Kamakailan lang ay ibinahagi ng superstar na si Beyoncé na siya ay nagkaroon ng preeclampsia noong huli niyang pagbubuntis. Dahil dito napilitan siyang magpahinga ng isang buwan at sumailalim sa isang C-section upang manganak. Ngunit ano ang preeclampsia, at paano ito maiiwasan?
Dapat bang mag-aalala ang mga inang magkaroon nito? Ating alamin kung bakit ito nangyayari at ano ang puwedeng gawin ng mga ina tungkol dito.
Source: Instagram
Ano ang preeclampsia?
Ang preeclampsia, na tinatawag ring toxemia, ay isang kondisyon sa mga nagbubuntis kung saan tumataas ang kanilang blood pressure, at nagkakaproblema sa ibang bahagi ng katawan. Kadalasan apektado rin ang atay at ang kidneys o bato.
Ito ay lumalabas sa ika-20 na linggo ng pagbubuntis sa mga babaeng may normal blood pressure.
Mahalagang alam ng mga ina kung ano ang preeclampsia dahil kapag napabayaan, malaki ang posibilidad na maging nakamamatay para sa ina at sanggol ang preeclampsia. Kadalasan, panganganak lamang ang solusyon sa preeclampsia. At minsan, kahit nakapanganak na ang isang ina, hindi pa rin nawawala ang mga sintomas.
Mas mahirap kapag maaga nagkaroon ng preeclampsia ang isang ina, at hindi pa ligtas ipanganak ang sanggol. Ito ay dahil kailangan pa ng baby ng panahon upang lumaki, pero kapag pinatagal, mas nagiging mapanganib ang pagbubuntis para sa inyong dalawa.
Ano ang sintomas nito?
Source: Wikimedia
May mga pagkakataon na hindi agad-agad nagpapakita ang sintomas ng preeclampsia. Minsan mabagal ang pag-akyat ng blood pressure, at minsan naman bigla-bigla na lang itong aakyat. Kaya mahalagang subaybayan mo ang iyong blood pressure habang nagdadalang-tao.
Heto pa ang ilang posibleng sintomas ng preeclampsia:
- kidney problems, o sobrang protein sa ihi (proteinuria)
- matinding sakit ng ulo
- problema sa mata, o pagiging sensitibo sa ilaw
- sakit sa may tiyan, madalas sa bandang kanan ng mga buto-buto
- pagsusuka at pagkahilo
- nababawasan ang pag-ihi
- mababang platelet count
- problema sa atay
- nahihirapang huminga, dahil sa tubig sa baga
Kasama rin ang biglang pagbigat ng timbang, at pamamanas sa posibleng sintomas ng preeclampsia. Pero madalas ay nangyayari rin ito sa mga regular na pagbubuntis. Kaya’t mabuting magpakonsulta pa rin sa doktor kung sa tingin mo ikaw ay may preeclampsia.
Mahalaga ang pagbisita sa doktor dahil hindi lang ang kalusugan ni baby ang kanilang inaalagaan, ngunit pati na rin ang iyong kalusugan. Kailangang tutukan mong mabuti ang iyong kalagayan, lalo na kung ito ang una mong pagbubuntis.
Ano ang sanhi nito?
Ayon sa mga eksperto, ang sanhi ng preeclampsia ay dahil sa maraming bagay. Pero sabi nila na ito raw ay nagmumula sa placenta, o ang bahagi ng katawan na nagbibigay ng nutrisyon sa fetus.
Sa simula ng pagbubuntis, nagkakaroon ng mga bagong blood vessel ang katawan upang magdala ng dugo sa placenta.
Ngunit sa mga inang may preeclampsia, hindi nabuo ng maayos ang mga blood vessels na ito. Kadalasan rin ay maliit ang lagusan ng mga ito, kaya’t nahihirapang dumaloy ang dugo patungo sa placenta.
Nangyayari ito kapag kulang ang dugo sa uterus, nasira ang mga blood vessels, may problema sa immune system, o kaya ay epekto ng genes ng tao.
Heto pa ang ilang mga risk factors pagdating sa preeclampsia:
- history sa pamilya ng preeclampsia
- pagkakaroon ng high blood
- unang pagbubuntis
- kapag unang pagbubuntis sa bagong partner
- edad na 40 o pataas
- obesity, o pagkakaroon ng mabigat na timbang
- pagkakaroon ng kambal, triplets, at higit pa
- agwat na mas maiksi sa 2 taon, o higit sa 10 taon ng pagbubuntis
- pagbubuntis sa pamamagitan ng in vitro fertilization
Ano ang posibleng maging epekto ng preeclampsia?
Kapag mas malala at mas maaga ang preeclampsia, mas masama ang nagiging epekto nito sa sanggol. Kadalasan kinakailangan ng induced labor at C-section upang manganak ang may mga preeclampsia.
Heto ang mga posibleng maging komplikasyon na epekto ng preeclampsia:
- fetal growth restriction o mabagal na paglaki at pagdevelop ng fetus
- premature birth
- placental abruption o ang paghiwalay ng placenta sa uterus ng babae
- HELLP syndrome – o hemolysis, elevated liver enzymes, at low platelet count
- eclampsia, o ang pagkakaroon ng preeclampsia na mayroong seizure
- organ damage at cardiovascular disease
Paano maiiwsan ang preeclampsia?
Ngayong alam niyo na kung ano ang preeclampsia, mahalagang malaman niyo rin kung paano ito maiiwasan. Heto ang ilang mga tips upang makaiwas sa kondisyong ito:
- pag-inom ng aspirin
- calcium supplements
Bukod dito, walang siguradong paraan upang makaiwas sa preeclampsia. Kaya’t ang pinakamabuting gawin ay alagaan ang iyong kalusugan, at madalas magpakonsulta sa doktor habang ikaw ay nagdadalang-tao.
Sources: Mayo Clinic, Independent
Basahin: Preeclampsia at iba pang panganib sa panganganak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!