Ano ang Endometriosis?

Ano ang Endometriosis?

Narito ang mga sintomas, sanhi at paggamot sa sakit na ito ng mga kababaihan

Halos lahat ng babae ay dumadaan sa pananakit ng puson kapag may kabuwanang dalaw. Kaya’t minsan, ang endometriosis ay hindi kaagad nalalaman o nada-diagnose dahil napapagkamalan lamang na karaniwang menstrual cramps.

Iba-iba ang sintomas ng endometriosis sa bawat babae. Ang iba ay halos hindi nararamdaman at kayang indahin ang pananakit, habang ang iba ang labis naman ang nararamdaman na sakit. Ang pelvic pain o pananakit ng balakang at pelvic area ang pinakakaraniwang sintomas ng sakit na ito.

Ang mga pangunahing sintomas ng Endometriosis
  • Labis na pananakit ng puson o lower abdomen kapag may regla, o bago pa man dumating ang regla
  • Malakas na menstrual bleeding o pagdurugo kahit wala pa ang buwanang regla o dysmenorrhea
  • Infertility
  • Pananakit pagkatapos ng pakikipagtalik
  • Discomfort kapag may bowel movement at/o pag-ihi
  • Pananakit ng lower back kapag may regla
  • Iba pang sintomas: fatigue o labis na pagkapagod, diarrhea, constipation, bloating o nausea, lalo kapag may regla.

Karaniwan ding walang nararamdamang sintomas, o isa o dalawa lamang ang sintomas na nakikita, kaya’t nabibigla na lamang ang iba na mayroon na pala silang sakit.

Mahalagang may regular gynecological exam, para ma-monitor ng doktor (OB-Gyne) ang anumang pagbabago sa iyong katawan at kalusugan.

Ano nga ba ang Endometriosis?

Ang endometriosis ay ang abnormal na pagdami o paglago ng endometrial cells, na kapareho ng nasa loob ng uterus. Ang mga cells na ito—o endometrium—ay lumalago sa labas ng uterus, at sa ibang organs sa pelvic area tulad ng obaryo, fallopian tube, at sa tissue lining ng pelvis.

Hindi pa natutunton ang sanhi nito. Ang alam lamang ay ito ay mas karaniwan sa mga kababaihang nakakaranas ng infertility, kaysa sa mga fertile. Ngunit hindi ito ang sanhi ng infertility.

Sa kondisyong ito, tuloy pa rin ang paglago, pagkapal, at pagdurugo (para sa buwanang regla) ng endometrial tissue, na animo’y nasa loob pa rin siya ng uterus. At dahil walang mapapaglabasan, nakukulong ito sa loob ng katawan.

Kapag naapektuhan na ang obaryo, mabubuo ang mga cysts na tinatawag na endometriomas. Naiirita ang nakapaligid na tissue, at nasusugatan ang mga ito. Ito ang sanhi ng pagdurugo at labis na pananakit, lalo kapag may regla. Dito rin nag-uugat ang mga problema sa pagbubuntis.

Ano ang Endometriosis?
Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Sa unang hudyat pa lang ng labis na pananakit, o labis na pagdurugo kapag may regla, o sa pagitan ng buwanang dalaw, magpatingin na agad sa OB-Gyne. Ang early diagnosis, o maagap na pag-alam kung may ganitong karamdaman ay makakatulong na mapigil pa ang paglala nito.

Ano ang sanhi nito?

Katulad ng nabanggit, walang eksaktong sanhi ng sakit na ito. Ngunit may mga posibleng dahilan.

Ang isa ay ang retrograde menstruation, o ang pagdaloy ng menstrual blood na may endometrial cells pabalik sa fallopian tubes at sa pelvic cavity, imbis na mailabas ito sa katawan (sa pagreregla).

Ang mga displaced endometrial cells na ito ay dumidikit sa pelvic walls at pelvic organs, at duon na lumalaki at kumakapal sa tuwing magkakaregla.

Ang transpormasyon ng peritoneal cells naman ay ang pagpapabago ng mga ito na nasa loob ng abdomen, at pagiging endometrial cells nito, gawa ng mga hormones at immune factors.

Ang embryonic cell transformation naman ay sanhi ng estrogen hormones. Binabago daw nito ang embryonic cells at ginagawang endometrial cell implants sa panahon ng puberty.

May surgical scar implantation din, kung saan pagkatapos ng isang surgery tulad ng hysterectomy o C-section, ang mga endometrial cells ay kumakapit sa hiwa o surgical incision.

Ang endometrial cells transport naman ang pagdadala ng mga blood vessels o tissue fluid (lymphatic) system sa mga endometrial cells papunta sa ibang bahagi ng katawan.

At ang huli ay ang immune system disorder, kung saan ang problema sa immune system ay nagiging sanhi ng kakulangan sa panlaban o pagsira sa endometrial tissue na lumalago sa labas ng uterus.

Mga komplikasyon

Ang pangunahing komplikasyon nito ay ang impaired feritlity o problema sa pagbubuntis. Halpos ikatlo o kalahati ng kababaihan na may endometriosis ay hirap nang mabuntis. Hinaharang kasi ng endometriosis ay fallopian tube at nakakahadlang sa pag-iisa ng sperm at ng itlog. Minsan naman, tahasang nasisira nito ang itlog o ang sperm.

May mga kababaihan pa rin na natutuloy magbuntis kahit may ganitong kondisyon, sa tulong ng espesyalista at OB-Gyne.

New Research Shows Fertility Treatment is More Effective Than Ever

photo: dreamstime

Paggamot

Walang kilalang paggamot na makakatanggal sa kondisyong ito, ngunit may mga programang medikal na makakatulong para maibsan ang pananakit at makatulong sa mga sintomas.

May mga opsiyong medical at surgical para mabawasan ang mga sintomas at mapigil ang ibang malalang komplikasyon, katulad ng Laparoscopy. Iba-iba rin ang pisikal na reaksiyon ng katawan sa bawat tao, kaya’t tanging ang doktor ang makakatulong at makakapagsabi kung ano ang pinakamabuti at mabisa para sa pasyente.

May mga gamot para sa sakit, hormonal therapy, hormonal contraceptives (upang mapigil ang paglago ng endometrial tissue), birth control pills, patches, at vaginal rings, para maibsan ang pananakit.

Mayroon ding medroxyprogesterone (Depo-Provera) injection para mapigil ang pagreregla at matigil ang paglago ng endometrial implants at maibsan ang pananakit. Ang problema lang dito ay ang epekto nito sa buto, sa timbang (may posibilidad ng weight gain), at depression.

Ang hysterectomy ang sinasabing huling paraan na nirerekumenda ng ibang doktor. Ito ay para sa mga higit na malalang kaso, dahil dito tatanggalin na ang uterus at cervix, pati ang obaryo. Ito ay ipinapayo lamang kapag ang buhay ng pasyente ay nasa higit na panganib na dahil sa mga komplikasyon. Kapag ito ay ipinayo na ng doktor, kakailanganing humingi ng pangalawang opinyon o kumunsulta sa iba pang espesyalista para lamang makita kung wala na nga bang ibang paraan.

Natural na paggamot

May mga natural na paraan na ngayon para matulungan ang isang pasyente na mabawasan o maibsan ang mga sintomas. Hindi ito tuluyang makakagamot, ngunit ang pagbabago ng lifestyle at kinakain natin ay makakatulong sa sakit na iniinda.

1. Bawasan ang kemikal sa katawan. Iwasan ang pagkain ng taba lalo na ang high-fat dairy, red meat, at ibang isda. Piliing kumain ng prutas at gulay.
2. Gulay at flaxseeds ang ipalit. Kumain ng celery, parsley, broccoli, cauliflower, cabbage, kale, Brussels sprouts, at bok choy dahil mayroon itong indoles, na tumutulong sa estrogen metabolism. Ang flaxseeds ay mayaman sa lignans at fiber, na makakatulong din sa problema sa estrogen.
3. Ang Progesterone Cream ay nakakatulong sa pagbagal ng pagdami o paglago ng abnormal endometrial tissue, at nakakatulong maibsan ang pananakit. Pinapahid ito sa wrists, braso, balakang, at dibdib. Hingin ang propesyonal na payo ng doktor tungkol sa dosage, o bago ito gamitin.
4. Kumain ng pagkaing may Omega-3 Fatty Acids tulad ng salmon, mackerel, sardines, at anchovies. May mga fish oil capsules din na maaaring inumin. Nakakapagpabagal din ito ng paglago ng endometrial tissue.
5. Iwasan ang stress. May mga alternatibong bitamina na nirerekumenda para mabawasan ang labis na stress, tulad ng Ashwagandha, B vitamins, Vitamin C, Zinc at Magnesium. Pinapayo din ng mga eksperto ang Relaxation Response, Mindfulness Meditation at Diaphragmatic Breathing.
6. Hydrotherapy o pag-upo/pagbabad sa mainit at malamig na tubig, sa loob ng tigtatlong minuto.
7. Ang Ginger Tea ay nakakatulong sa pagkahilo o nausea, na sintomas ng endometriosis.

Ang natural at alternatibong paraan na ito ay kailangang may payo at basbas pa din ng doktor.

Walang lubos na paggamot para sa endometriosis na tuluyang makakatanggal nito. Ngunit hindi kailangang tumigil ang buhay dahil may ganitong sakit na hinaharap.

May mga epektibong paraan para maibsan ang pananakit at makapagtuloy pa rin sa araw-araw na gawain. Kailangan lang magpatingin at kumunsulta agad sa doktor para matulungan ng maagap.

sources: The effects of dietary phytoestrogens on aromatase activity in human endometrial stromal cells nina Edmunds KM, Holloway AC et. al., Healthline.com, The Doctor Will See You Now: Recognizing and Treating Endometriosis ni Tamer Seckin, MD

BASAHIN: Mga Pangunahing problema sa fertility

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner