa kabayo. Medyo may kamahalan, pero siguradong mag-eenjoy ang inyong mga anak, lalo na kung first time nila.

4. Mamili ng mga gamit sa bahay

mga puwedeng gawin sa Baguio

Para naman sa mga magulang, siguradong mag-eenjoy kayo sa pamimili sa Baguio. Napakaraming kung anu-anong mga wooden na gamit sa bahay ang matatagpuan dito.

Halos lahat ng mga palengke sa Baguio ay nagtitinda ng mga native nilang produkto, kaya't hindi mahirap maghanap ng mga ito. Makakabili rin ng masasarap na pasalubong tulad ng minatamis na ube, peanut brittle, at strawberry jam.

Maganda ring bisitahin ang Baguio Night Market, lalo na sa mga nagnanais na magshopping para sa mga murang damit. Mayroon rin ditong bilihan ng mga pagkain para sa mga gusto ng midnight snack.

5. Bisitahin ang BenCab Museum

Para naman sa mga nagnanais ng kakaibang experience, siguraduhing bumisita sa BenCab museum. Ito ay pag-aari ng National Artist na si Benedicto Cabrera, at narito ang kaniyang mga paintings at sculptures, pati na rin ang obra ng iba pang mga artist sa Pilipinas.

100 pesos ang entrance fee sa BenCab Museum, at 80 naman para sa mga senior citizen at students. Siguradong magugustuhan ito ng mga bata, dahil napakaraming magagandang artworks ang naka-display dito. Napakaganda rin ng view sa museum, at tiyak na maiinspire ang inyong mga anak na gumawa rin ng sarili nilang mga obra.

 

Sources: PrimerThe Happy Trip

Basahin: 34 tips and tricks for traveling alone with your toddler

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!