Hindi lahat ng Pilipino ay nabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa kolehiyo, at mahirap din ang makapagtapos nito. Kaya’t para kay Lucille Guiquin, hinding hindi niya sinayang ang binigay sa kaniyang pagkakataon na makapag-aral.
Responsable at masipag si Lucille
Tubong Negros Occidental, si Lucille Guiquin ay unang nagtrabaho bilang yaya o tagapag-alaga para sa mga Benzon noong 2006. Ayon kay Roland Benzon, responsable daw at masipag si Lucille pagdating sa kaniyang trabaho.
Ni minsan daw ay hindi nila nakitang gumagamit si Lucille ng cellphone kapag inaalagaan ang noong 6 na taong gulang nilang anak na si Joshua. Aniya, tutok na tutok daw ito sa trabaho, at ito raw marahil ay nakatulong sa kaniya upang makatapos ng pag-aaral.
Nakita nila ang kaniyang potensyal
Ayon sa mga Benzon, nakita nila ang potensyal ni “Ate Lucille” noong tinulungan nito si Joshua sa pagrereview sa pamamagitan ng paggawa ng reviewer.
Binasa daw ni Ate Lucille ang libro ni Joshua, at gumawa pa ng sample exam para sa bata. Dito nila naisip na kayang-kaya ni Lucille na mag-aral sa kolehiyo, ngunit hindi lang siya nabigyan ng pagkakataon para makapag-aral.
Napagdesisiyunan nila na pag-aralin si Lucille sa kolehiyo kapag 10 taong gulang na si Joshua. Di naglaon, tinupad nila ang kanilang pangako, at pinag-aral nila si Lucille.
Hindi madali, pero nakapagtapos siya ng pag-aaral
Noong una, nahirapan si Lucille na pagsabayin ang kaniyang pagiging yaya at ang pag-aaral ng Hotel and Restaurant Management o HRM. Ngunit di nagtagal, natutunan din ni Lucille balansehin ang trabaho at ang pagpasok sa eskwelahan.
Aniya, “Minsan po nagkakasabay ang aming exams ng alaga ko. Ginagawa po namin, siya muna rereview ko tapos ako naman.”
Pinatunayan din ni Lucille na tama ang mga Benzon sa binigay nilang pagkakataon sa kanya, dahil pinilit niyang maging Dean’s Lister upang mas makatipid sa tuition. At sa kabutihang palad ay nakapagtapos si Lucille ng cum laude.
“Proud din po ako sa sarili ko dahil nakaya ko lahat-lahat ng mga challenges sa aking buhay kahit na malayo po ako sa aking parents at mga kamag-anak, na nakaya ko pagsabayin ang pag-aaral ko at pagtatrabaho,” sabi ni Lucille.
Para naman sa mga Benzon, natuwa sila na tama ang kanilang paniniwala na may nakatagong potensyal si Lucille, at masayang-masaya sila na nakapagtapos na ito ng pag-aaral.
Source: gmanetwork.com, rappler.com
READ: 7 things to keep in mind when looking for the perfect yaya
Be sure to check out theAsianparent Community for more insightful stories, questions, and answers from parents and experts alike. If you have any insights, questions or comments regarding the topic, please share them in our Comment box below. Like us on Facebook and follow us on Google+ to stay up-to-date on the latest from theAsianparent.com Philippines!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!