Hindi ko pinapansin ang mga kuwentong tungkol sa pagkasuhi ng isang sanggol sa loob ng sinapupunan noong una akong nagbuntis.
Pero nang sabihin sa akin ng OB-Gyne ko na suhi si baby, ang una kong sanggol, bigla akong natauhan. Maaari rin pa lang mangyari sa akin, at totoo palang nakakatakot.
Nakatala na nasa 3 hanggang 4 na prosiyento ng pagbubuntis, o 4 sa bawat 100 pagbubuntis ay nagiging breech o suhi.
Ito ay ang pagbubuntis kung saan ang sanggol sa sinapupunan ay nakabaligtad ang posisyon. Imbis na nakaturo ang ulo sa puwerta ng nanay, ay nauuna ang mga paa.
Sa isang “normal” na pagbubuntis, karaniwang umiikot at napupunta ang bata sa posisyong naghahanda sa kaniya sa paglabas sa birth canal at puwerta—na nauuna ang ulo.
Kaya’t kapag sa ikatlong trimester na ay suhi pa din si baby, nakapag-aalala na ito para sa ina at sa kaniyang OB-Gyne.
“Bakit nagiging suhi? May ginawa ba akong mali?”
Ito ang tanong ng mga ina, at tinanong ko rin noon sa aking doktor. Ano nga ba ang sanhi ng pagka-suhi?
May iba’t ibang uri ng breech presentation: ang tinatawag na frank, complete, at footling o incomplete breech. Depende ito sa eksaktong posisyon ng sanggol, bagamat lahat ng tatlong ito ay nakatutok ang mga paa sa birth canal.
Suhi si baby: Ano ang dapat gawin?
Ito ay ang mga sumusunod:
Complete breech: Nakatupi ang mga binti at ang puwit (buttocks) ay nakaturo pababa, sa puwerta.
Footling o incomplete breech: Isa o parehong paa ay nakaturo pababa, at mauunang lumabas sa puwerta. Bago ang ibang bahagi ng katawan.
Frank breech: Nakaturo pababa sa puwerta ang puwit, diretso ang mga binti at ang mga paa, pataas, katapat ng ulo.
Walang makapagsabi kung bakit at paano ito nangyayari, kaya’t hindi ito kasalanan ng isang ina. Ayon sa aking OB-Gyne, maraming maaaring maging dahilan.
Una na nga ay kapag ang pinagbubuntis ay multiple, o kambal o triplets. Kung nagkaroon na ng premature birth sa mga naunang pagbubuntis, kung may fibroids sa uterus, o may placenta previa.
Maaari ring ang uterus ay may labis o kulang na amniotic fluid, kaya’t mas nakakagalaw ang bata at nakakaikot kaya’t bumabaligtad.
“Paano ko malalaman kung breech ang baby ko?”
Masasabing breech o suhi ang bata sa ika-35 o 36 na linggo pa lamang ng pagbubuntis. Ilang linggo bago ang due date, masasabi na ng OB-Gyne kung breech ang bata.
Sa pagkapa pa lamang ay malalaman na ito. Kasunod nito ay ang pagsasagawa ng ultrasound para masiguro ang posisyon ng bata.
May mga x-ray din na makapagsasabi kung ano ang eksaktong posisyon ng bata at ang sukat ng pelvis ng ina, para malaman din kung posible at ligtas ang vaginal delivery.
Kung mas maaga kasi, maaari pa itong umikot at pumosisyon nang walang kailangang intervention. Pero pagdating na ng ika-35 na linggo, masyado na iyong malaki para umikot pa sa sinapupunan, kaya’t mahihirapan nang itama ang pagkasuhi nito.
“Ano ang komplikasyon ng breech pregnancy?”
Ang komplikasyon ng kondisyong ito ay nasa oras ng panganganak. Ang pinakamalaking panganib ay ang mahirapang ilabas ang bata sa puwerta, maipit ang ulo nito dahil ang hihilahin ng doktor ay ang kaniyang mga paa at binti, o mahirapan sa paghinga at maubusan ng oxygen.
Gayunpaman, karamihan pa rin ng breech pregnancy ay naipapanganak pa rin ang sanggol ng maayos at malusog.
Ang mas mahalagang tanong, ano nga ba ang pinakaligtas na paraan ng pagpapaanak sa isang sanggol na suhi? Bago pa nagkaroon ng cesarean delivery o C-Section, natutunan na ng mga kumadrona o midwives ang pagpapaanak sa mga suhi. Yun nga lang, mas malaki ang panganib nito.
Suhi si baby: Ano ang dapat gawin? | Image from Shutterstock
Isang pag-aaral noong taong 2000 ng American Pregnancy Association ang may kongklusyon na sa 2,000 kababaihan sa 26 na bansa na ang Cesarean delivery ay mas ligtas kaysa sa vaginal birth kung breech ang sanggol sa sinapupunan.
Sa pag-aaral naman sa UK ng The British Journal of Obstetrics and Gynecology, mas malaki ang tyansa na maligtas ang bata kung ipapanganak ng Cesarean delivery kaysa vaginal birth, lalo pa’t espesyalista ang gagawa nito.
Maraming mga ina na nakaranas ng breech pregnancy ang nagsabing may mga magagaling at dalubhasang OB-Gyne ang kayang magpaanak ng suhi sa pamamagitan ng vaginal birth. Totoo nga ito, ngunit may malaking panganib o risk pa din.
“Naiikot pa ba ang pagkasuhi?”
Nang malamang ang pagbubuntis ko ay suhi, may mga ipinayo ang doktor na maaari kong gawin para umikot pa sa tamang posisyon ang baby ko.
Sapagkat may panahon pa at hindi pa siya ganon kalaki. Umikot nga siya at napunta sa birth position, ngunit nang ipapanganak na siya.
Nalaman namin na mayroon nang cord coil o napulupot na ang umbilical cord sa binti, kamay at leeg niya. Kaya’t hindi na maaaring ipilit pa ang vaginal delivery. Dito na nagpasiya ang doktor na mag-Cesarean delivery.
Mahalagang kumunsulta sa doktor para mapag-usapan kung ano ang pinakaligtas at gugustuhin ninyong paraan ng panganganak.
Bawat pagbubuntis ay “unique” at tanging doktor lang ang makapagbibigay ng diagnosis. At kayo lamang, kasama ang tatay ng bata, ang makakapag-desisyon kung ano ang pamamaraan ng panganganak.
Ang pagikot sa bata ay depende sa kung anong uri ng pagkasuhi ito at kung gaano din kalusog ang ina at ang bata.
Ayon kay pa Dr. Maria Theresa Tangkeko Lopez isang OB-gynaecologist sa Makati Medical Center,
“The baby by nature will position themselves properly. Somehow, I do believe that if they don’t there has to be a reason.
Whether your pelvis is not right or the baby is just too big o there’s a cord that prevents the baby from shifting.
I usually tell my moms, you know we wait, allowed the baby what it needs to do. Then we figure out what’s best to do on how deliver the baby.”
Ang pinakamainam pa rin na paraan ayon nga kay Doc Lopez ay maghintay na gumalaw ang baby saka dapat pagplanuhan ang the best option para ma-deliver ang baby.
May mga hilot bang puwedeng gawin para tumama ang posisyon ni baby?
Isa rin ito sa mga tanong ng ating mga mommy pero ang payo ni Doc Lopez,
“Yes there are and most of us would not stop a patient from trying. But we always say that you can do like yang mga hilot with caution.
Because sometimes it can cause problems with the baby, like you go to preterm labor and then especially these days you don’t wanna end up in an emergency c-section.
So we always cautioned those kind of technique in terms of like trying to reposition the baby.”
Kaya naman mahalaga na kumunsulta agad sa iyong doktor bago sumubok ng ganitong paraan sapagkat maaaring maging mapanganib para sa inyo ni baby ang hakbang na ito.
Ano ang External version?
Ang External version (EV) ay isa ring pamamaraan o procedure kung saan ang doktor ay iiikot ang bata para mapunta sa tamang posisyon ng panganganak, sa labas lamang ng tiyan.
Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists, ipinapayo ito ng mga OB GYN kung ang pagbubuntis ay nasa gitna ng ika-36 at ika-38 na linggo ng pagbubuntis. Ginagawa sa ospital dahil kailangan ng masusing obserbasyon bago at pagkatapos gawin ang procedure.
Ang paggamit ng Essential oil tulad ng peppermint ng ibang ina ay sinasabing nakakatulong sa pag-stimulate sa sanggol na umikot ng kaniya sa sinapupunan.
Kumunsulta sa doktor bago gumamit ng essential oil, dahil maaaring may mga uri nito na hindi mabuti para sa pagbubuntis.
Suhi si baby: Ano ang dapat gawin? | Image from Freepik
Suhi si baby: Kausapin si dok
Sa oras na malamang suhi ang pagbubuntis, ang pakikipag-usap sa doktor ang susi sa ligtas at malusog na pagbubuntis at panganganak.
Tanging ang doktor lamang ang makapagsasabi kung ano ang mga panganib at benepisyo ng C-section o vaginal birth para sa iyong kondisyon.
Siya rin ang makapagsasabi kung paano mo higit na mapapangalagaan ang sarili, at ang sanggol bago ito ipanganak.
Sinasabing posible pa rin ang vaginal birth kung ang bata ay naipagbuntis ng buo ang bilang ng linggo o full-term at nasa frank breech presentation.
Hangga’t malusog ang sanggol at maayos ang heart rate nito, at hindi ito masyadong malaki para mailabas sa puwerta ng ina. Kakailanganin ng anesthesia at dapat ay may nakahandang plan B—ang C-section.
WebMD, William’s Obstetrics Twenty-Second Ed. Cunningham, F. Gary, et al, Ch. 24. Danforth’s Obstetrics and Gynecology Ninth Ed. Scott, James R., et al, Ch. 21.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!