4D ultrasound sa buntis, mahalaga nga bang gawin?
Sa artikulong ito ay mababasa ang sumusunod:
- Ano ang 4D ultrasound sa buntis?
- Ano ang mga birth defects na natutukoy nito sa pagdadalang-tao.
Para sa ating mga magulang ang siyam na buwan na pagbubuntis ay napakahaba bago natin makita ang ating sanggol. Kaya naman habang nasa tiyan ay nagbibigay excitement sa atin na makita ang kaniyang development.
Mula sa maliit na fetus na unti-unting nagkakaroon ng heartbeat. Ang maliit niyang katawan at pati na maliliit na daliri sa kaniyang mga paa at kamay.
Ito ay posible nating nagagawa sa tulong ng 2D ultrasound. Sa tulong ng 2D ultrasound ay nagkakaroon tayo ng black and white na larawan ng ating dinadalang sanggol sa tiyan.
Sa ngayon, dahil sa teknolohiya ay maaari naring makakuha ang 3D image ni baby. Pati na ang 4D image niya na mas malinaw kumpara sa 2D ultrasound.
Mas detalyado rin ito na mas nagpapa-excite sa mga expecting parents sa pagsilang ng kanilang sanggol. Ngunit ano nga ba ang 4D ultrasound at dapat bang kumuha ka nito para sa iyong sanggol? Alamin dito ang mga dapat mong malaman tungkol sa 4D ultrasound sa buntis.
Ano ang 4D ultrasound sa buntis?
Ang 4D ultrasound ay katulad rin sa 3D ultrasound na gumagamit ng multiple two-dimensional images ng sanggol na kinukuhanan sa iba’t ibang anggulo.
Ang mga imaheng ito ay pagsasama-samahin para makabuo ng 3D dimensional image ni baby. Pero kung gusto mong ang mga larawang ito ay makikita sa pamamagitan ng isang video, imbis na 3D ay 4D ang dapat gawin mong ultrasound.
Sa 4D sonogram ay makikita mo ang real-time na ginagawa ng iyong sanggol. Tulad ng pagsipsip niya sa kaniyang thumb o hinlalaki at ang pagdilat at pagpikit ng mga mata niya.
Kailan ka dapat kumuha ng ultrasound?
Image Source: Pexels
Ang mga buntis na may low-risk at complication free na pagbubuntis ay dapat sasailalim sa ultrasound isang beses sa loob ng 9 na buwang pagdadalang-tao.
Ito nga ay inirerekumendang gawin ng mga doktor sa pagitan ng 28 at 32 weeks ng pagbubuntis. Ngunit kung nagbubuntis ng kambal o mas maraming sanggol, ito ay dapat gawin sa pagitan ng 22 at 27 weeks ng pagdadalang-tao.
Maaaring mabago ang inirerekumendang oras o panahon ng pagkuha ng ultrasound ng buntis kung siya ay may edad na o kaya naman ay nakakaranas ng pregnancy complications.
Ang iyong doktor ay ire-request kang sumailalim sa ultrasound sa buntis dahil sa mga sumusunod na dahilan.
- Para makumpirma ang estimated due date mo ng panganganak.
- I-check ang heartbeat ng iyong sanggol.
- Masigurong nasa loob ng matris ang iyong fetus at hindi ectopic ang pagbubuntis.
- Para makumpirma ang bilang ng sanggol na iyong pinagbubuntis.
- Para masukat ang laki ng mga organs ng sanggol.
- Ma-check ang posisyon at development ni baby.
- Malaman ang gender o kasarian ng sanggol.
- Take kung may possible bang birth defects na nararanasan ang sanggol.
- Ma-check ang level ng panubigan o amniotic level ng buntis.
BASAHIN:
Maaari bang magkamali ang ultrasound sa gender at due date ni baby?
Presyo ng ultrasound sa Pilipinas
Mga magulang, kinilabutan nang makita ang ultrasound ng kanilang sanggol
Kailan dapat sumailalim sa 4D ultrasound ang buntis?
Madalas ang mga doktor ay inirerekumenda ang 2D ultrasound at Doppler ultrasounds sa mga hindi komplikadong pagdadalang-tao. Ang pagsailalim sa 4D ultrasound ay optional o nakadepende sa kagustuhan ng nagbubuntis na babae.
Ang mga doktor ay gagamitin lang ang option na ito sa oras na kailangan nilang mahigpit na i-eksamin ang ipinagbubuntis sa sanggol na may suspected fetal abnormalities. Tulad ng mga sumusunod:
- Spinal cord issues
- Cleft lip
- Neural tube defects
- Skeletal anomalies
- Brain defects
- Potential genetic disorders tulad ng down syndrome o trisomy 18
- Congenital heart defects
- Kidney defects
Samakatuwid, ang 4D ultrasound ay hindi kabilang sa routine ng prenatal exams. Kaya naman kung gusto mong subukan at sumailalim rito ay kailangan mo pang i-request sa iyong doktor. Dahil isa sa mga dahilan nito kung bakit ay mas may kamahalan ito kumpara sa 2D ultrasound.
Paano isinasagawa ang 4D ultrasound?
Image Source: Pexels
Ang pagsasagawa ng 4D ultrasound ay walang ipinagkaiba sa iba pang ultrasound scans. Una ay kailangang mag-apply ng technician o doktor ng gel sa iyong tiyan para makuha ang sound waves sa loob nito.
Saka nila sunod na hahawakan ang handheld device na kanilang ipapaikot-ikot sa iyong tiyan. Ito ay tinatawag na transducer na siyang nakakakuha ng imahe ni baby.
Ligtas ba ang 4D ultrasound?
Sa ngayon, itinuturing namang ligtas ang 4D ultrasound sa mga buntis na ina at kanilang sanggol. Pero ito ay hindi inirerekumenda ng mga doktor dahil sa patuloy pa ring pinag-aaralan sa ngayon ang safety ng ultrasound technology.
Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) bagamat wala namang masamang epekto ang ultrasound sa mga buntis, ito ay dapat ginagamit lang para sa mga medical na kadahilanan.
Base naman sa American Food and Drug Administration (FDA) kapag ang ultrasound ay pumasok sa katawan, pinapainitan nito ng bahagya ang mga tissues.
Ito ay nagdudulot ng maliliit na pockets ng gas sa tissues at body fluids. Ang mga long-term effects ng pagkuha ng 4D-ultrasound ay hindi pa tukoy sa ngayon.
Inirerekumenda ng ACOG na sumailalim sa ultrasound ang buntis sa pagitan ng 18th at 22nd week ng pagbubuntis na kung saan karamihan ng mga babaeng buntis ay nakasailalim na sa ultrasound sa unang trimester ng pagdadalang-tao.
May ilang 4D ultrasound sa buntis ang maaring tumagal ng hanggang sa 45 minuto. Ito ay matagal kumpara sa medical scan. Maaari itong makaistorbo sa fetus na lumalaki at nagde-develop sa loob ng tiyan. Pero madalas ang mga 4D ultrasound ay hindi tumatagal ng 15 minutes kung isagawa.
Baby photo created by prostooleh – www.freepik.com
Bagama’t ang mga pagkuha ng ultrasound ay isang special moment sa pagbubuntis, hindi naman matutumbasan nito ang pakiramdam na makita at mahawakan ang iyong sanggol sa oras na siya ay maipanganak na.
Kaya naman hangga’t hindi kinakailangan ay iwasan ang pagsailalim sa 4D ultrasound sa buntis. Gawin ito hanggang sa hindi pa natutukoy kung ligtas ba itong isagawa sa regular na paraan.
Ang artikulong ito ay orihinal na inilathala sa wikang Ingles sa theAsianparent Singapore at isinalin sa wikang Filipino ni Irish Mae Manlapaz.
Source:
Eastern Journal of Medicine
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!