Polio sa Pilipinas ikinatatakot na madagdagan pa ang bilang ng biktima. Ito ang babala ng DoH sa mga magulang lalo na sa may mga anak na hindi pa nabibigyan ng vaccine laban sa sakit.
Polio sa Pilipinas
Maliban sa kumpirmadong kaso ng polio sa Pilipinas mula sa probinsya ng Laguna at Lanao del Sur ay may 7 hinihinilang kaso ng polio sa Zamboanga ang kasalukuyang binabantayan ng DoH o Department of Health.
Ayon kay Dr. Dennis Dacayanan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit o RESU ng Region 9, ang pitong hinihinilang kaso ng polio ay nagmula sa 15 suspected cases ng Acute Flaccid Paralysis o AFP. Walo sa mga ito ay nakumpirma ng negatibo sa polio. Habang ang 7 ay hinihintay parin ang resulta ng pagsusuri mula sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM ng DoH.
Ang AFP o Acute Flaccid Paralysis ay ang sudden onset paralysis o weakness sa mga parte ng katawan ng bata na 15 taong gulang pababa.
Sa ngayon ay hindi pa tukoy kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito. Ngunit, ayon sa mga eksperto ito ay kaiba sa sakit na polio dahil sa AFP maaring makaranas lang ng polio-like symptoms ang isang bata tulad ng paralysis o weakness sa katawan o muscle habang ang resulta ng kaniyang test sa sakit na polio ay negatibo.
Dahilan ng kaso ng polio sa Pilipinas
Dagdag naman ng DoH, isa sa tinuturong dahilan ng pagkakaroon ng hinihinilang kaso ng polio sa Zamboanga Peninsula ay ang mababang bilang ng mga batang nabigyan ng bakuna laban sa sakit.
Dahil base sa tala ng DoH Region 9, tanging 71% lang ng mga bata sa rehiyon ang nabigyan ng bakuna laban sa polio noong nakaraang taon. Ito ay malayo sa 95% target ng DoH sa kanilang vaccination coverage.
Ang mga itinuturong dahilan ng mababang porsyentong ito ay ang remote location na tinitirhan ng mga bata, kakulangan sa kaalaman at awareness ng mga magulang sa kahalagahan ng vaccine at ang takot na dulot ng Dengvaxia controversy.
Vaccine laban sa sakit na polio
Kaya naman hinihikayat ng DoH ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang anak laban sa polio. Ito ay libre namang ibinibigay sa mga health centers.
“May tatlong uri ng polio virus. ‘Yong isang virus kunyare kung nabakunahan ka lang sa type 1, type 1 ka lang protektado. Dapat sa kada uri ng polio virus dapat maka-receive ka ng 3 doses of vaccines.”
Ito ang pahayag ni Dr. Chito Avelino mula sa Epidemiology Bureau ng DoH.
Samantala, ayon naman kay Dr. Nikki James Francisco, isang pediatrician ay may bagong nailathalang gabay ang Philippine Pediatric Society at Philippine Infectious Disease Society of the Philippines sa pagbabakuna sa mga bata laban sa polio.
Ito ay para masigurado ang proteksyon ng mga bata na most vulnerable sa sakit.
“Ang unang polio vaccine o OPV ay maaring ibigay sa pagkapanganak ng sanggol ngunit ito ay hindi kasama sa bilang ng polio series. Ang actual polio series ay magsisimula sa ika-6 na linggo ng sanggol na kung saan may dalawang doses itong kasunod na ibinibigay ng hindi bababa sa pagitan ng apat na linggo o isang buwan.
“Sa ikatlong dose ng OPV o Oral Polio Vaccine ay saka ibibigay ang unang inject ng polio vaccine o IPV.”
“Pagkatapos ng primary series na ito ay dapat paring makatanggap ng dalawa pang booster shots ang isang bata. Ang una ay sa kaniyang ika-12 to 15 month. At ang pangalawa ay sa pagitan ng kaniyag ika-4 hanggang ika-6 na taong gulang.”
Ito ang pagpapaliwanag ni Dr. Francisco sa pagbibigay ng polio vaccine sa mga bata.
Paalala mula sa mga eksperto
Samantala, bilang dagdag na proteksyon ng mga bata laban sa sakit ay hinihintay parin ang pagdating sa bansa ng monovalent vaccine para sa polio virus type 2 na natuklasang tumama sa 2 kumpirmadong kaso ng polio sa Laguna at Lanao del Sur.
Lahat ng bata, nabakunahan man o hindi ng mga naunang series ng polio vaccine ay dapat mabigyan ng monovalent vaccine na ito.
Ayon sa DoH, nakatakda silang magsagawa ng massive vaccination sa buong bansa sa oras na dumating ang monovalent vaccine ngayong Oktubre.
May dagdag na paalala naman si Dr. Francisco sa mga magulang.
“Dahil ang pagkalat ng polio virus ay sa pamamagitan ng feco-oral route, mahalagang pakatandaan na kasinghalaga ng ating bakuna ang pagpapanatili ng malinis na katawan at kapaligiran, at pagpapanatili ng maayos na nutrisyon ng ating mga anak.”
Paalala naman ng DOH ay dapat panatilihin rin ang proper hygiene sa pagdumi lalo na sa mga public toilets. Siguraduhin ding laging maghuhugas ng kamay, malinis ang tubig na iniinom at niluluto ng maigi ang pagkaing hinahain. Sa pamamagitan ng mga paraan na ito at pagkakaroon ng sapat na bakuna ay malalabanan ang sakit na polio.
Source: Philippine News Agency, Medscape, CDC, GMA News
Basahin: Polio Virus Type 2 ang dumapo sa bansa; bakuna paparating pa lang ngayong October
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!