Staphylococcal Scalded Skin Syndrome o SSSS, ito ang diagnosis ng doktor sa naging kondisyon ng isang isang taong bata na nagsusugat at nagbabakbak ang balat.
Image courtesy of Dr. Nikki James Francisco
Batang may Staphylococcal Scalded Skin Syndrome o SSSS
“Mataas na lagnat na may kasamang pamumula ng mata, kaunting ubo, at lumalapad na mga pantal sa katawan na kinalaunan ay nagsusugat at nagbabakbak kahit sa marahan lang na paghawak. Ang pagsusugat ay nagsimula umano sa kaniyang leeg hanggang unti-unting kumalat sa kaniyang mukha. Pati na sa kaniyang mga mata, dibdib at maseselang parte ng katawan.”
Ayon kay Dr. Nikki James Francisco, isang pediatrician ay ito ang mga sintomas na naranasan ng isang taong gulang na bata na kamakailan lang ay nagpunta para magpakonsulta sa kaniya.
Ang bata ay na-ospital at natukoy na may sakit na kung tawagin ay Staphylococcal Scalded Skin Syndrome o SSSS. Ano ang sakit na ito?
Image courtesy of Dr. Nikki James Francisco
Ano ang Staphylococcal Scalded Skin Syndrome o SSSS?
Ayon sa Rarediseases.org, ang staphylococcal scalded skin syndrome o SSSS ay isang disorder na nagdedevelop dahil sa toxin na nagpo-produce ng staphylococcal infection.
Ang toxin daw na ito ay mapanganib na unang naililipat sa balat na kumakalat hanggang sa dugo.
Inaatake nito ang outer layer ng balat na nagdudulot ng pamumula, pamamalat at pamamaltos ng balat na tila napaso.
Mas prone daw ang mga limang taong gulang na bata pababa sa pagkakaroon nito. Dahil wala pa silang antibodies para labanan ang nasabing toxin. At masyado pang immature ang kanilang kidneys para tulungan silang maalis ito ng mabilis sa kanilang katawan. Ngunit ang staphylococcal scalded skin syndrome ay maari ring maranasan ng mga matatanda.
Ayon naman sa Dermnet.org, ang staphylococcus aureus ang bacteria na nagdudulot ng staphylococcal scalded skin syndrome. Ito ay naidadala ng isang adult carrier sa isang bata o baby na mahina pa ang immune system na labanan ang sakit. Wala daw makikitang sintomas ang SSSS sa matandang mayroon nito. Ngunit mapanganib naman ang maaring maidulot nito sa bata o baby na mahahawaan niya ng sakit.
Ang staphylococcus aureus bacterium ay madalas na sumisiksik sa ating ilong. Kaya naman maihahawa o maililipat ito sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbahing. O kaya naman ay sa kahit anong direct contact na pinapasok ang balat sa pamamagitan sugat, rashes, o galos.
Maliban sa ilong ay madalas ring nananahan ang bacteriang ito sa mata, daluyan ng ihi, pusod, mababaw na gasgas sa balat at sa dugo.
Sintomas at lunas ng staphylococcal scalded skin syndrome
Ang SSSS ay madalas na nagsisimula sa isang lagnat. Sasabayan din ito ng irritability at pamumula ng balat ng taong mayroon nito. Sa loob ng 24-48 hours ay magsisimula ng mamaltos ang balat. At ito ay mabilis na mag-iitsurang lapnos o paso.
Ilan sa parte ng katawan na agad na mapapansin ito ay sa mukha, braso, ilong at tenga. Mabilis na kumakalat ito na maari ring mapansin sa kili-kili, legs at puwetan. Habang sa mga baby ay makikita ito sa kanilang diaper area at sa paligid ng kanilang umbilical cord.
Ang staphylococcal scalded skin syndrome ay nadidiagnose sa pamamagitan ng skin biopsy, Tzanck smear at pagkuha ng bacterial culture sa balat.
Nalulunasan naman ito sa tulong ng intravenous antibiotics na nangangailangan ng hospitalization.
Ang SSSS ay hindi naman delikado kung agad na malulunasan. Ngunit kung hindi, ito ay maaring magdulot ng severe infections tulad ng sepsis, cellulitis at pneumonia na nakakamatay.
Paalala ng doktor
Dahil dito ay may paalala si Dr. Francisco sa mga magulang.
“Huwag nating ipagwalang bahala ang mga simpleng sugat ng mga bata. Kung hindi sila gumaling sa antibiotic (oral man o topical), mas mainam na ibalik ito sa kanyang pediatrician.”
“Dahil tumataas na ang insidente ng methycillin-resistant staphylococcus aureus sa ating komunidad, ibayong pag-iingat ang kinakailangan upang maiwasan ang matitinding komplikasyon na dala ng mikrobyong ito.”
“Huwag kalimutan ang madalas na paghugas ng kamay at pagpapanitiling malinis ng katawan. Malaki ang naitutulong ng madalas na paghugas ng kamay upang maiwasan ang sakit na ito.”
Ito ang mga payo at paalala mula kay Dr. Francisco.
Makakatulong rin ang pagsisiguro na ang mga taong lumalapit o humahawak sa iyong anak ay may malinis na kamay at pangangatawan. Kung maari ay huwag siyang basta-basta pahahalikan dahil ang staphylococcus aureus ay madalas na naninirahan sa ilong at mas madaling maililipat sa kaniya.
Source: NCBI, Rarediseases.org, DermNet NZ, Medscape, Healthline
Basahin: Psoriasis: Sanhi, senyales, at paraan upang maibsan ang kondisyong ito sa mga bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!