Mommy, narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa oral glucose tolerance test ng buntis.
Ano ang gestational diabetes?
Isa sa mga bagay na kailangang ingatan at kontrolin ng isang babaeng nagdadalang-tao ay ang kaniyang blood sugar. Kapag kasi hindi naging kontrolado ang blood sugar ng buntis, maari itong makaapekto sa kalusugan niya at ng kaniyang sanggol. Maari siyang magkaroon ng gestational diabetes (GDM).
Sa aming huling panayam kay Dr. Kristen Cruz-Canlas, isang OB-Gynecologist, ipinaliwanag niya kung ano ito:
“Gestational diabetes, ito po ‘yong diabetes or ‘yong pagtaas n gating blood sugar level during pregnancy.”
Ayon kay Dr. Canlas, ang mga sintomas ng gestational diabetes ay parehong lang sa mga karaniwang senyales ng diabetes sa mga taong hindi buntis.
“‘Yong mga symptoms, same lang po ng sa non-pregnancy state. ‘Yong mauuhawin, pwede pong panay ang pag-ihi, or magugutumin.” aniya.
Bagamat kadalasan ang pansamantala lang ang diabetes na nararanasan ng ina, ang pagkakaroon ng sakit na ito ay maaring magdulot ng komplikasyon sa pagbubuntis, at maging sa kalusugan ng iyong sanggol.
Dagdag pa ni Dr. Canlas, mas tumataas ang posibilidad ng preterm labor, stillbirth o miscarriage kapag mayroong diabetes ang buntis.
“Kahit wala namang GDM mataas talaga ‘yong chance (of complications). But with GDM 50%, lahat po ‘yan ini-increase nya. Kasi ‘yong miscarriage lalo na po for overt. Ito po speaking of overt, ibig sabihin bago nagbuntis, may diabetes na.”
Ayon sa doktora, upang malaman kung mayroong gestational diabetes ang buntis, kadalasan ay nagkakaroon ng ilang mga pagsusuri upang malaman kung mayroon ba siyang diabetes. Aniya, sa unang checkup pa lang pa lang ay maari nang malaman ng OB-GYN kung may diabetes ang isang babae sa pamamagitan ng isang blood test.
Inirerekomenda na maaga kang magpa-test ng iyong blood sugar habang nagbubuntis kung:
- Nagkaroon ka na ng gestational diabetes sa iyong huling pagbubuntis
- Mayroon kayong family history ng diabetes
- Ikaw ay obese o mataas ang iyong timbang
- Mayroon kang medical condition na may kaugnayan sa pagkakaroon ng diabetes, tulad ng metabolic syndrome or polycystic ovarian syndrome.
Subalit ang pinakilalang paraan upang matukoy kung mayroong gestational diabetes ang buntis ay ang pagsasailalim sa oral glucose tolerance test o OGTT.
Oral glucose tolerance test ng buntis
Sa tulong ng oral glucose tolerance test,matutukoy kung paano tumutugon o nagbibigay ng reaksyon ang katawan sa sugar o glucose. Tinitingnan rin kung paano nito nako-convert ang glucose mula sa pagkain.
Kadalasang isinasagawa ang pagsusuring ito pagdating ng buntis sa kaniyang ika-24 hanggang 28 na linggo ng pagbubuntis.
Photo by Nataliya Vaitkevich from Pexels
Kailan dapat sumailalim sa oral glucose tolerance test ang buntis?
Gayundin, mas mahalaga na sumailalim sa oral glucose tolerance test procedure ang mga buntis na nakakaranas ng mga sumusunod na kondisyon:
- Obesity (body mass index na mahigit sa 30)
- May miyembro ng pamilya na may diabetes
- High blood pressure
- High triglycerides o mataas na level ng fat sa dugo
- Polycystic ovarian syndrome
- Nanganak ng sanggol na may bigat na higit sa 4 na kilo o 9 pounds
- Nakaranas ng gestational diabetes sa nakaraang pagbubuntis.
Ano ang dapat asahan sa pagsasagawa ng Oral Glucose Tolerance Test procedure?
Photo by Artem Podrez from Pexels
Bago ka sumailalim sa OGTT, ipapaliwanag muna sa’yo ng iyong OB-GYN kung ano ang mga bagay na dapat mong asahan at paghandaan para rito.
Ang mga babaeng buntis na sasailalim sa OGTT ay pinapaalalahanan na hindi dapat kumain o uminom ng kahit ano 8 oras bago ang procedure. Madalas inirerekomenda ng doktor na mag-fasting ng overnight ang buntis na sasailalim rito para maisagawa ang test umaga ng kinabukasan.
Sa pagsasagawa ng procedure, ang unang hakbang na gagawin ay ang kukuhanan ka ng blood sample na gagamitin para ma-measure ang iyong fasting blood sugar (FBS) level.
Matapos kang makuhanan ng blood sample ay papaiinumin ka ng isang napakatamis na glucose solution na may lamang 100 grams ng sugar. Ito ang bahaging pinaka-ayaw ng mga buntis, dahil pilit na ipapaubos sa iyo ang inuming ito.
Pagkatapos ng isang oras ay kukunin muli ang iyong dugo at pagkaraan ng isang oras ay uulitin uli ito. Ito ay para matukoy kung paano tumataas o may pagbabago ba sa blood glucose level mo sa tuwing kumakain ka ng matamis.
Sa paghahanda sa pagsasagawa ng procedure, ang buntis na ina ay dapat kumain at uminom sa paraan na kaniyang nakasanayan. Subalit makakabuti kung iiwasan niya ang caffeine at paninigarilyo na masama sa kaniyang pagdadalang-tao.
Kung isasagawa ang OGTT sa ospital, mas makakabuti kung mayroon kang kasama dahil maari kang makaranas ng kaunting pagkahilo mula sa hindi pagkain bago gawin ang pagsusuri. Gayundin, maaring mabigla ang iyong katawan matapos mong inumin ang glucose solution.
Pwede ka ring magdala ng libro o isang palabas sa iyong telepono para aliwin ang sarili dahil kadalasang tumatagal ng mahigit dalawa o tatlong oras ang prosesong ito.
Kailan masasabing normal ang resulta ng oral glucose tolerance test?
Pagkatapos ng OGTT, maari ka nang bumalik sa iyong normal na pagkain at iba pang gawain.
Paano nga ba malalaman kung normal lang ang resulta ng iyong oral glucose tolerance test?
Bawat oras na lumilipas matapos mong inumin ang glucose drink, nagbabago ang iyong blood sugar. Tinitingnan kasi rito kung bumababa ba ng kusa ang iyong blood sugar pagkaraan ng ilang oras matapos mong inumin ang glucose solution.
Ito ang mga bilang o values na dapat bantayan:
- Mababa sa 140 mg/dl: Ito ang normal blood sugar level ng katawan.
- Pagitan ng 140 at 199 140 mg/dl: Nangangahulugan ito ng impaired glucose tolerance o pre-diabetes.
- 200 140 mg/dl o mas higit pa: Nangangahulugan ito na ikaw ay may diabetes.
Sa pagbubuntis, ang blood glucose level na 140 mg/dl o higit pa ay maituturing na abnormal.
Kung isa sa mga resulta (sa tatlong beses na kinuhaan ka ng dugo) ay mas mataas kaysa sa normal, maaring ipaulit sa iyo ang OGTT pagkaraan ng 4 na linggo. Subalit kung dalawa sa mga resulta ay mataas kaysa sa normal range, ibig-sabihin nito ay mayroon kang gestational diabetes.
Ano ang mangyayari kung mataas ang resulta ng iyong oral glucose tolerance test?
Photo by freestocks.org from Pexels
Kapag na-diagnose ka ng gestational diabetes dahil sa resulta ng iyong OGTT, ang unang ipapayo ng iyong OB-GYN ay ang kumonsulta ka sa isang endocrinologist. Siya ang eksperto na mas mainam na gumabat sa’yo para i-manage ang iyong diabetes.
Kung ang iyong blood sugar level ay higit sa 140 mg/dl at mababa sa 199 mg/dl, irerekomenda ng iyong doktor na ikaw ay mag-exercise at magpapayat.
Sa ganitong paraan ay mababawasan ang risk ng type 2 diabetes. Kailangan mo ring magkaroon ng pagbabago sa iyong diet at lifestyle. Kung hindi mo kaya itong gawin mag-isa, maari kang humingi ng tulong mula sa isang dietitian o nutritionist.
Posible rin na magbigay ng gamot ang iyong endocrinologist upang makontrol ang iyong blood sugar.
Para ma-monitor mo nang maigi ang iyong blood sugar levels, kailangan mong itong i-check ng hindi bababa sa apat na beses sa isang araw – pagkagising at pagkatapos kumain. Magagawa mo ito sa tulong ng isang glucometer.
Pero sa mas malalalang kaso ng gestational diabetes, maaring ipayo ng iyong doktor na sumailalim sa insulin therapy, kung saan nagtuturok ka ng insulin sa iyong katawan para mapababa ang iyong blood sugar.
Kailangan bang magpa-OGTT uli pagkatapos manganak?
Madalas kapag nakapanganak na ang buntis ay bumabalik na rin sa normal ang blood sugar niya. Subalit dapat pa ring maging maingat sa diet at panatilihin ang iyong exercise routine. Ito ay dahil mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng type-2 diabetes, isang permanenteng uri ng diabetes, ang mga babaeng nagkaroon ng gestational diabetes.
Ang oral glucose tolerance test ay ginagamit din sa postpartum period. Ayon kay Dr. Canlas, mas mabuting sumailalim uli rito para makumpirma kung nawala na ang iyong diabetes o nagtuloy pa ito.
“6 to 12 weeks postpartum pinapacheck po ulit natin. Ideally po nagpapacheck tayo ng 75 grams OGTT para malaman kung naresolve na ba yung diabetes, yung GDM mo.” aniya.
Bagamat hindi naman lahat ng babaeng nagkaroon ng gestational diabetes ay maaaring magkaroon ng diabetes kinalaunan. Pero ipinapayo ng doktor na regular na magpa-screen at least every 3 years para makasigurado.
Magkano ang oral glucose tolerance test?
Dito sa Pilipinas ang oral glucose tolerance test ay maaring magkahalaga ng P300 hanggang P1,000. Ito ay nakadepende kung saang ospital mo ito gagawin at ilang beses o take kailangan itong gawin kada session.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa mga pagsusuri na kailangan mong gawin habang buntis, o may napapansing kakaiba sa iyong pagbubuntis, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Orihinal na inilathala sa wikang Ingles sa theAsianparent Singapore at isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.