Nakakaramdam ka ba ng maliit na bukol o maga sa likod ng iyong tenga? Maaring mayroon kang kulani. Alamin kung ano ito at ang mga sintomas na dapat bantayan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang kulani?
- Sintomas ng kulani
- Delikado ba ang kulani?
- Kulani sa singit, kulani sa tenga, kulani sa pwet – ano ang ibig sabihin nito?
Kapag ikaw ay nagkakasakit o mayroong nilalabanang impeksyon sa katawan, napapansin mo ba na parang mayroon kang maliit na bukol sa likod ng iyong tenga, o minsan naman ay mayroon kang nakakapang maliit na umbok sa iyong singit? Posibleng mayroon kang kulani.
Marahil ay narinig mo na ang salitang ito mula sa iyong doktor, kapag kinakapa niya ang likod ng iyong tenga. Pero ano nga ba ang kulani at ano ang sanhi nito?
Kulani in English
Ang kulani o lymph nodes at lymph glands sa wikang Ingles ay importante sa paglaban ng katawan sa impeksiyon. Ito ay nagiging salaan ng mga virus at bacteria bago pa makarating ang impeksiyon sa ibang bahagi ng katawan. Kadalasang makikita o mapapansin ang mga kulani sa mga sumusunod na bahagi ng ating katawan:
- may batok o bandang leeg
- ilalim ng baba
- kili-kili
- singit
Ang mga ito ay binubuo ng white blood cells, na siyang responsable sa pagpuksa ng mga foreign organisms sa katawan. Gaya ng nabanggit, kapag may virus o bacteria na gustong pumasok sa ating katawan, ang ating lymphatic system ang unang lumalaban rito.
Habang nilalabanan nito ang infection o sakit, maaring magkaroon ng dumi, bacteria o dead cells sa ating lymph nodes, dahilan para mamaga ang kulani.
Kulani: Sintomas at sanhi ng mga swollen lymph nodes | Image from Unsplash
Mga sanhi ng pagkakaroon ng kulani
Ang mga lymph nodes ay hiwa-hiwalay na grupo na may kanya-kanyang sinasala na parte ng katawan. Kapag nakita ang lokasyon ng kulani ay makakatulong upang ituro ang impeksiyon na nagiging dahilan nito. Pinakamadalas na sanhi ng kulani ay impeksiyon, lalo na viral infection, tulad ng sipon.
Ano nga ba ang ibig-sabihin kung ang iyong kulani ay matatagpuan sa isang bahagi ng katawan? Alamin natin.
Kung ang pamamaga ng kulani ay matatagpuan sa likod ng tainga, sa ilalim ng tainga o bandang panga o leeg, maaring mayroon kang nilalabanang impeksyon na may kinalaman sa iyong respiratory system at mayroon kang sipon, ubo o sore throat. Posible rin na mayroon kang ear infection o toothache kaya nakakaramdam ng pamamaga ng kulani.
-
Kulani sa hita o kulani sa singit dahilan
Kung ang kulani mo naman ay nasa bandang hita o singit, maaring ang infection ay nanggagaling sa iyong paa, hita, singit at maging genital area. Pwede itong dahil sa fungal infection, jock itch o hadhad, sexually transmitted infections o kaya matinding skin infection gaya ng cellulitis.
Gaya ng kulani sa bandang tenga o leeg, ang kulani sa kili-kili ay posiblang may kinalaman sa viral infections tulad ng flu o trangkaso, at mononucleosis, subalit puwede rin itong maging sintomas ng mas nakakabahalang sakit gaya ng cellulitis, lyme disease at maging cancer.
Mga sakit na nagdudulot ng kulani
Anu-ano ba ang mga sakit na pwedeng magdulot ng pamamaga ng kulani? Narito ang ilan sa kanila:
Impeksyon na karaniwang sanhi ng kulani
- Strep throat
- Tigdas
- Impeksiyon sa tenga
- Impeksiyon sa ngipin
- Mononucleosis
- Impeksiyon sa balat at sugat, tulad ng cellulitis
- Human immunodeficiency virus (HIV) – ang virus na nagiging sanhi ng AIDS
Bihirang mga impeksiyon
- Tuberculosis
- Ibang sexually transmitted na impeksiyon, tulad ng syphilis
- Toxoplasmosis – Parasitic na impeksiyon na nakukuha sa pagdikit sa dumi ng pusang may impeksiyon o pagkain ng hilaw na karne.
- Cat scratch fever – Bacterial na impeksiyon mula sa kalmot o kagat ng pusa
Sakit sa immune system
- Lupus – Sakit na tumitira sa mga kasukasuhan, balat, bato, blood cells, puso at baga.
- Rheumatoid arthritis – Sakit na tumitira sa tissue at pagitan ng mga buto.
Cancer
- Lymphoma – Cancer na nagsisimula sa lymphatic system.
- Leukemia – Cancer sa blood-forming tissue ng katawan tulad ng bone marrow at lymphatic system.
- Iba pang cancer na kumalat na papuntang lymphatic system.
- Maaari, ngunit bihira, maging sanhi ang pag-inom ibang gamot tulad ng anti-seizure medication phenytoin at gamot panlaban sa malaria.
Kulani: Sintomas at sanhi ng mga swollen lymph nodes | Image from Freepik
Sintomas ng kulani
Ang pagkakaroon ng kulani ay isang senyales na may problema ang isang bahagi ng katawan. Sa pagmaga ng lymph nodes, mapapansin ang:
- Pagsakit ng lugar kung nasaan ang kulani
- Pamamaga na kasing laki ng munggo o mas malaki pa
Maaaring may iba pang sintomas depende sa nilalabanan na impeksiyon ng katawan tulad ng:
- Sipon, masakit na lalamunan, lagnat, o iba pang senyales ng problema sa baga
- Pagmaga ng lymph nodes sa maraming parte ng katawan na maaaring senyales ng impeksiyon tulad ng HIV o mononucleosis, o immune disorder tulad ng lupus o rheumatoid arthreitis.
- Matigas na kulani na maaaring tumor
- Lagnat
- Pagpapawis
BASAHIN:
Inakalang kulani, paunang sintomas na pala ng cancer sa bata
Kulani sa leeg: Sintomas nga ba ng mas malalang sakit?
Tigdas hangin: Ano at paano maiiwasan ang sakit na ito?
Delikado ba ito?
Ang namamagang kulani ay hindi delikado, ayon kay Dr. Piedad, isang doktor. Bagkus ay senyales pa nga na protektado ang ating katawan. Ito ang unang pandepensa ng katawan laban sa mga impeksiyon.
Sa madaling salita, sa unang senyales ng bacteria o virus sa katawan, hinaharang at kinukulong kaagad ito ng lymph nodes kaya’t namamaga ito, dagdag na paliwanag ni Apple Tagatha, RN, isang registered school nurse.
Kapag namaga ang isa o ilan rito, ibig sabihin ay may karamdaman ang katawan o may virus, tulad ng sipon o common cold, o kaya ay may impeksiyon sa ngipin o gums.
Mga posibleng komplikasyon ng kulani
Kung ang impeksiyon na sanhi ng kulani ay hindi nagamot, maaaring mangyari ang mga komplikasyon na:
- Pagkakaroon ng nana – Ang mga nana na ito ay may laman na likido, white blood cells, patay na tissue, at bacteria. Maaaring kailanganin itong alisan ng laman at inuman ng antibiotic.
- Bloodstream infection (bacteremia) – Ang impeksiyon dahil sa bacteria kahit saan sa katawan ay maaaring maging sepsis, isang malalang impeksiyon sa daluyan ng dugo. Kakailanganin ang pasyente nito ma-hospital at maturukan ng antibiotics.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor
Ang kulani ay kusang gumagaling kapag ang nilalabanan na impeksiyon nito ay gumaling na. Kaya naman mahalaga pa rin na bantayan ang iba pang sintomas na kasabay upang malaman kung ano talaga ang posibleng sanhi ng kulani. Samantala, pumunta na agad sa doktor kung:
- Namaga ng walang kadahilanan
- Tuloy-tuloy ang paglaki at tumagal na nang dalawa hanggang apat na linggo
- Matigas at hindi gumagalaw paghinahawakan
- May kasamang lagnat, pagpapawis at pamamayat
- May kasamang hirap sa paglunok o paghinga
Samantala, upang maiwasan ang pamamaga ng kulani at pagkasira ng lymph nodes, ang pinakamainam na gawin ay ang palakasin ang iyong resistensiya at immune system sa pamamagitan ng pagkain nang tama, sapat na tulog at pahinga,. Kung mayroon kang nakakapang kulani, at sinasamahan pa ng sintomas na maaring magsabing mayroon kang sakit, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Source:
Mayo Clinic, WebMD, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!