Isang misteryosong sakit ang kinakatakutan ngayon ng mga magulang sa America. Ito ay tinatawag na acute flaccid myelitis (AFM), isang sakit na nagiging sanhi ng pagkaparalisa sa mga bata.
Katulad ito ng polio kung saan nagkakaroon ng panghihina at pagkaparalisa ang kamay at paa ng maysakit. Ngunit walang bakuna laban dito, at hindi rin masasabi kung sino ang magkakaroon ng ganitong kondisyon.
Ating alamin kung ano ang gamot sa sakit na ito, at kung paano nagkakaroon ng acute flaccid myelitis ang mga bata.
Acute flaccid myelitis: Ano ang sanhi nito?
Lumalabas ang AFM matapos ma-infect ng isang virus tulad ng poliovirus, West Nile virus, o adenovirus ang isang tao. Kahit sino ay puwedeng magkaroon nito, ngunit pinakanaapektuhan nito ang mga bata.
Naapektuhan ng AFM ang spinal cord ng isang tao, kung saan nagkakaroon dito ng inflammation o pamamaga. Dahil dito, nanghihina ang mga muscles sa braso at paa, at minsan ay nagiging sanhi pa ng pagkaparalisa!
Ang mga sintomas nito ay panghihina, pagbagsak ng mukha, nahihirapang galawin ang mga mata, nahihirapang lumunok, at nahihirapang magsalita. Minsan, kinakailangan pa silang tulungan upang umihi at dumumi, at sa mga mas malalang kaso, kinakailangan silang ilagay sa respirator upang makahinga.
Wala ring gamot para sa AFM. Ang madalas na ginagawang paraan ng paggamot dito ay tinatawag na “aggressive supportive care.” Bukod dito, kailangan lang hintayin na lumipas ang sakit.
May mga long-term effects ba ito?
Bagama’t maraming bata ang gumagaling sa sakit na ito, minsan ay nagkakaroon pa rin ng long-term effects ang AFM sa mga bata.
Ito ay dahil puwede itong makapinsala sa spinal cord o sa nervous system ng isang tao. May mga kaso kung saan mahigit isang taon ang inaabot bago bumalik sa dati ang lakas ng katawan.
Bukod dito, kinakailangan din ng matinding physical therapy para sa mga nagkaroon ng AFM. Mahaba-habang gamutan ang kailangan para sa sakit na ito, at hindi rin madali ang pag-recover.
Dapat bang mag-alala ang mga magulang?
Sa kabutihang-palad, bihira ang sakit na ito. May mga kaso kung saan kahit nagkaroon ng virus na sanhi ng AFM ang isang bata, ay hindi naman sila nagkaroon ng AFM.
Ngunit hindi pa rin dapat balewalain ang sakit na ito. Mahalagang alamin ng mga magulang ang sintomas at epekto ng sakit na ito, at dalhin agad sa ospital ang kanilang anak kung pinaghihinalaan nila na mayroong AFM ang bata.
Mahalagang maagapan agad ang karamdaman na ito upang mabigyan ng treatment ng mabilisan. Nakakatulong rin ang paghuhugas ng kamay, at paglilinis ng paligid upang masiguradong hindi kumalat ang mga virus na sanhi ng AFM.
Source: Yahoo
Basahin: Polio: Nearly eradicated but still paralyzes children worldwide
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!