Binahagi ni Anne Clutz sa kaniyang vlog na nagkaroon siya ng perinatal depression na hindi niya inaakalang mararanasan ng mga buntis na tulad niya. Alamin dito kung ano ang kondisyon na ito.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Anne Clutz sa naranasang perinatal depression.
- Ano ang perinatal depression.
Anne Clutz sa naranasang perinatal depression
Balik sa kaniyang vlog ang pregnant na si Anne Clutz matapos ang mahigit isang buwan na pagpapahinga. Ayon sa kilalang vlogger, kinailangan niyang mamahinga para narin sa ikakabuti ng kalusugan niya.
“After 1 month ito yung pinaka-mahaba kong pahinga. And it feels good, no regrets talagang I took time for myself. Kailangan kong magpahinga at mag-focus sa sarili ko.”
Ito ang bungad ni Anne Clutz sa pinaka-bago niyang vlog.
Ayon sa mommy vlogger, ang ginawa niyang pagpapahinga ay para narin sa kasalukuyan niyang pagdadalang-tao. Dahil si Anne nakaranas umano ng mga sintomas ng anxiety at depression habang buntis.
“Nag-shut down ako, broke down. Naging withdrawn ako sa lahat. Kahit na sa family, talagang hindi ako lumalabas ng kwarto. May mga dadalaw na kaibigan nagdadahilan ako na I cannot.”
“Hindi sa ayaw pero may part of me na parang hindi ko mai-enjoy yung company nila. Kasi ‘yong company nga ng sarili ko hindi ko ma-enjoy. In short, hindi ako masaya. Nandoon ako sa the darkest place na hindi ko naramdaman ever before.”
Ito umano ang ilan sa sintomas na nararanasan ni Anne noong nakaraang buwan.
Kuwento niya, ang mga feelings na ito dala ng mga problemang dumating sa kanilang pamilya. Dumagdag pa ang pag-aalala niya sa kaniyang pagbubuntis.
Dahil pag-amin ni Anne natatakot siya na maaring baka may mali na naman sa pagdadalang-tao niya. Tulad ng nangyari sa pangalawa niyang anak na si Joo na natukoy na may level 3 Autistic Spectrum Disorder.
“Siguro traumatic yung last yung kay Joo kasi never pumasok sa isip ko na magkakaroon ng something wrong. Kasi ang ganda ng feeling ko noon ng pinagbubuntis si Joo. Wala talaga akong problema. Physically ok lahat.”
Ito ang sabi pa ni Anne Clutz sa kaniyang YouTube vlog.
Dahil sa mga naranasang sintomas agad na humingi ng tulong si Anne sa isang espesyalista at doon nga natukoy na siya ay nakakaranas ng perinatal depression.
“Hindi ko alam kung dahil siguro ba buntis ako kaya nag-level up ‘yong emotions ko, sobrang emotional. Yun ‘yong point na na-realize ko na kailangan ko na ng tulong. Kasi ayokong dumating yung time na manganak ako at maging postpartum depression pa siya.”
Ngayon si Anne ay sumasailalim sa psychotherapy para maibsan ang sintomas ng perinatal depression niya. At para narin hindi ito lumala at magpatuloy matapos niyang manganak.
“Ang laking tulong ng mag-start ako ng psychotherapy last month. Nasa borderline na ako ng depression.”
“May mga araw na ok, may good days paggising. Pero may mga araw na ‘para saan pa ba?’ Ayun yung mga naiisip ko.”
“Totoo ‘yong perinatal depression sa pagbubuntis. Mas common kasi yung postpartum pero meron rin pala na ganun na parang pasan ko yung mundo.”
Ito ang sabi pa ni Anne na kasalukuyang nasa 6 months na ng kaniyang pagbubuntis.
BASAHIN:
Masakit na ulo habang buntis? 6 home remedies sa masakit na ulo kapag buntis
Viy Cortez nagdesisyon na sumalang sa Caesarean section delivery: “Natatakot ako na mag-normal.”
Bangs Garcia umaming nakaranas ng depression: “Na-realize ko hindi ako puwedeng housewife talaga.”
Ano ang perinatal depression?
Marami sa atin ang pamilyar na sa tinatawag na kondisyong postpartum depression. Ito ang uri ng depression na nararanasan ng mga babaeng bagong panganak. Madalas ito ay dala ng pagod at pag-aalala sa bago nilang responsibilidad.
Pero ayon sa mga eksperto, ang mga buntis ay maaari ring makaranas ng parehong sintomas ng postpartum depression. Ito ay tinatawag na perinatal depression na may mga sumusunod na sintomas.
- Pagkaramdam ng labis na pagod.
- Hirap sa pagtulog na hindi dulot ng maya-mayang pag-ihi.
- Emotional changes.
- Madalas ng pag-iyak.
- Fatigue o kawalan ng energy.
- Walang gana o labis na gana sa pagkain.
- Labis na anxiety o pag-alala.
- Poor fetal attachment o hirap na magkaroon ng koneksyon sa ipinagbubuntis na sanggol.
- Wala ng gana o hindi na nai-enjoy ang mga activities na hilig mong gawin noon.
Larawan ginawa ng rawpixel.com mula sa Freepik
Paano ito malulunasan?
Ang mga lunas na ginagawa sa perinatal depression ay tulad rin ng treatment na ginagawa sa iba pang uri ng depression.
Sa oras na makaramdam ng sintomas ng perinatal depression ang buntis, mabuting agad siyang magpunta sa doktor at ibahagi ang kaniyang nararamdaman. Ito ay para mabigyan siya ng atensyon medikal na kaniyang kailangan. Siya ay maaring bigyan ng mga anti-depressants na ligtas sa kaniyang pagbubuntis.
Siya ay maari ring sumailalim sa talk therapy o iba pang alternative treatments tulad ng massage o acupuncture. Dahil sabi pa ng mga eksperto, ang prolonged depression ay maaring makasama sa buntis at kaniyang baby. Kaya naman dapat hangga’t maari ay mabigyan sila ng early assessment at care na kanilang kailangan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!