Anong gagawin kapag nakalunok ng bubble gum ang anak ko?
Hindi na kakaiba ang aksidenteng nakalunok ng bubble gum ang bata. Kapag natuklasan na kasi ang “sarap” at nakakaaliw na pagnguya ng gum, hinahanap-hanap ito ng mga bata, pero hindi pa nila tuluyang natututunan ang pag-kontrol nito—para hindi malunok.
Bagamat ang “chewing gum” ay ginawa para nguyain at hindi lunukin, hindi naman ito delikado kahit na aksidenteng malunok, paliwanag ni Apple Tagatha, Registered Nurse sa isang nursery school.
Anong gagawin kapag nakakain ng plastic o bubble gum si baby? | Image from Dreamstime
Sabi ng mga matatanda dati, kapag nangyari ito, hindi ito natutunaw sa tiyan kaya’t habambuhay nang mananatili sa tiyan mo. Hindi ito totoo. Totoong hindi ito natutunaw dahil gawa ito sa mga kemikal, pero hindi rin ito mananatili sa tiyan. Buo rin itong maitutulak papunta sa digestive system, hanggang mailabas sa iyong stool o dumi, pagkalipas ng humigit kumulang na 40 oras o 3 araw, dagdag ni nurse Apple. Para ka lang kumain ng instant pancit canton, dahil ganito rin katagal ito nailalabas sa sistema natin (at hindi rin natutunaw sa tiyan).
Kapag marami ang gum na nalunok na, saka lang ito maaaring makabara sa bituka, at nagiging panganib.
Dapat bang dalhin sa doktor kapag nakalunok ng bubble gum ang bata?
Hindi kailangang pumunta pa sa doktor kung nakalunok ng bubble gum ang bata, sabi na rin ni nurse Apple. Pero kung nakikita na hirap huminga ang bata, at bumara ito sa lalamunan o airway niya, dalhin agad sa emergency room para matanggal ang bara.
Kung marami o malaki ang gum na nalunok, o may kasamang bagay na hindi natutunaw (tulad ng maliit na laruan), kailangan ding dalhin agad sa doktor. Minsan ay nangangailangan pa ng surgery para matanggal ito sa digestive tract.
Anong gagawin kapag nakakain ng plastic o bubble gum si baby? | Image from Unsplash
Malalamang may bara o blockage sa intestinal tract. Ito ay kapag may nararamdamang abdominal pain at constipation, na minsan ay may kasamang pagsusuka.
Saan ba gawa ang gum?
Karamihan sa mga gum ngayon ay gawa sa kombinasyon ng polymers, plasticizer, at resin, at hinahalo sa food-grade softeners, preservatives, sweeteners, food color, at flavoring. Kadalasan ding may powdered o hard polyol coating.
Tulad ng kendi, maaaring mabilis makasira ng ngipin ang chewing gum, lalo na kung hindi sugar-free. Ang mga sugar-free gum naman ay pinapatamis ng ingredient na sorbitol. Ito ay maaaring maging sanhi ng diarrhea kapag madami ang nakain. Ang mga cinnamon-flavored gum naman ay nakakairita ng balat sa loob ng bibig .
Wala itong nutritional value, tulad ng soda at kendi. Kaya nga maraming mga magulang ang hindi ito binibigay sa mga bata. Lalo na nga at may panganib na malunok at mabulunan kapag sobrang bata pa. Hindi ito lubusang nakasasama, pero hindi rin ito masustansiya.
Anong gagawin kapag nakakain ng plastic o bubble gum si baby? | Image from Dreamstime
Pagdating ng edad 5 taon, mas nakakaintindi na ang bata na ang chewing gum ay hindi tulad ng kendi na natutunaw at nilulunok, at dapat ay idura ito kapag wala nang lasa.
Halos lahat tayo ay nakalunok na ng gum sa isang punto, kahit nuong bata pa tayo o matanda na. At hindi naman talaga kinailangan magpa-doktor.
Ngunit maiiwasan ang disgrasya na na ito kung iiwasan muna ang pagbibigay ng bubble gum sa mga bata. Mas mabuti na bigyan ang mga ito kapag nasa tamang gulang na o alam na kung ano ba ang kanilang kinakain.
Maaari rin namang gumawa ng ilang sweet healthy snacks bilang pamalit sa pagkain ng gum ng isang bata.
SOURCES:
Dr. Red Piedad, MD
Apple Tagatha, RN
www.healthline.com
BASAHIN:
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!