Nakakaramdam ng pintig sa tiyan? Narito ang mga posibleng dahilan nito na maaring dulot na pala ng isang seryosong karamdaman.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sanhi ng pintig sa tiyan
- Kailan dapat hindi isawalang bahala ang pintig sa tiyan
Sanhi ng pintig sa tiyan
Ayon sa health website na Healthline, may tatlong pangkaraniwang dahilan kung bakit nakakaramdam tayo ng pintig sa tiyan. Una, kung ika’y isang babae maaaring dulot ito ng pagbubuntis. Subalit hindi ito dulot ng baby sa iyong tiyan. Kung hindi dahil sa iyong abdominal aorta o ang pinakamalaking ugat sa ating abdominal cavity. Ito’y karugtong ng aorta na nagmumula sa ating puso na nagpapatuloy sa gitna ng ating dibdib pababa sa ating tiyan. Kaya naman sa pagbubuntis kung kailan mas nagpa-pump ng mas maraming dugo ang ating puso, mas nararamdaman natin ang pintig sa tiyan o ang pulso na nagmumula sa ating abdominal aorta.
Ganito rin ang maaaring maramdaman matapos kumain. Sapagkat para ma-digest ng tiyan ang ating kinain at ma-absorb ng katawan ang energy mula rito ay kailangan mag-pump ng ekstrang dugo sa ating tiyan. Kaya naman tulad ng pagbubuntis may mararamdaman tayong pintig sa tiyan matapos tayong kumain.
Maaari ring makaramdam ng pintig sa tiyan tuwing nakahiga at itataas ang ating tuhod. Ito pa rin ay dulot ng increased blood flow sa ating abdominal aorta na maaari nating makita ang pagpintig kung walang fat o taba ang ating tiyan.
Normal rin itong mararamdaman ng mga older adults na may healthy BMI o body mass index. Lalo na sa tuwing nahihiga o nauupo na kung saan bahagyang naiipit ang tiyan.
People photo created by freepic.diller – www.freepik.com
Kailan hindi dapat isawalang bahala ang nararamdamang pintig sa tiyan?
Maliban sa mga nabanggit na pangkaraniwang dahilan, ang pintig sa tiyan ay maaaring dulot din ng isang seryosong karamdaman. Maaaring ito’y dahil sa kondisyon na kung tawagin ay abdominal aortic aneurysm o ang paglaki ng aorta sa ibabang bahagi ng tiyan. Kung ito ay labis na lumaki ay maaari itong pumutok at magdulot ng internal bleeding na napaka-delikado.
Sintomas ng abdominal aortic aneurysm?
Ayon naman sa health website na Mayo Clinic, maliban sa pintig sa tiyan may iba pang sintomas na mararamdaman dulot ng kondisyon na abdominal aortic aneurysm. Ito ay ang constant pain o ang palaging pananakit ng tiyan o bahagi ng tiyan. Maaari rin itong sabayan ng pananakit ng likod o ang pag-pintig nga sa tiyan partikular na sa ating pusod.
Kung ang aortic aneurysm naman ay pumutok na, mas titindi ang sakit na nararamdaman sa likod at tiyan. Bababa rin ang pressure ng dugo at bibilis ng pintig ng pulso.
Madalas ang mga nabanggit na sintomas ng abdominal aortic aneurysm ay hindi mararamdaman. Hanggang sa ito pala’y pumutok na at nasa napakadelikadong stage na. Kaya payo ng mga doktor, ugaliing magpakonsulta. Lalo na kung may kakaibang nararamdaman sa iyong katawan.
BASAHIN:
20 paraan kung paano magpaliit ng tiyan
Masakit na tiyan, binti, o braso maaaring senyales na ng heat exhaustion o heat stroke
Bakit sumasakit ang tiyan ng buntis?
Image from Medical News Today
Dahilan ng abdominal aortic aneurysm
Maraming sinasabing dahilan kung bakit nararanasan ng isang tao ang abdominal aortic aneurysm, ilan nga sa mga ito’y ang sumusunod:
- Paninigas ng ugat o atherosclerosis. Nararanasan ito sa tuwing nagkakaroon ng fat build up sa lining ng ating blood vessel.
- High blood pressure na nagpapahina ng walls ng ating aorta.
- Blood vessel diseases ng nagdudulot ng pamamaga ng blood vessels.
- Infection sa aorta na maaaring dahil sa fungi o isang bacteria.
- Trauma o ng dahil sa isang aksidente kung saan natamaan ang tiyan.
Ang abdominal aortic aneurysm ay mas mataas ang tiyansang maranasan ng mga adults na edad 48-anyos pataas. Lalo na ang mga lalaking naninigarilyo. Ayon ito sa isang pag-aaral na nailathala sa online journal ng US National Library of Medicine. Kaya naman kung nasa mas mababang gulang at nakakaramdam ng pintig sa tiyan ay maaaring dulot ito ng mga pangkaraniwang dahilan na naunang nabanggit sa artikulong ito.
Subalit kung ikaw ay nasa 48-anyos na pataas at nakakaramdam ng mga nabanggit na sintomas ng sakit mabuting magpatingin sa iyong doktor. Lalo na kung nakakaranas o kabilang sa mga sumusunod:
- Naninigarilyo na nagpapahina ng aortic walls.
- May history sa inyong pamilya ang nagkaroon na ng karamdaman.
- Nakakaranas ng iba pang aneurysms maaaring sa likod ng tuhod o dibdib.
- May mataas na cholesterol level sa katawan.
- May mataas na blood pressure.
Photo by Kam Pratt from Pexels
Paano ito matutukoy at malulunasan?
Para matukoy kung abdominal aortic aneurysm nga ang nagdudulot ng pintig sa iyong tiyan ay kailangan mong sumailalim sa ultrasound scan. Nakadepende naman ang lunas nito sa laki ng iyong aneurysm. Pati na ang iyong edad at overall na kalusugan.
Kung ang aneurysm ay mas maliit pa sa 5 centimeters, maaaring magbigay ng medikasyon ang doktor para sa iyong high blood at cholesterol. Ipinapayo rin na itigil na ang paninigarilyo at sumailalim sa ultrasound scans kada 6-12 buwan.
Kung ang aneurysm naman ay lumaki na at naging 5cm na ang kabilugan ay dapat na itong maoperahan.
Paano ito maiiwasan?
Para naman ito ay maiwasan, narito ang mga dapat gawin:
- Huwag manigarilyo o umiwas sa second hand smoke.
- Kumain ng healthy o masusustansiyang pagkain.
- Panatilihing healthy ang iyong blood pressure at cholesterol level.
- Mag-exercise ng regular.
Source:
Healthline, NCBI, Medical News Today, Mayo Clinic
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!