Narito ang proseso at lahat ng dapat malaman tungkol sa benepisyong makukuha sa SSS death claims.
Kapag namatayan ng kaanak, lalo na asawa, anak o magulang, malulugmok ka sa lungkot at wala nang ibang maiisip kundi ang pagkawala ng pinakamamahal sa buhay. Pero pagkatapos ng lahat ng pagka-abala sa burol at libing, ano pa nga ba ang dapat asikasuhin?
Alam mo bang may mga makukuhang benepisyo ang pamilya ng isang pumanaw na SSS member?
Ang Social Security System ay isang malaking social insurance program sa Pilipinas. Ito ay isang government agency nag nagbibigay ng seguridad sa mga miyembro nito. Ang halos lahat ng mga empleyadong nagtatrabaho sa pribadong kompanya at government institutions ay miyembro ng SSS, dagdag pa dito ang mga miyembrong self-employed.
SSS death claims
May dalawang death claims ang ibinibigay ng SSS sa mga pumanawa nang mahal sa buhay: ang monthly pension at lump sum amount. Bukod pa dito, ibinabalik din ng SSS ang Funeral Expenses o lahat ng nagastos sa burol at libing (o cremation), basta’t may mga resibo na magpapatunay ng halaga nito.
Mga dapat tandaan:
- Buwanang pensiyon – Ang pangunahing (primary) beneficiary ng anumang SSS death claim ay ang legal na asawa at mga anak na wala pang 21 taong gulang. Ito ay kung ang namatay na SSS member ay nakapaghulog ng buwanang kontribusyon ng hindi bababa sa 36 buwan.
Titigil lang ang buwanang pensiyon kung ang primary beneficiary (asawa) ay mag-aasawa ulit. Para sa minor na anak, titigil ang pensiyon kapag siya/sila ay 21 taong gulang na.
- Lump sum amount – Kung ang kontribusyon ay hindi umabot sa 36 buwan, lump sum o buong halaga ang makukuha at walang buwanang pensiyon. Kung walang primary beneficiaries (asawa o anak), ang mga secondary beneficiaries o dependent parents ang makakakuha ng lump sum.
- Para sa Funeral Benefits, dapat ay nakapaghulog ng kahit na isang beses lang ang deceased member, kung siya ay voluntary, self-employed, o OFW. Kung empleyado, automatic ang benepisyo basta’t nakarehistro sa employer at nakabayad ito.
Ang halaga ng makukuha buwan-buwan man o lump sum ay depende sa laki ng kabuuang halaga na naihulog ng deceased SSS member, at ang kaniyang years of service. Ang mga dependent minor children, halimbawa, ay makakakuha ng hanggang 10% ng buwanang pensiyon ng deceased SSS member. Mayron ding 13th-month pension tuwing Disyembre and primary beneficiaries.
Para sa mga miyembrong namatay sanhi ng aksidente sa trabaho, dahil sa trabaho (occupational illness) o lugar ng trabaho, may makukuhang Employee Compensation Benefits ang mga beneficiaries.
Mga kailangang dokumento:
Magsadya sa tanggapan ng SSS para makakuha ng Death Claim Application (SSS Form DDR-1). Mayron ding downloadable form/s na makukuha sa website ng SSS. Maipapaliwanag ng opisyal ng SSS ang lahat ng hakbang at detalye, pati komputasyon ng pensiyon.
Narito ang mga dokumentong kakailanganin para ma-proseso ang iyong SSS death claims:
-
- Sinumpaang Sanaysay (Filer’s Affidavit) – mayron din nito sa tanggapan at website ng SSS
- Tatlong piraso ng Claimant’s photo (1×1 ID picture), kasama ang signature form at 2 valid IDs.
- Kung ang claimant ay legal na asawa ng namatay, kailangan ng PSA/NSO certified marriage certificate/contract at CSR Form no. 5 (katumbas ng CENOMAR) na magpapatunay ng legalidad ng kasal, at hindi pa ito na annulled o dissolved ng korte.
- Birth certificate/s ng mga minor children (certified ng LCR/NSO)
- Certified true copy ng death certificate (mula sa LCR/NSO, kung namatay sa Pilipinas); O mula sa vital statistics/census office ng equivalent agency at certified ng Philippine Embassy/Consulate, kung namatay sa ibang bansa.
- Para sa buwanang pensiyon: Single savings account passbook o ATM card na may katibayang (validated) deposit slip o Cash Card Enrollment Form
Siguraduhing lahat ng ito ay nagawan ng hanggang 3 kopya (photocopy) bago pa magtungo sa tanggapan para magpasa ng application.
Kung ang SSS death claimant ay secondary beneficiary:
- Kung single o wala pang asawa’t anak ang namatay na miyembro, kailangan ng birth certificate ng deceased SSS member at marriage certificate ng kaniyang mga magulang (certified ng LCR/NSO).
- Affidavit of Death Benefit (SSS Form CLD-1.3A) na makukuha din sa SSS office o website.
Iba pang affidavit na maaaring kailanganin:
- Joint Affidavit of Two Disinterested Persons, kung ang claimant ay legal heir o designated beneficiary (SSS Form CLD-1.3)
- Application for Appointment as Representative Payeee, kung ang claimant ay guardian ng minor o menor de edad na beneficiary (SSS Form CLD-15)
- Kailangan ding Report of Death (SSS Form BPN-105) kung ang pagkamatay ay may kinalaman sa trabaho o dahil sa trabaho.
Para sa Funeral Claim
Mabilis lang ang pag-proseso ng Funeral Claim, basta’t kumpleto ang mga dokumento na kailangang ipasa.
- Claim for Funeral Benefit (SSS Form BPN-103)
- Filer’s Affidavit (Sinumpaang Salaysay)
- Death Certificate na duly certified ng Local Civil Registrar o NSO
- Official Receipt ng binayaran, mula sa funeral parlor
- Affidavit of funeral expenses
- Litrato (ID photo) ng filer/claimant at mga valid IDs
Ipapasa ang lahat ng ito sa tanggapan ng SSS para masimulan ang pag-proseso ng cheke.
Saan maaaring ipasa ang mga dokumento at application para sa SSS death claims?
Magtungo sa pinakamalapit na opisina ng SSS o representative branch sa inyong lugar.
Para sa mga claimant na OFW, pero ang deceased member ay namatay sa Pilipinas, maaaring magpasa ng kumpletong application ng SSS death claim sa opisina ng SSS (na nasa Philippine Consulate Office) sa bansang pinagtatrabahuhan. Mabait naman at matulungin ang mga opisyal, kaya’t itanong na ang lahat ng gustong malaman dahil mas tatagal ang pag-proseso kapag may nakaligtaang dokument at requirements. Kakailanganin ng Philippine bank account dahil duon lamang maaaring maihulog ang monthly pension. Kung lump sum, sa Pilipinas din makukuha ang cheke.
Isang problemang personal kong naranasan ay ang pag-kalap ng lahat ng dokumento, lalo kapag nasa ibang bansa ka, at ang namatay na asawa, anak o magulang ay nasa Pilipinas. Natural na nasa Pilipinas din ang Death, Marriage, Birth Certificates na NSO Certified. Payo ng taga-SSS, magpagawa ng Special Power of Attorney na nagbibigay ng karapatan sa sinomang pinagkakatiwalaang pinakamalapit na kamag-anak o anak na nasa legal na edad. Siya ang pwedeng mag-asikaso ng lahat, basta hawak ang SPA. Sa bangko pa din ng claimant didiretso ang pension.
Kuwento ni Cora Sanchez, byuda at may tatlong anak, mabilis ang pag-proseso ng SSS death claim niya, ayon sa personal niyang karanasan. Basta’t lahat ng papeles ay hawak mo, hindi aabot ng isang buwan ay maibibigay na sa ‘yo ang benepisyo, o masisimulan na ang buwanang pensiyon.
Para din sa mga deceased SSS member na may naiwan pang loan sa SSS, kakailanganing ibawas ang balanse ng utang sa makukuhang halaga, saka pa makakapagsimulang mabigyan ng pensiyon ang mga beneficiaries.
Pero sa kabuuan, malaking tulong pa din ang anumang halaga na makukuha kaya’t dapat lang na pagpursigihin ang pag-proseso ng death claim na ito.
SOURCES: www.sss.gov.ph, POLO Dubai, SSS Department
Basahin: SSS salary loan: Gabay sa pag-apply
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!